If a lie could suffice a million deaths,
One truth to suffice a trillion lives,
What can immortality do to those who wish they haven't gotten it?
A neverending curse would mean to die over and over
And to suffer over and over.
-Vampires
---------------------
Eve
Natatandaan ko ang bawat araw sa buhay ni Aleyago. Natatandaan ko ang lahat pati na ang pakiramdam na iyon.
Sa unang buhay ko, naramdaman ko ang pakiramdam na maipagtabuyan at itapon sa malayong lugar ng sarili kong magulang. Naramdaman ko ang kamuhian ng lahat at ang marinig at masaksihan ang pagplano nila na ako'y paslangin. Natatandaan ko ang bawat masasakit na salita na natanggap niya.
Natatandaan ko ang sumpa na ipinataw sa akin. At alam kong hanggang ngayon ay ito pa rin ang nakakabit sa kaluluwa ko.
Ang sumpa na ito ay ang walang hanggan na hidwaan ni Aleyago at ng mga Rayka.
Ngunit may pagkakamaling nagawa si Aleyago na inakala niyang makapagpatigil sa digmaan. Umibig siya sa isang lobo. Umibig siya sa isang Rayka na si Zailo Hiroino.
Si Zailo ay isang lobo na taga-Asya. Siya ang ika-anim na pinuno ng mga Rayka. Noong dumating sa daigdig si Aleyago ay alam ng mga tao na nabubuhay ang mga Rayka.
Iniligtas ni Aleyago ang mga mortal mula kay Zailo. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay umibig si Aleyago sa kanya at ganoon din si Zailo sa kanya.
Ngunit, tulad ng sinabi ng tadhana kay Aleyago, ang pag-iibigan nila ay may malaking kapalit...
****
Napasinghap ako at habol-hiningang napatitig kay Grace. Ang mahigpit na paghawak niya sa braso ko ay unti-unting lumuwag. Ang kanyang mga mata na nabalot ng puti ay bumalik na sa normal niyang kulay.
Gulat din siyang nakatingin sa akin. Ang kanyang mga mata ay nagpakita ng pagkatakot. "E-Eve..."
"A-anong nakita mo?" mahina kong tanong.
Bumuka ang bibig ni Grace ngunit walang salita ang lumabas mula doon. Luminga-linga siya sa paligid. Napatigil lang siya nang makita ang papel sa tabi niya kung saan ay may ginuhit siya.
Nakita ko ang pagnginig ng kanyang kamay habang nakatitig sa papel na iyon. Takot na takot siya. "J-Jinro..."
"Sabihin mo... bakit 'yan ang sinulat mo? Anong mayro'n sa mga lobo?"
Napailing siya at tumingin sa akin. "S-saka ko na ipapaliwanag." Nilahad niya ang kanyang kanang kamay at ginalaw ang mga daliri bilang isang imbitasyon. "Akin na ang gloves," utos niya.
Saglit akong napatitig sa kanya. Naguguluhan man ako ay hindi ko pwedeng pilitin si Grace. Nagpasya akong iabot sa kanya ang gloves at hinintay siyang isuot ang mga ito nang maayos.
Matapos niyon ay humarap siyang muli sa akin. Inangat niya ang kanyang dalawang kamay at sinubukang hawakan ang braso ko.
Pinagmamasdan ko lang siya at pinag-aaralan ang kanyang ekspresyon. Ngunit wala akong nakitang kakaiba bukod sa pagkunot ng kanyang noo.
"May nakikita ka pa rin ba?" tanong ko.
Napailing si Grace. "Wala. Sa tingin ko ay effective ang gloves na 'to." Napangiti siya nang alanganin at hindi tumitingin sa mga mata ko.
"Pero... 'yung nakita mo kanina... pwede bang--"
"Jinro... p-pangalan lang iyon ng isang Ordinary na nakasalamuha natin sa loob ng kainan habang papunta tayo rito sa Safe House. Iyon ang pangalan niya. Iyon lang iyon," nauutal na sagot niya.
"Pero may sinabi ka kanina. Parang nanghihingi pa siya ng tulong ngayon."
"Nahuli lang siya ng mga taga-RLPA. P-patay na siya..."
Napapikit ako at naihilamos ang kamay ko sa aking mukha. Ganito pala ang pakiramdam na makita ang isang nilalang na namamatay kahit na nasa malayo ito. Napakasaklap at nakakatuliro. "Sigurado ka ba?" tanong ko pang muli habang nag-angat ng tingin.
Napayuko siya at tumango nang mahina. "S-sigurado ako." Tumikhim siya pagkaraan ng ilang sandali. "Hayaan mo na 'yun. Ang mahalaga ay alam na natin kung paano makokontrol ang kapangyarihan ko," pag-iiba niya bigla. "Tama ka. Nakakapanghina nga ang gamitin ang kapangyarihan natin. Ngayon pa lang ay gusto ko nang magpahinga."
Napatawa ako nang mahina at napailing. "Gugustuhin mo pa rin bang matuto kung alam mong ginagamit lang kita? Alam mong kaya kita pinapagod sa training ay dahil kailangan kita para mahanap ang kapatid ko. Gusto mo pa rin bang tumuloy?"
Napaiwas si Grace ng tingin at napabuntonghininga. "Tulad mo, may dahilan din ako kung bakit gusto kong matuto. Did it ever cross your mind that I might be the one who is using you?" tanong niya sa napakapilyang ngiti.
Napangisi ako. "Kung ano man iyan, wala akong pakialam. Ang mahalaga matutulungan mo ako sa paghahanap kay Ranny. Napakamakasarili ko, hindi ba?" natatawang tanong ko.
Napangiti naman siya. "Napaka-selfless mo nga. Dahil kung tutuusin, hindi ko tunay na kapatid si Ranny pero gusto mo siyang sagipin. Minsan, naiisip ko, kung malalagay sa panganib ang dalawa ko pang kapatid, ganyan din kaya ang gagawin ko? Ang totoo... hindi ko rin alam ang sagot. Pakiramdam ko kasi ay nag-iisa lang ako sa mundo pero may kung ano rito sa puso ko na nagsasabi na gusto kong protektahan ang pamilya ko kahit na hindi ako ang tunay nilang anak," mahaba niyang salaysay.
Napangiti ako. May kung ano sa mata ko na nagpalabo sa paningin ko. Nagbabadya na naman ang luha sa pagbagsak. Hindi ko dapat ito nararamdaman dahil isa akong bampira pero sa tuwing maaalala ko ang aking nakaraan ay hindi ko mapigilang maging emosyonal. Pagkakuwan ay inangat ko ang kamay ko at bahagyang hinaplos-haplos ang ulo niya. "Magpasalamat ka dahil nasilayan mo pa sila. Nagpapasalamat ako at hindi ka nagaya sa akin. Ni anino ng mga magulang na nagluwal sa akin ay hindi ko nakita. Pero sa alaala ko, alam kong ako ang pumaslang sa kanila. Sa kanilang lahat..."
****
Pagkaraan ang ilang oras ay lumabas na kami ni Grace mula sa kwarto ko. Sinalubong kami ng inip na mukha ni Sky. Nakahalukipkip siya habang nakakunot ang noo.
Napangisi ako sa kanya at malakas na tinapik sa balikat ang bagong dating. "Tapos na kami. Pasado na siya. Sa inyo naman siya at mamayang madaling araw ay may meeting tayong lahat..." paliwanag ko sa kanya na handa nang manakmal anumang oras. Sobra na kasi ang oras na ibinigay nila sa amin at nagahol na kami sa itinakda naming oras na dapat ay matatapos kami sa training.
Ilang oras na lang ang nalalabi at kailangan na naming umalis sa Safe House, kung hindi ay mahuhuli kaming lahat ng mga taga-House of Trinity.
Lalong nangunot ang noo ni Sky sa akin at nagpalipat-lipat ng tingin sa akin at kay Grace. "Alam mo ba kung ilang oras na lang ang natitira sa atin?"
Winagayway ko pa ang kamay ko sa mukha niya bilang pagsita. "Alam ko, Sky. 'Wag nang paulit ulit. Pwede naman niyang gamitin ang training niya kaagad, hindi ba?"
"Anong ibig mong sabihin?"
Napatingin ako sa relo ko. Nakita kong saktong nag-alas dose na nang hatinggabi. "Hmm... may isang oras na lang tayo para sa final training niya. Habang hinihintay 'yun, bakit hindi na kayo magligpit ng gamit?" suhestiyon ko. "Ah!" Napaturo ako kay Lea. "Vaz Mortal, tawagan mo ang mag-asawa sa itaas at papuntahin sila sa Osaka. May hinandang chopper si Tanda at susunduin niya ang dalawa. Ngayon mo na gawin. Hindi ko na uulitin ang sinabi ko," utos ko sa kanya saka bumaling kay Lileth.
"P-po?" pag-uulit ni Lea. Pero dahil hindi na ako muling nagsalita at kaagad nang napatango ang isa at sumunod sa utos ko.
"Lileth, dahil malapit na ang promotion mo bilang Captain, mas mabuting simulan mo na ang pagpapakitang gilas. Ikaw na ang bahala sa system. Inaasahan ko na walang leak na magaganap sa pag-alis natin. Naiintindihan mo ba?" utos ko naman kay Lileth.
"Ngayon na ba tayo aalis?"
"20 minutes lang. Time starts now," sabi ko pa sa kanya. "Vorun!"
"Yes, Captain!"
"Gamitan mo na ng magic ang lahat ng ebidensya rito," utos ko. "Zoren?"
"Yes, Captain!"
Napangisi ako sa kanya. "Alam mo na ang gagawin mo. Yabangan mo ako sa panibagong tricks mo."
Nakangiting tumango si Zoren at saka tumayo para simulan ang task niya.
Napabaling naman ang atensyon ko kay Sky. Nanatili pa rin siyang walang kaalam-alam sa mga nangyayari. Napapatawa tuloy ako sa napakainosente niyang mukha. "Sky..."
"Captain..."
"Palagi kang tumingin sa likuran ko. Naiintindihan mo ba?"
Napabuntonghininga siya at napabaling ang tingin sa iba. "Makakaasa ka kahit hindi ko alam kung ano ang binabalak mo..."
Napangisi akong muli. "Good..."
"Ako?" Itinuro pa ni Grace ang kanyang sarili. Halata sa mukha niya ang pagkasabik na mautusan. Gusto na niyang magamit ang mga natutuhan niya mula pa kahapon.
Napaismid naman ako at tinapik siya sa balikat. "Lahat ng itinuro namin sa'yo, ngayon mo gawin. Dahil kung hindi, lahat tayo ay mababaon nang buhay rito. Sa'yo nakasalalay ang kaligtasan namin. Naiintindihan mo ba?" mariin kong sabi sa kanya habang bumubulong.
"A-ako?"
Napangisi ako. "Tara na..."
Nagsimula na ang lahat sa pagdispatya ng mga gamit sa loob ng safe house. Inuna nila ang pagtanggal sa lahat ng gamit ni Grace.
Ang kakayahan ni Vorun bilang isang Vaz Hollow ang nagpadali ng lahat. Ang kakayahan niya ay ang kumontrol sa apoy at sa pagpapagalaw ng mga bagay. Mabilis lang ang lahat. Unti-unti niyang ginawang abo ang bawat gamit na kailangang dispatyahin. Pati ang pink cover sa pader ay sinunog na rin ni Vorun.
Natapos na rin kaagad si Lileth sa pag-delete ng files sa server na ginamit namin. Ayon sa kanya ay natapos na niya kahapon pa ang pagdispatya sa ibang files at ang pag-shutdown na lang ang kulang.
Si Zoren at Tupac naman ang nagtambal sa pagbabantay sa main door ng Safe House. Ang lagusan ay nasa pinaka-2nd floor ng Safe House. May bakal na ladder at de-pihit na hatch sa kisame. Ang labasan niyon ay ang abandonadong balon sa likod-bahay ng matatandang Ordinaries. Sa tulong ng kapangyarihan ni Zoren bilang isang Vaz Hollow na may kapangyarihan ng teleportation, isa-isa niyang nailipat ang mga bagay na importante sa loob ng sasakyan na nakabase sa Nagoya Airport. Subok ko na ang kapangyarihan ni Zoren dahil siya ang dahilan kung bakit bigla kaming nag-teleport sa loob ng Safe House habang kausap ko si Sky sa pamamagitan ni Grace.
Napatingin lang ako sa kanila matapos i-assemble ang automatic machine gun ko. Idinantay ko ito sa balikat ko habang nakahawak pa rin sa handle. "Tapos na ba kayong lahat?"
"Yes, Captain!" sigaw nila sa akin habang naka-salute.
Maya-maya ay tumunog ang radar monitor ni Sky. Lahat kami ay naalerto dahil doon. Napaangat siya ng tingin sa akin. May bilog-bilog na butil ng pawis ang kaagad na nag-unahan sa kanyang pisngi. "Wala na tayong oras," anas niya. Tumingin siya sa kanyang gilid at nakita ang nakaupong na si Zoren. Hinihingal na ito at nanginginig ang dalawang kamay. "Nanghihina na si Zoren. Hindi niya kakayanin na mailipat tayong lahat sa pinaglipatan niya ng mga gamit. Kailangan natin ng Plan B, Captain..." mungkahi niya na ikinatungo ko.
May panahon pa para mailipat ang mga kasamahan ko sa ibang lugar na mas malapit lang sa safe house. Naipaliwanag na ito ni Zoren sa akin. Kaya ni Zoren na tipirin ang kapangyarihan niya basta't ang paglilipatan ng mga bagay ay malapit lamang. Pero masyadong delikado kung isusugal ko ang natitirang lakas ni Zoren.
Ano ang pwede kong gawin ngayon para lahat kami ay maging ligtas?
Matagal akong nag-isip at nakaantabay ang lahat sa aking desisyon. Pati si Sky ay umaasa rin sa sasabihin ko.
Paano kung pumalpak ako? Paano kung dahil sa maling desisyon ko ay may masaktan na isa sa kanila? Hindi ko kaya iyon. Kahit na matagal na akong wala sa Valkyrie, mahalaga pa rin sa akin ang platoon na ito.
Matapos ng mahabang pag-iisip ay napaangat ako ng ulo at tiningnan silang lahat. "Makinig kayo ng lahat!" pagtawag ko sa atensyon nila. "Wala tayong ibang choice kundi ang lumabas sa bahay na ito nang walang nakakapansin. At para magawa iyon, kailangan natin ng tulong mula sa inyong lahat. Grace!" pagtawag ko sa nasa likuran ko.
"Po?"
"Hawakan mo ang radar phone ni Sky. Alamin mo kung nasaan na ang mga taga-House of Trinity. Bilis!" utos ko.
Kaagad na lumapit si Grace kay Sky. Saglit pa silang nagkatinginan bago niya inalis ang glove sa kanan niyang kamay. Bahagya siyang napasinghap. Pagkatapos niyon ay nag-iba ang kulay ng kanyang mga mata. Mula kulay brown ay naging puti ang mga iyon.
Maya-maya ay maririnig na namin ang isang hindi pamilyar na boses mula sa kanyang bibig.
"Sergeant, na-track namin ang signal mula sa location na ito sa Echizen. I think narito ang target natin," imporma ng boses na nanggaling sa bibig ni Grace. Boses ito ng isang lalaki. "Copy that, Sergeant. We will blow up the entire house. Wala pong actibity sa loob for 7 hours already. Should we proceed as planned? Shoot to kill with silver bullets?"
Kaagad na inilayo ni Sky ang Radar phone mula kay Grace. Napasinghap muli ang bagong silang na Zasek at nanumbalik ang kulay ng kanyang mata.
"Alright, team!" pagsisimula ko habang ikinukumpas sa ere ang aking kanang kamay. "Let's get out of here alive..."
To be continued...