Tahimik na lumabas ng kanyang silid si Avril, naabutan niya ang kanyang mga magulang sa sala na inaayos na ang mga gamit na kanilang dadalhin pauwi ng kanilang probinsya ng hapong iyon. Bumisita lang ang mga ito sa kanya na madalas nilang gawin buwan-buwan upang tingnan ang kalagayan ng kanilang anak sa siyudad. At upang dalhan na rin siya ng mga produkto na galing sa Zambales na madalas na nami-miss ng dalaga habang nakatira na siya ng siyudad. Kasama na doon ang mga prutas at ilang mga gulayin na nakasanayan niyang kainin noong nasa Zambales pa. Seryosong tinalunton ni Avril ang daan patungo ng kanyang kusina upang uminom ng tubig, nais niyang kalmahin ang kanyang sarili dahil bigla siyang nauhaw nang dahil sa mga naiisip na nangyari ng araw na iyon. Hindi niya pinansin ang mga magulang niyang sinundan lang siya ng makahulugang mga tingin. Alam na alam niya ang ipinapahiwatig ng mga ito, kahit na hindi nila isatinig iyon ay nababasa niya ito sa mga galaw nila. Wala ng imik at ingay na siya doong uminom ng tubig, nasa isipan niya pa rin ng mga sandaling iyon ang kalapastanganang ginawa ng estrangherong si Mico sa kanya kanina. At nais nang hilahin ang oras ng dalaga upang sumapit na ang araw ng kinabukasan at nang maharap na niya ang lalakeng iyon. Pakiramdam ng dalaga ay hindi niya magagawang makatulog at makapahinga sa gabing iyon nang maayos nang dahil sa karanasan niyang iyon sa araw na ito sa lalakeng iyon. Malamang ay iisipin niya ang mga ginawa nito, hanggang sa tuluyang hilahin siya ng antok at tuluyang makatulog na.
“Avril, hindi na rin kami magtatagal ngayong araw dito ng iyong ama dahil babalik na kami ng Zambales ngayong hapon. May trabaho pang naghihintay sa aming dalawa lalo na sa poultry.” anang kanyang ina nang maupo na si Avril sa kanilang harapan at lutang pa rin dito ang isipan.
“Sige po Mommy,” kapagdaka ay tugon ng dalaga sa kanyang ina ngunit nasa malayo pa rin ang kanyang isipan ng mga sandaling iyon, nasa kay Mico pa rin ito na pinag-iisipan na niya kung ano ang kanyang nararapat na gawin kapag kaharap na. “Kailan po kayo babalik niyan dito?”
“Next month naman,” tugon ng kanyang amang ngumiti pa nang may kahulugan sa kanya, “Dito kami noon matutulog para naman makapag-dinner tayo kasama si Mico.” dugtong pa nito dito.
Pagkatapos nilang magpaalam pa ng ilang ulit sa kanila ay tuluyan nang umalis ang mga ito lulan ng kanilang sasakyang dala. Isang mahigpit na yakap pa ang kanyang ipinabaon sa mag-asawa. At nang maglaho na ang kanilang sasakyan sa kanyang paningin ay bumalik na siya sa loob ng apartment. Ilang beses siyang humugot ng kanyang hininga habang tinutungo ang kanyang silid.
“Ano bang apeyido noong Mico na iyon?” tanong niya sa kanyang sarili na kinuha na ang phone niya upang mag-scroll doon, ilang beses pa niyang sinubukang e-type ang Mico sa social media ngunit walang result na lumalabas doon. “Dapat pala itinanong ko muna kay Mommy at Daddy bago sila umalis, dito pa lang ay masisimulan ko ng sirain ang kanyang reputasyobg bilang tao.”
Naupo na siya sa single sofa na naroon, itinaas ang kanyang dalawang binti matapos na ilapat niya ang kanyang likod sa sandalan nito. Muli niya pang ini-scroll ang screen ng kanyang hawak na cellphone. Tinitingnan ang mga account na mayroong ngalang Mico, nagbabakasakali siyang masulyapan niya ang mukha ng lalakeng hinahanap niya ang account. Subalit nabigo siya dito.
“Baka naman wala siyang social media.” wala sa sarili niyang turan, “O iba ang pangalan niya.”
Sinulyapan niya ang nakabukas na bintana ng kanyang silid, dapit-hapon na iyon at malapit ng magtakip-silim. Makikita iyon sa kulay ng kalangitan na kahel at may kahalong iba pang kulay.
“Bakit ko nga ba siya pinag-aaksayahan ng panahong hanapin ngayon eh, magkikita naman kami bukas?” muling tanong ng dalaga sa kanyang sarili, ilang beses pa siyang umiling. “Pambihira!”
Tumayo na si Avril at pagapang ng sumampa ng kanyang kama, nagkaroon sila ng early dinner kanina at hindi niya alam kung pasikat lang si Mico na siyang nagbayad ng mga kinain nila dito. Wala silang ginastos kahit na magkano kahit pa nag-insist siya sa kanyang nais na mangyari. Dinala sila ng lalakeng iyon sa seafood restaurant at ipinagmalaki niyang pag-aari iyon ng isa kuno sa kanyang mga kaibigan. Bagay na hindi naman siya interesadong iyon ay pag-usapan.
“Ang pamilyang Urdaneta po ang may-ari ng restaurant na ito na kasalukuyang pinapatakbo ng anak nilang aking kaibigan, ngunit ngayon po ay iyong panganay na nila ang mayroong hawak dahil sa may pinagdadaanan po ang aking kaibigang iyon.” anito pang hindi pinansin ni Avril na inabala ang kanyang sarili sa mga pagkaing nakahain sa lamesang kinakainan ng pamilya nila.
“Maraming salamat hijo, ang thoughtful mo.”
“Wala pong anuman, sa sunod po ay pag-planuhan nating mabuti ito.” anito pang sinulyapan si Avril, hindi man lang siya nito nilingon, nakatuon pa rin ang buo niyang atensyon sa pagkain.
“Sige, aasahan namin iyan hijo next month.” nakangiti pang tugon ng ina ng dalaga kay Mico.
“Opo, sabihan niyo po ako nang maaga kung kailan po next month.”
“Sige...” tugon naman ng ama ni Avril na halatang excited sa magaganap na dinner na iyon.
“Sasabihan ko po ang aking mga magulangpara makapaghanda rin po sila.”
Nag-angat na ng kanyang paningin si Avril, binabasa kung seryoso nga ba ang lalake doon. Mahina na siyang tumawa nang makita itong halatang puro kasinungalingan ang sinasabi.
“Anong nakakatawa anak?” baling ng kanyang ama sa kanyang may kuryuso ng mga mata.
“Nothing Dad, natutuwa lang ako sa dami ng pagkaing nasa harapan natin ngayon.” tugon na niyang ang mga mata ay nakalapat pa rin sa mata ni Mico na kasalukuyang nakatitig sa kanya.
Hindi na nagkomento pa doon ang kanyang ama, ilang beses na ibinuka ni Mico ang kanyang bibig upang umamin na sa mga ito ng kanyang kasinungalingan ngunit sa bandang huli ay mas pinipili niyang tumahimik na lang. Hindi niya alam ang mga mangyayari kapag ginawa niya ito. Maaari siyang mapahamak, at ang siste ay baka madamay pa ang kanilang Hotels sa gagawin niyang pagbagsak nang dahil sa kalokohan niyang iyon sa hindi niya kilalang babae ngayon.
“Kumain lang po kayo ng marami, ako na po ang bahalang magbayad.” turan ni Mico na lalo pang ikinataas ng kilay ni Avril, kaya naman nilang magbayad kaya lang ay parang gusto niya talagang subukan kung saan tatagal ang yabang ng lalakeng kasama nila. “Enjoy lang po.”
“Mukha naman siyang normal na employee lang, baka nga pipitsugin lang.” bulong pa ni Avril na inayos na ang pagkakahiga niya sa kama, “Ang lakas lang talaga ng loob niya, makikita niya!”
Ipinikit na niya ang kanyang mga mata, nais nang magpahinga dahil mukhang naubos siya ng araw na iyon kahit ang ginawa lang niya ay ang samahan sa labas ang kanyang mga magulang. Muli lang niyang idinilat iyon nang dahil sa walang humpay na vibration ng kanyang cellphone.
“Hello?” sagot niya ditong nanatiling nakahilata pa rin sa kanyang kama.
“Avril...”
“Oh, Yuriah...napatawag ka?”
“Bakit? Palagi naman akong tumatawag sa’yo ah?” pilosopong tugon ng kanyang matalik na kaibigan magmula noong nasa middle school pa lang sila, tinulungan lang niya ang kaklase nilang si Hughes dito noon. Hindi niya inakalang magiging kaibigan ang babaeng ito noon.
“Huhulaan ko, hindi mo makontak si Asher na busy sa kanyang nobyong si Andrius ngayon, ano?” pangunguna na ni Avril sa kaibigan na malakas na tumawa lang sa kanyang tinuran.
“Memoryado mo na talaga ang bagay na iyon, Avril.” turan ni Yuriah na tumatawa pa rin, sinabayan na siya ni Avril na bahagya pang naiiling. “Oo nga, may date raw silang dalawa.”
“Magtatampo na ako sa’yo niyan, palagi mo na lang akong second choice.” kunwari ay labas niya ng kanyang hinanakit sa kaibigan, “Sino bang una mong nakilala sa aming dalawa ha?”
“Hindi naman sa ganun, Avril, ayaw lang kitang istorbohin dahil alam ko namang busy ka sa paghahanap ng iyong magiging kabiyak.” palatak pa nitong ikinapawi ng mga ngiti ng dalaga, “And speaking may ire-reto ako sa’yo, willing siyang makipag-date and to know you more.”
Tuluyan nang nawala ang mga ngiti ni Avril ng mga sandaling iyon, naiisip na ang nangyaring kamalasan niya kanina nang makilala ang lalake sa katauhan ni Mico. Nag-aalangan pa ang dalaga kung sasabihin pa kay Yuriah ang nangyari o mananatiling lihim na lang iyon. Ngunit sa bandang huli ay mas minabuti na lang niyang sabihin na iyon para mapayuhan na rin siya nito. Papakinggan niya ang opinyon ng kanyang kaibigan na maagang pumasok ng isang relasyon.
“Ano? Eh ‘di kung ganun ay may boyfriend ka na ngayon, hindi mo na kailangang ng ka-date.” sa halip ay turan ni Yuriah matapos niyang sabihin dito ang lahat ng nangyari, hindi alam ni Avril kung dinadamayan ba siya nito o iniinsulto ngayon. “Ayan na, baka siya talaga ang tadhana mo Avril. Huwag mo na siyang pakawalan pa, kagaya noong nangyari kay Julio. Remember him?”
Awtomatikong umikot sa ere ang mga mga mata ng dalaga kahit na hindi naman siya nakikita ng kaibigan. Sino ba namang makakalimot sa unang lalakeng kanyang nagustuhan? Malamang wala, at kung hindi lamang siya noon nagpatumpik-tumpik pa ay malamang ikinasal na siya dito.
“Inaasar mo ba ako ngayon, Yuriah?” pikon na niyang tanong sa kaibigan na malakas na namang humagalpak ng tawa sa kabilang linya, “Hindi lang talaga kami ni Julio ang magkapalaran.” alo niya sa kanyang sarili kahit pa may bahid ng panghihinayang pa rin sa kanyang tinig, “Ganun lang iyon kung kaya naman hindi pinahintulutan nang tadhana na magkarelasyon kami noon.”
“Ang sabihin mo babagal-bagal ka at pihikan, niligawan ka na niya naging pakipot ka pa. Oh, ayan tingnan mo at naunahan ka pa ng ibang babae sa kanya.” paninisi pa ng kaibigan sa kanya.
“Yuriah...” may warning na sa tono ng kanyang pananalita ngayon, “Hindi ka titigil?”
Malakas pang ikinabunghalit iyon ng kanyang kaibigan, nakikita na niya ang hitsura nito ngayon.
“Ikaw naman hindi mabiro, alam ko namang nanghihinayang ka pa rin kay Julio. Sino ba namang hindi, ‘di ba? Ang gwapo na niya ngayon, kaya malamang manghinayang iyong pihikan diyan.”
“Dalawa, Yuriah...” bilang niyang mas ikinahagalpak pa ng kanyang kaibigan sa kabilang linya.
“ito na, titigil na...” anito pang pilit na kinakalma ang kanyang sarili na umayos na at tumigil na sa pang-aalaska sa kanyang kaibigan na halatang pikon na sa mga sandaling iyon sa kanya, “Malay mo naman diyan ka talaga sa lalakeng kaaway mo ngayon nakatadhana, sino ba ang mas gwapo sa kanilang dalawa?” seryosong tanong pa nito sa kanya, “Malamang ay si Julio.”
“Papatayin ko na ito, bahala ka na sa buhay—”
“Titigil na ako, Avril, promise...” mabilis na pagputol ng kaibigan niya sa kanya, “Samahan mo akong mag-dinner.” pag-iiba na nito ng kanilang usapan na muling ikiaikot ng mata ni Avril.
“Busog na ako dahil kumain na ako, magpa-deliver ka na lang.” tahasang pagtanggi niya dito.
“Nagpa-book na ako Avril, sayang naman kung hindi ko pupuntahan.”
“Bakit ka nagpa-book? Sino bang kasama mo sana?”
“Iyong mag-boyfriend, kaso may biglaang family dinner sa pamilya ni Asher.”
“Hindi ba pwedeng i-cancel?” ahon na niya sa kanyang kama, nakataas pa rin ang kilay niya.
“Last minute na ako sinabihan noong dalawa, hindi ko na tuloy siya ma-cancel pa.”
“Hay naku, tapos ako ang kailangang sumalo ganun?” prangka na muling tanong ni Avril.
“Sino pa bang tatawagan kong kaibigan? Malamang ikaw, kahit na nga alam kong busy ka.” ani pa ni Yuriah na seryoso na ang tinig, “Nakaalis na ba sina Tito at Tita pauwing Zambales?”
“Oo, kanina pa.” tugon ng dalagang humakbang na patungong bintana upang isara na iyon, “E-text mo sa aking ang address ng restaurant, magpapalit lang ako ng damit at maghahanda.”
“Sige, thank you Avril.” maligaya na nitong turan na ikinabuga lamang ng hininga ng dalaga.
“Sige, see you, manggagamit na Yuriah.”
Malakas na muling ikinatawa iyon ng kanyang kaibigan. Sanay na sanay na itong prina-prangka niya. Hindi na iyon bago, mas malakas nga siyang mang-asar sa kaibigan noong nag-aaral sila.
“See you later, uto-u***g Avril.” tugon nito na mabilis ng binabaan siya ng tawag.
Nanlalaki na ang kanyang mga mata sa inis, alam niyang nagbibiro lang ito pero iba ang impact ng mga salitang iyon sa kanya ngayon. Marahil nga ay uto-uto siya, nauto nga rin siya ni Mico. Ang estrnagherong hindi naman niya kilala pero nagawa niya pang ipagtanggol sa cafe kanina.
“Humanda ka sa akin mamaya, Yuriah, talagang masasabunutan kita.” banta niyang binitawan na ang cellphone upang tunguhin na ang kanyang closet at maghanap na doon ng damit niya.
Ilang minuto nang tulala si Mico sa loob ng kanyang opisina, matapos na makipag-dinner kanina ay nagawa niya pang bumalik ng building na pag-aari ng kaibigan niyang si Julian. Ilang oras na siyang tulala, iniisip ang pagkakamaling kanyang nagawa na maaaring lumikha ng malaking gulo.
“What’s wrong with you? Kanina ka pa diyan tulala, iniisip mo na naman ba si Lacim ngayon?” untag ni Julian na walang paalam na pumasok sa loob ng kanyang opisina, kasunod si Froylan.
“Dude, huwag mong isipin iyon, malamang ay ayos lang ang mokong na iyon ngayon.” si Froylan na akaagad ng naupo sa tanggapang sofa ng kanyang opisina, lingid sa dalawang kaibigan na alam niya kung nasaan si Lacim ng mga sandaling iyon. At ang tanging hiling nito ay ilihim iyon.
“Oo nga Dude, patungo dito si Rain ngayong araw, sagot na raw niya ang dinner natin. Game?”
Nais sanang tanggihan ni Mico ang bagay na iyon ngunit lalabas siyang bastos na naman sa kanila, ilang dinner sa labas na ang kanyang tinanggihan. At kung tatanggi na naman siya ngayon upang sabayan si Lacim sa kanyang hapunan na kasalukuyang nasa condo unit niya ay paniguradong uulanin na naman siya ng kanyang kaibigan ng napakaraming katanungan dito.
“Sige, pero hindi ako magtatagal.”
“Hindi ka sasama sa aming magtungo ng bar after dinner?” tanong ni Julian naburo na ang mga mata sa kanyang mukha, “Nkakapanibago naman iyon, Mico na dati-rati ay ikaw ang umaaya.”
“Sorry mga Dude, mayroon lang talaga akong kailangang pag-isipan ngayon.”
“Kagaya ng ano?” kuryuso ng tanong ni Froylan na nakatitig na ang mga mata sa kanya ngayon.
Mabilis na ikinurap-kurap ni Mico ang kanyang mga mata, nais niyang ibaling ang topic na nila.
“Sandali, pinayagan ka ni Ycel na lumabas ngayong gabi upang uminom?”
“Company dinner.” maikling tugon ni Froylan na malakas lang ikinatawa ni Julian, hindi naman sila kunsintidor na kaibigan pero alam naman nilang paminsan-minsan lang naman ang ayaan.
“Dude, baka hinihintay ka na ni Ycel at ng mga anak mo ngayon.” patuloy pa ni Mico na tuluyan nang nailihis sa kanya ang kanilang topic ng usapan, “Matured ka na dapat ngayong mag-isip.”
“Dude naman, minsan lang naman akong makipagkasiyahan at alam iyon ni Ycel.”
“Alam nga niya, pero ang tanong ay pumayag ba siya?” patol niya pa sa kaibigang bahagya ng natigilan dahil naunawaan na nito ang kanyang mga salaitang sinabi, “Pamilyado ka na, Dude.”
Hindi na nagsalita pa si Froylan na lingid sa kaalaman ng dalawang kaibigan ay may problema. Ayaw lang nitong sabihin iyon sa kanila dahil alam niyang may iba’t-iba silang suliranin ngayon.
“Last na ito kaya susulitin ko na,” tanging nasabi ni Froylan na tumingin pa kay Julian.
“Sinabi mo na iyan noong—”
“Desperate, sasama ka ba sa amin o hindi?” ultimatum na pagputol na ni Julian sa kanya.
Isang bagay na ikinasama ng tingin ni Mico sa kanyang kaibigan ngayon na bahagyang nakangisi.
“Hindi na ako desperate, break na kami!” mayabang niyang turan sa dalawang kasama.
“Hindi na kami naniniwala sa’yo.” turan ni Froylan na nagbalik na naman ang sigla.
“Oo nga, break now tapos maghahabol ka sa kanya maya-maya.” si Julian na naiiling sa kanya, “Huwag nga kami Mico, sawang-sawa na kami diyan sa kakasabi mong naghiwalay na kayo.”
“For real nga mga Dude, and you can’t believe how it happened.” halakhak na ni Mico doon.
“Bakit, Dude?” puno pa rin ng pagdududang sabay na tanong ni Froylan at Julian sa kanya.
Malawak lang na ngumisi si Mico, wala siyang planong sabihin sa dalawa ang mga nangyari sa araw na iyon, sigurado siyang lalo pang pagtatawanan ng dalawa nang dahil sa kalokohan niya.
“Basta hiwalay na kami ni Madox.” proud niya pang turan na akala mo walang kabalbalan doon.
“At paanong nangyari iyon, Dude?” lalo pang na-intrigang tanong ni Julian an kulang na lang ay maging tsismoso, siya ang pansamantalang pumalit sa pagiging mausisa ni Lacim sa grupo nila.
“Basta nga mga Dude.” turan niya pang lalong bumuhay sa kuryusidad ni Froylan sa nangyari.
Malakas na nagtawanan lang ang dalawa, hindi pa rin naniniwala sa litanya ni Mico sa kanila.
“Hindi mo na kailangang magsalita ng ganyan kung sa bandang huli ay babalikan mo lang.” sapak na ni Rain sa kanyang ulo na hindi nila namalayan ang pagdating doon, “Desperate!”
Masama na niyang nilingon ito, ngunit kaagad siyang natigilan nang makita ang hitsura nito. Ilang sandali pa ay malakas na siya doong humagalpak ng tawa, sinabayan iyon ng dalawa pa nilang kaibigan na si Julian at Froylan. Malamang kung naroon si Lacim, ito ang may pinakamalakas na tawa sa mga sandaling iyon. Pasalamat sila at wala ang lalake doon.
“Dude, anong nangyari sa’yo? Bakit ang itim mo na?” nagawa pang itanong ni Mico.
“Malamang nabilad ako sa araw, bakit hindi niyo tanungin ang may-ari ng Rancho Maxino.” napipikon na nitong tugon sa kanila, “Pagbilarin ba naman ako ng halos buong araw.”
“Eh, bakit ka pumayag?” si Froylan na natatawa pa rin habang naluluha.
“Oo nga, hinayaan mong abusuhin ka!” sabat na rin ni Julian doon.
“Huhulaan ko, si Brenda ang salarin diyan ano?” palatak ni Micong malakas pang tumatawa.
Hindi na sila sinagot ni Rain na mas piniling manahimik keysa sabihin ang tunay na naganap.
“Sinasabi ko na nga ba!” palatak pa ni Mico na mukhang nakalimutan ang sariling problema.