I Love You, Nurse!

1237 Words
By Michael Juhagetmybox@hotmail.com ------ “Ano???” ang sigaw ni Iyke. "Oo. Dapat ay hindi siya mahiwalay sa iyo... Dapat ay magsama pa rin kayo." Sa pagkarinig ni Iyke sa sinabing iyon ni Yuni ay mas lalo pa siyang nagalit. Hindi maganda para sa kanya ang narinig niya. Doon ay tumaas ang kanyang boses. "Bakit naging misyon mo ang aking lola? ‘Di ba magkaiba ang mundo natin?" Natigilan si Yuni. Hindi niya inaasahan na mas laso palang magalit si Iyke sa kanyang ibinunyag. At nakikinita niya na mas marami pang itatanong si Iyke sa kanya. "Ahm, oo. P-pero—" Hindi na naituloy pa ni Yuni ang sasabihin gawa nang pagsingit ni Iyke. "Nangialam ba kayo sa buhay ng lola ko? Ginawa ninyong laruan ang buhay namin? Akala ko ba'y mababait ang mga engkanto!" "Huminahon ka. Hindi mo alam ang tunay na nangyari." "Kaya ipaliwanag mo sa akin! May kinalaman ka ba sa pagkamatay ng lola ko!" “Huhuhuhu! Mahal na prinsipe!!!” ang sigaw ni Waganda. Ayaw niyang tuluyang isiwalat ng amo niya ang kanyang misyon. Ngunit buo na ang isip ng prinsipe. "Wala... may nagawa akong kasalanan sa iyo sa sa hinaharap. Ang panahon na ito ay nakaraan at bumalik lang ako upang tulungan ka, na mabuo kayo ng nag-iisang pamilya mo. At nabigo ako. Kaya gusto kong manghingi ng patawad sa iyo." Tila nahimasmasan naman si Iyke. Ngunit napaisip siya sa sinabi ng prinsipe. "Kung nasa hinaharap ang kasalanang nagawa mo, hindi mo ba maaaring baguhin ito? Hindi mo rin ba maaaring balikan ang nakaraan bago namatay ang lola ko upang huwag matuloy ang kanyang pagpanaw?" "Hindi saklaw ng kapangyarihan ng mga engkanto ang itama ang mga kamaliang nagawa na lalo na sa mundo ng mga mortal. Ngunit isang eksepsyon ang patungkol sa nangyari sa iyo sa hinaharap. At dahil sa pagmamakaawa ko, ginamit ng aking ama ang kanyang kapangyarihang ibalik ako sa panahong ito dahil sa matinding kasalanang nagawa ko na siya ring sumira sa kasunduan ng aking mga ninuno at mga ninuno ninyo. Ang pagbalik ko dito sa nakaraan ay dahil lamang sa ibinigay niyang pagsubok upang maitama ko ang mali na iyon, para lamang kamaliang nagawa kong iyon sa hinaharap at hindi para sa ibang nangyari na at nakatadhanang mangyari." "So wala ka na talagang maitutulong pa sa akin? At itutuloy mo pa rin ang iyong pag-alis?" "Oo... Pasensya na." Iyon lang. Sa matinding sama ng loob ay walang imik na tumagilid patalikod si Iyke. Tila isa itong batang nagtatampo. Ipinatong ni Yuni ang kanyang braso sa katawan ni Iyke. Hinayaan ito ni Iyke. Hanggang sa nakatulog silang pareho. ----- Nagising kinabukasan si Yuni na wala na si Iyke sa kanyang tabi. Nalungkot ang prinsipe. Alam niyang masama ang loob ng coach. Sa umagang iyong ay pumasok sa kuwarto ang staff na naghahatid ng pagkain kay Yuni. Hindi siya iyong palaging naka-assign doon. Noon lang niya nakita ang babaeng iyon. Isang babaeng nasa mahigit kuwarenta ang edad, matangkad at bagamat hindi siya nagmi-make up, litaw pa rin ang natural niyang ganda. Nang pumasok na siya sa kuwarto, nginitian niya si Yuni. "Good morning po! Kumusta na?" "Okay lang naman po. Heto, malapit nang makalabas," ang sagot ni Yuni. "Mabuti naman kung ganoon. Mag-ingat ka palagi ha? Marami nang salbahe ngayon sa lugar na ito." "Salamat po." Itatanong pa sana ni Yuni kung nasunod pa rin ba ang ipinakisuyo niya sa naunang tagahatid sa kanya ng pagkain. Bagmat nakakakain na siya ng pagkaing may asin simula nang maging mortal siya ay mas gusto pa rin niya ang walang asin. Ngunit biglang nag-ring ang cellphone ng babae. Agad na dinukot niya ito mula sa kanyang bulsa. Napansin ni Yuni ang isang bagay na nalaglag. Hindi ito napansin ng babae. Nang nakita niya kasi sa screen