1
Chapter One
"Uuwi kang buhay. Tandaan mo 'yan." Gigil na ani ko sa aking kakambal habang mabilis na tumitipa sa keyboard ng laptop ko. Dinig ko ang marahas na paghabol nito ng hininga.
Ito ang ayaw ko sa tuwing nasa misyon ito, hindi katulad kapag ibang girls ang mino-monitor ko. Ibang klase ang kabog ng dibdib ko sa tuwing si Teri ang nasa field. Hirap ako sa tuwing ito ang pinanonood ko sa mga delikadong misyon nito.
Lalo na ngayon na kasalukuyan itong nasa kuta ng isang underground group. Kasalukuyan isinasagawa ang paglilikas sa mga hostage, habang ginagawan nang paraan ng mga kasama n'ya na mailabas ang mga biktima, pinili ni Teri na maiwan sa location upang tiyakin na makalalayo ang mga kasamahan at ang mga hostage victim.
"Mabubuhay ako, kumalma ka nga d'yan." Nakuha pa nitong magbiro, habang ako ay hindi na mapirmi ang normal na kabog ng dibdib sa labis na kaba.
"I already instructed you, delikadong magpaiwan. Ang tigas ng ulo mo Teribelle." Bwisit na bwisit sa kapatid at labis na pag-aalala ang nasa dibdib ko ngayon. Ganito ito palagi sa tuwing feeling nito ay kailangan may maiwan.
Feeling ko nga ay tuwang-tuwa pa ito sa ganoong trill sa bawat misyon nito.
"Hoy, Victoria. Kumalma ka nga. Sabihin mo na lang kung saan na ang mga kalaban."
Kinailangan ko pang huminga ng malalim dahil hindi ko magagawa ang trabaho ko, kung ganito ako kaligalig.
"Papasok na sila d'yan sa location mo. Lima sila, ang tatlo ay may hawak na baril. Ang dalawa ay nasa likuran bahagi ang armas." Mabilis ang tipa habang sinisipat ang apat na footage na nasa screen.
"Dami…" nakangusong ani ni Teri saka mabilis na kumaripas ng takbo. Pero nang may madaanang bote ng alak ay mabilis na dinampot iyon at ihinagis sa kabilang direction. Ginawa nito iyon upang iligaw ang mga parating.
Hindi naman ito nabigo sa plano nito.
Ngunit sa direction na tinungo nito ay may isang pasalubong dito. Kaya mabilis na inutos ko ritong lumiko. Ngunit dahil matigas talaga ang ulo nito, ay nagtuloy-tuloy ito.
"Isa lang naman, eh." Saka inihanda ang paborito nitong kutsilyo, saktong lumabas ang kalaban ay mabilis na nitong naibato iyon at tumarak sa noo ng kalaban.
Bagsak iyon at agad na binawian ng buhay. Huminto si Teri sa tapat ng bangkay at kinuha ang patalim. Ipinunas pa nito iyon sa uniform ng lalaki saka muling isinuksok sa lagayan n'ya na nasa kaliwang bewang n'ya. Papito-pito pa itong naglakad palabas. Imbes na magmadali ay para lang itong naglalakad sa parke.
Again, hindi na naman sumunod sa plano na magmadali. Parehong-pareho ito at si Islah pagdating sa misyon.
Napapatino naman na ni Lady A sina Pluma, pero itong isang ito, hindi. Palibhasa hindi ko na pinaaabot kay Lady A ang gawain nito. Sa akin pa lang kasi ay ginigisa ko na ito ng sermon.
Mabuti na lang at iyon na ang huling nakasalubong nito. Kaso ang grupo nina Lucille, Pluma at Xendra ay naharang ng isa pang grupo.
Nang sabihin ko iyon kay Teribelle ay napapadyak ito sa labis na inis. Action ang tunay na hanap nito. Kaso sa naging desisyon nito ay mas lalo itong nganga.
"Umalis ka na d'yan, salubungin mo na lang sila sa south wing."
Nang makita kong sumunod na ito sa utos ko ay sina Pluma naman ang binigyan ko ng instructions.
Straight to the point, hindi tulad kay Teri na waring nakikipagnegosasyon pa ako bago ito sumunod.
Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang maitumba ng mga ito ang mga kalaban, dumatin na rin ang sasakyan na si Teri ang nagmamaneho.
Tulong-tulong ang mga ito na pinasakay ang mga na rescue nilang hinostage ng grupo.
Saka mabilis na tumakas. May naghihintay na ring team sa para salubungin ang mga ito. Dito na rin nagtatapos ang misyon nila roon. Kailangan lang nilang ilabas ang mga hostage, at ang team na binuo ng government nila ang bahala.
Hindi nga nagtangkang harangin ang mga girls nang umalis na lang basta ang mga ito.
"Job well done, girls." Bahagya akong nag-unat saka napasandal sa upuan. Marahang pinatunog ang mga daliri saka hinilot ang sintido.
"Tiyakin n'yo na uuwi 'yang si Teri rito sa unit. Mag-uusap kami." Seryosong ani ko sa mga kaibigan nanatiling nakakonekta ang linya sa akin.
Nanlaki ang mata ng kakambal ko, kita pa rin naman sila dahil sa device na nakakabit sa harap ng sasakyan.
"Ate Tori, I love you."
"Shut up, Teribelle. Paluluhurin kita sa asin." Inis na ani ko rito. Kaya mas mukha akong stress dito, eh. Sino nga ba ang mas matanda sa amin? Well, hindi namin iyon tiyak. Pero mas tumatayo akong ate rito dahil sa pagiging isip bata ng isang ito.
"Bumili ka na lang ng manga, para kapag nakaluhod ka sa asin, isawsaw mo na lang doon." Pagbibiro ni Lucille na ikinasimangot ni Teri.
Tsk. Kaya rin mas mukha ang stress palagi. Ito ang salarin.