By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Hindi na pinansin ni Yuni si Iyke. Sinundan na lang niya ito hanggang sa nakarating si Iyke ng bahay. Bago siya pumasok sa loob ay nilingon pa niya si Yuni. Ngunit hindi na niya nakita ito.
Tinungo niya ang kusina upang maghanda na sana ng kanilang agahan. Ngunit nakita niya ang kanyang Lola Greta sa kusina na kasalukuyang nagluluto. Imbes na ituloy pa niya ang balak niyang gawin, pinagmasdan na lang niya ang kanyang Lola. Uugod-ugod na ito, baluktot na ang katawan.
Binitiwan na lang niya ang isang malalim na bungtong-hininga. Matindi ang kanyang paghanga at pagkaawa sa matanda. Mahal na mahal niya ang kanyang Lola Greta.
Nilapitan niya ang kanyang Lola. Mula sa tagiliran ay niyakap niya ito. "Lola... Sana ay hinayaan mo na lang ako na siyang maghanda ng ating agahan. Kapag ganitong maaga pa, dapat ay natutulog pa kayo upang hindi kayo mapapagod. Abala na nga kayo sa mga alaga ninyong pananim na gulay at mga manok, kayo pa itong naghahanda ng ating agahan," ang sambit ng coach.
"Itong bata na ito talaga. Di mo ba alam na kapag palaging nakahiga ang matandang katulad ko, mas lalo kaming manghihina? At hindi ako sanay na walang ginagawa. Parang magkakasakit ako kapag hindi gumagalaw ang aking katawan. Isa pa, malakas pa ako. Kaya ko pa. Kaya hayaan mo na ako. Hala sige pumasok ka na sa banyo at maligo. Nakahanda na rin ang tuwalya at damit mo."
Wala nang nagawa si Iyke kundi ang pumasik sa banyo. Idinampi niya ang kanyang bibig sa noo ng matanda atsaka tinumbok ang paliguan.
"Gusto mo na ba talagang bumalik sa monasteryo, apo?" ang tanong ni Lola Greta nang kumakain na sila ng agahan.
Hindi kaagad nakasagot si Iyke. Simpleng tanong lang ito ng kanyang Lola ngunit mistulang may isang bagay na bumara sa kanyang lalamunan at tila nabilaukan siya. Alam ng lola niya kung bakit siya napilitang lumabas ng monasteryo; dahil sa kanya, upang alagaan siya. Simula noong nagkamalay si Iyke, ang Lola Greta na niya ang nag-alaga sa kanya, ang nag-aruga, nagpalaki. Siya lang ang nag-iisang pamilya niya. Kaya gusto niya na sa huling mga araw ng kanyang Lola ay nariyan siya sa kanyang tabi.
"Lola, alam niyo naman po na masaya ako na kasama ko kayo eh. Kahit naroon ako sa monasteryo kung ang palaging nasa isip ko ay kayo, mas mabuti pang nandito ako. Atsaka kahit saan naman po ang tao basta gagawa lang siya ng kabutihan, good karma pa rin iyan. Iyan po ang mahalaga. ‘Di po ba, Lola?"
"Oo naman. Walang limitasyon ang oportunidad na gumawa ng kabutihan. Sa bawat oras na humihinga ang tao ay pagkakataon na gumawa ng Mabuti. Ngunit apo, paano kung isang araw ay mawawala ako? E, ‘di mag-iisa ka na naman?"
Biglang lumungkot ang mukha ni Iyke. Yumuko na lang siya. Ayaw niya ng ganoong usapan. Nasasaktan at naiiyak siya. Kaya imbes na ituloy pa niya ang kanyang pagkain ay bigla niyang tinapos ito.
Tumayo siya at nilapitan ang kanyang lola. Niyakap niya. "Hindi mangyayari iyan, Lola. At hindi ako papayag na iiwan mo ako... Matagal na matagal pa tayong magsasama, Lola ko, hanggang tatanda na rin ako." Idinampi niya ang kanyang mga labi sa noo ng kanyang lola, "Aalis na ako Lola,” ang paglihis niya sa usapan. “Mali-late na po ako. Mag-ingat po kayo rito," ang pagpapaalam niya sabay talikod at tumbok sa pinto. Ayaw niyang tatagal pa ang kanilang diskusyon tungkol sa iwanan. Mababaw ang luha niya kapag ang paglisan ng kanyang lola ang pinag-uusapan. Sa loob-loob niya ay hindi niya kakayanin kapag nangyari ang kinatatakutan niyang iyon.
Mabigat ang kalooban ni Iyke habang nagmamadaling umangkas sa kanyang bisekleta.
"Pssst!" Ang sutsot ni Yuni na tumakbo at sinundan ang nagbibisekletang si Iyke. Ngunit nang makita ni Iyke na si Yuni ang sumusutsot, lalong binilisan niya ang kanyang pagpadyak.
"Hoy! Taga-lupa!" ang sigaw niya.
Hindi pa rin siya pinansin ni Iyke.
"Braddddddddd!!!!" ang sigaw uli ni Yuni.
Nang nilingon ni Iyke si Yuni, nakita niyang pursigido ito sa paghabol sa kanya. Naisip ni Iyke na baka hindi siya lulubayan ni Yuni sa paghabol hanggang sa eskuwelahan. Ayaw niyang pagtatawanan siya ng mga tao habang sinusundan at kinukulit ni Yuni. At ayaw rin niyang tanungin nila siya kung kaano-ano niya si Yuni.
Kaya huminto si Iyke na kitang-kita sa mukha ang pagkainis. "Ano ba ang pakay mo sa akin! At huwag mo akong tawaging Brad! Hindi kita kapatid!" ang bulyaw niya.
"Wala nga akong matuluyan, Brad, eh," ang sambit ni Yuni.
Inis na bibitiwan na sana si Iyke ang kanyang bike upang kuwelyuhan si Yuni nang siya namang pagdaan ng dalawang estudyanteng lalaki sa mismong kalsada kung saan niya hinintuan si Yuni.
Huminto sila. "Good morning Coach Iyke!" ang pagbati nila kay Iyke.
"Good morning!" ang sagot ng coach na pilit na ngumiti sa kanila.
Sa pagkarinig ni Yuni sa pagtawag ng mga bata kay Iyke ay may kumalembang na tinig sa kanyang tainga. "Siya pala si Coach Iyke?" ang bulong ng prinsipe sa kanyang sarili.
"Opo mahal kong prinsipe. Siya ang coach na siya mo ring misyon," ang maliit na boses na bumulong kay Yuni.
Gulat na napatingin ang prinsipe sa kanyang minion. Si Waganda, na biglang sumulpot at nagpakita sa prinsipe. Nakatayo siya sa ibabaw ng kanyang kanang balikat. Si Waganda ay isang duwende at matapat na minion niya sa kanilang kaharian.
"Ba't ngayon ka lang? Di mo ba alam na nabugbog ako? Muntik na akong mamatay? Mas kailangan kita sa misyong ito dahil wala na akong kapangyarihan!" ang pigil na pagsasalita ni Yuni.
(Itutuloy)