Chapter 13: Trap

2324 Words
"The soul is glad The body suffers; The body delights No soul has been found, It's already dead By the time the body forgets to suffer." -Vampires ------------------------ Eve Isa-isa kaming tumakbo sa 2nd floor ng Safe House kung saan naka-locate ang hatch. Nauna sa amin si Sky na may dalang machine gun. Sumisenyas siya sa amin na nasa likuran niya. Kaming lahat ay nakasuot ng black uniform namin. Nakasuot din kami ng vests. Ang vest na ito ay dinisenyo para lamang sa mga vampire agents para makaiwas sa silver and wood bullets. Katabi ko sa pag-cover ay si Sky. Sa kaliwa ko naman ay si Grace. Sila Tupac at Vorun naman ay nasa kabilang side at nakahanda na sa paghawak sa kani-kanilang baril. Lumingon si Sky kay Tupac at tumango, hudyat para sa isang utos. Tumalima naman ang huli at umabante. Dahan-dahan at walang ingay siyang umakyat sa bakal na hagdan at unti-unting binuksan ang hatch sa kisame. Bahagya pang tumunog ang nagkiskisang bakal sa pagpihit ng hatch. Nang mabuksan ito ay dahan-dahang lumabas si Tupac. Sumenyas muna ang lalaki bago naglaho na parang bula. Si Tupac ay gumamit ng kanyang kapangyarihan na maging invisible. Pagkatapos niyon ay sabay sabay kaming napatingin sa aming android watch. Pinindot namin ang screen na nagsasabi ng enter. Kasabay niyon ay ang unti-unti naming paglaho. Lahat kami ay naging invisible. Ang mechanism ng android watch namin ay kaiba sa ibang ordinaryong wristwatch. May blood sample ni Tupac ang nasa loob nito. Kaya kung ano man ang ability niya ay masasakop kami sa mechanism na iyon. Ang android watch na ito ay tinatawag naming "Rilevare". Isang Italian na salita na ang ibig sabihin ay "take over". Ang mga vampire agent ng House of Trinity ay nakita naming papasok sa area ng bahay kung saan nakabase ang safe house. Nakalayo na kami sa balon at dahan-dahang nagtago sa lahat ng sulok ng lugar. May mga nagtago sa mga puno. Ang iba naman ay nakatayo lang at naghihintay sa susunod na galaw ng Trinity Agents. Nakita ko na nakatayo si Sky at Tupac malapit sa Captain ng Trinity. Nakahawak ng mga baril ang mga ito at alerto na nagpalipat-lipat ng tingin sa paligid. Maya-maya ay may narinig silang kaluskos sa damuhan. Lahat sila ay nagtutok ng baril sa iba't ibang direksyon kung saan nila narinig ang kaluskos. Nagsalubong na ang kanilang mga kilay. Ang isang malaking lalaki ay suminghot-singhot sa paligid. Napalingon siya sa babaeng katabi niya. "Nandirito sila!" anunsyo nila. Napalingon ako kay Sky na nasa tabi lang ng isang agent. Napatango siya sa akin. Akma sanang maglalakad palayo ang agent na iyon nang bigla siyang mapatigil. Halos malunod siya sa kanyang dugo na bigla na lang lumabas sa kanyang bunganga. Ilang beses pa siyang napaungol sa sakit at ang kanyang harapan ay unti-unting naglalabas ng dugo. Sa kabilang banda ay nakita ko si Sky na hawak ang isang silver dagger na ginamit niya para saktan ang Vampire Agent. Nang mawalan na ng buhay ito ay unti-unting nagbaga ang kanyang katawan at naging abo. Lumipad sa ere ang abo hanggang sa nawala na nang tuluyan ang katawan ng kanyang pinaslang. Dahil doon ay napalingon ang iba sa kanila. "Nasaan na si Agent Dun?" tanong ng isang bampira. "Ano? Kanina nandyan lang siya," sagot na ng isa. Napatigil ang captain nila at hinarap ang nasa likuran. "Magmatyag kayo. Nasa paligid lang sila..." utos niya. Humarap ulit siya sa harapan at ipinagpatuloy ang paglalakad. May panibagong mga ungol naman ang nanaig sa paligid. Sa pagkakataong iyon ay napalingon na ang captain. Nakita niya ang unti-unting pagbaga ng dalawa pa niyang vampire agents. Mabilis niyang pinaulanan ng bala ang direksyon na iyon. Ganoon din ang ginawa ng tatlo pang vampire agents na natira. Kaagad kaming nagpulasan at nagtago sa lugar na hindi kami matatamaan. Tumakbo ako patungo sa damuhan sa gilid ng mga agents na walang direksyon ang pagpapaulan ng bala. Doon ako umupo sa aking sakong habang ang isang paa ko ay nakatapak sa lupa. Napatingin ako sa gilid ko at nakita si Grace at Sky. Makahulugan nila akong tiningnan saka ako tumango. Dahan-dahan akong bumangon at humarap sa Trinity Agents. Napangisi ako habang matalim na nakatingin sa kanila. Tiningnan ko ang Rilevare ko at pinindot ang cancel. Unti-unti ay lumitaw ang aking pisikal na katawan. Unang lumitaw ay ang aking paa hanggang sa aking ulo. Nakita ko na napalingon na sa akin ang kanilang captain. Pinanlisikan niya ako ng mata. Akmang ipapaulan niya sa akin ang mga bala. Kasabay niyon ay ang paglabas ng kanang kamay ko mula sa aking likuran. May pulseras akong suot doon. Isa iyong golden spiral bracelet na nasa isang pulgada ang laki. Iniangat ko ang kanang kamay ko at binuksan ang palad. Maya-maya ay nag-iba ang kulay ng aking mga mata. Mula sa kulay brown ay naging kulay ginto ang mga iyon. "Lumabas ka! Jinzuri!" sigaw ko. Maya-maya ay napakislot ako sa sakit. May tunog ng metal akong narinig. Bumaon ang anim na metal sa palapulsuhan ko. Pagkatapos ay lumabas ang dugo ko sa bawat nakatusok doon at unti-unting hinihigop paloob. Hindi nagtagal ay lumiwanag ang buong kamay ko. Sa sobrang sakit na dulot ng init na dulot ng liwanag na iyon ay napahiyaw ako nang malakas. Sumabog ang liwanag sa paligid ko. Sa puntong iyon, nararamdaman ko ang takot at mangha na bumalatay sa katauhan ng bawat isa na naroon nang makita nila ang malakas na liwanag sa kamay ko. Unti-unting nawala ang liwanag. Iwinasiwas ko pababa ang aking kamay na mahigpit na nakakuyom sa isang bagay. Nakahawak ito sa mahabang espada na kulay ginto. May kulay pula naman ito sa bleed niya. Iyon ang dugo na kinuha ng espada ko. Ang pangalan ng espada ko ay Jinzuri. Ito ang nag-iisang sandata ni Aleyago na nanggaling sa mundong kanyang pinanggalingan. Napangisi ako. "Long time no see, Jinzuri," pagbati ko sa aking espada. "Alam kong nagugutom ka na. Bibigyan kita ng sandamakmak na pagkain ngayon. Ngayon na! Jinzuri!" Pasugod na tumakbo sa akin ang mga agent. Ang captain nila ay naglabas ng espada at akmang patatamaan ako. Ngunit mabilis akong nakakilos at isinangga ang espada ko sa kanya. Walang takot akong humarap sa captain nila na galit na nakatingin sa akin. "Sino ka? Bakit may ganito kang kapangyarihan?!" nagngingitngit niyang tanong sa akin. Napangisi ako sa kanya. "Ito ang kapangyarihan na tatapos sa'yo!" Mabilis ko siyang itinulak gamit ang espada, saka malakas na humataw sa kanya. Narinig ko ang hiyaw niya, kasunod niyon ay ang unti-unting pagkaabo ng kanyang buong katawan. Tinangay ang ang mga abo ng hangin pagkatapos niyon. Napaangat ako ng tingin sa tatlo. Nanlilisik ang dalawa kong mga mata. Ang buhok ko naman at mabining tinatangay ng hangin. Sumugod isa-isa ang tatlo sa akin. Isa-isa ko silang hiniwa. Napaiwas pa ako sa atake ng isa at yumuko. Tinusok ko siya sa tagiliran. Dinig ko ang malakas niyang ungol hanggang sa naging abo siya. Tinadyakan ko ang nasa likuran ko. Ang isa naman ay hinatak ko sa ulo at