ng kanyang mobile phone kung sino ang tumawag, nataranta siya at nagmamadaling sinagot ito, sabay takbong lumabas ng kuwarto. Hindi na niya napansin pa ang pagmuestra ni Yuni na may nalaglag mula sa kanyang bulsa. Tumayo ang prinsipe at dinampot ang bagay na sa sahig. At laking gulat niya sa kanyang nakita. Isa itong kuwintas na kahawig sa kuwintas ni Iyke! At ang hugis din ng pendant nito ay sa isang taong hati ang katawan mula sa ulo hanggang sa harapan. Ang kaibahan lang ay ang salitang nakaulit dito, "IN". Kinabahan ang prinsipe. Iyong kaba na dulot ng matinding excitement. Naalala niya ang kuwintas ni Iyke na may nakasulat na "AY". "Ayin kaya ang pangalan niya? Siya kaya ang inay ni Iyke?" ang tanong niya sa kanyang sarili. Kung buhay pa pala ang inay ni Iyke, ang ibig sabihin ay... hindi pa tapos ang aking misyon? Hindi ang lola niya ang tinutukoy na nag-iisang pamilya?" Ipinasok niya sa kanyang bulsa ang kuwintas. "TUMPAK, MAHAL NA PRINSIPE!" ang biglang pagsigaw ni Waganda na inilapit pa ang bibig niya sa tainga ng prinsipe. "AY KABAYONG DUWENDE!!!" ang biglang pagsigaw din ng prinsipe sa matinding pagkagulat. "Ba't ka ba biglang sumulpot! Mapapamura ako sa iyo ah!" "Puwede ka nang magmura mahal na prinsipe. Isa ka nang mortal." Ang sagot ni Waganda. "PU******* MO!" "Sige pa mahal na prinsipe, kaya mo iyan. Magmura ka pa. Walang kasing sarap ang magmura. Isa iyan sa mga pribilehiyo ng mga mortal. Kaya sulitin mo na." Kaya, minura nang minura niya si Waganda. Nasa ganyang pagmumura ang prinsipe nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang maganda at seksing babaeng nurse niya. "Sino po ang minumura ninyo, Sir?" Mistulang hinataw naman ng matigas na bagay ang ulo nag prinsipe sa pagkakita niya sa nurse. "Eh... wala, Miss. Sarili ko lang ang minumura ko," ang sagot niya sabay bulong ng, "Pu******ko, pu******ko...!" at nang nakita niyang tumatawa si Waganda, halos umuungol na lang na pagkasabi, hindi ibinukas ang bibig, "Tangnamo, Tangnamo, Tangnamo!" Tawa nang tawa naman ang nurse. Hinawakan nya ang braso ng prinsipe upang kunan ng blood pressure. Habang ginagawa iyon ng nurse, kitang-kita naman ng prinsipe ang cleavage ng nurse. Binomba ng nurse ang bulb ng ng sphygmomanometer nang maisukbit na niya sa braso ng prinsipe ang cuff. "Baka iyong kasama mo ang minura mo, Sir. Wag naman," ang sambit niyang ang tinutukoy ay si Iyke. "Nag-guwapuhan ka ba sa kanya, Miss? Sino ang mas guwapo sa aming dalawa?" ang pilyong tanong ng prinsipe upang asarin si Waganda. Napangiti ang nurse. "Syempre, ikaw," ang halatang kinilig na sagot ng nurse, hindi makatingin-tingin sa prinsipe. "Ako rin, crush din kita," ang sagot din ng prinsipe. "Hihihihihi!" ang tawa ng nurse na namumula na ang mukha. "Palabiro ka talaga!" Nang nilingon ng prinsipe si Waganda, nakita niyang nagsitayuan ang mga buhok ng duwende na animoy isang sea urchin ang kanyang ulo o iyong ulo ng taong nakoryente ng ilang daang boltahe. Ang mukha ay nagngangalit, ang mga mata ay nanlilisik, at ang kanyang mga kamay ay inunat na akmang sasakalin ang leeg ng nurse. "I love you, nurse!" ang pabirong sigaw ng prinsipe nang nakasara na ang pinto ng kuwarto at nasa labas na ang nurse. Nang ibinaling ni Yuni ang paningin niya kay Waganda, nakalipad na itopatungo ng pintuan. "Saan ka pupunta?" "Papatayin ko iyong nurse mo! Itutulak ko sa hagdanan ang talipandas! Sasaksakin ko ng hiringgilya ang mga mata at dede niya!" Tawa lang nang tawa si Yuni. Alam naman niyang nagseselos lang si Waganda at hindi niya kayang gawin iyon. Walang mapagsidlan ang matinding kaligayahang nadarama ng prinsipe sa sandaling iyon. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD