Lumabas ito ng gusali. Tama nga ako, kasama na nito ang dating Mayor ng Catalindang. May edad na pero matikas pa rin ang tindig nito. Pansin ko ang pagbulong nito sa matanda, saka itinuro ang pwesto ko. Kunwari'y busy ako sa cellphone pero naka-open ang camera ng phone ko. Doon ko pinagmamasdan ang dalawa.
Kita ko rin nang humakbang palapit sa pwesto ko si Demetrius. Kasunod si Alforte Magalones.
"Wala pa?" feeling close na tanong ni Dem. Dem na lang, after all iyon naman ang ipinakilala nitong pangalan kay Teri kahapon.
"W-ala pa." Sagot ko rito. Gumawi ang tingin ko sa matanda.
"Hindi mo ako kilala, 'no?" bahagyang natawa ang matanda.
"Sikat ka ba?" seryosong tanong ko rito.
"Hoy, ayusin mo ang attitude mo, Victoria!" nakikinig pa rin si Teri.
"S'ya ang dating mayor ng Catalindang. Mayor Alforte Magalones." Seryosong ani ni Dem.
Tumango-tango naman ako rito.
"Kung wala pa ang katatagpuin mo rito sumama ka na lang muna sa amin. Ihahatid ko lang si Mayor."
"Oo nga, hija. Mabait naman itong batang ito. Saka ihahatid lang n'ya ako sa bahay saka s'ya aalis. Mukhang may chicks na naghihintay sa bahay n'ya."
"Mayor." Saway ni Dem na ikinatawa lang ng matanda.
"Mukhang malabong dumating ang kausap ko. Sige, after all halos hindi na ako familiar sa Catalindang." Tumayo na ako at sumama sa mga ito.
"Sa passenger seat ka na maupo, hija. Ano nga bang pangalan mo?"
"To-teri po," mabuti na lang ay mabilis kong naitama ang sarili ko. Tumango naman ang matanda, pinagbuksan pa ako ni Dem ng pinto sa passenger seat. Habang ang matanda ay sumakay na rin sa back seat.
"Bago ka lang dito sa Catalindang, Teri?" tanong ng matanda. Nanatiling tuwid ang tingin ko sa harap ng sasakyan.
"Kauuwi ko lang ho makalipas ang ilang taon."
"OFW?" tanong nito.
"Hindi." Muling tipid na sagot ko rito. Madada ang matanda, tamad na tamad na nga akong sagutin ang mga tanong nito pero kailangan, lalo't panay ang reklamo ni Teri sa line.
Tiyak na nagtataka ang mga ito kung bakit ang bilis kong magtiwala sa mga ito. Lalo't kalmadong nakaupo lang ako passenger seat.
May pinag-uusapan ang mga ito. Waring may balak na tumakbo sa susunod na halalan ang dating alkalde ng Catalindang.
"Mayor, simula nang mapalitan kayo ay sunod-sunod na ang problema sa lugar na ito. Tama lang na bumalik na kayo."
"Kung papalarin at piliin pa rin ng taong bayan."
"Tiyak iyan, Mayor. Saka ikaw pa rin naman ang isinisigaw ng mga mamamayan ng Catalindang."
Nakarating kami sa isang private property na alam kong pag-aari ng matanda. Kabisado ko na ang lahat ng property na nakapangalan dito, at ang lupaing ito at ang mansion sa gitna ay isa sa yamang mayroon ang matanda.
Old money. Hindi dahil sa politics. Iyon ang alam ko dahil hindi lang simpleng pagkalap ng information ang ginawa ko.
Ang nangyaring sunog lang talaga sa palengke ang hindi masagot-sagot dahil kahit saan hanapin ang ibang reports ay para iyong naglahong parang bula.
"Pasok muna kayo." Pag-iimbita ng matanda.
"Hindi na, Mayor." Tangi ni Dem. Gumawi ang tingin sa akin ng matanda. Saka nito inilabas ang wallet nito.
"Magaan ang loob ko sa 'yo, hija. Kaya ipakikita ko itong picture sa wallet ko." Gulat ako sa ginawa nito. Nang iharap nito ang larawan ay bahagyang bumuka ang bibig ko sa labis na gulat. Lumang larawan ngunit parang multo iyon na nagbigay ng malamig na pakiramdam sa akin.
"M-ayor?" takang ani ko rito. Ngumiti naman ito.
"Kamukhang-kamukha mo ang aking ina. Sayang at wala na s'ya."
Sunod-sunod ang tanong ni Teri. Naririnig nito ang usapan pero hindi nito nakikita kung ano man ang nangyayari.
"Magkamukha nga." Wala akong maapuhap na sabihin kaya iyon na lang. Tipid din akong ngumiti rito. Mabilis naman nito iyong itinago. Sinadya ko talagang ipakita ang tipid na reaction para mapansin nito na hindi ako interesado. Pero sa loob-loob ko ay may tanong sa isipan ko.
"Alis na kami, Mayor." Paalam ni Dem. Saka lang pinausad iyon nang tapikin ni Alforte Magalones ang hood ng sasakyan.
"Ayos ka lang? Natakot ka ba kay Mayor? Mabait ang taong 'yon."
"Hindi naman."
Tumango ito at nagpatuloy na kami sa pagbyahe.
"Pupunta lang ako saglit sa isang restaurant."
"Bakit?" natigilan ako sa naging tanong ko."Kung nakakaabala ako ay idaan mo na lang ako sa pwedeng sakayan."
"Not really. Saglit lang naman, may kukunin lang ako kay Mama."
Mama? Oo nga pala, may ari ng isang restaurant dito sa Catalindang ang nanay nito.
Hindi ko alam kung bakit nagtratrabaho pa ito sa ex-mayor ng lugar na ito. Samantalang maganda naman ang buhay nito.
Nang marating namin ang restaurant ay pinilit pa ako nitong bumaba. Naririnig ko ang background ni Teri na hindi ko maintindihan. Palibhasa ibang language ang salita nang pinapanood nito.
"Tara na." Kumilos na lang din ako at sumama rito patungo sa loob ng restaurant. Halatang dinarayo dahil halos walang bakanteng pwesto.
Nakasunod lang ako rito. Isang ginang ang sumalubong kay Dem. May hawak itong paper bag na tiyak na pagkain ang laman.
"Ma, uuwi rin ako. May kasama ako."
"Anak, wala ka bang planong magbagong buhay? Ilang babae na ba ang isinama mo sa bahay na iyon? Hindi naman pala bahay ang plano mo sa ipinatayo mong 'yon. Motel naman pala." Reklamo ng ginang. Tumingin pa sa akin ang matanda. Seryosong tinitigan ko lang din ito.
"Pero iba ang aura nito, Nak."
"Kapitbahay ko lang si Teri, Ma."
"Teri ang pangalan mo? Ako naman si Loida."
"Nice meeting you, Ma'am." Pormal ang tinig na ani ko rito.
"Napakaganda mo, hija." Puri nito. Bahagya lang naman akong ngumiti rito.
"Sige na, medyo busy kami rito. Ingat sa pag-uwi. Ikaw rin, hija." Tumango ako rito saka sabay na kaming tumalikod ni Dem. Bitbit nito ang paper bag na may lamang pagkain.
"Anong sabi nang kikitain mo sana kanina? Hindi na talaga tumuloy?"
"Hindi na." Tipid na sagot ko rito. Sana lang mapanindigan ni Teri ang ganitong attitude ko kapag ito naman ang nagtratrabaho. Tiyak na malaking confusion sa mga ito kapag 'yong kabaliwan ng kapatid ko ang umiral.