Chapter 4: Monster

2116 Words
"To be alive is to be dead at first And to die is to live the life to the fullest In the midst of struggle In the hour of death My will is to live And my wish is to fulfill a death I can never wish" - Zasek --------- Eve "Paano n'yo siya napapakain?" Iyon ang una kong tanong nang magtama ang mga mata namin ni Grace. Kinakalong siya ng kanyang ama na si Mr. Ignacio. Tinanong ko iyon kay Mr. Ignacio nang hindi nakatingin sa kanya. Mapait siyang nakangiti habang pinagmamasdan ang karga-karga niyang bata. May pinaghalong takot at pagmamahal na namumutawi sa kanyang mga mata. Hindi niya kayang kamuhian nang tuluyan ang kanyang anak. Nararamdaman ko iyon. "Simula nang patayin niya ang sarili niyang ina, hindi na kami nagkaproblema pa sa pagkain niya. Iniwan niyang tuyot na bangkay ang katawan ng asawa ko. Pinatay niya ang asawa ko na walang ibang ginawa kundi ang alagaan siya sa sinapupunan at sabik na hintayin ang pagsilang niya sa mundo..." aniya habang umiiyak. Napayuko naman ang ilan sa mga kasamahan ko at ang katulong, maliban na lang sa akin. Lahat sila ay ramdam ang pighati mula sa salitang binitiwan ng lalaki. Nakahalukipkip ako at inuusisa ang paligid, lalo na ang ekspresyon ni Grace. Ang kaninang mga salita niya ang hindi ko maintindihan. Sinabi niyang, "She can see you..." Napakabilis niyang matuto. Hindi kaya ay may kakaibang kakayahan din ang Zasek na ito? "Ikinalulungkot namin ang nangyari sa asawa mo, Mr. Ignacio," panimula ko. "Sa ganitong sitwasyon, alam natin na ang mga bampira ang may kasalanan nito. Hindi namin nakokontrol ang aming nasasakupan para sa ikalalago ng kapayapaan sa daigdig. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Mr. Ignacio. Alam naman nating lahat na hindi na muling manunumbalik ang buhay ninyo sa normal simula nang ipanganak si Grace. Dahil dito, kailangan na pumagitna kami na nagmula sa Z Corporation sa pagpapalaki ng Zasek. Kami ang magbibigay ng kabuhayan at trabaho sa iyo. Ang kapalit nito ay ang pagpapaubaya ninyo sa iyong anak. Alam mo na ang dahilan. Hindi mo alam kung kailan muling magugutom ang nilalang na 'yan. Kaya para sa kaligtasan mo at ng mga kasama mo, sa amin na si Grace," mahaba kong paliwanag. Napatango naman ang lalaki at malungkot na tumanaw sa akin. "Kahit ano pa man siya, anak ko pa rin siya. Nararamdaman ko na anak ko pa rin siya. Ni kailanman, hindi ako pinagtaksilan ng asawa ko. Walang bampira na nakiapid sa amin. Alam ko... anak ko pa rin si Grace..." hagulgol niyang sabi. Nakita ko na tinapik ni Grace ang balikat ng kanyang ama. Mabini siyang ngumiti rito habang nangingislap ang bilugan niyang mga mata. Nakangiti lang siya at hindi nagsasalita. Tila ay sinasabi nito na hindi kasalanan ng kanyang ama ang nangyari. Napaisip din ako sa sitwasyon. Dapat ay ang tinatanong ko ay si Sky. Ano ba ang nasa isip ni Grace? Naku-curious ako. Ano ba ang tumatakbo sa isipan ng isang paslit na gaya niya? Tiningnan ko lang si Sky na tahimik na nakatingin sa mag-ama. Sinadya kong mabasa niya ang nasa isipan ko ngayon. Gusto ko na marinig kung ano ang opinyon niya sa pamamagitan ng telepathy, pero ilang sandali akong naghintay sa wala. Hindi ko marinig ang boses ni Sky. Sinasadya niya kaya iyon para hindi ko malaman ang nasa isipan ni Grace? Napangiti si Sky kay Mr. Ignacio. "'Wag kang mag-alala, Mr. Ignacio, tuturuan namin ang iyong anak na maging isang mortal. Tuturuan namin siya kung papaano mamuhay na tulad sa mga tao..." aniya. Nakita ko naman ang pagkislap ng pag-asa sa mga mata ng lalaki. Bahagya pa siyang napangiti. "P-posible ba iyon?" Napatango ako. "Oo naman. Kung hindi iyon posible, hindi rin magiging posible ang pagharap namin sa inyo nang walang nasasaktan sa inyo..." pag-singit kong sabi. Bahagya ko pang tinaasan ng kilay ang lalaki. Dinig ko ang pagtunog ng nilunok niyang laway, at gano'n din ang katulong na nasa gilid lang namin. Umabante ako ng paglakad at nahinto rin sa mismong harapan ni Mr. Ignacio at Grace. Bahagya pa silang napapiksi at napaatras. Nakita ko ang walang ekspresyon na mukha ni Grace. Ganitong ganito ang hitsura ko noon na natatandaan ko. Malupit at walang awa sa lahat. Katulad niya ay may karumaldumal din akong ginawa. Ang parehong dahilan kung bakit hindi rin kasama ni Grace ang kanyang ina. Tulad niya ay isa rin akong halimaw. Halimaw na pumapatay ng tao. "Pero hindi iyan ang ipinunta namin dito. May iba pa kaming gustong malaman. Iyon ay ang iba pang impormasyon tungkol sa nangyari sa kanya," dagdag ko pa. "Pwede ko ba siyang hawakan?" Walang atubiling tumango ang lalaki at inilapit sa akin si Grace. Kalong pa rin niya ang bata habang inilalapit sa akin ito. Nakita ko ang kulay brown na mga mata ni Grace. Walang bakas ng takot ang makikita doon. Tila inaasahan na niya na mangyayari ito. Itinaas ko ang aking kamay nang dahan-dahan at kinuha ang kamay niyang napakaliit. Dahil doon ay napasinghap ako. Nanlaki ang mga mata ko. Kumalat ang dilim sa paligid. Walamg natirang kahit ano sa pangingin ko. Wala sila Sky at ang iba ko pang kasama sa loob ng kwarto na iyon. Nanatili lamang ang kadiliman sa mga sandaling iyon. Hindi nagtagal ay may unti-unting nabubuong imahe sa aking harapan. Ang imahe ng isang magandang babae. Nakangiti siya at nakayukod habang tinitingnan ang kanyang malaking tiyan. Hinahaplos niya iyon at tila kinakausap niya ang sinumang nasa kanyang sinapupunan. "Siguradong akong maganda siya, Doc..." sambit niya. Doon ako napalinga sa paligid. Napagtanto kong nasa loob pala ako ng isang clinic. May mga aparato sa likuran ko. Sa kabila naman kung saan naroon ang babae ay ang isang kama. Sa kanyang harapan ay isang doktor. Nakasuot siya ng puting medical gown at may stethoscope na nakasabit sa leeg nito. Nakangiti ito sa babae habang panay tingin sa tiyan niya. "Sigurado ako na magiging kamukha niya si Ernesto at ang kaputian ng ate niya na si Marjorie," masayang sabi pa niya na hindi inaalis ang tingin sa kanyang tiyan. Ramdam ko ang malakas na kagustuhan niya na maprotektahan ang bata na nasa kanyang sinapupunan. "Sigurado naman akong makukuha rin ng bata ang kagandahan mo, Mikaela. Pero mag-iingat ka. Kabuwanan mo na. Anytime ay lalabas na ang bata. Mas makabubuti kung sa bahay ka muna magpapahinga. Hindi maganda na lumabas ngayon at nasa border tayo ng Red at Black Lines. Baka may mangyaring masama sa iyo. Balita ko'y maraming umaaligid na mga bampira sa lugar natin," imporma naman ng doktor sa kanya. Napakunot ang noo ko dahil doon. Doon ko napansin na kakaiba ang ikinikilos ng lalaki. Nabaling ang tingin ko sa mesa na pumapagitan sa doktor at sa babaeng buntis na si Mikaela. Nakita ko na may pangalan na nakalagay sa golden plate sa mesa. Dr. Edward Manalo, Obygyne. Nanlaki ang mga mata ko. May mali rito. Bakit parang kilala ko ang taong ito? Doon ako napatigil nang makitang may kakaibang nangyayari sa mata nito. Ang kanyang normal na kulay brown na mata ay naging kulay dilaw at naging mata ng isang pusa. "Anong magiging pangalan niya?" tanong nito kay Mikaela. "Eliza Grace. Iyon ang ipapangalan ko sa kanya..." sagot ni Mikaela na hindi mapawi-pawi ang ngiti sa labi. Napabaling ang tingin ko sa doktor at doon nakumpirma kung ano siya. Isa siyang Zasek. Siya ang dahilan ng trahedya sa buhay ng walang kamuwang-muwang na si Grace. Siya ang dahilan kung bakit ang babaeng ito ay binuwis ang buhay para sa kanyang anak. Biglang pumatak ang luha ko. Ang luha na ni kailanman ay hindi ko iginawad sa kahit sino. May hapdi akong nararamdaman sa kaibuturan ng puso ko. Isang masakit na sugat na akala ko'y matagal nang naghilom. Ang alaala kung saan nakita ko ang sarili kong repleksyon sa salamin habang duguan ang damit ang biglang sumagi sa isipan ko. Dito ko mas lalong naramdaman kung gaano kalupit ang mundo sa isang tulad ko. Isang tulad ko na hindi kailanman ginusto maging isang halimaw. Nakasusuklam ang isang tulad ko. Isang halimaw... Hindi ko namalayan na nakatanaw na pala sa direksyon ko ang doktor. Nakita ko na direktang nakatingin sa mga mata ko ang doktor. Nanlaki ang mga mata ko. Nakita ko pang ngumisi ang doktor sa aking direksyon. Nakikita niya ba ako? Posible ba iyon? Pero isa lamang ito sa nakaraan ni Grace. Ito ang alaala niya noong nasa sinapupunan pa siya ni Mikaela. "Darating ang araw na sisisihin ka nila sa gagawin ko. Dahil ikaw ang sinisisi ko sa lahat..." pabulong na sambit ni Edward. Halos makalimutan ko nang huminga sa sobrang pagkabigla. Napailing ako. Hindi. Hindi ito nangyayari... "Ano po?" tanong ni Mikaela. Napabaling si Edward sa kanya at napangiti. "Ang sabi ko, mag-iingat ka palagi. Inumin mo ang mga gamot mo, okay?" Napatango naman ang babae. "Salamat, doc. Gagawin ko po 'yan..." Unti-unti ay lumabo na ang paningin ko. Naghari muli ang kadiliman at walang tinig o anumang ingay ang nasa paligid. **** Miss Eve? iyon ang unang tinig na naulinigan ko. May himig ng pag-aalala sa tinig na iyon. Isang tinig ng isang batang babae. Pagkamulat ko ng mga mata ay nakita ko ang malapit na mukha ni Grace. Naramdaman ko ang mainit niyang kamay sa aking pisngi. Kulay brown na ang kanyang mga mata. Ibig sabihin ay hindi na siya nagugutom. "Meja... Meja..." bigla ay naisatinig niya. Napakunot ang noo ko. Meja? "Ayos ka lang ba, Captain?" singit ni Sky. Dumungaw rin siya sa mukha ko. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Napairap ako dahil doon. Heto na naman siya sa pagpapanggap niya na walang alam. Alam ko na ang lahat ng nakita ko kanina sa nakaraan ni Grace ay nakikita rin ni Sky. Bumangon ako at napatingin sa kanilang lahat na kanina pa nag-aabang sa paggising ko. "Welcome back, Captain!" natatawa pang pagbati ni Sky. Makabasag-trip talaga ang lahat ng sasabihin ng mokong na ito. "Naipaliwanag ni Mr. Carlsmith ang nangyari sa'yo kanina. Sinabi niyang nakakakita ka ng nakaraan ng isang nilalang na nahahawakan mo. At dahil doon kaya ka nahihimatay. Maaari bang malaman kung ano ang nakita mo?" tanong ni Mr. Ignacio. Nakikita ko sa mga mata niya ang pagiging isang desperado. Gusto niyang malaman kung paano naging bampira si Grace. Napahugot ako ng malalim na hininga at ibinaling sa iba ang aking paningin. "Hindi gano'n karami ang nakuha ko. Hindi ko pa masasabi sa ngayon kung paano siya naging isang Zasek. Hintayin muna natin ang paglaki niya. Sa ikapitong araw niya..." imporma ko. Pabagsak na napaupo si Mr. Ignacio sa upuan at napasimangot. "Kawawa naman ang anak ko. Wala siyang kasalanan. Bakit ganito ang nagyayari sa pamilya ko?" nahihikbing salita niya. Lalo ko pang iniwas ang tingin ko sa kanila. Pagkaraan ay tumayo ako. "Magpapahangin muna ako saglit sa labas..." Hindi ko na sila hinintay pang magsalita at agad na lumakad palayo sa kanila. Sa veranda ng kanilang mansyon ay tumanaw ako sa tahimik na kapaligiran sa labas. Narinig ko ang mahinang yapak na papalapit sa akin. Saka lang tumigil sa tabi ko. "Bakit hindi mo sinabi sa kanya ang buong nangyari?" tanong ni Sky sa akin. "Ano bang saysay kung sasabihin ko pa? Kaya ba niyang paslangin ang anak niya? Nasa anak na niya ang kaluluwa ng may dahilan ng pagkamatay ng asawa niya. Ang tunay na kaluluwa ng anak niya ay namatay na kasama ng katawan ng doktor na iyon..." paliwanag ko. "Ano bang plano mo? Alam mo namang ang protocol sa Z Corp. Kailangan nating ipasa sa House of Trinity ang jurisdiction ni Grace. Kailangan niyang pagbayaran ang nagawa niya sa pamilya ng mga Ignacio." Napaharap ako kay Sky nang may seryosong mukha. "At gusto mo bang masaksihan kung paano nila papatayin ang bata? Gano'n ba?" "After 7 days, hindi na siya bata sa paningin natin. Alam niya kung ano ang ginawa niyang abala sa pamilya ng bata at alam niyang mali ang ginawa niya. Kailangan niyang harapin iyon." "Paano kung... ako pala ang dapat na parusahan? Papayag ka pa rin ba na siya ang haharap no'n para sa akin?" Napakunot ang noo niya sa sinabi ko. "Anong ibig mong sabihin? Hindi kita maintindihan, Eve. Ano bang sinasabi mo? Paano naging kasalanan mo ang nangyari kay Grace? Pwede bang ipaliwanag mo nang mabuti ang lahat?" Nakita ko ang kalituhan sa mga mata niya. Alam ko na. Ang alam lang niya ang basahin kung ano ang nilalaman ng kasalukuyan kong naiisip, hindi ang lahat ng katotohanan tungkol sa katauhan ko. Napabuntonghininga ako at napatingin sa sahig. "Hindi ako makakapayag na si Grace ang maparusahan. Gagawa ako ng paraan. Kukumbinsihin ko si Tanda kahit na anong mangyari..." To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD