Nagising si Ralph na walang maalala pagkatapos ng tatlong araw na pagkakatulog. Ni ang pangalan niya ay hindi niya alam kung kaya’t tinulungan siya ng kakambal na si Renzo at pilit na ipaalala rito ang lahat.
Nagkausap naman si Luz at si Renzo.
“Hindi ko alam na nagkabalikan na pala kayo at may balak magpakasal,” saad ni Renzo.
“Oo Kuya, masyadong naging mabilis ang mga pangyayari at hindi na rin namin kayo nasabihan ni Ralph, ang kaso ay nangyari naman ang trahedyang ‘to,” saad ni Luz.
“Hayaan mo, gagaling din si Ralph at maalala niya ang lahat, kailangan lang nating maghintay sa ngayon,” saad ni Renzo.
Simula ng maaksidente si Ralph ay hindi na umalis sa tabi niya si Luz, inaalagaan niya ito at siya rin ang nagpapakain dito, para kay Luz, kaligayahan niya na ang asikasuhin si Ralph, bagama’t hindi pa siya gaanong maalala nito ay sapat na iyon upang maramdaman nito na mahal na mahal niya ito.
“Gaano katagal na tayong magkasintahan?” tanong ni Ralph kay Luz.
“Uhm, limang taon na sana, kaya lang ay nag abroad ako at kakauwi ko lang dahil nga inalok mo na akong magpakasal,” saad ni Luz.
Hindi naman siya nagsinungaling dahil totoong limang taon silang naging magkasintahan at kung hindi lamang siya umalis at kung hindi nagpakasal si Ralph sa namatay na asawa na si Sophia ay malamang ay baka matagal na silang nagkatuluyan.
“Ah ganon ba,” saad ni Ralph.
Samantala, nasaksihan iyon ni Glory na tahimik lamang na nanunuod sa gilid, sa labas ng kwarto nito. Nanlulumo siya dahil sa narinig mula sa babaeng kaharap ni Ralph ngunit wala siyang magawa at kung totoong magpapakasal talaga sila ni Ralph, alam niyang may malalim na dahilan ang manliligaw niya kung bakit gagawin ito. Pilit bumabalik sa isip niya ang tagpong ipinakita niya ang abortion consent form kay Ralph at sinisisi ang sarili, kung sana ay hindi niya iyon pinakita kay Ralph, sana ay hindi nalagay sa peligro ang buhay nito at naaksidente.
Buong isang linggo ay walang ibang ginawa si Glory kundi panuorin mula sa bintana ng hospital room si Ralph. Hanggang doon lang ang kaya niya dahil nagu guilty pa rin siya sa nangyayari, napag alaman niyang nawalan ito ng ala ala mula kay Renzo na nagkwento kay Joaquin.
Nagkausap sila ni Joaquin pagkatapos non.
“Paano na yan Glory? Walang maalala yung tao, hindi mo pa sinabi sa kanya na buntis ka,” saad ni Joaquin.
“Mas mabuti ng ganon Joaquin, mas mabuti ng hindi niya na maalala ang lahat lahat ng tungkol sa akin kaysa naman masaktan ko siya,” saad niya kay Joaquin na nag aalala.
“Pero paano ka? Paano ‘yang anak mo?” tanong ni Joaquin.
“Kaya ko naman eh, kilala mo ako Joaquin, buong buhay ko naging matapang ako sa kahit anong pagsubok, ngayon pa ba ako manghihina?” tugon niya sa dating kasintahan.
Naihilamos ni Joaquin ang palad niya sa kanyang mukha.
“Help, ano naman ang tulong na maibibigay niya sa akin Joaquin? Tutulungan niya akong mas lalo pang guluhin ang buhay ni Ralph? No way! Masyado ng nagdusa sa akin yung tao, ni hindi niya nga alam ang tungkol kay Enrico eh, ayoko ng dagdagan pa,” saad ni Glory at saka umalis.
May site visit pa kasi siya at hinihintay na siya ng kliyente niya. Maya maya ay huminto na ang kotse nito sa harap niya at bumukas ang bintana non.
“Glory Sanjuan, right?” tanong ng babae.
“Yes, Mrs. Samaniego, pleasure to finally meet you,” saad ni Glory at nakipag kamay sa ginang.
Si Mrs. Marissa Samaniego ay may ari ng isa sa mga oil company sa Pinas at napagesisyunan nitong ipaayos ang parte ng kanyang mansyon at si Glory ang napili niyang architect para gawin ang trabaho, bukod sa parehas silang hiwalay sa asawa ay babae sila, alam nila ang pinagdadaanan ng isa’t isa. Sumakay na siya sa kotse nito at sinimulan ng magmaneho ng driver nito.
“Ilang buwan na yan Ms. San Juan?” tanong ng ginang.
Namangha siya dahil kahit na nakaitim siyang dress ay nahalata pa rin nito ang pagbubuntis niya.
“Uhm, magta tatlong buwan na ho,” saad ni Glory.
“Alam ba yan ng ex husband mo?” tanong pa nito.
“Oho,” simpleng tugon niya.
“Talaga? At pumayag siyang i keep mo ang batang hindi naman sa kanya?” tanong pa nito.
“Matagal naman na ho kaming hiwalay Mrs. Samaniego, wala na siyang karapatan sa buhay ko,” matapang na saad ni Glory dito.
“Hmm, my kind of girl,” saad ni Mrs. Samanigeo at ngumiti.
Tahimik lang siya habang tinitignan ang dinadaanan nila ngunit habang tumatagal ay napansin niyang parang hindi iyon ang lugar kung saan ito nakatira.
“Mrs. Samaniego, nasaan ho tayo?” tanong niya sa ginang.
“Ay sorry, sa Tondo ito, hindi ko pala nasabi sayo, may dadaanan muna ako bago tayo umuwi sa bahay,” saad ng ginang.
Hinayaan niya na lang ang kliyente niya dahil marami pa namang oras. Naglabas ito ng isang parihabang envelope at binuklat iyon, may lamang lilibuhing pera at litrato ng asawa niya, sandali niyang tinignan ang litrato non at saka ipinasok muli sa envelope, at saka bumaba.
Palaisipan sa kanya kung ano ang nakita niya ngunit mas minabuti niya na lang na hindi magtanong at makialam sa buhay ng kliyente niya.
Tinanaw niya ito na pumasok sa isang masikip na eskinita, sa isang lumang bahay ay doon nito isinilid ang envelope na naglalaman ng salapi at litrato ng kanyang asawa at saka bumalik sa kotse nito.
Pagbalik nito ay sarkastikong ngumiti ito sa kanya ngunit hindi niya na lang pinansin iyon, ang pakay niya sa kliyente ay ang project na ipapagawa sa kanya nito at hindi iyon.
***
“I like you, you’re very professional,” saad ni Mrs. Samaniego sa kanila matapos silang mag site visit at mag ocular.
“Thank you Mrs. Samaniego, I will send the quotations right away para ma estimate natin ang total budget,” saad ni Glory na nakipag kamay rito at saka umalis.
Pupuntahan niya sana si Ralph sa ospital ngunit sumasakit na ang tiyan niya kung kaya’t minabuti niya na lang na umuwi. Kailangan niyang alagaan ang sarili dahil nag iisa lamang siya sa buhay.
Pag uwi niya sa Condo Unit niya ay sandali siyang nagpahinga at nag shower, habang nasa shower ay paulit ulit sa isipan niya ang mga pagmamalupit ni Enrico sa kanya, kung paano siya tratuhin nitong basura, parausan at alila sa pamamahay nila noon, hinayaan niyang pawiin ng maligamgam na tubig ang lahat ng masasakit na alaala. Isinusumpa niyang hindi na siya magmamahal ulit at sapat na sa kanya ang kambal niyang anak dahil sa labis na pagka trauma sa dating asawa.
Bigla niya namang naalala ang ginawa kanina ni Mrs. Samaniego. Tondo. Pera at litrato ng asawa nito sa envelope. Posible kayang… may balak itong patayin ang asawa nito?