By Michael Juhagetmybox@hotmail.com
----- xyz
Hinintay ni Yuni ang paghatid muli ng pagkain para sa pananghalian. Umaasa siya na ang babaeng iyon ang muling magdala. Ngunit nabigo siya. Bumalik na ang dating tagahatid ng pagkain niya.
"Sir, kilala niyo ba iyong naghatid ng pagkain sa akin kaninang umaga?" ang tanong ni Yuni.
"Ah, si Ma'am Aileen. Manager ng Clinical Nutrition Department. Boss ko iyon. Hindi kasi ako nakareport nang maaga kanina at nagkataon namang wala akong reliever kaya siya ang pansamantalang nag-cover sa trabaho ko. Bakit po, Sir?"
"M-may itatanong lang sana ako, eh. Puwede ba siyang makausap? Importante lang. Pakisabi naman sa kanya na may nalaglag siyang kuwintas at ako ang nakapulot."
“Ah, ganoon ba? Sige sasabihin ko.”
May planong nabuo sa isip ng prinsipe. Imungkahe niya na kung si Aileen talaga ang inay ni Iyke ay si Yuni muna ang magtago ng kuwintas hanggang sa handa na si Iyke na tanggapin ang kanyang inay. Ipaliwanag niyang matindi ang sama ng loob ni Iyke sa kanya at kamamatay lang din ng kanyang mahal na lola at hindi maganda kung dadagdagan pa niya ang sakit. Kaya dapat ay huwag muna siyang magpakilala. Ngunit may isa pang mahalagang dahilan si Yuni; hindi pa siya handa na lisanin si Iyke. Nasasaktan pa siya. Nai-enjoy na niya kasi ang pagiging mortal. Nai-enjoy na rin niya ang mga sandali na kasama niya si Iyke. Nais niyang sulitin ang sandaling kasama niya ang coach.
----
Mag-aalas-7 na nang gabi nang dumating si Aileen. Base sa kanyang plano, ipinaliwanag ng prinsipe ang lahat-lahat tungkol sa kalagayan ni Iyke. Walang mapagsidlan ang tuwa na nadarama ni Aileen. Napaiyak ito, at matindi ang pagkaawa niya kay Iyke. Sumang-ayon din siya sa lahat ng iminungkahe sa kanya ni Yuni.
Nasa ganoon kaseryoso silang pag-uusap nang bigla na lang bumukas ang pinto.
Si Iyke!
Dali-daling pinahid ni Aileen ang kanyang mga luha upang hindi mahalata. Alam niyang si Iyke iyon dahil sinabi sa kanya ni Yuni na si Iyke lang ang nag-iisang kaibigan niya at nag-aalaga sa kanya sa ospital.
Nagulat si Iyke sa kanyang nakitang may kausap si Yuni na babae na noon lang din niya nakita. "Anong mayroon?" ang tanong niya.
Sobrang na mesmerize si Aileen sa pagkakita niya kay Iyke. Halos maiiyak siya. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay mahanap niya ang taong matagal na nilang hinahanap.
"Iyke, si Aileen, siya ang Manager ng Clinical Nutrition Department ng ospital. Nag-usap lang kami tungkol sa pagkain ko. Alam mo naman, hindi ako mahilig sa… asin," ang paliwanag ni Yuni. At baling naman kay Aileen, ipinakilala niya si Iyke, "Ito naman po si Iyke, ma'am, ang nag-iisa kong kaibigan."
Nagkamay sila ngunit halata ang panginginig ni Aileen.
"Hello po..." ang pagbati ni Iyke.
Halos hindi makapagsalita si Aileen. Nakatitig na lang siya kay Iyke. "H-hi..." ang sagot niya. "Ikaw pala ang sumagip dito kay Yuni. Ang bait mong bata," ang sambit ni Aileen.
Siningitan naman ni Yuni ng biro upang hindi maging tensiyonado ang sitwasyon nila. "Hindi po iyan mabait. Palagi po niyang akong binubugbog..."
Tiningnan ni Iyke si Yuni, iyong seryosong tingin na naggagalit-galitan. Nilapitan niya ang prinsipe at pinisil ang ilong. "Gusto mo, sundutin ko iyang saksak mo? Gusto mong bawiin ko at ipasipsip mula sa katawan mo iyang dugo ko na nasa kaugatan mo ngayon?"
"Tingnan niyo po, Ma'am! Tingnan niyo po! Ang sama ng ugali!"
Tawa nang tawa naman si Aileen.
"Sino iyon?" ang tanong ni Iyke nang nakaalis na si Aileen.
"Secret."
"Secret ka d'yan. Sino nga iyon?" ang seryosong tanong ni Iyke na may halong pagkainis.
"'Di ba sabi ko, Manager ng Nutrition Department ng ospital?"
"Bakit sobrang seryoso ninyong mag-usap kanina? Parang umiiyak pa nga iyong babae. Ganyan ba siya talaga kaseryoso? Nakakaiyak ba iyong pagsasabi mong ayaw mo ng pagkaing may asin?"
"E, pakialam ko ba kung gusto niyang magseryoso kami sa aming pag-uusap. Baka nagtadtad iyon ng sibuyas habang naghanda ng pagkain sa departamento nila kaya siya naiyak."
"Bakit? Ano ba itong kuwarto mo, kusina? Nasaan ba ang sibuyas at tadtaran dito?" Lumingon-lingon kunyari si Iyke. “Wala naman ah!”
"Baka naalala niya lang ang sibuyas na hiniwa niya kaya siya naiyak."
Tinitigan na lang ni Iyke si Yuni. "Hindi ka nakakatawa. Maligno!" ang pagmamaktol ni Iyke.
"Sa guwapo kong ito, maligno?"
Hindi talaga bumigay si Yuni kahit gaanong pangungulit ni Iyke sa kanya. Wala naman kasing kaibigan si Yuni kaya nagtaka talaga si Iyke kung bakit naging seryoso ang usapan nila ng babaeng iyon at Nakita niyang umiyak pa sa harap niya.
Hindi na lang siya umimik. Nakasimangot na tinumbok nniya ang stuffed toy na si Yunimini at pinaglalaruan. Kinandong niya ito. Pinaliit ang kanyang boses, "Musta ang bunso ko? Hindi ka ba inaway ng salbaheng pasyente rito?"
"Woi, mabait ito ha? Inagawan pa nga niya ako ng pagkain eh," ang sagot naman ni Yuni kunyari kay Yunimini.
"Sinungaling!" ang kunyaring sagot din ni Yunimini gamit ang pinaliit na boses ni Iyke. "Ayoko na sa iyo! Mga matatanda ang type mo. Type mo ang namayapang lola ko at ngayon, iyong manager naman dito sa ospital. Isa kang Pedophile!"
Natawa si Yuni. "Huh! At may pedophile bang pangmatanda?"
"Mayroon. Ikaw!" ang sagot ni Yunimini gamit pa rin ang boses ni Iyke.
Ngunit may kakaibang naramdaman si Yuni sa linya ng pananalita ni Iyke. At may tuwa siyang naramdaman. May kilig. "Parang may nagseselos ah!"
"Hindi ako nagseselos! Hindi ako babae. Hindi kita love!" ang sagot pa rin ng stuffed toy na binosesan ni Iyke.
(Itutuloy)