Prinsipeng Paasa

1171 Words
By Michael Juhagetmybox@hotmail.com ------ "Ang sama mo! Sana ay mamatay ka na!" ang sigaw ni Waganda nang nagpakita si Ganida sa kanila at kinukutya niya silang dalawa ng prinsipe. "Hindi ako mamamatay Waganda. Ang pagmamahal ko sa prinsipe ay ang tanging bumubuhay sa akin. At dahil walang katapusan ang pagmamahal ko sa kanya, wala ring katapusan ang buhay ko!" ang sagot ni Ganida. "Paano kung mamatay ang prinsipe? E, ‘di wala ka nang mamahalin? Tingnan mo ngayon, magiging tao na lang siya at hindi na makababalik pa sa pagiging mortal dahil hindi siya nagtagumpay sa kanyang misyon. Paano mo siya mamahalin niyan?" "Mas okay na manatiling mortal na lang siya upang madali siyang ma-control nga aking kapangyarihan, at mapilitan siyang magmakaawa sa akin. At huwag kang mag-alala, Waganda. Hindi mamamatay ang prinsipe. Pangako iyan!" at bigla na lang naglaho si Ganida na nag-iwan ng isang malakas na halakhak." “Hmp! In fairness, ang tindi ng fighting spirit niya,” ang sarkastikong bulong ni Waganda sa kanyang sarili. Isang umaga ay pumunta ng palengke ang prinsipe upang mamili ng kanilang mga gamit sa bahay. Matindi pa kasi ang depresyon ni Iyke kung kaya ay siya na ang nagkusang mamili ng kanilang mga kailanganin. Alas-4 pa lang ng umaga iyon. Ganoong oras nakasanayan ni Iyke na mamili dahil ganoong oras din dumarating ang mga produkto galing bukid na maliban sa presko na, mura pa. At wala rinng masyadong tao. Subalit habang nagbibisekleta siya, nakita siya ng grupong unang nambugbog sa kanya. At dahil hindi niya kasama si Iyke, pinagtripan nila siya. "Balita ko ay may nahukay daw kayong antigo. Ibigay mo sa amin ang pera kung ayaw mong may mangyaring masama sa iyo, pare," ang pananakot ng isang miyembro ng grupo. "Hindi ko pera iyon, kay coach iyon! Ang dala ko rito ay sapat lamang para sa aking pamamalengke," ang sagot naman ni Yuni. "Hindi kami naniniwala! Siguradong naghati kayo dahil kayong dalawa ang nakakita noon!" At dahil wala naman talaga sa kanya ang pera na hinahanap nila, kinuyog nila siya. Nanlaban ang prinsipe. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na niya magawang tumawag kay Waganda. At mas mabilis pa ang sumunod na mga pangyayari. Sinaksak nila ang prinsipe sa tiyan at sa tagiliran at pagkatapos ay parang wala lang nangyari na iniwanan nila siya sa gilid ng kalsada. Doon na niya naisipang tawagan si Waganda. "W-waganda... t-tulong..." ang nasambit ng prinsipe habang hawak-hawak niya ang kanyang mga sugat. Agad na dumating si Waganda. Pati si Ganida na nakaramdam sa masamang nangyari sa prinsipe ay dumating din. Ngunit nang gagamitan na sana ni Ganida ng kapangyarihan upang malunasan ang prinsipe, bigla nilang narinig ang boses ng amang hari ng prinsipe. "Sa kahit anong mangyayari sa prinsipe bunsod ng kanyang pagka-mortal, huwag niyong gamitan ng kapangyarihan upang mailigtas siya. Kapag sinuway ninyo ang kautusan kong ito, hindi tatalab sa prinsipe ang kapangyarihan ninyo, bagkus ay magiging mortal na rin kayo at dadanasin ninyo ang kalagayan niya, pati na ang kamatayan. Bahagi ito ng kanyang pagsubok, kaya may limitasyon ang pagtulong ninyo sa kanya." Sa pagkarinig noon ay dali-daling tinungo ni Waganda si Iyke sa kanyang bahay samantalang si Ganida naman ay ibinuhos ang kanyang galit sa grupo na gumawa noon sa prinsipe. Pinaglaruan niya sila. Hanggang sa tinabunan niya sila ng mga bato sa pamamagitan ng pagtawag sa lindol bagamat siniguro rin niyang pinsala lang sa katawan ang matatamo ng ang mga miyembro ng grupo upang sila ay magdusa habambuhay. Samantala, dahil hindi naman puwedeng magpakita si Waganda kay Iyke ay naisipan niyang ibulong sa tainga ni Iyke na nasa panganib si Yuni, nagbakasakaling tatagos sa isip ng coach ang kanyang sasabihin at biglang maisip niya ang prinsipe. "May nangyaring masama kay Yuni! Sinaksak si Yuni at nakahandusay sa gilid ng kalsada! Mamamatay siya kapag hindi mo naagapan! Puntahan mo siya, dali!" ang pabalik-balik na bulongni Waganda sa tainga ni Iyke. Noong una ay mistulang wala lang ito para kay Iyke. Ngunit nang maisipan ni Wagandang ilaglag ang damit ng prinsipe na nakasabit sa sabitan nito sa dingding, doon na tila natauhan si Iyke. Dali-dali siyang bumalikwas at mabilis na tinakbo ang kalsada patungo sa palengke. Natagpuan niya si Yuni sa gilid ng kalsada, malapit lang sa nakalatag na bisekleta. Agad niyang dinala ang prinsipe sa ospital. Sa madaling salita ay naagapan ang buhay ng prinsipe. Naoperahan siya at nailigtas ang kanyang buhay. Nanatili ang prinsipe sa ospital ng ilang araw. "Ang sakit palang masaksak sa katawang mortal, Waganda," ang daing ng prinsipe nang nagising na siya at nakita niya si Waganda na nagpalakad-lakad sa gilid ng kama na animoy isang gymnast na nagbabalanse sa ibabaw ng tumbling vault. "Wala iyan sa sakit na nadarama ng puso ko nang umibig ako sa iyo ngunit hindi mo pinapansin. At ang sabi mo pa, liligawan mo lang ako kapag lumaki na ako. Paano ako lalaki? Duwende nga ‘di ba?" ang sagot naman ni Waganda. “Labo naman…” "Waganda, masakit pa ang operasyon ko kaya huwag mo akong patawanin, titirisin kita riyan." "Ganyan ka naman palagi. Pinagtatawanan mo lang ang aking nararamdaman. Ang sakit-sakit kaya. Prinsipe paasa ka!" "Aba't nagsalita pa talaga itong bansot na kutong-lupa na 'to. Hindi ikaw ang bida rito kaya huwag kang umepal." "Ay hindi ba? Akala ko ay ako na," ang sagot naman ni Waganda na tumawa nang malakas. "Biro lang po iyon, mahal na prinsipe," ang pagbawi rin niya. “Gusto ko lang na tumawa ka.” "Ay alam kong hindi biro iyang mga hugot mo." "Namannnn! Kainis!” ang sagot ni Waganda. “Pero maiba tayo, mahal na prinsipe, bilib na talaga ako kay Iyke. Ayiiiii!" dugtong niya. "B-bakit?" "Siya ang nakasagip sa iyo. Kinarga ka niya patungo rito, at hayan sa tabi mo, dinala niya si Yunimini, ang stuffed toy na regalo mo sa kanya. Para raw may kasama ka rito habang wala pa siya. Ayiiiii!" Nilingon ni Yuni ang kabilang gilid niya at naroon nga ang stuffed toy na binili niya para sa coach. Napangiti siya. Dinampot niya ito, tinitigan ang mukha atsaka muling inilatag sa kanyang gilid. "D'yan ka lang muna bunso," ang sambit niya. "At alam mo, may isa pa... dugo rin niya ang nakaligtas sa iyo." "Ha? P-paanong dugo niya?" "Nahirapan ang mga doktor na ma-identify ang dugo mo. Di ka naman kasi tunay na mortal. Nagtataka sila kung anong klaseng dugo mayroon ka. Ngunit dahil kailangan mo nang masalinan, napagdesisyunan nila iyong AB+ na lang ang isalin sa iyo. Iyan daw ang klase na puweding isalin sa kahit anong type na dugo. At si coach lang ang mayroon nito. Muli ay siya na naman ang nakasagip sa buhay mo. Siya ang bayani mo! Ayiiiiii! Kinikilig ako!" Binitiwan ng prinsipe ang isang malalim na buntong hininga. Hindi siya natuwa sa narinig na kuwento ni Waganda. "Siguro ay makabubuting bumalik na lang ako sa kaharian ng aking ama, Waganda. Mukhang hindi ako nagtagumpay sa misyon ko. Imbis na ako ang sasagip sa kanya, ako pa itong naging pabigat sa kanya." (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD