"HEY, LOVERBOY..." sabi ni Zyrist na sinundan ng maharot na paghagikgik, nang buksan ni Jethro ang pintuan sa tabi nito.
Nailing na lamang ang binata.
Hindi niya alam kung gaano karami na ang naimon nito nang makita niya itong mag-isang umiinom sa bar, kung saan sila nagpunta ng mga kasamahan sa trabaho, upang doon i-celebrate ang kaarawan ng kanilang boss.
Noong una ay hindi niya agad ito nilapitan sapagkat hindi niya inisip na magpupunta ito sa lugar na iyon ng mag-isa. Gayon pa man, ay hindi niya maiwasang sumulyap-sulyap dito mula sa mesang kinaroroonan nila ng kanyang mga kasama.
Hindi sa kung ano pa man, ngunit pinsan pa rin ito ni Martina. At alam niyang hindi ikatutuwa ng nobya kung mapahamak ito at malalamang naroon naman siya, ngunit wala siyang ginawa upang tulungan ito.
Alam niya na hindi magkasundo ang dalawa, dala ng kamalditahan ng babae, ngunit alam din niya na hindi rin naman gugustuhin ng kanyang nobya na mapahamak ito.
Nangunot ang noo niya nang mapansin ang isang matangkad at mestisong lalaki na lumapit dito at sa wari niya ay nakikipagkilala. Inilahad nito ang kanang kamay sa dalaga, ngunit sa tingin niya ay likas talaga ang kapilyahan nito, lalo na nang mga oras na iyon na nahaluan pa ng espirito ng alak ang sistema nito. Nakita niyang umarko ang perpektong kilay ng dalaga saka nakangising tiningnan lamang ang kamay na nakalahad sa kanyang harapan. Tangan ang shot glass ng tequila na bumaba ito ng bar stool at tumayo sa harap ng lalaki, saka tila nang-aakit ang mga ngiting ipinaikot ang braso sa batok nito at kinabig iyon pababa saka sinalubong ng naghihintay nitong mga labi.
Napatiim ang bagang ni Jethro nang agresibong pumulupot ang mga bisig ng lalaki sa baywang ng dalaga at kabigin pa iyong lalo palapit sa katawan nito, at lalong palalimin pa ang halik na inumpisahan ni Zyrist.
Tumagal din ng ilang segundo ang pagkakahugpong ng mga labi ng dalawa, bago si Zyrist din mismo ang kumalas dito at sa nang-aakit pa ring ngiti ay idinutdot ang hintuturo sa dibdib ng lalaki habang mayroong sinasabi.
Lalo namang lumapad ang ngisi ng lalaki sa sinabi ng dalaga. Dahil sa distansya ng kinaroroonan nila ay hindi niya na narinig pa iyon.
Napailing na lamang si Jethro nang maalala ang una nilang pagtatagpo ng pinsan ng nobya.
"That's how Honey Zyrist dela Vega, do the shakehands."
May palagay siyang iyon din mismo ang sinabi ni Zyrist nang mga oras na iyon sa lalaki, kaya ganoon na lamang ang pagngisi nito.
Sa kilos at pananalita pa lang, kita na kaagad ang pagiging agresibo ng babae, na siyang gustong-gusto ng mga ganoong uri ng mga lalaki, sa mga ganoong uri ng lugar.
At sa ganda ng mukha at tindig ni Zyrist, alam nito na naka-jackpot siya sa dalaga.
Ilang shot pa ng tequila ay napansin niyang mapungay na ang mga mata ng dalaga at panay na ang hagikgik, habang halos ay nakayukyok na sa dibdib ng lalaking kausap nito.
Nakaupo na noon ang dalaga at nakatayo na lamang ang lalaki sa harapan nito. Nakapaikot ang isang braso nito sa baywang ni Zyrist, na sa tingin niya na hindi naman na alintana pa ng dalaga. Dalang-dala na ito ng espiritu ng alak sa buong sistema nito.
"Hey, Archi, kanina pa panay ang tingin mo d'on sa chick, ah. Type mo?" Pukaw sa kanya ni Michael. Kasamahan niya sa trabaho at kilalang palikero.
Umangat ang gilid ng mga labi niya para sa isang bahaw na ngiti. "Loko, pinsan ni Martina 'yan." Aniya, bago iniangat ang hawak na bote ng alak at inubos na ang laman niyon.
Kilala ng mga kasamahan niya sa opisina ang nobya sapagkat hindi miminsang isinama niya ito sa mga pagtitipon ng kompanya.
"Aw!" Nakakaloko ang ngisi nito na muling hinayon ng tingin ang dalaga, na nang mga oras na iyon ay nakakunyapit na ang mga braso sa batok ng lalaking kasama, at anyong magdidikit na naman ang mga labi.
Naiiling na tumayo na si Jethro, at ipinasyang ihatid na pauwi ang dalaga. Sandali muna siyang lumapit sa boss niyang may kaarawan at ipinaliwanag ang sitwasyon. Nakakaunawa naman mabilis itong pumayag.
Sakit talaga sa ulo ang babaeng 'to!
Agad siyang lumapit sa dalawa. Tila nagulat pa si Zyrist nang hawakan niya sa braso at hilahin palayo sa katawan ng lalaking kayakap.
"Oh, hi, baby, you're here!" Maharot na sabi nito nang makabawi.
Sa isang iglap ay kumalas ito sa kayakap na lalaki at lumipat ng kapit sa kanang braso niya.
"Let's go. I'll take you home." Mahina ngunit naroon ang awtoridad na sabi niya sa dalaga saka kinalas ang kamay nitong naka-angkla sa kanya, at hinawakan ito sa braso, saka akmang igigiya paalis sa lugar na iyon.
Noon lamang tila nakabawi ang lalaking kasama nito at hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa braso ng dalaga bilang pagpigil sa kanila.
"Hey, that's my girl, find your own," May paghahamon sa tinig na wika ng lalaki.
Madilim ang mukhang nilingon niya ito. "Sorry, man, but this lady," Binalingan at itinuro niya pa ang dalaga. "...is no slut. Find someone out there, to f**k. For sure there's plenty who would be willing."
Akmang tututol pa sana ang lalaki ngunit pumagitna na si Zyrist sa kanilang dalawa.
"It's okay, babe, I know him," Naroon pa rin ang mapang-akit na ngiti nito na tiningala siya at umangat ang palad sa dibdib niya. "He's my future boyfriend."
Nakakaloko ang ngiting sabi nito saka muling binalingan ang lalaki. "Maybe some other time, babe."
Nakatiim ang mga bagang na hinuli niya ang mga kamay ng dalaga at inilayo sa katawan niya.
Isang maharot na hagikgik lang ang iginanti nito sa kanya.
Tss. Dinaan niya na lamang sa palatak ang kunsumisyon.
Kapag minamalas ka nga naman talaga!
Sino ba ang mag-aakala na bigla siyang magiging babysitter ng pasaway na pinsan ng kanyang nobya ngayong gabi.
Bago pa man makasagot muli ang lalaki ay hinawakan niya na si Zyrist sa pulsuhan nito at iginiya papalabas ng bar.
Panay naman ang hagikgik nito.
Nang maipasok niya ang dalaga sa sasakyan niya ay naramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya na nasa kanyang bulsa.
Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa, at nakita niyang may pumasok na text mula sa kanyang nobyang si Martina.
Mabilis niyang sinagot ang text ng kasintahan at sinabi ritong kasama niya si Zyrist, at ihahatid ito pauwi.
Kinabukasan na lang siya magpapaliwanag sa nobya. Hindi naman siguro ito magagalit kung malalaman nitong iniligtas niya lang ang pinsan nito sa tiyak na kapahamakan.
Sa hitsura ng lalaking iyon ay nasisiguro niya kung saan ang bagsak ng dalawa pagka-alis ng bar.
Muling napailing at marahas na bumuga ng hangin si Jethro sa pagpipigil ng inis.
Mula pa kaninang sumakay ng sasakyan niya ang dalaga ay hindi iisang beses nitong disimuladong pinaglandas ang palad sa hita niya, na kung hindi niya naaagapan at nasasalag ay alam niyang aabot na sa pagitan ng mga iyon.
At hindi siya santo. Idagdag pa ang alak na nainom niya.
Kanina niya pa nararamdaman ang paninikip ng harapan ng kanyang maong dahil sa hantarang pang-aakit nito sa kanya, na lalong nakaragdag sa inis niya.
Alam niya sa sarili niya, at isinusumpa niya, na mahal niya ang nobya, ngunit sariling katawan naman niya ang nagtatraydor sa kanya.
Fvck.
FVCK!
"LOVE..."
"H-ha?"
Tila noon lamang bumalik sa kasalukuyan, na napitlag pa si Jethro nang maramdaman ang mahinang pagtapik ni Martina sa braso niya.
Katulad ng nakasanayan ay sinundo niya ang kasintahan sa bahay nito upang ihatid sa University. Hindi na siya nito pinapasok sapagkat wala naman na raw doon ang mga magulang nito, at maagang umalis patungo sa kanya-kanya ng mga itong trabaho.
"Okay ka lang?" Kunot ang noong tanong sa kanya ni Martina.
"Of course, Love." Mabilis naman niyang sagot sabay patak ng mabilis na halik sa mga labi nito. "Let's go?"
Nakangiti namang agad itong tumango, kaya naman kaagad niyang binuksan ang pintuan ng kanyang sasakyan sa passenger's seat, at inalalayan ang nobya papasok doon. Dumukwang pa siya sa loob ng sasakyan upang siya mismo ang magkabit ng seatbelt dito.
Nakangiti namang nagpaubaya ang nobya na binigyan pa siya ng masuyong halik sa pisngi. Isang halik naman sa noo ang isinukli niya rito bago tumuwid ng tayo, at isinara ang pinto, saka lumigid papunta sa driver's seat.
"Kumusta nga pala iyong paghahatid mo kay Zyrist kagabi?" Maya-maya ay tanong ni Martina.
Bahagya siyang natigilan sa tanong nito ngunit kaagad din namang nakabawi.
Nagkibit pa siya ng mga balikat, at kaswal na sumagot. "Nothing much to tell. As i've told you, wala siyang kasama, and well... she's drunk. May kausap na siyang lalaki noong lumapit ako. At alam ko na mapapahamak siya kung hahayaan ko na iyong lalaking iyon ang maghatid sa kanya." Paliwanag niya sa nobya.
Nagi-guilty siya sa nangyari nang nagdaang gabi ngunit hindi niya naman alam kung tama ba na sabihin niya pa kay Martina ang tungkol doon. Alam niyang pagsisimulan lamang iyon ng hindi pagkakaintindihan, hindi lamang sa kanilang dalawa, kung hindi maging sa magpinsan.
Ang mahalaga ay wala namang nangyari sa kanila ng pinsan nito, at nangibabaw pa rin ang matino niyang kaisipan, pati na rin ang pagmamahal niya sa nobya.
"Really?" Bumaling pa ito sa kanya sa nanlalaking mga mata. "I'm glad, Love, na nandoon ka, at nakita mo siya. Hindi natin alam kung ano ang pwedeng mangyari sa kanya kung hindi mo siya nakita."
"Yeah. 'Yan din ang nasa isip ko kagabi." Aniyang napahinga ng malalim.
"Ewan ko ba naman kasi sa babaeng 'yon," maya-maya ay sabi ni Martina. "Nasa kanya naman na lahat, sobra-sobra pa nga, pero parang pasan ang daigdig." Naiiling na dugtong pa nito. "Hindi ko alam kung bakit pinapayagan 'yon ni Uncle Atticus sa mga kalokohan niya,"
Nakangiting binitiwan ni Jethro ang kambyo at lumipat ang kamay sa ibabaw ng hita ni Martina, saka masuyong pumisil doon.
"Hayaan na natin siya, Love," masuyo pa ring aniya rito. "Baka may pinagdadaanan lang 'yong tao."
Bumalik sa isip niya ang mga sinabi ni Zyrist nang nagdaang gabi. Medyo malabo at hindi niya maintindihan, pero base sa mga salitang lumabas sa bibig nito ay mabigat ang pinagdadaanan nito ng mga oras na iyon. Wala nga lamang siya sa posisyon para sabihin iyon sa nobya.
Nagkibit ng mga balikat si Martina.
"Sabagay."
NANG NASA tapat na sila ng gate ng University ay inihinto ni Jethro ang sasakyan at bumaling sa nobya.
"Thank you, sa pagsundo at paghatid, Love." Masuyong sabi ni Martina at saka siya na mismo ang dumukwang sa nobyo upang humalik sa mga labi nito.
Isang mabilis na halik lamang sana sa labi ang balak ibigay ng dalaga rito ngunit maagap na nahawakan ni Jethro ang baywang niya at pinalalim ang halik.
Mariin nitong kinuyumos ng halik ang mga labi niya. Naroon ang mabuway na pagtutol na mahina niya itong pinalo sa balikat.
Alam niyang wala namang makakakita sa kanila sapagkat heavily tinted ang mga salamin ng sasakyan ng nobyo ngunit hindi naman niya maalis ang pagka-ilang sapagkat kita niya ang mga tao sa labas.
Ramdam niya ang pagngisi nito sa mga labi niya sa naging reaksyon niya sa kapilyuhan nito, ngunit lalo lamang nitong pinagbuti ang paghalik sa kanya, na baka kung nasa mas pribado lamang silang lugar ay kung saan na naman mauwi.
"Love..." ungol niya sa pangalan nito nang paglandasin nito ang mga labi sa leeg niya.
Masuyo niyang sinapo ang gilid ng leeg nito at bahagyang inilayo sa kanya. "...nasa University po tayo, Love. In case nakalimutan mo." Humihingal pang aniya rito.
Nginisihan lamang siya nito at muling mabilis na hinalikan sa mga labi bago binitiwan. "Sorry." Anito, ngunit naroon pa rin ang pilyong ngisi sa mga labi habang mariing hinahaplos iyon ng thumb finger nito.
Naiiling-nangingiti na lamang na inilabas niya ang compact mirror niya at tiningnan ang repleksyon sa salamin.
Buti na lamang ay smudge free ang lipstick na gamit niya, na si Jethro rin mismo ang bumili at nagbigay sa kanya. Ayaw daw umano nito na napipigilan ng pagkalat ng lipstick niya ang paghalik nito sa kanya.
Hinagod-hagod niya lamang ng kaunti ang bahagyang nagulong buhok bago isinara ang hawak na salamin at muli iyong ibinalik sa bag.
"Susunduin kita mamaya, Love, ha." Sabi sa kanya ng nobyo bago siya bumaba ng sasakyan. "Sa condo na tayo magdinner... i'll cook." Anito pa saka siya binigyan ng isang pilyong kindat.
"Oo na." Nakangiting sagot niya. Wala namang unusual sa pagyayaya nito sapagkat lagi naman nilang ginagawa iyon. "Bye, Love."
"Bye, see you later, Love. I love you."
"I love you, too." Abot hanggang tainga ang ngiti na sagot ni Martina rito saka bumaba na ng sasakyan.
Pagpasok niya sa gate ay nagulat pa siya nang makitang naroon si Zyrist at animo talagang hinihintay siya.
"Hi, Couz." Nakakaloko ang ngising anito. "Si Jethro ba 'yon?" Tanong pa nito na hinayon ng tingin ang pinanggalingan niya, kahit pa wala na roon ang sasakyan ng kanyang nobyo.
"Yeah." Matabang niyang sagot dito na lalagpasan na sana ito ngunit sa pagtataka niya ay umagapay ito sa paglalakad niya.
"Your boyfriend really loves you, yeah?"
"Of course." Tugon niyang hindi man lamang lumingon dito.
Hindi niya alam kung ano ang pakay sa kanya ng pinsan, pero maaga pa. Ayaw niya masira kaagad ang araw niya.
"I see." Iyon lang at tila walang anumang nagpauna na ito ng lakad at iniwan siyang natitigilan.
Ano na naman kaya ang trip ng magaling na pinsan niya?
Naiiling na lamang na ipinagpatuloy niya ang paglalakad patungo sa unang subject niya. Wala siyang oras para pag-aksayahan ito ng panahon.