"We have known to live secretly
But the word is already out
A former myth became a reality
Creating havoc amidst peace
And they seek another peace
In the destruction they have created."
- Vampires
-----------------
Eve
Umuulan noon. Nakita ko ang repleksyon ko sa salamin ng isang gusali. Nakita ko kung gaano ako kadungis. Nababakas pa sa hitsura ko ang pagkabusog at kagalakan sa mga mata ko. Hindi makapagsisinungaling kailanman ang mga mata ko. Masaya ako dahil napunan ang pangangailangan ko. Pero bakit ganito? Bakit hindi masaya ang mukha ko? Bakit hindi masaya ang puso ko?
Nagkalat ang pinaghalong sariwa at natuyong dugo sa bibig at katawan ko. Nagkalat din ito sa aking puting bestida.
Nang makita ko ang pag-iiba ng kulay ng mga mata ko sa aking repleksyon ay doon nagsimula ang pagbabalik-tanaw sa akin ng aking kaluluwa. Sa sandaling iyon, ipinakita sa akin ng salamin ang lahat...
Isang magandang babae ang biglang nagpakita sa salamin. Tulad ko ay nakasuot din siya ng puting bestida. Ang buhok niya ay 'sing tingkad din ng araw katulad ng kulay ng sa akin. Nagliliwanag ang kanyang kabuuan. Walang mababakas na dugo sa kanyang damit o sa kanyang katawan at mukha. Nakikita ko rin ang kanyang pagkakahawig sa akin. Ang pinagkaiba lang namin ay ang aming edad. Palagay ko ay nasa 20 years old na siya. Napakaganda niya, samantalang ako ay isang paslit pa lamang na tunay na walang muwang sa mundo.
Napataas ako ng kilay at napaatras. Nahintakutan ako. Sino ang babaeng ito?
"Ako ay ikaw. At ikaw ay ako..." sambit niya sa may maalingawngaw na tinig.
"I-ikaw ay ako?" tanong ko pa.
"Hindi mo matatakasan ang iyong tadhana. Itinadhana ka na maging ganito dahil pinili kita," aniya. Inilahad niya ang kanyang kamay aa akin. "Halika. Ipapakita ko sa'yo ang lahat. Hindi ba't gusto mong malaman kung bakit ka naging ganyan? Kung nais mong malaman ang lahat, ipapakita ko sa'yo ang mga pangyayari mula sa umpisa..." dagdag pa niya.
Unti-unti'y lumapit ako sa salamin. Itinaas ko ang aking kamay at akmang hahawakan ang kamay niyang naghihintay na abutin ko. Nasa harap na ako ng salamin at hinawakan kung saan ko nakita ang kanyang kamay.
Napasinghap ako nang may maramdamang kuryente na dumaloy mula sa kamay ko papunta sa aking buong katawan. Napaangat ako ng tingin. Ang mga mata ko'y naging puti. Ang aking bibig ay nakabuka at nakarinig ako ng malakas na tunog ng enerhiya na nagmumula sa repleksyon ko.
Kasabay niyon ay ang paglamon sa akin ng liwanag...
Iba't ibang imahe ang nagsimulang lumitaw sa aking paningin. Mabibilis ang mga ito. Halos mahilo na ako sa sobrang dami nila. Nakita ko ang isang babae na nakabihis ng eleganteng kasuotan. Kulay lila na kulay na humahalik sa lupa. Isa siyang prinsesa. Ang tawag sa kanya ay Prinsisa Aleyago. Siya ay nagmula sa ibang mundo.
Ang pagdating niya ang nagpabago ng tadhana ng bawat tao na nasa mundong ito. Siya ang dahilan ng lahat. Ang dapat na tadhana ng mundo ay biglang napalitan ng kadiliman. Ang alaala bago pa siya dumating sa mundong ito ay hindi naipakita sa akin. Kasunod naman ay si Maria Michzus, at ang panghuli ay ako...
Napasinghap ako. Tumigil ang malakas na enerhiya na sumanib panandalian sa katawan ko. Napatingin ako sa paligid at nakita na nakabalik na ako sa aking huwisyo. Nagtaas-baba ang aking dibdib ko dahil sa sobrang kaba.
Napatingin akong muli sa salamin ngunit ang nakahihindik na repleksyon ko na lamang ang nakita ko.
Nawala na siya? Saan na siya nagpunta? Paano na ako? Ano na ang gagawin ko?
Iyon ang mga tanong na palagi kong naiisip simula noon. Hindi na muling nagpakita sa akin si Aleyago. Hindi na muling naulit. Ngunit gusto kong maulit ang pangyayaring iyon. At kapag nangyari iyon, itatanong ko sa kanya ang mga tanong ko ngayon...
****
Napadilat ako ng mga mata. Nakita ko na madilim na ang kalangitan. Napabalikwas ako ng bangon. Napagtanto kong nakatulog ako sa may upuan. Napakunot-noo ako.
Paano nangyari iyon? Ang alam ko ay nagising na ako mula sa pagkakahawak ko kay Grace. May nangyari pa bang iba pagkatapos ko siyang hawakan?
Maya-maya ay may naramdaman akong gumagalaw sa may paanan ko. Pagkatingin ko ay napansin ko na nakakunyapit na si Grace sa akin sa binti ko.
"Bata, paano ka nakalabas ng kwarto mo? Gusto mo ba talagang mapahamak ang ama mo?" sermon ko sa kanya.
Ngunit imbes na umiyak ay humagikhik lamang siya at ngumiti nang sobrang tamis, animo'y isang tuta na nagpapalambing sa kanyang amo.
Napangiti na lang ako pagkakuwan. Napakalambing pero napakatusong bampira. "Hoy, bata..." tawag ko pa sa kanya. Nakita ko siyang nakaangat ng tingin sa akin habang hinihintay kung ano ang kasunod kong sasabihin. "Hindi ka ba galit na nangyari 'to sa pamilya mo? Isa ka nang bampira. Alam mo naman siguro kung anong ginawa mo, 'di ba? O katulad din ba kita na hindi na maalala ang nangyari?"
Katahimikan.
Napatanaw ako sa maulap na kalangitan. "Gusto ko ring malaman kung bakit kailangang ako. Bakit kailangan na magawa ko iyon? Minsan, gusto kong hilingin na sana hindi na lang dumating si Aleyago sa mundong ito. Siguro naging masaya pa ang daigdig kung puro mga tao lang ang nakatira. Ano sa tingin mo, bata? Mas masaya siguro kung ganoon ang nangyari. Mas masaya siguro..." malungkot kong sabi.
Matagal akong nanahimik sa kinauupuan ko. Nanatiling nakayakap si Grace sa binti ko. Hinayaan niya lang akong magsalita. Siguro ay hindi naman talaga siya ganoon kadaldal o 'di kaya ay hindi pa talaga siya marunong magsalita.
Mas makabubuti na rin na tahimik ang paligid. Mas nakakahanap ako ng kapayapaan sa ganitong paraan. Nakakapanatag ng loob.
Maya-maya ay dumating na si Sky kasama ang iba pa. Ramdam ko ang pag-aalala at alerto sa kanilang paggalaw. Lumapit sa akin si Sky. Umupo siya sa kanyang sakong at binuhat si Grace sa kanyang bisig.
"Bakit hindi mo ipinasok si Grace? Paano kung malaman ng House of Trinity ang tungkol dito?" paninermon niya sa akin.
Napairap ako at nagpasyang tumayo. "Hindi pa ba tayo magpu-pull out? Hindi tayo pwedeng tumambay rito. Mas lalong halata," suhestiyon ko.
"Sinabi ko na kay Mr. Ignacio ang sitwasyon. Kailangan muna nating hintayin na maging 18 years old si Grace para malaman ang lahat ng impormasyon," imporma niya.
Ginalaw ko ang ulo ko at inutusan siya sa pamamagitan ng pagtango ko. "Ibalik mo na 'yan doon. Iba ang gagawin natin. Kailangan na nating kumilos at bumalik sa tent." Akmang tatalikod na ako nang may bigla akong maalala. Humarap akong muli sa kanya. "Ah, oo nga pala. Kailan ang susunod na kabilugan ng buwan?" tanong ko.
"Sa susunod pang linggo, Captain. Bakit?"
Napakibit-balikat ako at tumalikod na nang tuluyan. "Wala naman. Naitanong ko lang. Tara na. Marami pa tayong aayusin."
Pagkatapos namin sa mansyon ng mga Ignacio ay kaagad na kaming bumalik sa headquarters.
****
Pagkatapos ng wrap-up meeting, nagbihis na ako ng opisyal na umiporme ng Valkyrie. Nag-aayos na lang ako ng baril ko nang pumasok si Sky sa loob ng tent.
Seryoso ang mukha niya. Nasa tabi ko na siya ngunit wala pa rin siyang sinasabi.
Abala ako sa paglilinis ko ng baril at hindi ko siya tinapunan ng tingin. Alam kong marami siyang tanong sa isip niya kahit na hindi niya sabihin.
Napatawa siya nang mahina. "Manghuhula ka na ba ngayon, Captain?"
"Tanga na lang ang hindi malalaman na marami kang gustong tanungin sa akin ngayon. Ano ba 'yun?" Sinubukan ko tingnan ang paligid sa pamamagitan ng scope ng sniper rifle na hawak ko. Nang makitang malabo pa rin ito ay muli ko itong nilinis.
"Talaga bang papayagan ka ni Senior Matheo sa mga binabalak mo? Paano ka nakasisiguro?" tanong niya. May halo iyong pag-aalala.
"Alam ko ang utak ni Tanda. Aalisin lang naman niya ako sa Valkyrie kapag pumalpak na naman ang plano ko. Pero kapag nagiging pakinabang naman iyon sa kanya, hahayaan niya ako at gagawin ang lahat para maprotektahan ako," ani ko.
Napatango siya. "Iyon din ang matagal ko nang ipinagtataka, Captain. Alam kong pasaway ka. Alam kong mahirap ka talagang pakiusapan. Pero hindi ko maintindihan kung anong klaseng relasyon ang mayroon kayo ni Senior Matheo. Minsan, naiisip ko na mag-ama kayo. Minsan naman ay naiisip ko na magkaaway kayo. Pero hindi ninyo maiwasang mag-alala para sa isa't isa. Ano nga ba ang hawak mo para lagi kang kailanganin ni Senior?"
Mapait akong napangiti. Matapos kong malinis ang scope ay sinubukan ko itong muli. "Basta lang. 'Wag ka nang masyadong maraming tanong, Sky. Hindi naman ako magtatagal sa platoon na ito. Alam mong special case lang ang dahilan kung bakit ako kinuha ni Tanda. Kaya mag-focus ka na lang sa misyon natin ngayon," pagpapaalala ko sa kanya. Matapos niyon ay natapos ko na rin sa wakas ang paglilinis sa baril ko. Hinarap ko si Sky at tinapik sa balikat. "Papatawarin kita sa ngayon sa pagsasabi na mahirap akong pakiusapan. Magpahinga ka na..."
Napalunok naman si Sky. Kalaunan ay napatawa. "Kaya kong sabihin 'yun. Tutal ay hindi mo naman ako ginagalang sa harap ng buong platoon natin," pambawi niya, saka ay ginulo ang buhok ko.
Napaangil ako. "Hoy, 'yung buhok ko, Carlsmith!"
Wala namang ibang ginawa ang lalaki kundi ang pagtawanan ako.
Bwisit talaga!
****
Kinabukasan, nakatanggap kami ng tawag mula sa mga Ignacio. Kaagad na kaming tumulak papunta sa mansyon at tingnan kung ano ang nangyari.
Pagkarating doon ay nakita ko ang tahimik na si Grace. Pangatlong araw pa lang niya ngunit mukha na siyang 7 years old. Ang bilis ng progreso ng kanyang paglaki, tulad ng inaasahan namin. Ang kulot niyang buhok ay humaba na rin. Nakasuot siya ng bitin na damit at tahimik na nakaupo sa may sulok.
Si Lea, isang Vaz Mortal na ipinadala ni Senior Howard bilang dagdag sa Valkyrie, ang dumating sa harapan ko at may ibinigay na isang papel. Siya ang inatasan namin na magbantay kay Grace sa buong magdamag na wala kami.
Tiningnan ko ang binigay niya. Doon ay napakunot ang noo ko dahil sa nakasulat.
Meja... She can see you...
"Pasensya na po, Captain Cariño. Ginawa ko po ang lahat ng makakaya ko para mabantayan si Miss Grace. Nasaksihan ko kung paano nag-iba ang kanyang hitsura. At napapansin ko rin ang mabilis niyang pag-aaral sa mga bagay. Simple lang niyang pinagmamasdan ang paligid niya. May nabasa rin siyang mga libro na ipinadala ni Mr. Ignacio. Nakakatuwa na mabilis niya itong napag-aralan sa loob ng walong oras," pagbibigay alam niya habang manghang-mangha sa nakikita. Hindi kasi common sa mga Vaz Mortal na katulad niya ang makakita ng bampira na mabilis matuto sa loob lamang ng limang araw. Bagaman may pagkakahawig ang proseso ng paglaki ang Zasek at Vaz Mortal, ang kanilang IQ ay magkaiba. Ang mga Zasek ay ang tinaguriang pinaka-matalinong bampira sa daigdig. Pumapangalawa sa kanila ang mga Vaz Harpia at Vaz Hollow. Ang IQ ng isang normal na Vaz Mortal ay tulad lamang ng ng average IQ ng isang Ordinary. Ordinary ang tawag sa mga tao na normal at walang kahit na anong kapangyarihan bukod sa limitado nilang buhay.
"Nasaan si Mr. Ignacio?" tanong ni Sky na nasa tabi ko.
"Nasa Ghana po siya ngayon para bumili ng blood bank. Kanina po kasi, muntik nang atakihin ni Miss Grace ang isa sa mga katulong nila kaninang madaling araw. Kaya kahit delikado at masyadong mahal ang plane ticket papuntang Ghana ay hindi na nagpapigil si Mr. Ignacio," paliwanag ni Lea.
Napahalukipkip ako. "Alam niya bang mali ang ginawa niya?" Ang lugar na tinutukoy ni Lea ay ang tinaguriang corrupt country sa buong Red Line. Ang Ghana ay ang lugar sa Africa, sakop ng Red Line Teritorries, na nagbebenta ng ilegal na blood banks. Ang vampire scientist na si Dr. Rico Manresa, isang Vaz Hollow, ang namamahala sa buong bansa. 30% na lamang na black Ordinaries ang nakatira doon. Ang 70% ay mga banyaga sa ibang bansa sa South Hemisphere na lumipat sa Africa dahil sa relocation na naganap noong magdesisyon na hatiin ang mga teritoryo para sa iba't ibang lahi. Sa Ghana rin nagsilipatan ang lahat ng klase ng kriminal sa mundo ng mga mortal. Lahat ng preso sa iba't ibang lugar ay pinagsama doon. Dahil sa dami ng populasyon nila ay pinapaslang ang ibang Ordinaries at hina-harvest ang mga dugo nila sa Ghana Blood Bank.
Ang pag-harvest ng dugo ng mga mortal ay isang gawain na mariing ipinagbabawal ng Red Line Protection's Arm.
Ang makipagkasundo sa mga taga-Ghana ay isang napakadelikadong desisyon ng isang Ordinary na tulad ni Mr. Ignacio. Pero lahat ng klase ng dapat niyang katakutan ay hindi niya ininda para lang maibigay ang kailangan ng kanyang anak.
Napatango si Lea. "Pinaalam na po namin sa kanya na maaari siyang mahuli ng mga taga-Red Line Protection's Arm. Pero hindi siya nagpaawat. Gusto niyang gawin ang lahat para kay Miss Grace. Ayaw niya kaming pakinggan," paliwanag niya. "Paano na ito, Captain? Kailangan na ba nating tawagin ang House of Trinity para kunin siya?"
"Hindi," maagap kong sabi. "Kapag nakuha nila si Grace, katapusan na rin ng platoon natin. Naiintindihan n'yo ba iyon?" Hinarap ko ang lahat. "Makinig kayong lahat! Magsimula na kayong mag-empake. Isa sa mga kasamahan natin ang kukuha kay Mr. Ignacio sa Ghana. Aalis tayo ngayon sa lugar na ito. Hindi natin maitatago nang matagal ang sikreto na ito. Alam natin kung ano ang kayang gawin ng mga taga-House of Trinity sa atin oras na malaman nila na may isang Zasek na isinilang nang wala sa kanilang pahintulot, magkakaroon ng hidwaan ang House of Trinity at ang House of Z. Lalo na at alam natin ito at nakikita nilang wala tayong ginagawa para mapuksa ang may sala."
To be continued...