“Daddy, request ka naman ng videoke, kakanta daw sila,” saad ni Samantha sa asawang si Joaquin nang gumabi na.
“Sige, kukuha tayo, Babygirl, wait lang,” saad ni Joaquin sa asawa, nangiti naman si Samantha at binigyan ng mabilis na halik sa labi si Joaquin.
Nasa Villa na sila ngayon at nag iinuman habang ang mga bata naman na maghapong nagtampisaw sa dagat kanina ay kapwa nagpapahinga na bantay bantay ni Daphne na kasambahay ng mga Dela Vega.
Nagising naman si Ralph na siya na lamang mag isa sa Nipa Hut kung kaya’t hinanap niya ang mga kasama. Nang papasok siya sa Villa ay kaagad siyang inabutan ng tagay ni Jonas.
“Uy, hindi pa kumakain yan,” saway ni Joaquin kay Jonas.
“Hayaan mo, laman tiyan din yan, diba Sir Ralph?” saad ni Jonas na tatawa tawa.
Kinuha naman ni Ralph ang tagay at tumingin muna kay Glory na nakaupo sa gilid bago niya ininom iyon.
Pumunta naman si Joaquin kay Glory at bumulong, “Masama tuloy gising, iniwan mo kasi eh, hindi ko nga pinasama yung jowa dito ayaw mo pa rin sunggaban,”
“Doon ka nga! nabubwisit ako sayo!” singhal ni Glory ng mahina dahil naiinis siya kay Joaquin, lahat na lamang kasi ay napapansin nito.
Natawa naman si Joaquin at saka kinausap ang staff sa resort upang makapaglagay sila ng videoke sa Villa.
Nang mailagay ang videoke ay nagkantahan na sila at nag inuman. Mahinahon lang si Ralph at tahimik na umiinom, gayon din si Glory, nagkakatinginan lamang sila dahil malayo ang kinauupuan nila sa isa’t isa. Naisip naman ni Glory na tama lang iyon upang hindi na rin siya matukso pa kay Ralph. Hindi nakakalimutan ni Glory ang pag uusap nila ni Luz at iniisip niya iyon palagi. Iyon ang hindi nagpapatulog sa kanya, ang isiping pagmamay ari na ng iba si Ralph kung kaya’t hindi na sila pwede.
“Huy! Kumanta ka naman Sir! Kanina ka pa dyan umiinom,” kantyaw ni Jonas kay Ralph.
“Ayoko! Iinom lang ako!” singhal niya sa mga ito.
“Hindi pwede! Kumanta ka! Bagay sayo tong susunod na kanta! Dali na!” saad ni Jonas na inabot na kay Ralph ang mic.
“Hala, ayoko nga, hindi ko alam ‘to!” singhal niya sa mga kasamahan ngunit tinatawanan lang siya ng mga iyon.
“Alam mo yan, dali na! Panahon yan ni Sir Joaquin!” saad ni Jonas na tatawa tawa habang ipinipilit sa kanya ang kanta.
“Romualdez! Romualdez! Romualdez!” singhal pa ni Joaquin habang tatawa tawa, sinundan naman siya ng mga empleyado niya at isinigaw ang apilido ni Ralph.
“Itayo niyo bandera nyo, Boy!” singhal pa ni Joaquin.
Sa kantyaw nila ay sinimulan ng kantahin ni Ralph ang ibinigay na kanta ni Jonas na “I don’t Wanna Talk About It” ni Rod Stewart ngunit reggae version ito na siyang nagpaganda ng mood ng lahat.
“I can tell by your eyes, That you've probably been crying forever,”
“Whoo!! Yan ang gusto ko sayo Ralph!” kantyaw ni Joaquin.
“And the stars in the sky don't mean nothing, To you, they're a mirror”
“Grabe yan! May pinapatamaan ka ba?” singhal ni Joaquin na tatawa tawa, sinusuntok suntok naman siya ni Glory sa braso ngunit walang pakialam si Joaquin.
“I don't wanna talk about it, How you broke my heart”
“Tinatamaan na yung isa dito!” sigaw pa ni Joaquin.
“Tumigil ka na nga kasi!” singhal naman ni Glory na tinatadtad na ng kurot si Joaquin ngunit natatawa lang ito.
“But if I stay here just a little bit longer, If I stay here, won't you listen to my heart?” ramdam na ni Ralph ang kanta at napapapikit pa.
“Oh, my heart,”
Dahil gaya ng kanta ay nagsusumigaw din ang puso niya na pakinggan siya ni Glory.
Muli niya kasing binisita ang flower shop na binibilhan niya ng bulaklak dati nitong mga nakaraang araw matapos ang paglapastangan niya sa labi ni Glory at tinanong doon ang mga nakaraang transaksyon niya rito. Ipinakita naman sa kanya ng saleslady na pangalan nga ni Glory ang ipinalalagay niya tuwing bibili siya ng bulaklak at bibihira lamang ang pangalan ni Luz. Halos lahat ng nakatalaang petsa ay bago siya naaksidente at nawalan ng alaala.
Pumasok na sa isip niya na posibleng may relasyon sila dati ni Glory ngunit nang mawalan siya ng alaala ay nanahimik na lamang ito. Hindi niya pa rin kasi nakakausap si Renzo tungkol rito dahil abala ito sa business trip. Apat na taon na ang nakalipas at naiinis siya sa sarili niya dahil naging abala rin siya at hindi na naimbestigahan pa ang mga pangyayari bago siya mawalan ng alaala at ngayon na lamang kung kailan bumalik na si Glory.
Hindi siya titigil hanggat hindi niya nalalaman ang totoo dahil naging sobrang mailap ni Glory sa kanya at maging ang mga anak nito ay hindi niya nakikita ng malapitan ngunit tila ba may nararamdaman siyang iba sa mga batang iyon, hindi niya maipaliwanag kung ano.
Nang lumalim pa ang gabi ay nagsikumpulan silang lahat sa buhanginan at gumawa ng bonfire sa harap. Kinuha naman ni Ralph ang gitara niya at sinimulang mag strum. Kumanta naman si Wade na stepbrother ni Joaquin habang sila Glory ay tahimik lamang na nakikinig ngunit hindi na kinakaya ni Glory ang mga nakaw na tingin ni Ralph kung kaya’t tumayo siya at lumayo sa mga kasama, nang mapansin naman iyon ni Ralph ay sinundan niya si Glory sa may dalampasigan.
“Glory, talk to me,” saad ni Ralph habang sinusundan si Glory, rinig na nila ang alon na humahampas sa buhanginan at tila nababasa na ang kanilang mga paa.
“What am I gonna say to you?! Stop following me!” singhal ni Glory.
“Tell me everything, the night after the accident, tell me!” singhal ni Ralph.
Nagulat si Glory dahil mukhang nakakaalala na nga si Ralph. Biglang tumulo ng mabilis ang kanyang mga luha at wala siyang magawa kundi maglakad lang ng maglakad, gusto niyang takasan na naman ang lahat dahil hindi niya na naman alam ang gagawin, hindi niya alam kung paano ipapaliwanag kay Ralph ang lahat.
“Tell me right now, Glory!” sigaw ni Ralph.
Natatakot na si Glory, hindi niya alam kung paano tatakasan si Ralph ng mga oras na iyon.