KUNOT ang noong nag-angat ng tingin si Martina nang marinig ang mga impit na tilian at bungisngisan ng mga kababaihan sa loob ng canteen.
Ang iba ay nagbubulungan pa, pero halatang-halata naman na gusto ring iparinig ang mga sinasabi nila dahil sadyang may kalakasan ang bulong na ginagawa ng mga ito.
Alam mong nagpapapansin lang talaga.
At mas nadoble pa ang pagkalukot ng kanyang noo nang mapansin na pati ang kanyang mga kaibigan, na kanina lamang ay masinsinang pinag-uusapan, or more on, pinagdedebatehan, ang topic na tinalakay nila sa huling subject nila, ay nakikisali na rin sa komosyon ng mga estudiyante sa kanilang paligid.
Kanya-kanya na ring bulungan, at bungisngisan ang mga ito. Maang niya itong isa-isang pinagtitingnan.
Seriously?
Pero wala na sa kanya ang atensyon ng mga ito. Katulad ng iba, ay tila iisang ulo na nakatingin ang mga kaibigan niya sa bukana ng kantinang kinaroroonan nila.
Nang hayunin niya ang tinitingnan ng mga ito ay nailing pa siya nang makita ang pinsan niyang si Gray at ang mga kaibigan nito na papasok ng canteen.
Hindi niya mapigilan ang mapa-palatak, at lihim na irapan ang paparating na pinsan.
Sa hitsura kasi nito ay halatang enjoy na enjoy ito sa nakukuhang atensyon mula sa mga nakapaligid ditong anak ni Eba.
"Sis, ang hot talaga ng pinsan mo. Juskolord, kapag naging jowa ko yan, promise, kahit sagutin ko ang rubber shoes ng buong basketball team nila, okay lang sa akin." kinikilig pang bulong ni Anette. Kaibigan at kaklase niya.
Naiiling na ipinaikot niya ang mga mata. "Sira ka talaga."
Kanya-kanyang ngisihan at ilingan din ang mga kasama nila sa mesa.
Matagal na itong nagpaparamdam ng pagkagusto sa pinsan niya, ngunit sa malas ay tila hindi iyon napapansin, o, talagang hindi lang pinapansin ng binata. Mabuti na rin naman iyon. Ayaw niyang magkaroon ng problema, at mamagitan sa pagitan ng pinsan at kaibigan niya.
Napa-angat ang isang kilay niya nang mapansin na kasama ng mga ito si Zero, ang isa pang anak ng Uncle Atticus at Aunt Leighana niya, kakambal ni Zyrist.
"Hello, pretty ladies." bati ni Gray sa mga kasama niya. Animo nagkulay kamatis naman sa kilig ang katabi niya na hindi malaman kung papaano magpapa-cute sa pinsan niya.
Kinagat ni Martina ang pang-ibaba niyang labi nang makitang napasimangot ang kaibigan niya nang hindi magtagal ang tingin ni Gray dito.
Dinaanan lang kasi ito ng tingin ng lalaki, pagkatapos ay bumaling na sa kanya. "Hi, cous..." nakangiti pa nitong bati.
Gusto niyang makaramdam ng awa sa kaibigan pero pinigil niya ang kanyang sarili. Naisip niya na para sa kanya rin naman iyon. Wala pa siyang natandaan na sineryosong babae ang pinsan niya. Paniguradong masasaktan lang ito kung magiging sila.
"Hey." aniya na ngitian ito at ang mga kasama nito. Kapagkuwan, ay inangatan niya ng isang kilay ang pinsan. "So... what brought you here, cousin?"
Bakit ba ang lakas ng kutob niya na hindi pumunta rito ang pinsan para lang kumain?
Lalo na nang umunat ito ng tayo at inilibot ang paningin sa buong kantina. Napaisip siya kung sino na naman kayang malas na babae ang bagong prospect ng pinsan niya.
Kilala ang binata sa pagiging playboy sa university nila. Grade 7 pa lang yata ito ay notoryus na ito sa pagpapalit-palit ng mga babae. Lalo pa noong nakasali ito, at maging team captain ng basketball team ng university. Hindi pa niya nabalitaang may nagtagal ng higit pa sa isang linggo sa mga nakarelasyon nito.
May mga araw pa ngang sa kanila ito natutulog upang makaiwas lamang sa mga ex nito na nagpupunta sa bahay nila at naghahabol dito. Na malugod namang kinukunsinti ng Daddy niya.
Binalingan niya ang isa pang pinsan at nginitian. "Z, kumusta?"
"Ayos lang, Ate Marti." sagot ng binata na nakangiti rin.
Kilala na ito ng mga kaibigan niya sapagkat hindi naman miminsang nakakasalubong nila ito sa university.
"Gosh, Martina, wala bang pangit sa lahi n'yo?" bulong ng isa pa niyang kaibigan, si Zara. Bago nakangiting binati si Z. "Hi."
"Hi." sagot naman dito ng binata.
Inikutan niya na lamang ito ng mga mata.
"Anyways, bakit nga kayo nandito?" muling tanong niya, na kay Gray na ulit nakatingin. "At bakit magkasama kayo?" dagdag niya pa, saka nilingon si Zero.
Katulad ng kakambal, nag-transfer din ito sa eskuwelahan nila. Engineering din ang kurso nito, kapareho ng kay Gray, samantalang Fashion Design naman ang kay Zyrist.
"Galing kami ng gym, nag-try out si Zero para sa varsity team." si Gray ang sumagot, sabay akbay kay Zero.
Muling umangat ang isang kilay niya.
"At yung dahilan ng pagkaligaw n'yo rito?"
Hindi kasi pang-araw-araw na tanawin na mapadpad sa canteen nila ang halos buong miyembro ng varsity team. May sariling canteen ang Engineering Building, at doon madalas tumambay ang mga ito.
"Makikikain lang kami, masama?" sagot muli ng pinsan niyang nakakaloko ang ngisi.
Mahigit dalawang buwan lang ang tanda nito sa kanya kaya't lumaki silang walang kuya at walang ate. Nang pumasok sila sa eskuwela ay sabay din silang ini-enrol ng kanilang mga ina kaya't naging magkaklase sila. Nagkahiwalay lamang sila nito nang mag-college na sila. Engineering ang kursong kinuha nito, habang Political Science naman ang sa kanya. Kung loloobin, balak niya iyong ituloy ng Law.
Bata pa lamang siya ay pangarap niya nang maging abogada. Siguro dahil na rin lumaki siya na madalas ay isinasama ng kanyang ama sa korte, o, kaya naman ay sa Law Firm na pag-aari ng Lolo niya. Minsan nga kapag walang tao sa loob ng court room ay pinaglalaruan niya ang gavel at ipinupukpok ng ipinupukpok habang sumisigaw ng : Order! Order!
Hindi naman siya sinasaway ng ama, maging ng Lolo Judge niya. Tinatawanan lang ng mga ito ang ginagawa niya.
Sumenyas si Gray sa mga kasamahan nito. Maya-maya pa ay bitbit na ng mga ito ang isa pang mesa at idinikit sa mesang inoukupa nila, saka kanya-kanyang bitbit din ng mga upuan at naupo nang kasama nila.
Nagmukha namang tila mga pinitpit na luya ang mga kaibigan niya nang mapaligiran ng mga adonis na kaibigan ng pinsan niya. Kung kanina ay palakasan ng boses ang mga ito dahil sa pagdedebate sa kanya-kanya nilang opinyon, ngayon ay tila bulong na lamang na lumalabas iyon sa bibig ng mga ito. Isabay pa ang malimit na pagkipit ng imaginary hair sa tainga ng mga ito. Naiiling na lang siya.
Mga pa-demure, eh.
Muli na lamang niyang inabala ang sarili sa pagbabasa ng mga article na kailangan niyang isaulo para sa short quiz nila sa susunod na subject. Hindi alintana ang mga tuksuhan at kantiyawan ng mga kasama sa mesa.
