By Michael Juhagetmybox@hotmail.com
------
"Mahal na prinsipe, mamamatay ang coach sa yungib kung iiwanan mo siya ngayon."
"Bigo ako sa misyon ko, Waganda. Patay na ang lola niya. Hindi ko siya nasagip. At ngayon ay nababalot sa lungkot ang buhay niya. At heto, dumagdag pa ako. Iyong pera sa pagbenta niya ng antigo, nagamit para sa operasyon ko. Iyong mga nanaksak sa akin na sabi mo ay pinaglaruan ni Ganida, sa tingin mo ba ay hindi sila magsasalita ang mga iyon? Baka sulsulan nila ang mga tao at sabihin nilang may sa demonyo ako. Baka sugurin nila ang bahay ni Iyke at sungin ito. At lalong mamroblema siya sa akin dahil hindi ako lulubayan ng mga tao. At si Ganida, sa tingin mo ba ay patatahimikin niya ako habang narito? Sa tingin mo ba ay hindi niya saktan, sisirain ang buhay oa patayin si Iyke? Imbes na ako itong tagapagtanggol ng coach, imbes na ako itong mag-aalaga sa kanya, heto baligtad ang nangyari. Parang dumayo lang ako rito upang maghasik ng problema."
"Mamamatay nga siya sa yungib, mahal na prinsipe. Hindi siya masasagip kung susuko ka. Ano ang iisipin ng mahal na hari kung ganyang susuko ka?"
"'Di ba bigo na ang misyon ko, Waganda? Wala na akong dapat ipaglaban. Sa simula pa lang ay bigo na ako. At dahil dito ay hindi na masasagip pa ang buhay ni Iyke sa yungib."
"Huwag kang magsalita ng ganyan, mahal na prinsipe! Kung nabigo ka, 'di ba dapat ay naroon ka na sa kaharian ng iyong ama?"
"Bigo ako, Waganda, bigo. Kaya hindi na ako nakabalik."
“Kung ganoon nga, mas lalong panindigan mo ang pagtulong mo sa coach. Wala nang pamilya ang coach. At ikaw, nag-iisa ka lang dito…”
“Hindi, Waganda. Kahit hindi ako makakabalik, maaari ko pa ring kausapin ang aking amang hari. Alam kong hindi niya matiis na tuluyan akong maging mortal.”
"Hindi ako naniniwala."
"Maniwala ka, Waganda. Sa kaharian ng imortal, lahat ay may paraan.”
“Oo. Tama ka, mahal na prinsipe. Ngunit kadalasan, ang paraan ay nangangailangang itaya mo ang iyong sariling buhay. May matinding katapat ito, o pagsubok na kailangan mong lampasan.”
“Nakahanda ako, Waganda.”
“Kung ganoong itataya mo rin pala ang iyong buhay kung babalik ka sa kaharian, bakit hindi mo na lang itaya ang iyong buhay para kay coach, dito sa mundo ng mga mortal?”
“Napagtanto ko na talagang nakatadhana ang nangyaring trahedyang iyon sa yungib, at mamamatay ang coach at mga estudyante niya, Waganda. Dahil iyan ang gusto niya. Dahil nag-iisa na lang siya sa mundo. Dahil gusto niyang muling makasama ang kanyang lola sa kabilang buhay."
Hindi na nakaimik si Waganda. "Ikaw ang bahala, mahal na prinsipe. Ikaw lang ang makapagdesisyon sa kalagayan mo," ang sambit niyang may lungkot sa kanyang mukha.
-----
Gabi na nang dumating si Iyke sa ospital. Sa kabila ng ngiting ipinamalas niya sa prinsipe, halata pa rin sa likod nito ang matinding kalungkutan. "Kumusta?" ang sambit ng coach.
"Heto, okay na. Salamat sa lahat."
Umupo si Iyke sa gilid ng kama. "Walang anuman. Si Yunimini kumusta? Inalagaan ka ba niya?"
Dinampot ni Yuni ang stuffed toy at sinagot si Iyke, pinaliit ang boses niya. "Opo kuya, inalagaan ko po si Kuya Yuni."
Natawa si Iyke. "Ang cute!"
"Thank you kuya. I love you, kuya," ang dugtong ni Yuni.
Ngumiti lang si Iyke. Tinitigan niya si Yuni. "Dito ako matutulog mamaya," ang sambit niya.
Sandaling natahimik si Yuni. Sa isip niya ay gusto niyang isiwalat ang kanyang hangarin na layuan si Iyke. Humugot siya ng lakas upang masabi niya ito. "K-kapag magaling na ako ay aalis na ako..."
Nagulat ang coach sa kanyang narinig. Bigla siyang natigilan at lumungkot ang kanyang mukha. Hindi niya lubos maintindihan kung bakit pakiramdam niya ay mas lalong tumindi ang sakit na kanyang nadarama. At tila ang sinabing iyon ni Yuni ay kasing tindi rin ng sakit ng pagkawala ng kanyang lola. Ang sinabi niya ay mistulang mga sibat na tumusok sa kanyang puso.
Ngunit hindi niya ipinahalata ito. "N-naalala mo na kung saan ka nanggaling? Iiwan mo na ba talaga ako?" ang mahinahong tanong niya.
Binitiwan ni Yuni ang isang malalim na buntong-hininga. "Oo..." ang sagot niya na halos hindi makatingin kay Iyke.
Maya-maya ay nahiga si Iyke sa bangko. Nakatihaya. Ang kanyang bag ay ginawa niyang unan. "Matulog na tayo. Maaga pa akong aalis bukas," ang sambit niya. Halatang wala siyang ganang makipag-usap. Nanumbalik ang matinding lungkot na naramdaman niya sa mismong araw ng pagkamatay ng kanyang lola. At sa sinabing iyon ni Yuni ay tila may isang bahagi ng kanyang pagkatao na namatay din. Gusto niyang umiyak, ngunit pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang makita ni Yuni na nalungkot siya sa desisyon nitong lisanin niya siya.
Binitiwan ni Iyke ang isang malalim ngunit pigil na buntong-hininga.
"Nagreport ka na sa trabaho mo?" ang tanong ni Yuni.
Tumango lang si Iyke. Ni hindi man lang niya nilingon ang prinsipe.
"Mabuti naman."
Hindi na umumik si Iyke. Naintindihan ni Yuni ang matinding sama ng loob na dinadala ni Iyke. Kamamatay lang ng kanyang lola at hayun, aalis pa siya. Ngunit wala siyang magagawa. Para sa kanya, iyon ang pinakamabuting gawin upang mailayo si Iyke sa kapahamakan at mas matindi pang kalagayan.
"D-dito ka matulog sa tabi ko," ang paganyaya ni Yuni.
Nilingon ni Iyke si Yuni. "Makasasama iyan sa iyo kapag nasagi ko ang sugat mo."
"Okay na ako, ano ka ba."
"Bakit gusto mo akong makatabi?"
"Huwag kang mag-isip ng masama. Aalis na ako, ‘di ba? Gusto lang kitang makatabi. Gusto kong sa pag-alis ko ay maaalala kita, at maaalala mo rin ako. Malaki naman ang kama, kasyo tayong dalawa rito."
Walang imik na tumayo si Iyke. Nakayuko na mistulang isang taong talunan, singbigat ng mundo ang pinapasan, isang taong abot-langit ang kalungkutan.
Bitbit ang kanyang bag, dahan-dahan siyang humiga tabi ni Yuni. Nakatihaya siya, ginawa uli niyang unan ang kanyang bag.
Kakaiba ang senaryo nilang iyon kaysa sa dating eksenang naglolokohan o nagkakantiyawan sila kapag nagtabi sa pagtulog, o ginagawang malaking issue at nag-iingay kapag aksidenteng masagi o maidantay ang paa o kamay ng isa sa katawan ng isa. Sa pagkakataong iyon ay tahimik silang dalawa. Sobrang seryoso. Ni sa paggalaw ay halos hindi magawa. Tila mga estatwa lang silang nakahiga.
"Tumagilid ka paharap sa akin. May sasabihin ako sa iyo," ang utos ni Yuni kay Iyke.
(Itutuloy)