By Michael Juha
gemybox@hotmail.com
------
"Huwag ka na ngang magtampo d'yan!" Ang seryosong wika ni Yuni na hindi na nakatiis at tumayo na nilapitan si Iyke. Hinawakan niya ang baba nito. "May sorpresa ako sa iyo."
Dahil sa naramdaman niyang inis, hindi siya nagpakita ng excitement sa sinabing sorpresa. Bagkus, walang expression ang kanyang mukha na nagtanong. "Ano?"
"Hindi pa ako aalis. Sa bahay mo pa rin ako uuwi."
Doon na biglang nanlaki ang mga mata ni Iyke. Hindi na niya maitago ang matinding saya. "Talaga? Bakit biglang nagbago?"
"Huwag ka nang magtanong. Basta, sasamahan pa rin kita."
"Sana naman ay hindi iyan paasa."
"Hindi iyan paasa." Tinitigan ni Yuni si Iyke. "Masaya ka?"
"Oo naman! Ikaw ba?"
"Syempre! Makakasama ko pa ang nag-iisang kaibigan kong coach."
Binitiwan ni Iyke ang isang ngiti habang tinitigan si Yuni. Hindi siya nagsasalita.
"Baka mamaya niyan, in love ka na pala sa akin," ang sambit ng prinsipe.
"Ulol!" Doon na tumawa nang malakas si Iyke. Idiniin niya ang kanyang hintuturo sa biloy ng prinsipe at itinulak ang mukha nito. Tila kinilig. "Kahit pa may dimples ka, hindi kita type!"
"Kaming mga engkanto, nararamdaman namin kung ang isang tao ay may pagtingin sa amin."
"Ibahin mo ako. Hindi ako tao. Demonyo ako," sabay tawa nang malakas. "Atsaka hindi ka na engkanto ngayon kaya siguradong mali iyang radar mo."
Iyon ang takbo ng kanilang kuwentuhan. Ramdam na ramdam ang saya. Simula nang namatay ang kanyang lola, iyon ang pinakaunang pagkakataon na tumawa ng malutong si Iyke.
At habang nagbibiruan at naghaharutan ang dalawa, kinikilig naman si Waganda na nasa isang sulok lamang at lihim na pinagmasdan ang dalawa.
Nakatulog sina Yuni at Iyke na magkatabi sa kama. Nakatagilid na magkaharap sa isa't-isa, nakapatong ang kamay ng bawat isa sa ibabaw ng kanilang katawan.
------------------
"K-kung halimbawang buhay ang iyong inay, tatanggapin mo ba siya?" ang tanong ni Yuni nang nakalabas na siya sa ospital at nakabalik na ng bahay.
"Hindi," ang walang pagdadalawang-isip na sagot ni Iyke. "Umabot ako sa edd na 25 at wala siya. Kung nalampasan ko ang hirap noong pinaka-importanteng parte ng buhay ko kung saan ay nagtatanong ako kung bakit wala akong mga magulang, kung saan ay nangangailangan ako ng gabay at kalinga, ngayon pa bang malaki na ako at alam ko na ang mga pasikot-sikot sa buhay? Mabubuhay ako kahit wala siya," ang matigas na sabi ni Iyke.
"H-hindi na ba magbabago ang pasya mo?"
"Hindi na. Huwag na siyang magpakita pa sa akin."
Nalungkot si Yuni sa sinabing iyon ni Iyke. Alam niyang sa pagtanggap ni Iyke sa kanyang ina ay iyon na rin ang tagumpay ng kanyang misyon. "Paano kung sasabihin ko sa iyong nahanap ko na siya?"
"Kahit sinong impakto pa ang nakahanap sa kanya, wala akong pakialam. Masaya na ako sa buhay ko at ayaw ko na ngang makita pa siya," ang padabog na sagot ni Iyke.
"Araykopo! Engkanto lang ako, hindi impakto," sa loob-loob lang ni Iyke. "Okay... Pero kung sakaling magbago ang isip mo, buksan mo ang kahon na ito" Iniabot ni Yuni ang maliit na kahon kung saan ay nakasilid ang kuwintas ng kanyang inay.
“A-ano ito?” ang tanong Ni Iyke.
“Basta...”
“May kinalaman ba ito sa aking inay?”
“H-hindi ah!” ang gulat na sagot ni Yuni. Hindi niya akalain na maaaring maghinala sa kanya si Iyke. “Regalo ko iyan sa iyo. Kasi naaalala ko ang aking inay kapag nakikita ko iyan. B-baka kung gusto mo na ring makita ang iyong inay ay buksan mo iyan…” ang palusot na lang niya.
“Bakit? Ano ba ang kuwento ninyo ng iyong inay?”
Nahinto si Yuni. “Ah… g-gusto mo talagang malaman?”
“Kung okay lang s aiyo,” ang sagot naman ni Iyke. Syempre, interesado si Iyke na malaman ang kuwento ng buhay ni Yuni. Upang mas makilala pa niy siy.
“A-ang aking inay kasi ay prinsesa ng kaharian sa may dilaw na batis. Malayo-layo ang kaharian ng aking inay ngunit ang kanilang kaharian ay tanyag sa halos lahat ng kaharian sa aming timog-kanluran. Isang araw na napadayo ang aking ama na prinsipe pa sa panahong iyon, nabighani siya sa aking inay at ramdam din ng aking ama na may gusto ang aking inay sa kanya. Sa panahong iyon ay isinaayos na ang kasal ng aking inay sa hari ng malakas at mas makapangyarihang kaharian sa kanluran. Ngunit nang yayain ng aking ama na lihim na makipagkita ang inay sa kanya, sumang-ayon ito. Ang ginawa ng aking ama ay dinala niya ang inay sa kanilang kaharian. Wala nang nagawa ang amang hari ng aking inay at ang hari ng kahariang kanluran dahil kahit malakas ang puwersa ng kahariang kanluran, ang amang hari ng aking ama ay siya ring hari ng hangin at tubig. Kaya niyang ipatawag ang hangin at tubig upang hindi sila makahinga o ni makainom, at mamamatay sila. Ikinasal ang aking ama at ang aking ina. Ngunit nang isinilang ako, kinidnap ako ng amang hari ng aking inay. At pinagbantaan niya ang aking itay na kapag may ginawang masama sa kanilang kaharian ay kasamang rin akong mamatay. Kaya hinayaan nila ako sa kaharian ng ama ng aking inay. At doon habang lumalaki ako, brinaninwash nila ako na itinakwil ako ng aking inay dahil hindi niya ako mahal. Iyon ang nasa aking isip hanggang sa ang edad ko ay umabot na siyam. Isang araw, nakaupo sa kanyang trono ang aking lolong hari at kami namang mga prinsipe kasama ng ibang prinsesa ay nakaupo sa kanyng gilid upang tanggapin ang mga bisita nang biglang may sumulpot na magandang babae mula sa ibang kaharian. Umiiyak siya. Nagmamakaawa. Gusto raw niyang makita ang kanyang anak. Nagkatinginan kaming lahat… Galit na galit ang aking lolong hari. Ang sabi niya, hinding-hindi niya siya mapapatawad. Kahit lumuhod pa siya o gumapang at halikan ang kanyang paa. Walang pagdadalawang-isip ang babae na lumuhod at gumapagn patungo sa trono ng aking lolong hari. Ngunit agad din siyang hinawakan ng mga sundalo at pinatayo. ‘Ikulong iyan!’ ang sigaw ng lolo kong hari. Habang kinaladkad siya palayo, nakatingin ang babae sa akin. Nagmamakaawa ang kanyang mga mata. ‘Anakkkkkkkk!’ ang sigaw niya. ‘Patawarin mo ang iyong inay!’ Tiningnan ko ang aking lolong hari. Gusto kong magtanong. Ngunit biglang tumayo siya at umalis. Ang titig na iyon ng babae ay ang tumatak sa aking utak. Hindi ko maiwaglit ang kanyang pagmamakaawa. Malakas ang kalampag ng aking puso. Matinding poot ang nadarama ko para sa kanya. Gusto ko siyang murahin, sisihin, sigawan. Kaya kinagabihan, lihim kong pinuntahan ang kanyang kulungan…”
(Itutuloy)