binali iyon. Hindi pa ako nakuntento at hiniwa ko pa siya nang malalim sa kanyang batok. Pagkatapos niyon ay naging abo na siya. Napalingon naman ako sa nag-iisang buhay sa kanila. Nakita ko na napatalon siya sa sobrang takot. Nanlaki ang mga mata niya at pagapang na patihaya na umatras mula sa akin. Lumakad ako papalapit sa kanya. Nang malapit ko na siyang maabutan ay bigla siyang tumakbo. Pinatalas ko ang aking tingin sa kanya at patakbong hinabol siya. Nang malapit na ako ay bigla akong tumalon, humiyaw, at bumwelo ng saksak sa kanyang likuran. Napasigaw siya sa sakit. Pagkatapos ay bigla siyang naging abo na palutang-lutang sa ere. Hiningal ako. Nagtaas-baba ang dibdib ko. Humarap ako sa kakahuyan. "Marami pa ba sila sa paligid?" tanong ko. Maya-maya ay nakarinig ako ng mahinang tunog na parang may nag-click nang sabay-sabay. Sa isang iglap ay nakita kong isa-isang nagsilitawan ang mga kasamahan ko. Naroon sa harapan ko sila Grace, Sky, Tupac, at Vorun. Nakangiti sila sa akin. Nakita ko ang paglamangha sa mga mata ni Sky. Nakaawang ang kanyang bibig na tila may gustong sabihin ngunit hindi niya masabi. Isa sa palatandaan ng kapangyarihan ni Aleyago ay ang existence ni Jinzuri. Lahat ng bampira sa mundo ngayon ay kilala ang espadang ito dahil ito ang simbolo ng katapangan at kagitingan ng unang bampira sa mundo. Dahil kay Jinzuri, ang lahat ng nilalang sa daigdig ay kinatatakutan si Aleyago. Lalo na ng mga Rayka. Dahil ang espada na ito ang mismong pumaslang kay Zailo Hiroino. "I-ikaw si... Aleyago?" hindi makapaniwalang tanong ni Sky sa akin. Tumayo ako nang maayos at ibinuka ang kanang kamay na may hawak na espada. Unti-unti ay nagliwanag ang espada at ang dugo na dumadaloy sa pulsuhan ko. Maya-maya ay naglaho na ang espada sa aking kamay. Ang bakal na nakatusok sa palapulsuhan ko ay bumalik na sa kanyang dating hitsura. Naging isang normal na pulseras na lang siya. Ang mala-ginto ko ring mga mata ay nanumbalik na sa tunay nitong kulay na brown. Naputol ang aming pahinga nang marinig namin ang tunog ng radar mobile ni Sky. Tiningnan niya ito at saka gulat na bumaling sa aming lahat. "May paparating..." imporma niya. "Ilan sila?" "Kailangan na talaga nating umalis dito, Captain. Hindi na kakayanin ni Tupac na dalhin tayo sa escape route natin. Kailangan na nating magmadali." Wala na kaming sinayang na oras at kaagad kaming kumilos. Iilan na lang silang gumamit ng Rilevare. Habang ako at si Sky naman ay nagdahan-dahan sa paglabas sa perimeter ng Safe House. Pagkalabas ay ginamit na namin ang kakaiba naming bilis upang makarating sa kasunod na lungsod. Sa pagkakataong iyon ay malayo na kami sa radar point ng mga Trinity Agents. May malaking van na naghihintay sa amin sa may dulo ng tulay. Nagmadali kaming lahat na tumakbo doon at isa-isang sumakay sa loob. Ligtas kaming nakaalis sa lugar na iyon hanggang sa ruta papuntang Nagoya Airport. Maya-maya ay nag-beep ang earphones namin. "Major and Captain. Umalis na kami sakay ang private chopper ni Senior Matheo," pagbabalita ni Lileth sa kabilang linya. Nangunot ang noo ko. "Sigurado ba kayo? Sino'ng kasama n'yo?" "Ligtas kaming lahat. Kasama namin si Senior Matheo. Papunta na kami ngayon sa Beijing para doon sasakay papuntang California. Hihintayin namin kayo rito. Pero kailangan n'yong mag-iba ng ruta," pagbibigay niya ng instruksyon. "Anong ibig mong sabihin?" "Alam ng Trinity Agents na pupunta tayo sa Nagoya. Ang iba sa kanila ay nakatunog na papunta kayo doon. Kailangan n'yong sundin ang Plan B ni Senior Matheo. Ibibigay ko ang instruction kay Grace. Gumawa kayo ng paraan na magkonekta kaming dalawa. Magsusulat ako sa papel ngayon..." Napaharap ako kay Grace na ngayon ay nalilito sa mga nangyayari. "May bagay ba tayo na pagmamay-ari ni Lileth?" Napataas ng kamay si Tupac. "Nasa akin ang tumbler niya!" aniya habang nakataas ang kamay. Napatango naman ako at lumapit sa kanya nang bahagya. Inilahad ko ang aking kamay sa kanyang harapan. "Akin na..." Iniabot niya ito sa akin nang walang kaabog-abog. Matapos niyon ay ibinigay ko naman ito kay Grace. Inilabas ko rin ang sketch book na pinagsulatan niya kanina sa training. Binigyan ko rin siya ng ballpen. Saglit pa kaming nagkatinginan saka niya tinanggal ang kanyang gloves sa magkabilaang kamay. Hinawakan niya sa kaliwa ang tumbler at ang sa kanan ay ang ballpen na nakadikit na sa papel ng sketch book. Napasinghap siya at ang kanyang mata ay naging kulay puti. Nagsimula siyang magsulat. Kami naman ay tiningnang mabuti kung ano ang kanyang sinusulat. Napalunok ako sa kaba. Parang may mali. Hindi ganito ang dapat na mangyari. Alam kong hindi sumasama sa misyon si Matheo sa kahit na anong platoon na mayroon sa loob ng House of Z. Sa ilang minuto na paghihintay ay sa wakas na tapos na rin si Grace na magsulat. Inilahad niya ang papel sa akin sabay napangisi. "Mag-iingat ka..." Napayuko ako at tiningnan ang nakasulat sa papel. Doon ako nanlambot sa nakasulat doon. Umigting ang panga ko at napatitig muli kay Grace. Sa pagkakataong ito ay nanumbalik na ang kanyang normal na mata. Nagulat ang lahat nang sa isang iglap ay tinutukan ko ng baril sa mukha si Grace. "Captain! Anong nangyayari?! Bitiwan mo 'yan!" saway niya. "Alam kong mas mahalaga sa'yo ang buhay mo ngayon. Sabihin mo sa akin. Nasaan sila Lileth?!" asik ko sa kanya. Naiwang natitilihan ang dalawang kasamahan namin at hindi alam ang nangyayari habang umaandar ang sasakyan. Napangisi naman si Grace. "Nahulaan mo ba agad?" tanong niya. "Anong nangyayari? Pwede bang magpaliwanag kayo?!" Palipat-lipat ang tingin sa amin ni Sky. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. "Sabihin mo... saan mo dinala ang mga tauhan ko?!" untag ko. Nagkikiskisan na ang mga ngipin kong nakatingin sa kanya. Idiniin ko ang bunganga ng baril sa kanyang noo. Ngunit wala akong makitang takot sa kanyang mga mata. Sa halip ay nakangiti pa rin siya. "'Wag kang mag-alala. Hindi ko sila sasaktan. Kasama nila ang papa ko. Sabihin na lang natin na inilayo ko sila sa tiyak na kapahamakan. Isa pa, makakabagal lang sila sa misyon. You know nothing about California," mataray niyang sabi. "Sino ka ba talaga? Bakit mo 'to ginagawa?" "Sabihin na lang natin na pareho tayong may gustong pagbayarin kaya pareho nating gustong gamitin ang isa't isa sa pagpunta sa California." Napalingon siya kina Sky at Tupac. "Kayo... alam kong mahal ninyo ang Team Valkyrie. At hindi ninyo hahayaan na mag-isa lang si Eve kasama ko. Hindi n'yo alam ang kaya kong gawin. Hindi n'yo alam kung gaano ko kagustong patayin ang babaeng 'yan sa harapan ninyo!" Nanlaki ang mga mata ni Sky. "S-sinadya mo ba ang lahat ng ito?" Napangisi si Grace. "Ah... hindi ko pa ba nasasabi sa inyo? Pinatay ko ang sarili ko para lang mahanap ang babaeng ito. Lahat ng nangyayari ngayon ay planado. Lahat ng ito ay para sa paghihiganti ko..." pagsisiwalat niya na aming ikinagulat. To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD