Line Treaty Law
Thou shall not put the House that bestows the Trinity Statue in vain
Thou shall follow the House that bestows the Trinity Statue
Thou shall not kill a human being
Thou shall not have intercourse to humans or make any Vaz Mortals
Thou shall not create Vaz Draculas
Thou shall not commit Porlomolla
Thou shall not deal with Raykas (Werewolves)
Thou shall not cross the Red Line
Thou shall instill peace and harmony in the world
Thou shall extinct werewolves
Offer immortality to terminally ill humans
----------------------------
Eve
Matapos ang ilang oras na paghihintay na manumbalik ang aking lakas ay napatayo ako. Pinakiramdam ko ang sarili at napangiti. "Ayos na 'to. Pwede ko nang gamitin..." anas ko sa sarili habang tinitingnan ang sariling kamay na may singsing.
Hinubad ko ang sa kaliwang kamay ko ang gloves at sinimulan nang hawakan ang singsing na iyon. Maya-maya ay napasinghap ako sa enerhiya na pinakawalan ng katawan ko. Napapikit ako at nakita ang mga alaala na nakapaloob sa bagay na iyon...
Nakita ko si Ranny na nakatayo sa harap ng salamin. Mula roon ay naglakad ako malapit sa kanya. Doon ako nagulat nang makitang nakatingin siya sa akin mula sa salamin.
Napasinghap ako at natutop ang bibig. "R-Ranny?"
Napangiti siya sa akin habang nakalahad ng kamay na naglalaman ng singsing na kanyang binigay sa akin. Nagpalinga-linga ako sa paligid. Napagtanto kong nasa loob kami ng kwarto niya sa mansyon ni Lurin. Nakita ko sa bedside table ang kanyang kalendaryo at ang kanyang digital clock. February 23, 2019 ang date na nakalagay sa digital clock; 10:45 PM.
"Ate, alam kong nakikita mo ito ngayon. Gusto ko lang malaman mo na alam ko ang lahat ng sikreto mo. Hindi ako galit sa iyo. Alam kong isa kang mabait na bampira. Masaya ako na nakasama kita sa mahabang panahon. Napatunayan ko na hindi lahat ng mga bampira ay masasama. Marahil ay hindi mo alam kung saan talaga ako nagmula pero heto na ang pagkakataon na maisisiwalat ko na ang katotohanan.
"Anak ako ng isang Bernardine. Hindi ko man ito makukuha kaagad sa DNA ng mga magulang ko ngunit nakatakda ako para maging isang Bernardine dahil noon pa man ay naialay na nila ako sa altar nila upang ibigay sa kanilang panginoon. Nalulungkot man ako pero wala na akong magagawa. Nakatakda ako na maging isa sa mga kaaway ng lipi mo." Nakahikbi siya. "Ayokong umabot tayo sa ganoon pero kahit anong klaseng tanggi ko ay hindi ko maiiwasan ang nakatakda para sa akin..."
Napailing ako dahil sa sinabi niya. "H-hindi... hindi totoo 'yang sinasabi mo, Ranny. nagkakamali ka! Hindi totoo 'yan!" mariin kong tanggi.
Mapait siyang ngumiti sa akin at nagsimulang mag-unahan ang kanyang mga luha sa kanyang mga pisngi. "Mahal na mahal kita, Ate. Pero huli na ang lahat. Malapit nang magpakita ang senyales. Kukunin na nila ako, malapit na. Kapag nangyari iyon, ipangako mo sa akin na gagawin mo ang lahat para pigilan ako sa masasamang magagawa ko. Alalahanin mo na wala akong intensyon na linlangin kayong lahat, pati na si Lurin. Sigurado akong masasaktan siya kapag nalaman niya ang katotohanan pero wala na akong magagawa.
"Kahit anong mangyari, pigilan mo ang masasamang balak ng pinuno ng maga Bernardine. Siya si Agnes. May mangyayaring hindi maganda sa mga susunod na taon. Kailangan mong balaan ang mga kaibigan at nasasakupan ninyo sa Black Line. Ate, mag-iingat ka. Palagi mong hawakan ang singsing na ito para makipag-usap sa akin. Gagawa ako ng paraan para manatili pa rin tayong nag-uusap. Paalam..."
Napasinghap akong muli at napadilat ng mga mata. Rumagasang muli ang tusok-tusok na sakit na dulot ng kapangyarihang iyon sa aking ulo. Bigla akong napaluhod at mahigpit na hinawakan ang ulo ko. Napasigaw ako sa sobrang sakit.
"R-Ranny..."
Hindi nagtagal ay lumalabo na ang paligid. Tila nagsasayawan ang mga imahe sa aking paningin. Napaungol na ako sa sobrang sakit. Halos mabingi na ako dahil sa aking mabilis na paghinga.
Nakarininig ako ng pagbukas ng isang bagay. Pinilit kong lingunin ang lugar na iyon. Ayokong mawalan ng malay nang hindi nalalaman kung nasaan ako. Maya-maya ay may lumitaw na tatlong nakaitim na lalaki. Nalanghap ko ang kanilang amoy. Mga bampira sila.
Nakarinig pa ako ng isa pang mabigat na yabag ng sapatos. Lumabas mula sa lagusan ay isang pamilyar na mukha. Si Matheo. Nakasuot siya ng black tuxedo at prenteng nakatayo sa harapan ko. Gumagalaw pa rin ang imahe sa paningin ko. Lalo iyong nagpasakit nang husto sa ulo ko. Hindi ko alam kung bakit ganito kasakit ang ulo ko. Mukhang nanghihina na talaga ang katawan ko sa paggamit ng kapangyarihan ko na makabasa ng nakaraan.
Taas-baba ang aking dibdib. Nahihirapan man ay pinilit ko ang sarili ko na tingnan ang lalaki na nasa harapan ko. Sarkastikong akong ngumiti sa kanya. "Trayduran na ba ang pinakabagong trick mo, Tanda?" Napatawa ako. "Hindi ka na nagsawa. Ano ba talagang plano mo sa akin?"
"Alam kong magiging balakid sa akin ang paghahanap mo sa kapatid mo. Hindi iyon ang pinakamahalaga ngayon kundi ang misyon na ibibigay ko sa iyo. Dahil dito nakasalalay ang kaligtasan ng iyong kapatid..." pagsisimula niya.
Agad na nag-init ang ulo ko pagkarinig ko sa sinabi niya. "Anong ginawa mo kay Ranny? Ikaw ba ang kumuha sa kanya?!" asik ko sa kanya.
"Nakita mo na sa loob ng singsing na iyan ang kasagutan, hindi ba? Bakit mo pa itinatanong sa akin ang isang napaka imposibleng tanong?"
Tiim-bagang ko siyang tinitigan. Kung may kapangyarihan lang akong sugatan ang pagmumukha ng matandang hukluban na nasa harapan ko sa pamamagitan ng pagtingin ay matagal ko nang napatay ang nasa harapan ko. "Nasaan na ang kapatid ko?! Nasaan na si Ranny?"
"Nasa lugar na ito ang sagot sa paghahanap natin sa iyong kapatid, Eve. Kung susunod ka nang mabuti sa bawat sasabihin ko ay tinitiyak kong makikita natin si Rahanola nang ligtas. Hindi ba't iyon naman ang iyong gusto?"
"Ano bang gusto mong mangyari?!" Napatigil ako sa pagsigaw nang maramdaman na naman ang matinding sakit ng ulo. Napahiyaw na ako sa sakit.
"Sa palagay ko'y nagamit mo nang husto ang iyong kapangyarihan kung kaya ka nagkakaganyan. Alam mong maaari mong ikamatay ang sobrang paggamit ng iyong kapangyarihan." Sinenyasan niya ang kanyang tauhan na nasa likuran ko lang.
Kumilos ang lalaki at may aparato na itinapat sa akin. Nag-beep iyon at nagpakita ng mga numero at graph sa screen ng kanyang hinahawakang thermal scanner. Lumapit siya kay Matheo at ipinakita ang nakalagay doon. "Senior, nasa 5% na lang ang kanyang energy. Nasa critical na kondisyon na po siya. Ilang minuto na lang ay bababa pa ito," pag-uulat nito kay Matheo.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
Napaharap sa akin ang bampira nang may blangkong ekspresyon. "Ilang minuto na lang ay magka-cardiac arrest siya at may posibilidad na iyon ang kanyang ikamatay," dagdag pa nito.
Napatiim-bagang ako dahil doon. Pati ang magkabilang kamao ko ay napakuyom nang husto. Halos magdugo na ang palad ako sa sobrang galit. Hindi pa ako maaaring mamatay. Kailangan ko pang hanapin si Ranny. Kailangan kong hanapin ang kapatid ko sa lalong madaling panahon.
"Paano natin maililigtas ang bampirang ito?" tanong pang muli ni Matheo sa lalaki.
"May vial po tayo para d'yan para mag-boost ang energy niya nang hanggang 20%. Sapat na iyon para maipahinga niyang muli ang sarili hanggang sa bumalik sa 100%."
Napatinging muli sa akin si Matheo. "Narinig mo naman siguro ang sinabi ng lalaking ito, Eve. Isa itong doktor kung kaya't alam niya ang kanyang sinasabi." Napatingin pa siya sa kanyang relo bago ako muling binalingan. "May limang minuto ka na lang para mamili. Susunod ka sa akin o hahayaan mo na lang na masayang ang buhay mo nang hindi pa naililigtas ang iyong kapatid?"
Mahigpit ko pa ring kinuyom ang dalawa kong kamao at matalas siyang pinagkatitigan. Ano ba talagang kailangan mo sa akin, Matheo?
Lumipas na ang tatlong minuto at pababa na nang mababa ang aking enerhiya. Hindi ko na kakayanin. Sobrang hirap na akong huminga at makakita nang mabuti. Halos nagmamanhid na ang ibabang parte ng aking katawan.
"Sabihin mo sa akin kung anong gagawin ko..." sa wakas ay sabi ko kay Matheo.
Napatingin sa akin si Matheo na tila hinihintay ang kasunod sa aking sasabihin.
"Gagawin ko ang lahat para lang mahanap si Ranny... kaya kailangan ko ang buhay na 'to. Pakiusap..." Umikot na ang paningin ko. Hindi ko namalayan na bumagsak na ang katawan ko sa sahig. Kakaunti na lang ang nakikita kong imahe. Halos hindi ko na makumpleto ang kabuuan ni Matheo sa aking paningin. Oras na ipikit ko ang mga mata ko, ibig sabihin, huling hininga ko na ito at unti-unting masusunog ang katawang ito.
Nakita kong napangisi si Matheo sa akin. Tumango siya sa lalaking kanyang katabi. Agad ay kumilos ang lalaki at naglabas ng isang injection. Agad nito iyong itinurok sa leeg ko.
Napanganga pa ako sa sakit ngunit wala nang boses na lumalabas sa aking bibig. Sobra na akong nanghihina. Ngunit huli na yata ang lahat. Unti-unti nang pumipikit ang aking mga mata. Hindi nagtagal ay nilamon na ako ng kadiliman.
****
Nagising ako na nakadungaw sa akin ang maamong mukha ni Grace. May pagtataka sa kanyang mukha na hindi ko mawari kung ano.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang lahat. Napabalikwas ako ng bangon. Agad namang napalayo mula sa akin si Grace na gulat pa rin sa akin. "A-anong nangyari?" Bahagya pa akong nagpalinga-linga sa paligid. Nasa labas kaming muli ng kagubatan. Sa pagkakataong iyon ay wala na ang mga bampira na kumuha sa amin kanina. Wala akong ibang makita kundi ang kakahuyan na nasa likuran namin at ang malawak na paligid na napupuno ng nyebe.
"Hinihintay ka na lang namin gumising. Ang haba ng tulog mo. Mukhang okay ka na nga, e. Ilan 'to?" Winagayway pa niya ang kanyang kamay nang mabilis na tila nagpapahula kung ilan ang daliri niya sa kamay na inilahad. Nakaloloko pa siyang ngumiti sa akin.
Napairap ako sa kanya. "Ginagawa mo ba akong gago?" sarkastiko kong tanong sa kanya.
Napahagalpak naman ng tawa si Grace sa akin. "Ano ba 'yan! Ako lang ang natawa sa joke ko..." napalabi niyang reklamo.
Napaangat nang bahagya ang labi ko. "Hindi bagay sa'yo ang magpatawa. Mas sanay ako sa walang emosyon mong mukha. Teka, ano nga palang nangyari? May paliwanag na ba kung bakit walang mga Rayka sa unclaimed territory na ito?" pag-iiba ko.
"Ah... hindi ko rin masyadong maalala. Pero may mga kasamang bampira si Senior Matheo kanina. Ang sabi nila sa akin ay bigla na lang daw naglaho ang mga Rayka rito sa California. Sinabi rin nila sa akin na kailangan kong sundin ang lahat ng ipag-uutos mo. May binigay bang mission si Senior?" sagot naman niya.
"Si Sky?"
"Oh, bakit mo ako tinatawag?" Bigla ay may tinig na sumingit sa usapan namin ni Grace.
Pagkaharap naming dalawa ay nakita namin ang nakangiting si Sky. Nakapamulsa pa ito habang may hawak na malaking baril na nakasabit sa kanyang balikat. "Sky? Saan ka nanggaling? Ayos lang ba kayo? Hindi ba kayo sinaktan ng mga dumukot sa atin kanina?" sunod-sunod na tanong ko.
"Ah... sila Senior Matheo ba? Okay naman. Hindi naman nila kami sinaktan," komportable na sagot niya sa akin. Naglakad siya papalapit sa akin at umupo sa tabi ko. inilatag niya ang mga dala naming bag at ibinigay sa amin ang mga dadalhin namin. "Nasabi na sa akin ni Senior ang misyon natin. Kailangan lang nating hanapin ang isang Vaz Hollow na sinasabi niya. Nakuha ko na ang buong detalye kaya pwede na tayong magsimula sa paghahanap sa kanya," imporma niya.
"Iyon ang misyon natin?" tanong ko. Ito ba ang sinasabi ni Tanda na importanteng bagay na dapat kong gawin bago hanapin si Ranny?
Napangiti naman si Sky sa akin. "Hindi ko alam kung ano ang pinag-usapan ninyo ni Senior pero sa tingin ko ay kailangan mong sundin ang mga sinasabi niya. Dahil kalaunan ay mapapahamak ka dahil sa mga padalos-dalos mong desisyon."
Napaiwas ako ng tingin sa kanya at napabuga ng hangin. "Nakita ko si Ranny nang hawakan ko ang singsing na binigay niya sa akin. Alam niyang hahawakan ko ito at hahanapin siya..." Napaluha ako habang sinasabi ang mga iyon. "Hindi ko akalain na mangyayari 'to sa kanya..."
"Alam mo, Captain... natutuwa ako ngayon..."
Napasimangot naman akong napatingin sa kanya. "Anong pinagsasabi mo?"
"Kasi sobrang hirap mong basahin, pero ngayon, naiintindihan ko na si Senior kung bakit pinili niya pa rin ikaw na pagkatiwalaan..."
Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon. Ano na naman kayang trip ng lalaking ito?
"Pinagkatiwalaan ka niya dahil alam niyang pareho kayo mag-isip. Dahil alam niyang wala kang ibang intensyon kundi mabuti at ang makabubuti para sa lahat. Ginagawa mo man ito sa napakadelikadong paraan, nakikita namin na pursigido kang gawin ang lahat para maitama lang ang lahat ng pagkakamali," pagpapatuloy niya.
Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ako sanay na may sinasabing ganito si Sky. Mas sanay ako na namomroblema sila sa akin dahil sa katigasan ng ulo ko. Pero ngayon ay pinupuri niya ako dahil sa napaka-imposible niyang dahilan.
Napaismid ako. "Si Tanda? Hindi kami pareho ng iniisip at mga plano. Sabihin na nating kilala niya ako mula pa noon. Kilala niya si Aleyago at alam niyang si Aleyago ay hindi isang masamang tao..." pinal kong sabi sa kanya habang nakatanaw sa kawalan.
Tanda... kung ano man ang inililihim mo, alam kong dahil ito sa dating gawi mo. Pero sa ngayon, hindi ko alam kung kaya pa kitang pigilan...
To be continued...