Chapter 7: Safe

2115 Words
House of Trinity – The main house of vampires that instills peace and harmony between vampires and humans. They are the royalty and the main government of the world. They are highly regarded house of vampires. ------ Eve Matapos ang mahabang paghihintay ay nakarating na rin kami sa Echizen. Pasado alas onse na kami nakarating ni Grace. Pagkalabas sa taxi ay binuklat kong muli ang mapa at hinanap ang susunod naming destinasyon. Napabuntonghininga ako at napalingon sa bata na tahimik lang na nakahawak sa kamay ko. Nakatanaw siya sa akin. "Hindi ako sanay sa lugar na 'to. Saan ang sa tingin mong tamang daan?" tanong ko sa kanya. Sa totoo lang, wala naman talaga akong inaasahan na maisasagot sa akin ang batang ito, pero nagbakasakali pa rin ako. Gusto ko nang tumunganga sa safe house at planuhin ang susunod na gagawin ko para makapunta sa California. Nagulat ako nang biglang bumitiw ng pagkakahawak sa akin si Grace. Matapos niyon ay naglakad na siya nang hindi ako nililingon. Napaismid ako sa tinuran niya. "Seryoso ba siya sa ginagawa niya?" tanong ko pa. Hindi nagtagal ay nagpasya na akong sundan siya kung saan man siya tutungo. Pumasok kami sa isang kainan. Napupuno ng mga Hapon na kumakain ng ramen at buhay na baby octopus ang lugar. Naaamoy ko ang pinaghalong lansa at amoy ng umami sa paligid. Sa loob ay nanatili lang akong nakatutok sa kanya habang binabaybay namin ang loob ng kainan. Malawak ang lugar na iyon at lahat ay abala sa pagkain nila. Medyo mainit sa loob kaya naging komportable ako. Napakalamig kasi sa labas. Sa loob, may mga lalaki na nag-iinuman. May mga babae rin na nagtatawanan at nagtsitsismisan. Hindi ko namalayan na nasa may dulo na kami ng kainan at ang pintuan na nasa dulo ay restricted na para sa mga outsiders. Nanlaki ang mga mata ko nang mapansin na wala na pala si Grace sa likuran ko. Napasinghap ako. Nagpalinga-linga. Nasaan na siya? Ilang beses akong nagpaikot-ikot doon pero wala akong makita ni anino ng bata. "Bwisit! Nasaan na siya? Bakit ngayon ka pa nawala?!" maktol ko habang paikot-ikot sa kinatatayuan ko. Nakita ko na nagtataka na ang mga tao sa ikinikilos ko. Pero wala akong pake. Kailangan kong mahanap si Grace. Hindi niya ako pwedeng pagtaguan. Kailangan ko pa siyang protektahan. Patuloy pa rin ako sa pag-ikot at pagsipat ng sulok ng bahaging iyon ng kainan para makita siya nang biglang may humila sa akin mula sa likuran. Hindi na ako nakapag-react pa at kaagad na akong nabuwal sa sahig. Pagkaangat ko ng tingin ay ang pinto sa dulo ng kainan ang nakita ko. Nasa loob ako ngayon? "Paanong...?" "Shh!" isang mahinang saway ang ginawa sa akin ni Grace. Nasa tabi ko siya habang naka-shades at nakatanggal ang face mask. Agad kong itinikom ang bibig ko gaya ng sabi niya. Maya-maya ay may narinig kaming malakas na kalabog sanhi para magpulasan ang mga tao na nasa labas. Narinig ko ang natatakot na tili ng kababaihan at sigaw ng isang lalaki. Sinundan ito ng sunod-sunod na putok ng baril. "Red Line Authorities Alert! Red Line Authorities Alert!" isang malakas na anunsyo mula sa labas. Ang tunog nito ay nanggagaling sa tunog ng isang megaphone. Habang nakikinig kami ni Grace ay bigla niya akong hinila sa braso. Tumakbo kami at tahimik na pumasok sa loob ng restricted area. Nasa loob kami ngayon ng kitchen area. Payuko akong tumatakbo habang sinusundan si Grace. Nakita naming nagugulumihan na rin ang mga empleyado sa loob at halos hindi na makagalaw dahil sa pagpapakita ng RLPA Soldiers sa dining area. Tahimik kaming lumipot sa likuran nila. Nakakita kami ng isang maliit na kwarto. Ang utility room. Kasing laki lang ng height ni Grace ang pinto ng utility room kaya kailangan kong yumuko bago makapasok sa loob. Mabilis at dahan-dahan kaming pumasok sa loob saka isinarado ang pinto. Wala akong ibang naririnig kundi ang hinihingal naming paghinga. Sa loob ay napakadilim at walang ilaw na mababanaag. "Anong plano mo ngayon, bata? Napapaligiran nila tayo..." pabulong na tanong ko sa aking katabi. "Shh..." Itinikom ko na lang ang bibig ko saka naghintay sa susunod na plano niya. Naririnig pa rin namin ang komosyon mula sa labas. Palagay ko'y hindi pa rin natitinag ang mga sundalo. Tiyak ako na kami ang hinahanap nila. Napatigil ako nang maramdamang hinawakan ako ni Grace sa aking palapulsuhan. Naramdaman kong balat niya ang mismong sumayad sa akin. Sa hindi malamang dahilan ay napasinghap ako nang may kakaibang enerhiya ang biglang dumaloy mula doon papunta sa aking katawan. Kasabay niyon ay ang pagkalat ng liwanag sa buong paligid... Isang litrato ang nakikita kong hawak ko sa aking kanang kamay. Sa kaliwa naman ay ang mahabang rifle. May ilang sundalo akong kasama at iniisa-isa nila ang mga tao na kumakain sa loob ng kainan. Nakikita ko sa kanilang mga mata ang takot at galit. May malaki silang pagtataka sa kung bakit maraming sundalo ang nandoroon at isa-isa silang tinitingnan. Ang hawak kong litrato ay ang nagpagimbal sa akin. Ang litrato ay naglalaman ng mukha ng isang tao. Ang mukha ko na nakasuot ng platoon uniform. Naroon din ang litrato ni Sky at ang iba pang miyembro ng Valkyrie. Maya-maya ay narinig ko ang isang tinig na nagmumula sa akin. Ngunit hindi ako ang nagsasalita. Iba ang boses na iyon. Bosea iyon ng isang lalaki. "Hanapin n'yo sila. Dalhin n'yo sila sa akin at ibibigay natin ang ulo nila sa hapag ng Trinity! Hindi pa sila nakakalayo. Nararamdaman ko ang kanilang presensya," anas ng tinig na iyon. Matapos niyang magbigay ng utos ay kaagad nang kumilos ang ibang sundalo para hanapin ako. Ang ibang sundalo ay nakapasok na sa loob ng kitchen area. Hinalughog nila ang buong lugar habang takot na takot na nakaabang sa isang sulok ang mga empleyado... Napasinghap ako at hingal na hingal dahil sa tagpong iyon. Nang libutin ko ang aking paningin ay may mumunting ilaw ang biglang lumitaw sa loob ng kwartong iyon. Nanggaling ang liwanag na iyon sa palad ni Grace. Nanlaki ang mga mata ko. "P-paanong..." "Shh!" Paano niya nagawang pailawin ang palad niya? Sa pagkakaalam ko ay si Sky lang ang may kakayahan na gumawa niyon dahil isa siyang Vaz Hollow. Ang batang ito... sino ba talaga siya? Bakit ganito kalakas ang kanyang kapangyarihan? Nakatingin lang ako sa kanya habang nakikita ko ang kabuuan ng kanyang mukha na ngayon ay nakadungaw sa akin. Doon ako napatigil nang makita ang kulay ng kanyang mata. Kulay puti ang kanyang mata at walang makikitang kahit na anong kulay. Nakabuka ang kanyang bibig at nagsimula siyang magsambit ng salita. "Captain? Ikaw ba 'yan?" Nanlaki ang mga mata ko. Boses iyon ni Sky! Pero paano niya iyon nagawa? Paanong sinasambit niya ang tinig na galing kay Sky? "S-Sky? I-ikaw ba 'yan?" nag-aalinlangan ko pang tanong. "Oo, Captain! Alam kong si Grace ang kasama mo ngayon. Sinadya kong makipag-ugnayan sa kanya sa pamamagitan ng mind-link. Makinig ka. Ilalabas ko kayo d'yan ngayon din. Siguraduhin mo lang na hindi kayo makikita ng mga taga-RLPA," tagubilin niya. Napatango ako. "Oo. Nakatago kami ngayon." "Mabuti. Gagawa ako ng portal papunta sa safe house. Kumapit kang mabuti..." Nagulat ako sa biglang paghawak sa akin ni Grace. Mahigpit ang kanyang pagkakahawak na tila si Sky ang humahawak sa akin. Sa isang iglap, naglaho ang madilim na paligid. Parang bumagal ang oras at nasaksihan ko kung paano nagliwanag ang buong paligid. Naging nakakabulag ang sandali na iyon hanggang sa nilamon kami ng liwanag. **** Pagkabukas ko ng mga mata ko ay ang mukha kaagad ni Grace ang nabungaran ko. Napataas ako ng kilay. "A-anong nangyari? Nasaan tayo?" tanong ko. "Mabuti naman at gising ka na." Boses iyon ni Sky. Nagliwanag ang mukha ko at agad na bumalikwas ng bangon. Natagpuan ko ang sarili na nakaupo sa isang bakal na platform. Ang paligid ay sementado. Wala ni isang bintana ang makikita. May dim na ilaw sa loob at ang ibang taga-Valkyrie Platoon ay naroon habang nakasuot ng pang-ilalim nilang damit. Nakita kong naghuhubad ng jacket si Lileth at Vorun. Nakita ko rin si Mr. Ignacio. Lahat sila ay nagpapahinga sa kani-kanilang mga upuan. Habang si Sky naman ay nakahalukipkip at nakaabang sa akin. "Sky?" "Welcome back, Captain!" pagbati niya sa akin habang ibinuka ang kanyang bisig na tila handa akong i-welcome doon at yakapin. "Paano mo nagawa 'yun?" Napakibit-balikat siya at itinuro ai Grace na tumakbo papunta aa kanyang ama. "Siya ang tanungin mo," utos pa niya. "Sa totoo lang, simula pa kahapon ay may naririnig na akong boses na sumusubok makipag-ugnayan sa utak ko. Hindi ko alam na si Grace pala iyon. "Ang nakakamangha pa nito ay alam niya talaga kung saan naka-locate ang safe house na ito. Nababasa rin niya ang isipan ko pero hindi ko alam kung paano niya iyon nagagawa. Hindi ba't Vaz Hollow lang ang nakakagawa ng mind-link? Zasek ba talaga si Grace o ibang lahi?" nagtatakang tanong ni Sky habang nakahawak sa baba. Napaismid ako. "Wala pang ibang bampira na may kaluluwa bukod sa Zasek, Sky. Nabasa ko ang nakaraan niya at nakita ko na ang lead sa pagkatao niya. Alam kong may kalukuwa siya. Ang mga Zasek ay may kanya-kanyang katangian na naiiba sa bawat isa sa amin. Iba ang abilidad ko kaya alam kong iba rin ang kay Grace. Iyon lang, hanggang hindi pa siya umaabot sa last maturity stage niya ay hindi natin malalaman kung anong klaseng abilidad ang mayroon siya." Napalingon ako kay Grace habang nakahalukipkip. "Sa ngayon, kailangan muna nating masiguro na ligtas tayo rito sa Echizen. Napapaligiran na tayo ng House of Z. Hindi magtatagal ay malalaman nila na nandito lang tayo sa paligid." "Ligtas tayo rito. Ito lang ang lugar sa Echizen ang hindi nata-track ng RLPA o ng kahit na anong government agency sa mundo. May jamming signal din tayong nakahanda sakaling may mangyari. By the way, nasa pinakailalim tayo ng safe house. Ang ibabaw nito ay simpleng bahay ng isang senior citizen couple. Puro pananim ang paligid ng bahay at nasa ilalim tayo ngayon ng lumang balon," mahabang imporma ni Lileth. "Okay. So, ligtas ba tayong makakagamit ng computer?" iyon ang huling tanong ko sa kanila bago sila tumingin sa akin nang may ngiti sa labi. **** Pumasok ako sa isang maliit na silid. May kama roon na nakadikit sa semento. Puting kumot, unan, at sapin. Hinubad ko ang uniporme ko at ang natira na lang ay ang pang-ilalim ko na white body-fit spaghetti strap blouse. Napuno na ako ng alikabok. Maliligo na lang ako maya-maya. Napatigil lang ako sa paghuhubad nang maalala ko ang nangyari kanina sa loob ng utility room. Sigurado talaga akong kapangyarihan iyon ni Grace. Nakita ko kung paano iyon gumana. Naramdaman ko ang emosyon ng lalaki na nagsasalita habang hawak ang litrato namin na taga-Valkyrie. Pati ang paligid niya ay nakikita ko rin. At alam kong nangyayari rin iyon habang kami ay nagtatago sa loob ng maliit na kwarto. Pero, iyong makipag-ugnayan kay Sky ang hindi ko maintindihan. Posible kayang ang isang Zasek ay makakakuha ng abilidad ng isang Vaz Hollow? Pero ang bawat abilidad na iniatas sa isang Zasek ay nangyayari lamang ayon sa IQ ng unang espiritu na naging Zasek. Kung ako ay ang pangalawang sisidlan ni Aleyago at matagal na niyang kapangyarihan ang makabasa ng nakaraan, ang kay Grace ay isang special case. Ayon sa pag-aaral ng National Black Line Vampire Studies, ang mga blood transfusional Zasek ay ang mga special case ng paraan ng pagdami ng lipi. Ang abilidad ng original blood donor ay maipapasa ang 1/4 na ability sa receiver at magpu-fuse sa original ability ng isang mortal o nilalang na hindi bampira tulad ng Domon, Rayka, Ordinary, Bernardine, at Almerdine. Kung ang receiver ay may nauna nang kakayahan bukod sa maipapasang abilidad sa kanya, ang orihinal na kakayahan ay mas magiging malakas at ang magiging dominant ability ng isang Blood Transfused Zasek. Sa madaling salita, may posibilidad na ang napagpasahan ko ng dugo ay hindi basta-bastang mortal, kundi isang malakas na nilalang. Panigurado akong hindi siya isang Domon o Rayka. Mahina siyang nilalang at nakasuot ng hospital attire na para sa isang pasyente noong huli ko siyang makita. May benda siya sa kanyang ulo at nanlalalim ang mga mata. Sa paanong paraan siya naging isang makapangyarihang tao? Kung gayon, hindi ko siya maaaring tawaging Ordinary. Nasa dalawa lang na pagpipilian ang kanyang tunay na pinanggalingan. Maaaring siya ay isang Bernardine o isang Almerdine. "Grace... sino ka ba talaga? Bakit naipapamalas mo na kaagad ang kapangyarihan mo sa ikatlong araw ng maturity stage mo? Ano ba talaga ang tawag sa'yo no'ng tao pa lang ang nagmamay-ari ng kaluluwa mo?" tanong ko sa aking sarili. To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD