KUNOT ANG noong nilingon ni Martina ang kasintahan.
Mula pa lamang nang umalis sila sa Unibersidad ay hindi na napaknit ang nakakainis na ngisi sa mga labi nito, na akala mo ay nilalaro ng anghel.
"Saya-saya natin, no?" Sarkastiko niyang sabi na lalong ikinalapad ng ngisi ng nobyo.
Nang saglit itong sumulyap sa kanya ay inangatan niya ito ng isang kilay. Kagat ang pang-ibabang labi na ibinalik nito ang tingin sa kalsada upang pigilin ang nag-uumalpas na ngisi.
"Bakit ka ba kasi ngisi nang ngisi diyan?" Sikmat niya rito. "Kakainis ka pong tingnan, para kang sira..." Pinukol niya pa ito ng isang matalim na irap na sinagot lang din nito ng pagngisi.
Malapit na talaga siyang mapikon dito.
"Love, kinikilig ako..." anito, na ewan niya kung totoo, o, inaasar lang siya. Abot hanggang tainga pa rin ang ngiti.
Inis na hinarap niya ito at pinaningkitan ng mga mata. "Isa, Jet, ha..." naroon na ang pagbabanta sa tinig ni Martina. "Tantanan mo 'ko..."
Natatawa namang sandali siya nitong tiningnan.
"Bakit ba?" Painosente namang sabi nito. "Sa kinikilig 'yung tao." Depensa nito na muli siyang sinulyapan saka tumingin muli sa kalsada.
Ipinaikot niya ang mga mata saka inirapan ito at nakahalukipkip na sumandal sa kinauupuan.
"Ewan ko sa'yo, Jethro!"
Pagkasabi niyon ay itinuon na lamang niya ang tingin sa kalsada sa harapan niya.
"Love, dadalas-dalasan mo ang pagseselos, ha," Hirit na naman nito na tila hindi alintana ang pagkapikon niya. "Feeling ko talaga ang gwapo ko 'pag nagseselos ka."
"Sira ka talaga," Nakasimangot pa ring sagot niya rito sabay ingos muli. "Tinulungan lang po kita na tanggihan iyong babaeng 'yon, no. My God, when will you be able to learn, to say no?"
"Love, siyempre nakakahiya naman doon sa tao kung tatanggihan ko siya, eh, on the way naman talaga iyong place niya. Kahit papaano, may pinagsamahan naman kami n'on." Malumanay na tila paliwanag nito.
Naniningkit ang mga matang nilingon niya ito.
"Saan?"
Kunot naman ang noong sinulyapan siya nito. "Ano'ng saan?"
"Saan kayo may pinagsamahan?" Aniya na iniangat pa ang isang kilay.
Huwag lang talagang magkakamali ang lalaki, at tiyak na giyera patani ang kakaharapin nito.
Marahang natawa si Jethro sa tanong niya. Kapagkuwan ay napailing. "Kita mo 'yan, ang dumi ng isip mo."
"I'm serious, Jethro," animo istriktang ina na pinaaamin ang kanyang anak sa isang kasalanan, na sita niya rito.
Sinamaan niya ito ng tingin. Maya-maya ay inismiran. Pinag-krus niya ang mga braso sa dibdib at itinaas ang noo.
"Actually, hindi naman talaga ako nagseselos sa hipon na iyon kanina. Ayoko lang talaga siyang kasabay. Por delicadeza lang, alam kong may pagnanasa sa'yo 'yung babaeng iyon tapos magsasama-sama tayo sa iisang sasakyan? Ano siya, hilo?"
"Pero sinasabi ko sa'yo, depende sa magiging sagot mo ang kapalaran mo sa mga susunod na oras--or worst, araw." Naroon ang pagbabanta sa tinig niya, gayundin, sa mga matang nakatunghay sa nobyong patuloy lang sa tahimik na pagmamaneho habang pangisi-ngisi lang.
Lalo tuloy siyang nainis dito.
Nagkaroon ng pagkakataon si Jethro na harapin siya nang magpalit ng pula ang ilaw trapiko. Animo nagtatanong ang mga mata nito kung saan patungo ang sinasabi niya.
"May nangyari ba sa inyo ng babaeng iyon?" Mahina ngunit matigas na sabi ni Martina na deretsong nakatingin sa mga mata ng nobyo.
Ngunit sa malas, ay tila nakikisama rito ang pagkakataon. Kung bakit ba naman sa mga oras ding iyon napili na magpalit ng berde ang ilaw trapiko.
"Dami mong alam." Natatawang mahinang pinitik ni Jethro ang noo niya saka muling pinaandar ang sasakyan.
"Hindi ka makasagot..." nakasimangot nang sabing muli ni Martina. "Meron nga?"
"Wala nga." Natatawa pa ring sagot ng binata. "Hindi lang ako sumagot kasi puro kalokohan 'yang tanong mo."
Isang irap ang ibinigay niya rito bago muling humalukipkip, at pabagsak na isinadal ang likod sa backrest ng inuupuan. "Siguraduhin mo lang, Jethro Alfonso... sinasabi ko lang talaga sa'yo,"
"Praning ka na naman, Martina Cassidy..." natatawa pa ring sabi nito. Inihilamos pa sa mukha niya ang isang malayang kamay.
Inis na pinalis niya iyon. May kasamang gigil na hinampas niya ito sa braso, na natatawa namang inilagan lang nito.
"I ALREADY told you, that's impossible!"
Nangunot ang noo ni Martina nang bumungad sa kanya ang halos pabulong ngunit mariin na salita ng ama.
"Hi, Dad..." bati niya rito pagpasok ng living room.
Mabilis, at animo nagulat na lumingon ito sa kanya. "Hey, Sweetheart,"
Lumapit siya, at humalik sa pisngi ng ama.
Pero sa loob-loob niya ay nakikiramdam siya.
Dinatnan niya ang ama na may kausap sa telepono. Ewan niya, pero kapansin-pansin ang pagkabalisa nito at pag-ilap ng mga mata.
Alam niya kaagad, may hindi tama.
"I'll call you later..." paalam nito sa kausap. "Don't do anything stupid." Pahabol pa nitong sabi, bago pinindot ang end button ng cellphone, na ikinakunot ng noo niya.
Who was he talking?
"Who was that?" Hindi nakatiis na kaswal na usisa niya rito nang muling humarap sa kanya.
"Ahm..." muli ay ang pag-ilap ng mga mata nito. "N-nothing."
Nang mapansin ng Daddy niyang mataman siyang nakatingin dito ay nag-iwas ito ng tingin. Tumalikod ito at kunwa'y ibinaba sa mesitang naroon ang hawak ng cellphone. "...work." Mahinang dugtong pa nito.
Mayroon mang pag-sususpetsa sa ginawi ng ama ay wala namang nagawa kundi alanganin na lamang na tumango si Martina.
"Where's Mom?" Sa halip ay tanong na lamang niya.
"N-nasa flower shop pa." Sagot nito sabay tingin sa relong pambisig. "Actually, papunta na 'ko r'on para sunduin siya."
"Okay." Aniya saka iginala ang tingin sa paligid. "Si Nichos? Nakauwi na ba? Hanggang four lang ang klase n'on, eh."
"Yeah, he's in his room." Sagot ng ama niyang saglit na tumingin sa ikalawang palapag ng kanilang bahay bago muling tumingin sa kanya. "Ewan kung bakit hindi na bumaba iyon. Pagdating kanina binati lang ako at hinalikan tapos umakyat na sa silid niya, at hindi na bumaba."
"Baka may topak na naman 'yun." Naiiling na aniya.
Malamang sa malamang nakipag-cool off na naman ang girlfriend ng kapatid niya rito. Hays! Ang babaeng 'yon, ginagawang hobby ang pakikipag-cool off. Sa loob ng isang buwan ay bilang na bilang niya kung ilang beses ang mga ito naghihiwalay at nagkakabalikan din naman makalipas ang ilang araw.
"Hayaan mo na muna iyong kapatid mo, bababa din 'yon kapag nagutom." Napapaiping na bilin ng ama niya saka muling tumingin sa relong pambisig. "Sige na, baka malate na naman ako ng pagsundo sa Mommy mo, sisimangutan na naman ako n'on." Natatawang anito saka muli siyang hinalikan sa noo.
Kahit siya ay marahang natawa. "Okay, Dad, ingat."
"Thank you, Sweetheart." Masuyong sabi nito na naglakad na patungong pintuan. "Tell Manang to prepare dinner, ha, we'll be home before eight."
"Yes, Dad." Nakangiti pa ni rin niyang sabi saka tumalikod na rin paakyat ng hagdanan.
Magbibihis muna siya saka na lamang muling bababa upang sabihan ang kasambahay kung ano ang ilulutong pagkain para sa hapunan.
Jethro :
Hi, Love kumain ka na? Nandito na kami ng mga ka-officemate ko sa bar. Promise, hindi ako masyadong iinom dahil magda-drive pa ako pauwi. Hindi ko lang talaga matanggihan 'to, kasi boss namin ang may birthday. You sleep early, ha. I'll update you from time to time, pero kahit bukas mo na lang basahin pagkagising mo para hindi ka mapuyat. Don't worry, you have a very behave boyfriend here. I love you.
NAPANGITI si Martina nang makita ang text ng nobyo.
Kanina bago sila maghiwalay, pagkahatid nito sa kanya ay nagpaalam si Jet na sasama sa mga ka-officemate nito na mag-bar dahil birthday daw ng boss nila at hindi ito nakatanggi nang personal pa anito itong imbitahin ng may-ari ng architectural firm na pinapasukan nito.
Ayaw niya namang pagbawalan ang nobyo niya na sumama sa mga ganoong lakaran, dahil baka sa kalaunan ay matuto itong paglihiman siya, dahil sa takot na hindi siya pumayag, at mag-away lamang sila.
At isa pa, totoo naman ang sinabi nito. Behave naman talaga ito. Nagtitiwala siya na mahal siya nito at hindi ito gagawa ng anumang ikasisira ng kanilang relasyon.
BAGO pa sumapit ang alas diyes ng gabi ay naghahanda na si Martina para matulog. Nagtext na siya kay Jethro upang mag-goodnight at sabihing mag-iingat ito sa pag-uwi.
Matapos magdasal ay akmang hihiga na siya nang tumunog ang cellphone niya na nakapatong sa nightstand sa tabi ng kama niya. Mabilis niya iyong dinampot sapagkat alam naman niya kung sino ang nagtext.
Si Jethro.
Jethro :
Sweetdreams, Love. I love you. By the way, I am on my way to your cousin Zyrist's, condo. I saw her at the bar... wasted. I decided to take her home, since, wala naman siyang ibang kasama. Deretso uwi na ako pagkahatid ko sa kanya. I'll text you kapag nasa bahay na ako. I love you, Love.
Hindi niya alam pero may kung anong bumundol sa dibdib niya nang mabasa ang text ng nobyo.
May tiwala siya rito, alright, pero iba talaga ang pakiramdam niya, eh.
Haist, ewan!
Basta may tiwala siya sa nobyo. At naniniwala siya na mahal siya nito, at hindi ito gagawa ng kahit na anong makasasakit sa kanya at makasisira ng relasyon nila.
May agam-agam man sa dibdib ay nireplayan niya pa rin nito.
Martina :
Okay, Love, mag-iingat ka. Text mo 'ko agad pag-uwi mo, ha. I love you, too.