"Anong kailangan mo?" seryosong tanong ko kay Demetrius. Nag-doorbell ito, wala sana akong balak na lumabas ngunit si Teri na ang nagsabi na labasin ko na. Kasalukuyan nasa misyon ang kapatid ko. Tinitiktikan lang naman nito ang grupong pinapaasikaso ni Lady A rito pero naka-monitor talaga ako sa kakambal ko.
"You're serious again. Iimbitahin sana kita kina Mayor."
"Your mayor?"
"Ah, si ex-mayor." Pagtatama nito.
"Bakit?" seryosong tanong ko rito.
"K-ailangan ba ay palaging may dahilan?"
"Yes." Napakamot ito sa ulo dahil sa sinagot ko.
"Gusto ka raw n'yang makausap ulit."
"Dahil ba roon sa kamukha ko ang nanay n'ya?"
"Siguro, mas maganda naman 'di ba kung sumang-ayon ka. Malay mo masagot din ang iniisip mo."
"Anong iniisip ko?" tanong ko rito.
"Well, kung bakit kamukha mo ang nanay n'ya. Nabangit ng kapitbahay na adopted kayo ng kakambal mo ni Nanay Lenny n'yo." Nag-usisa na ang lalaki, baka nga nagpapaimbestiga rin si Mayor.
"Iniisip n'yo bang related ako kay Mayor?"
"Siguro, hindi ko rin alam. Nautusan lang talaga ako."
"Sige. Nang magkalinawan na." Tumalikod ako rito pagkatapos s'yang pagsarhan ng gate.
"Teri!" tawag nito sa akin. Hindi ako si Teri, pero inihanda ko naman na ang sarili ko na matawag ng gano'n.
Kinuha ko lang ang wallet at phone ko. Ipinasa ko na rin sa isang kaibigan ang pagmo-monitor sa kapatid ko.
Sakay ng kotse ay nilisan namin ang lugar. Narating namin ang mansion ng matanda na halatang nag-aabang na sa bungad at ngiting-ngiti lalo nang makababa ako at bahagyang ngumiti.
"Tara, pasok tayo." Anyaya nito. Sumunod kami ni Dem sa matanda. Pagdating namin sa sala nila ay bumungad sa akin ang isang ginang na nakaupo sa couch at hinahaplos-haplos ang isang doll. Halatang luma na iyon, tulala ang ginang na waring may sariling mundo.
Hindi ko alam kung bakit mas pinili kong humakbang palapit sa ginang. Pipigilan sana ako ni Dem pero tinabig ko ang kamay nito.
"Hija?" aawat din sana si Alforte ngunit hindi ako nakinig.
"Hi!" magaan ang tinig na ani ko sa ginang. 'Yong tinig na madalas kong gamitin kapag naglalambing ako sa kapatid ko. Tumingin ang ginang sa akin. Agad na nagkaroon ng reaction ang mukha nito nang makita ako. Ngumiti ito at naglahad ng kamay.
Hindi ko alam kung si Dem ang napasinghap o si Alforte. Pero hindi ko pansin iyon, sa ginang ang buo kong atensyon at sa hawak nitong doll.
"Ang ganda ng doll mo."
"Ah, baby ko ito. Dalawa nga sila pero nawala 'yong isang doll ko eh. Hindi ko na nakita." Napakagatlabi ako at tumingin sa matanda.
"Bakit, hija? Familiar ba?" hindi ko alam kung tama ba ang pag-unawa ko sa tono ng boses nito. Naroon ang hope, hindi ko alam kung para saan.
"Hindi. Sadyang mahilig lang ako sa doll." Seryosong sagot ko sa matandang lalaki. Bumuntonghininga ito at tumango.
"Ako si Emerald, ikaw?" tanong ng ginang.
"Ako si Teri." Bahagyang pinisil ko ang kamay ko rito.
"Napakaganda mo."
"Salamat." Ngumiti ito at tumayo na. Basta na lang tumayo at parang walang usapang naganap na pumanhik ng hagdan.
"Pagpasensyahan mo na. Matagal ng ganyan ang asawa ko. Sa totoo lang, ang alam ng lahat ay patay na s'ya. Para na rin sa proteksyon n'ya."
"Naiintindihan ko." Gusto lang ding ipabatid ng matanda na hindi ko iyon dapat ipagsabi kanino man. Hindi naman mahirap intindihin iyon.
"Nagpahanda ako ng pagkain. Tara?"
"Gusto kitang makausap, Alforte Magalones." Natigilan lalo na si Demetrius sa paraan nang pagbangit ko sa pangalan ng matanda.
"Excuse..." nilagpasan ko si Demetrius. Sumunod naman ang matanda sa akin.
"Hija?" narating namin ang pool area. Kabisado ko ang buong mansion na ito. Dahil nakakuha ako ng blueprint ng buong lugar. Sadyang busy lang ako at hindi ko nakita sa mga footage na chineck ko ang asawa nitong si Emerald.
"Ano ba talaga ang pakay mo? Bakit inimbitahan mo ako rito?" deretsang tanong ko rito. Hindi ko kailangan magpaligoy-ligoy sa matanda.
"Hindi mawala sa isip ko ang tungkol sa 'yo at sa pagiging magkamukha ninyo ng aking ina."
"Nagkataon lang siguro iyon." Ngunit umiling ito.
"Impossible."
"Paano mo nasabi?"
"Malakas lang ang kutob ko. Nararamdaman ko sa puso kong hindi ito nagkataon."
Nakikita ko nga sa expression ng mukha nito na buo ang loob nito sa isang bagay.
"Ano ba 'yon?"
"Aaminin ko, hija. Magiging honest ako sa 'yo. Pinaiimbestigahan kita."
"Why?"
"Baka ikaw na kasi 'yong maging sagot sa matagal ko nang tanong."
"A-nong tanong?"
"Nasaan na nga ba ang mga anak ko?" deretso kong tinitigan ang matanda sa kanyang mga mata. Hindi ako naririnig ni Teri dahil tiniyak kong naka-off ang line ko.
"Iniisip mo bang anak mo ako? Dahil lang sa kamukha ko ang iyong ina?"
"Hindi naman masamang umasa, 'di ba? Kambal ang anak ko, bigla na lang silang naglaho no'n. Pagpasok ko sa kanilang nursery room ay wala na sila." Nakagat ko ang labi ko sa sinabi nito. All this time...inakala namin ni Teri na wala na kaming pamilya.
Inakala namin na inabanduna kami ng tunay na magulang namin. Hinayaan kaming maging impyerno ang buhay.
"Itigil mo na ang pag-asa mo. Hindi ako ang anak na hinahanap mo. Kilala ko ang magulang ko, maaaring related sa 'yong ina, baka magkamag-anak tayo. Pero malabo tayong maging mag-ama." Tumalikod na ako rito.
"May kakambal ka, 'di ba?" natigilan ako. Humarap ako rito.
"Hindi talaga kami magkakambal. Mas matanda ako sa kanya ngunit itinuring kami nang umampon sa amin na kambal. Sana'y malinaw na sa 'yo iyon."
"Magpa-DNA test tayo."
"Bakit kailangan mo pang gawin iyon? Gusto mong mahanap ang mga anak mo? Magulo ang buhay mo, ex-mayor. Gusto mo bang madawit ulit sila sa gulong 'yon?"
"Hindi naman. Handa akong bitiwan ang lahat ng plano ko lalo na sa politics once na mahanap ko sila."
"Kung masyado nang matagal. 'Di ba dapat itigil mo na?"
"Hija, kapag naging magulang ka, siguro ay mauunawaan mo ako. Hindi madaling mamatay ang ningas na nagbibigay buhay sa tulad kong ama. Iyon ay ang makita at mayakap pa ang anak nila."
Humakbang ako palapit dito.
Saka pinigtas ang ilang hibla ng buhok.
"Do it!" iniabot ko rito iyon."Kapag nalaman mo ang totoo, matatauhan ka." Ngumiti pa ako rito at tinapik ito.
"Hija, anak ka ni Lenny, tama?" hindi pa rin pala ito titigil kahit nakuha na nito ang pakay.
"Tama."
"Kasama s'ya sa sunog noon."
Hindi ko ipinahalatang nakuha nito ang atensyon ko.
"Nadamay s'ya sa aksidente..."
"Aksidente nga ba?" biglang kumalas ang kalmado kong expression. Napalitan iyon ng galit.
"Kaya ka ba bumalik dito sa Catalindang? Kaya ka ba narito, hija?" napipilan ako. Hindi agad nakasagot. Kinailangan pang kalmahin ang sarili bago ito tinitigan sa mata. Back the old Tori. Cold na titig na waring walang pakialam sa existence nito.
"Nope. Bumalik ako para rito na lumagay sa tahimik. Sayang naman ang bahay ko kung hindi ko titirhan. Naka-move on na ako sa nangyari noon. Aksidente man o hindi, wala na rin namang magagawa pa." Saka ko ito tinalikuran na. Humabol na nga lang si Demetrius dahil plano ko na sanang lakarin palabas.