Kanina pa naman talaga sila tapos kumain, dangan nga lamang ay treinta minutos pa bago ang susunod nilang subject kaya naisipan muna nilang tumambay sa canteen.
"Zy! Here!" narinig niyang sigaw ng pinsang si Zero na nakapag-paangat muli ng paningin niya.
Nakatayo sa pintuan ng canteen ang kakambal nito kasama ang mga bagong kaibigan, at iniikot ang paningin sa paligid, anyong naghahanap ng mapupuwestuhan.
Sa loob ng dalawang linggo mula nang mag-transfer ito sa university nila, ay masasabi niyang kaagad na itong nakagawa ng pangalan.
Tila ito bulaklak na pinagkakaguluhan ng mga paro-paro. Hindi naman kataka-taka sapagkat talaga namang maganda ito. Idagdag pa ang estado nito sa buhay.
Kung ang mga lalaki ay nagnanais na mapansin nito, gayon din naman ang mga babae, sa magka-iba nga lang na dahilan.
Dahil nga biglang naging popular, nais ng mga babaeng pilit na dumidikit dito na makisakay sa kasikatan nito.
Agad na lumingon si Zyrist, at ngumiti nang makita ang kakambal. Ngiting kaagad din na napalis nang makita ang mga kasama ng kakambal sa mesa.
Tinapunan siya nito ng matabang na tingin, habang isang irap naman ang pinakawalan nang mapadako ang tingin kay Gray, na nakapako rin dito ang tingin, ngunit dagling lumingon nang may kamay na dumantay sa balikat nito.
"Hi." rinig niyang sabi ng babae sa napakalambing na tinig.
"Hey, babe." nakangisi agad na baling nito sa babaeng ewan ba niya, hindi naman ito masyadong nakadikit sa pinsan niya, pero halos ay nakadaiti na sa mukha ni Gray ang mayamang dibdib nito na tila sadyang ibinabandera talaga.
Kaagad na pumaikot sa baywang nito ang braso ng pinsan niya kaya't lalong lumapit ang distansya ng mukha nito at ang kambal na bundok sa harapan nito.
Nangingiting napa-iling siya sa tawag ng pinsan dito. If she knew her cousin well, hindi nito alam ang pangalan ng babae, kaya't mas safe para dito na tawagin ito sa ganoong endearment.
Halos lahat naman yata ng naging babae nito ay 'babe' ang tawag niya. Para daw hindi siya magkamali, kung sakali.
Hays, Gray!
"Zy, dito na kayo maupo sa table namin. Dugtungan na lang natin ulit ng isa pang table." aya ni Zero sa kakambal.
"No, thanks! You know, I hate crowds." blangko ang mukhang sagot ng dalaga bago naghila ng upuan sa katabi nilang mesa.
"Zy--"
"It's okay, twin." putol nito sa kapatid. "Nandito lang naman ako, oh. Magkatalikuran lang tayo."
Lumingon muna ito, at iningusan si Gray na busy na sa pakikipaglandian sa babaeng lumapit dito kanina, na ngayon ay nakaupo na rin katabi ng pinsan niya, bago naupo na sa sariling upuan.
Napailing na lamang siya sa mga pinsan. Muli siyang yumuko at ipinagpatuloy ang pagbabasa.
"MALL TAYO? Maaga pa naman." Yaya ni Marga, isa sa mga kaibigan at kaklase ni Martina.
Katatapos lang ng klase nila, at kasalukuyang nagliligpit ng mga gamit.
"Tara." Sagot ni Julia. "Tingin tayo ng magandang palabas. Jusko, na-drain yata ang utak ko sa last quiz natin." Anitong hinihilot-hilot pa ang magkabilang sentido. "At quiz lang 'yon, ha!" Dagdag pa nito.
Mahina siyang natawa rito. Aaminin niya na medyo mahirap naman talaga ang quiz. Pero dahil nga nag-review siya kanina, habang sige ang pagpapa-cute ng mga ito sa basketball team, ay hindi naman siya masyadong nahirapan.
May naisagot naman siya, at confident siya na tama ang mga iyon.
"I can't." Iling niya. "May sundo ako, eh. Next time na lang."
"Hays! As expected." Ipinaikot ni Annette ang mga mata, at inirapan siya.
"Promise, babawi ako next time." Nakangiti niyang sabi.
Wala naman nang nagawa ang mga ito. Alam naman nga kasi ng mga ito na regular ang sundo niya, kaya naman malabo talagang makasama siya sa mga ganoong biglaang lakad.
May ngiti pa rin sa mga labing naglakad siya papuntang parking lot. Nagtext na si Jet sa kanya kanina, at sinabing nandoon na raw ito, at hinihintay siya.
Mga ngiting dagling napalis nang makita niya kung sino ang kausap nito.
Si Barbie.
Base sa pagyugyog ng mga balikat ng nobyo, alam niyang tumatawa ito sa kung anumang sinabi rito ng babae.
At ang harot na babae, may pahampas-hampas pa sa braso ni Jet!
Ang hudas namang lalaki, hindi man lang umilag!
Parang gustong umusok ng ilong niya sa inis, sa dinatnang tagpo.
Ang alam niya ay graduating na ang babae. Architecture din ang kursong kinukuha nito, kaparehas ng dating kurso ng kanyang nobyo. Naging kaklase ito ni Jet sa isang subject noong nag-aaral pa ang binata.
Noong mga panahong iyon ay hindi pa sila magkasintahan ni Jet. Oo nga, at nanliligaw na ito sa kanya, pero hindi pa rin niyon naawat ang mga babaeng hantarang nagpapakita ng pagkagusto rito.
At kabilang na roon ang babaeng ito.
Nakatalikod ang mga ito sa kanya kaya't hindi siya agad nakita.
Walang ingay siyang nakalapit sa mga ito kaya't malaya niyang narinig ang usapan ng dalawa.
"Basta, pasabay ako sa 'yo pauwi, ha." Anang harot na babae, sa tinig na kulang na lamang ay ayaw nang paglagusin sa lalamunan nito sa pagkakaipit. "On the way naman. Nag-text yung sundo ko, eh, hindi raw siya makakarating agad, at nasiraan sa daan."
"Sure." Nanlaki ang mga mata niya sa sagot ng nobyo. "Let's just wait for Martina, then, we'll drop you to your place."
Isang tikhim ang pinakawalan niya upang matawag ang pansin ng nobyo. Agad naman itong lumingon sa kanya. Kita niya pa ang pag-asim ng mukha ng kausap nito pagkakita sa kanya.
"Love." Bati ni Jet habang papalapit sa kanya.
Nang makalapit ay pinatakan siya ng mabilis na halik sa mga labi.
Walang ngiting tumango lang siya rito.
"Let's go?" Ani Jet, na parang hindi naman kaagad nakatunog sa rason ng pagsimangot niya. "Ahm... oo nga pla," binalingan pa nito si Barbie na kaagad na ngumiti, mula sa kanina ay pagkaka-ismid nito, nang tumingin si Jet dito. "You've met Barbie, 'di ba?"
Blangko pa rin ang mukhang alanganin siyang tumango.
"Makikisabay daw siya sa atin." Parang wala lang na anito pa.
Tumingin siya rito ng makahulugan. Umaasang mababasa nito ang ibinabadya ng mga mata niya.
Ayaw niyang makasabay ang babae!
Hindi pa rin nabubura sa isipan niya ang kanina ay pasimpleng paghawak-hawak nito sa braso ni Jet, na ikinukubli ng kunwaring pagpalo nito sa braso ng binata.
Ang akala ba nito ay hindi niya napapansin na may kasamang paghagod, at kung minsan ay pagpisil ang mga paghampas nito?
Hindi siya bulag, at lalong hindi tnga.
Si Jet, baka tnga! Hindi niya napansin, eh.
Lihim na ipinaikot ni Martina ang kanyang mga mata.
Sa malas, ay tila hindi rin nakuha ng nobyo ang nais niyang sabihin dito.
Nakangiti pa ito nang hapitin siya sa baywang, at igiya patungo sa passenger's seat ng sasakyan nito.
Inirapan niya ito, at saka ipiniksi ang kamay na nasa baywang niya.
Sarkastiko ang ngiting sinulyapan niya ang kasintahan na bakas ang pagkagulat sa mukha, at saka hinarap ang dalagang nakangiti pang binubuksan na ang pintuan sa likurang bahagi ng sasakyan.
"I don't think so, dear," Naka-ismid na aniya, at saka itinulak ang nabuksan na nitong pintuan sa likod, gamit ang dalawang naka-arkong mga daliri niya.
Bumakas din ang pagkagulat sa mukha ng babae, dahil sa ginawa niya. Lumipad ang mga mata nito kay Jethro, na tila nanghihingi ng salolo.
Pauyam niya itong tinawanan.
Kahit kasi anong pilit ang gawin nito ay hindi pa rin nito maitago ang talim sa likod ng feeling biktima nitong mga mata.
"Love..." Tangkang pag-awat sana sa kanya ni Jethro, na masuyong hinawakan pa siya sa baywang.
Ngunit sinibat niya lamang ito ng matalim na tingin, na agad na nagpatahimik dito.
Saka niya muling hinarap ang assuming na babaeng nakamata lamang sa kanila. Nanghihingi pa rin ng simpatya, na nagpapa-awang tumingin itong muli kay Jethro na ikina-angat ng isang kilay niya.
Hindi yata aware ang babaeng 'to na ako ang batas!
"I don't think, I would want to drop you off, to your place. So, back off. Find someone else to f**k--" naramdaman niyang muli ang kamay ng kasintahan na bahagyang pumisil sa baywang niya, alam niyang sinasaway siya nito.
Saglit niyang sinulyapan ang kamay nito sa baywang niya at saka umangat ang tingin sa mga mata nito. Isang irap ang iniwan niya rito bago muling tumingin sa kaharap na dalagang tila nawiwindang sa nangyayari.
"...okay, to take you home, because my boyfriend..." binigyan niya ng diin ang dalawang huling salita, in case, nakalimutan nito, o, sadyang kiri lang ito, at hindi inalintana iyon, kaya't nagfi-flirt pa rin ito sa kanyang nobyo. "...here, isn't available anymore. Got that?" Naka-angat ang kilay na aniya rito.
Nanlalaki ang mga matang mariing napalunok ang babae at tumingin kay Jethro, na tila napapantastikuhan din sa inasal niya.
Naka-angat ang mga kilay na nilingon niya ang binata. Nasa mga mata ang piping paghahamon na pasubalian nito ang mga sinabi niya.
Naiiling namang nagkibit na lamang ng mga balikat si Jethro. Mayroong maliit na ngiti sa gilid ng mga labi na pilit na itinatago.
Nang makuntento sa reaksyon ng nobyo ay nasa mga mata pa rin ang paghahamon na ibinalik niya ang tingin sa kaharap na dalaga. "Well...?"
Tila talunang nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at kay Jethro. At nang masigurong wala na itong magagawa upang mabago ang kanilang pasya ay naka-ingos na binigyan siya nito ng isang matalim na irap, at nagmamartya nang umalis sa kanilang harapan.
"See?" Angat ang kilay na tila walang anumang hinarap niya ang nobyo. "That easy."
"That was rude, Love." Masuyong ani Jethro, ngunit wala naman siyang nababakas na galit sa tinig nito. Purong amusement lamang ang naroon.
"So? I am rude. Pero wala akong balak na i-share ka, as well, as your car, with anyone else. Lalo na doon sa mga alam kong may pagnanasa sa'yo." Walang anuman pa ring sabi ni Martina, saka siya na mismo ang nagbukas ng pintuan ng passenger's seat, at pumasok doon.
Nang makapasok at makaayos na ng upo ay tiningala niya ito na naroon pa rin, at nakatingin sa kanya, saka ito nginitian ng ubod tamis. "Let's go, Love."
Nakangiti nang naiiling na isinara nito ang pintuan ng sasakyan, at saka pa-jog na lumigid papunta sa driver's seat.