By Michael Juhagetmybox@hotmail.colm
------
Kitang-kita sa mukha ng coach ang matinding pagkaawa sa mag-ina. Alam niyang umiiyak ito sa sakit hindi lang sa pisikal niyang nararamdaman kundi dahil din sa kawalan ng magagawa para sa sarili at para sa kanyang anak.
At ang kanyang anak, ramdaman ni Iyke ang sakit na dinaranas nito, isang pamilyar na eksena sa buhay niya.
Biglang nanumbalik sa kanyang isip ang alaala ng paglisan ng kanyang lola. Hindi niya nakayanang pagmasdan eksenang iyon. Tumalikod siya at tinungo ang hagdan ng bahay. Bumaba siy at naupo sa isang malaking bato. Doon ay tuluyan niyang pinakawalan ang tinitimping nararamdaman. HInayaan niyang pumatak nang pumatak ang kanyang mga luha.
Sinundan siya ni Yuni.
"Kung may maitutulong lang sana ako," ang narinig na ibinulong ni Iyke sa sarili habang nagpahid sa kanyang mga luha. Matindi ang pagkaawa niya sa bata. Ramdam niya ang pagdurugo ng kanyang puso.
Doon na sumingit si Yunie. "Gusto mong tulungan ko siya?"
Napalingon si Iyke sa kanya. "Wala ka nang kapangyarihan, 'di ba?"
"Hmmm... kung sakaling makahanap ba ako ng paraan, papayag ka?"
"Ikaw ba ay maaatim mo na mamatay ang kanyang inay at maiwan ang batang iyan na mag-isa?" ang sagot ni Iyke.
"Kaming mga engkanto ay hindi dapat mangialam sa buhay ng mga mortal, lalo na kung ito ay itinadhana, kagaya sa buhay ng lola mo. Ngunit kung kagagawan ito ng isang maitim na kapangyarihan, kagaya sa nangyari sa babaeng iyan, maaring tumulong kami. At maaaring mahanapan ko ito ng paraan. Ngunit tulungan mo rin ako," ang paliwanag ni Yuni.
"P-paano kita tutulungan?"
"Kapag napagaling ko siya, harapin mo ang iyong sariling suliranin. Kausapin mo ang iyong inay at patawarin mo siya."
Hindi kaagad nakasagot si Iyke.
"Kung ayaw mo, aalis na tayo walang silbi kung narito lang tayo upang pakinggan ang daing ng bata at ng kanyang inay."
"Sandali. S-sige. P-papayag ako," ang pagsang-ayon ni Iyke.
"Mangako ka. Isigaw mo sa hangin ang iyong pangako," ang utos ni Yuni.
Sumigaw ang coach. "Nangako ako na kapag mapagaling ng gagong ito ang babaeng nagdusa ay patatawarin ko ang aking gagang inay!"
Natawa ang prinsipe. "Ba't kailangang may gago at gaga?"
Ngunit seryoso pa rin ang coach. "Dalian mo na! Ang bagal eh!" ang utos naman ni Iyke. Hindi na niya pinatulan pa ang sinabi ni Yuni.
"Sandali..." Tinumbok ng prinsipe ang likuran ng bahay. "Waganda..." ang bulong niya.
"Mahal na prinsipe..." ang sambit ni Waganda na may halong pag-aalangan. Kahit hindi pa sinabi ng prinsipe ang ipagagawa niya kay Waganda, nahulaan na niya ito. "Alam mo ba kung ano ang epekto sa akin ng ipagagawa mo? Mauubos ang kapangyarihan ko kapag ginamit ko ito. Lalo na't kulam iyan, kapangyarihan laban sa kapangyarihan!" ang paliwanag ni Waganda.
"Waganda... ang pagligtas sa babaeng iyan ay kasama sa misyon ko upang harapin ni Iyke ang kanyang inay. Kaya kung maubos man ang kapangyarihan mo, mabuo naman ang pamilya ng coach. Magtagumpay din tayo," ang paliwanag ng prinsipe.
"Ngunit paano kung biglang sumulpot si Ganida? Paano ka?"
"Kaya nga dalian natin ang pagtulong sa kanya, Waganda. Upang kung dumating man siya, nagtagumpay na tayo. Wala nang reklamo pa, okay?" ang diin ng prinsipe.
Wala nang nagawa si Waganda kundi sundin ang utos ng kanyang amo.
Pumasok ang prinsipe sa dampa at tumayo sa gilid ng kama ng nakahigang ina ng bata. Ipinaliwanag niya sa kanila na tutulungan niya sila at kung ano man ang kaniyang gagawin ay tahimik na magmasid lamang sila.
Tumalima naman ang mag-ina. Sa kalagayan nilang iyon, lahat ng klaseng tulong ay tatanggapin nila.
Inunat ni Yuni ang kanyang kanang palad sa ibabaw ng mukha ng babae. Sa ilalim naman ng palad ng prinsipe ay naroon si Waganda at inunat din ang kanyang maliit na kanang kamay, ginaya ang ginawa ng prinsipe. Tanging ang prinsipe lamang ang nakakakita kay Waganda.
Halos hindi humihinga ang bata habang pinagmasdan ang ginawa ng prinsipe. Tahimik silang dalawa ni Iyke.
Ipinikit ni Yuni ang kanyang mga mata at nagconcentrate. Maya-maya lang ay Nakita nilang lumiwanag ang palad ng prinsipe at ang sinag nito ay pinuntirya ang mukha ng babae.
Sobrang namangha naman sina Iyke at ang bata.
Nasa 30 segundo ang itinagal ng sinag mula sa palad ni Iyke. Namatay na kasi ang ilaw na nagmula sa palad ni Waganda. Ang ilaw naman na iyon ay nagmula sa kapangyarihan ni Waganda.
Bumagsak si Waganda sa ibabaw ng kama ng babae bunsod ng pagkaubos ng kanyang lakas at kapangyarihan.
Dinampot siya ng prinsipe at inilagay sa mas mataas na estante sa loob ng bahay. Ang akala nina Iyke at ng bata ay kasama pa iyon sa ritwal ng paggamot. Ang hindi nila alam na may duwende palang nawalan ng malay.
Nang ibinaling nila ang kanilang atensyon sa babae, nanlaki ang kanilang mga mata sa nasaksihan. Bumangon ang babae mula sa kama at tumayo. Himalang bumalik rin sa dati ang kanyang mukha at walang makikitang ni kahit anong bakas na may nangyari rito. Niyakap niya ang prinsipe. Niyakap din siya ng bata. Nagyakapan silang tatlo.
"Siya po ang pasasalamatan ninyo," ang turo niya kay Iyke. "Dahil siya ang nag-udyok sa akin na gamutin ko po kayo."
"W-wala po akong kinalam—"
Hindi na nakapalag si Iyke nang yakapin din siya ng mag-ina. Nag group hug silang apat.
(Itutuloy)