Chapter 16: Winter

2214 Words
Eve "Hindi ko alam kung anong nangyari pero may gusto akong linawin sa inyong lahat..." sa wakas ay sabi ni Grace. "Ano 'yun?" "May problema tayo sa kaluluwa ni Edward sa katawang ito..." paglalahad niya. "A-ano?" "Gusto ko ring tanungin si Senior Matheo." Humarap siya kay Matheo. "Senior... bakit hindi mo sabihin kay Eve ngayon ang ginawa mo sa akin bago niya ako ginawang bampira?" Napakunot-noo ako dahil sa narinig. "Anong ibig sabihin ng sinabi mo? Hindi kita maintindihan. Magpaliwanag ka!" pagalit na sigaw ko. "Noong gabi na namulat ka, Eve... hindi ikaw ang totoong pumatay sa mga tao sa Gwangju. Hindi ikaw ang pumatay sa kanila kundi ang mga iniekperimentuhang bampira ni Senior. "Tama ka sa iyong hinala. Isa ngang Bernardine ang nagmamay-ari ng kaluluwang ito. Si Edward ay isang Bernardine na hinuli at pinag-eskperimentuhan lamang nang patago sa Gwangju. "Sa pagkakaalam ko, ako na lang ang natitirang tao na buhay doon na kinaya ang ekperimento ni Senior. Pero sobrang nasaktan ako nang malaman kong ako na lang ang natitirang buhay. Gustuhin ko mang kitilin ang buhay ko ngunit wala akong kakayahan na gawin iyon dahil isa akong Bernardine. Pero dumating ka, Eve... "Nakiusap ako sa'yo na paslangin ako, ngunit hindi mo iyon ibinigay. Sa halip ay binigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataong mabuhay. Ginawa mo iyon sa pag-aakala mong isang parusa para sa akin ang mabuhay nang matagal. Pero ang totoo niyan... nagpapasalamat ako sa'yo. Dahil nawala sa sistema ko ang pagiging isang Bernardine. Para sa akin, wala nang mas malupit na parusa kaysa ang maging isang Bernardine. Pinagsisisihan ko na naging Bernardine ako. "Kaya narito ako. Sinadya kong makipag-ugnayan kay Senior Matheo at matunton niya ako sa pamamagitan ng Porlomolla ni Grace. Sinadya ko ang lahat ng pangyayari dahil alam kong magiging mahirap para sa atin ang matunton ang kinalalagakan ng mga Bernardine. Ginamit ko ang pagkakataong ito para paslangin si Agnes," mahabang salaysay ni Grace. "Si Grace ay isang espesyal na kaluluwa. Isa siyang Ordinary na may kakaibang kakayahan katulad ng makakita ng kaluluwa at ang panatilihin ang diwa niya sa kanyang katawan. Nakikipag-agawan siya sa katawang ito. Ito ang problema na gusto kong ilahad sa inyo. Dalawang kaluluwa ang kasalukuyang nananahan sa katawang ito. Nararamdaman ko na nanghihina nang nanghihina ang katawang ito dahil sa katotohanang ito. Kaya kailangan kong pumunta sa California para mapalayas ang isa sa amin," dagdag pa niya. "Anong ibig mong sabihin sa pagpapalayas ng kaluluwa?" tanong naman ni Sky. "Kung natatandaan mo ang tradisyunal na pagpapalayas ng kaluluwa sa isang tao ng mga Ordinary noon. Ginagamit pa rin ito mapaghanggang ngayon kahit na kakaunti na lang ang mga tao. Sa kaso ko, ang tunay na invader ng katawan ay ang kaluluwa ng Zasek. Kaya gusto kong makipag-usap sa isang Exorcist sa California. Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng totoong Grace Ignacio. Gusto kong malaman ang dahilan kung bakit gusto niya pang manatili sa katawang ito," sagot niya. "Nakamamangha! Ngayon lang ako nakarinig ng ganito. Sa pagiging isang scientist ko, ngayon lang ako naka-encounter ng ganitong sitwasyon na may dalawang kaluluwa na nananahan sa iisang katawan na pinamumugaran din ng isang Zasek." Napaangat ng tingin si Matheo kay Grace at seryosong nakatingin. "Hanapin natin ang Exorcist na sinasabi mo, Grace..." **** California, USA Mula sa himpapawid ay natatanaw namin ang kabuuan ng California. Mula sa pagiging industrial state nito noong 1990 ay naging isang malawak na kagubatan ang hitsura nito nang maitatag ang Line Treaty. Sa lugar na ito ipinatapon ang ilan sa mga Western werewolves. Ang iba naman ay nanirahan sa malalamig na lugar tulad ng Antarctica at Oceania. Kinailangan naming lumapag sa malawak na lugar nang mabilisan dahil sa banta ng freezing sa himpapawid at maaaring magdulot ng sakuna sa Valkyrie 4654. Matapos makalapag ng eroplano sa malawak at bakanteng lupa na nababalutan ng nyebe ay mabilis din itong umalis. Nagdala kami ng malalaking bag na kakailanganin namin sa misyon. Kasama pa rin naming tatlo si Matheo. Sa pagkakataong ito, hindi muna namin pwedeng ilagay sa California ang iba pa naming agents dahil nasa loob kami ng isang unclaimed territory. Kapag nagkataon na nag-fail ang misyon, mauubos ang buong platoon ng Valkyrie. Makakapal na damit ang isinuot namin. Kahit sanay sa lamig ang tulad naming mga bampira ay hindi ibig sabihin na hindi na kami tinatablan nito. Madalas ay hindi namin namamalayan na nanghihina na kami dahil sa pagbaba ng temperatura namin. Kaya tulad ng mga mortal ay kailangan din namin ng pananggalang. Napalingon ako sa paligid. Habang humihinga ako ay nakikita ko ang usok na lumalabas mula sa aking bibig. Napakalayo pa ng mga kakahuyan na lalakarin namin. Kailangan naming bagalan ang paglalakbay upang hindi makatawag ng pansin sa mga taga-California. "Saan tayo magpapahinga? Masyadong obvious ang mga daan dito. Baka ma-corner tayo ng mga Rayka," tanong ni Sky na nasa likuran ko. Dahan-dahan na kaming naglalakad sa gilid kung saan may kakahuyan nang masisilungan. Napaupo ako at hinubad ang gloves na suot sa kanang kamay. Hinawakan ko ang lupa na napupuno ng nyebe. Napapikit ako at dinama ang paligid. Sa nakikita ko, matagal nang walang dumaraan na Rayka sa lugar na ito. May kung ano rito na tila kinatatakutan nila. Sobrang sakit ng ulo ko habang sinusubukan kong halungkatin ang alaala sa lugar na ito. Doon ako napasinghap nang may makita akong isant nakakatakot na nilalang. Agad na naputol ang alaala na nakita ko at napabitiw sa paghawak sa lupa. Lumapit sa akin si Sky nang may pag-aalala sa mukha. "Anong nakita mo? May problema ba?" Nagtaas-baba ang dibdib ko. May butil din ng pawis ang namumuo sa noo ko kahit sobrang lamig. Napaangat ako ng tingin sa kanya. "Kailangan na nating umalis dito sa lugar na ito. Mapanganib dito," babala ko sa kanila. "Anong mayro'n dito, Eve? Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Matheo. "Palagay ko, dito tayo inilapag ng Valkyrie dahil ito lang ang lugar kung saan walang presensya ng mga Rayka. Pero itong lugar na ito ang pinaka-nakakatakot sa lahat." "Itong lugar na ito... pamilyar ito sa akin..." bigla ay sambit ni Grace. Walang emosyon ang namumutawi sa kanyang labi. Nakatanaw lang siya sa malayo habang dinadama ang malamig na simoy ng hangin. "Pamilyar? Nakarating ka na ba rito, Grace?" tanong naman ni Sky sa kanya. "Noong nabubuhay pa si Edward. Naaalala ko pa. Noong hindi pa siya isang bampira." Nanlaki ang mga mata ko. "Ang ibig mong sabihin, matagal nang nakarating dito ang mga Bernardine? Sa paanong paraan? Akala ko ba'y takot ang mga mortal sa mga lobo? Sa paanong paraan sila nakatira rito?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Napangisi si Grace sa akin at bumalik ng tanaw sa malayo. "Ang mga Bernardine ang pinaka matandang lahi rito sa lupa. Dahil ang kanilang sinasamba ay mas matanda pa sa daigdig na ito. Mas nauna pa sila kaysa mga lobo," pagsisiwalat niya. "A-ano?!" "Ang mga Bernardine ay ang klase ng mga mortal na sumasamba at humihingi ng tulong mula sa kailaliman ng lupa, sa mga demonyo. Ang kanilang mahabang buhay at kapangyarihan ay nanggagaling sa mga ito. Sila rin ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga lobo sa mundo. Pinaparusahan ang sinuman na lumapastangan sa kanilang panginoon kung kaya't ang mga ito ay ginagawang taong-lobo. "Ngunit naging marami ang mga naparusahan kung kaya't kinatatakutan na sila. Kung hindi pa dumating ang mga bampira noon ay tiyak na magiging magulo ang mundong ito nang dahil sa mga lobo. "Sa katagalan, naging magkaaway ang mga lobo at mga Bernardine. Ngunit nang ipinatupad ang Line Treaty, nakaramdam ng kalapastanganan ang mga Bernardine at mga Rayka. Doon ay nagkasundo ang dalawang lahi na gumawa ng alyansa upang pabagsakin ang mga bampira. "Ngunit maraming mga Bernardine ang naloko ng sarili nilang pinuno. Isa na ako sa naloko noon. Inakala naming poprotektahan kaming lahat ni Agnes. Ngunit nagkamali ako. Ginamit lang niya ang mga tulad ko para ipalapa sa mga lobo. Dito niya kami ipinatapon. At kung hindi dahil sa House of Z ay matagal na akong patay. "Sumailalim kami sa isang eksperimento noon ni Senior Matheo Irving. Ang eksperimento na tanggalin sa aming katawan ang pagiging isang Bernardine. Ngunit marami sa amin ang namatay at hindi kinaya ang mga kemikal na itinuturok sa amin. Ayaw nila akong paniwalaan na ang aming lipi ay hindi isang natural na ebolusyon kundi nagbunga lamang dahil sa alyansa sa mga demonyo. "Ang aming pakikipagkasundo sa mga nilalang sa kadiliman ay hindi na pwedeng alisin kahit kailan. Napakahirap nitong mawala. Ngunit may paraan. Ito ay sa pamamagitan ng isang Exorcist," mahaba niyang kwento. "Exorcist?" pag-uulit ni Sky. "Ang exorcist ay makikita lamang sa rehiyon ng mga Ordinary. Sa Red Line. Kakaunti na lamang ang Exorcist sa mundo kung kaya't ilan sa kanila ay nagtatago dahil sa banta ng mga Bernardine," dagdag pa niya. "Ibig sabihin, mabisa talaga ang kapangyarihan nila? Bakit Ordinary pa rin ang tawag sa kanila?" tanong ko naman. "Ang alam ko noon ay tinatawag sila ng mga Bernardine bilang Remnants. Sinasabi ng ilan na ang mga Exorcist ay walang kapangyarihan. Nangagaling lang ang kapangyarihan na nagma-manifest sa kanila sa kanilang Diyos. Sinasabi na ang Diyos nilang ito ay ang matinding kaaway ng mga demonyo." "Saan matatagpuan ang ilan sa kanila?" "May kilala akong Exorcist na nagtatago sa rito sa California. Pero bago iyan, kailangan muna nating maghanap ng masisilungan," suhestiyon ni Grace. Napatayo ako at hinarap silang lahat. "Tara na..." paanyaya ko sabay dala ng bag at sandata ko na isinabit sa balikat. **** Gabi na nang makarating kami sa pinakapusod ng kagubatan. Maingat kaming naglakad na halos hindi na marinig ang pagyapak namin sa nyebe. Hindi nagtagal ay nakakita kami ng masisilungang kweba. Kaagad naming siniyasat ang loob. Siniguro naming walang Rayka na nasa loob. Nakahanda kami sa paghawak ng kanya-kanya naming mga baril. Lahat ay may silencer na nakakabit. May inilabas si Sky mula sa kanyang vest. Sa amoy pa lang ng bagay na iyon ay nasusuka na ako. Ang bagay na hawak niya ay Primrose. Isa ito sa halaman na nakakapanghina sa mga Rayka. Hindi ito nakamamatay ngunit kung masosobrahan sila sa ganito ay tiyak na ikamamatay nila kalaunan. Napatakip ako ng ilong. Ganoon din ang ginawa ng dalawa, maliban na lang kay Sky. Umabante siya at itinutok ang baril sa iba't ibang direksyon na kanyang mabalingan. Nang masigurong ligtas sa bandang iyon ay sinimulan niyang sindihan ang tuyong Primrose. Itinapon niya iyon sa malayo. Binalingan niya kaming lahat at tahimik na sumenyas sa amin. Pinayuko niya kami doon at pinaghintay. Nag-set siya ng timer sa kanyang android watch hanggang 20 seconds. Ito ang sapat na oras bago umepekto ang Primrose sa matatamaang Rayka. Naghintay kami nang naghintay. Maya-maya ay may narinig kaming isang kaluskos. Hindi na natatapos ang timer ngunit tumayo na si Sky. Tahimik naman kaming nakasunod sa kanya at nakaalerto sa paligid. Sinundan namin ang liwanag ng apoy na nagmumula sa Primrose. Ngunit nang papalapit na kami ay bigla itong namatay. Saglit na namayani sa paligid ang katahimikan. Pinakiramdaman ko ang paligid. Nang may maramdaman akong ibang presensya ay kaagad akong umasinta sa direksyon na iyon at nagpaputok. Walang tunog na lumabas mula sa aking baril ngunit may umungol sa sakit sa di-kalayuan. "Ngayon na, Sky!" utos ko sa aking katabi. Kumalat ang liwanag sa paligid nang maglabas si Sky ng ilaw. Ikinabit niya iyon sa pader ng kweba at doon namin nakita ang isang naghihingalong Rayka. Iyak ito nang iyak sa kanyang wolf form. Nakita kong may tama siya sa kanyang tiyan. Nakita kong unti-unti siyang nagbabago ng anyo ngunit mas mabilis na kumalat ang apoy sa kanyang katawan at ginawa siyang abo. Nagkatinginan kaming apat matapos naming masaksihan ang tagpong iyon. "Ligtas kaya tayo rito?" tanong ni Matheo. "Sa ngayon, wala tayong ibang pagpipilian kundi ang gamitin ang kweba na ito. Gagawa ako ng signal jammer sa labas. May posibilidad na magkagulo rin ang mga Rayka sa pag-locate ng kanilang mga kasamahan. Malas lang natin kung may mate ang isang 'yan. Dahil mabilis nila tayong matutunton at mapapatay," sabi ni Sky. Napabuntonghininga ako. "Kung gano'n, kailangan na nating maggayak." Nagsimula na kaming mag-set-up sa loob ng kweba. Inilagay na rin ni Sky ang Signal Jammer niya. Kumuha rin kami ng ilang kahoy upang itabon sa bunganga ng kweba. Naglagay rin kami ng ilang patibong sa paligid. Matapos niyon ay nagsipaghanda na kami sa pagpapahinga. Napatanaw ako sa labas habang nakaupo. Sumisilip sa mga ulap ang bilugang buwan sa kalangitan. Naramdaman ko na tumabi sa akin si Matheo. "Marami akong nalaman na hindi ko mapaniwalaan hanggang ngayon..." pagsisimula ko. "Alam ko. Alam kong galit ka sa akin ngayon dahil sa paglilihim ko sa'yo," aniya. Napaismid ako. "Wala naman akong magagawa kung maglilihim ka. Mas matagal kang nabuhay kaysa akin. 2nd generation ka. 3rd lang ako. Kung tutuusin ay mas alam mo kung paano magpalakad ng lahat ng bagay. Kaya siguro pinagkakatiwalaan ka rin ng taga-Trinity." "Ginawa ko lang ang alam kong makabubuti sa'yo. Alam mong pinoprotektahan ko ang katauhan mo mula sa Trinity dahil oras na malaman nila na ikaw ay si Aleyago, tiyak na papatayin ka nila at sa pagkakataong ito ay siaiguraduhin nilang hinding-hindi ka na mabubuhay pang muli..." Napangisi ako at napakuyom ng mga palad. "Bago nila magawa iyon, sisiguraduhin kong hindi lang buhay nila ang kukunin ko..." To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD