Prologue
Marahang itinipa-tipa ni Mico ang mga daliri niya sa lamesang inuupuan nilang dalawa ng dati niyang kasintahan na kasalukuyang masayang umiinom ng milktea sa kanyang harapan. Tila normal lang ang lahat para sa babae, kahit pa ilang araw na ang nakakalipas nang magkaroon silang dalawa ng problema. Panay rin ang pa-cute ng mga mata nito sa kanya. Doon pa lang ay alam niya na kung ano na naman ang kailangan nito at nakuha pa nitong tawagan siya habang nasa exclusive meeting ng tungkol sa pag-e expand ng kanilang family hotel sa iba pang mga probinsya. Ayaw niya na sana itong puntahan pa at kausapin, ngunit naisip niya na paano sila matatapos sa problemang ito kung hindi niya haharapin? Kung patuloy niya lang tatakasan at babalewalain ang babae na tawag nang tawag sa kanya. Kung kaya naman minabuti niyang pumunta kahit pa dala niya ang puso niyang sugatan at punong-puno pa dito ng kanyang labis na pagkadismasaya. Nang agad na magtama ang kanilang mga mata ay mabilis niyang ikinurap-kurap iyon at nag-iwas nang makita niyang lalo pang lumalim ang mga titig nito sa kanya na mayroong kahulugan. Mabilis siyang napapiksi sa kanyang inuupuan nang malambing na hawakan pa nito ang kanyang baba, pilit na hinuhuli na ang kanyang mga mata na pilit niyang iniiwas pa rin dito. Ayaw niyang tingnan ito, siguradong mahuhulog na naman siya sa bitag ng mapungay at maganda nitong mga mata na kinahuhumalingan niya noon pa.
“Huwag mo nga akong hawakan, nasa publiko tayo.” may diin na kanyang turan habang inaalis ang palad nitong nakahawak pa rin sa kanyang baba, “Alam mong mayroong problema tayong dalawa, Madox.”
Malawak lang na ngumisi ang kanyang dating nobya na alam na alam kung nasaan ang mga kiliti niya.
Tinawagan niya ito ilang araw ang nakakaraan at nakipag-break siya over the phone, ngunit heto siya muli ditong nakipagkita kahit pa nagbitaw siya ng mga salitang hinding-hindi na siya magpapakita pa. Ilang araw na niyang pinag-isipan na nais na niyang makawala dito sa patibong nito na matagal na niyang gustong takasan at wakasan. Iyon nga lang ay wala siyang lakas para gawin na iyon at umpisan. Mahal niya ang nobya, ngunit sa ilang beses nitong panggagago sa kanya, ang pisi ng pasensiya niya ay wala na. Tuluyan na itong naubos, ilang taon na rin niya iyong tinitiis dahil ang akala niya ay magbabago pa ito. Ngunit mali siya, paulit-ulit lamang nitong ginagawa ang bagay na iyon na nagpapasama pa ng loob niya.
“Ayoko na Madox, pagod na ako sa lahat ng mga ginagawa mo...” madamdamin niya nang saad dito na sinalubong na ang mga mata nitong bahagyang naluluha na, natigilan na ito sa pag-inom ng milktea niya.
“Mico...”
“Hindi ka na magbabago, ilang ulit mo ng ginawa sa akin ang bagay na ito. Paulit-ulit na lang tayo dito.” mariing iling pa ng binata na hindi na makapaniwala kung bakit nagagawa niya pang magtiis sa kanya.
Saglit na natigilan ang babae na naburo pa ang mga mata niyang namumula sa kanyang nobyo. Nakikita niya na seryoso ito ngayon sa kanyang mga sinasabi. Bagay na ngayon niya lang naranasan kung kaya naman ay ginagapangan na siya ng takot sa kanyang kalamnan. Hindi niya na ito madala sa pakiusap pa. Malalim na humugot ng hininga si Mico nang makita niya ang ginagawang paglalaro ng babae sa straw ng milktea na kanyang hawak, hindi siya makapaniwala na ang babaeng minahal niya noon ay nagbago. Wala na ang bakas ng pagiging inosente nito, mapagmahal at hindi marunong magsinungaling sa kanya. Ilang minuto pa ang namayani sa pagitan nilang dalawa habang tahimik na nakaupo sa lamesang iyon.
“Sweety, hindi mo pa rin ba ako napapatawad sa aking pagkakamaling nagawa?” tanong nito na nag-angat na ng mukha sa binata gamit ang tinig niya na mas matamis pa yata sa milktea na kanyang iniinom ngayon, hindi siya nilingon ni Mico na lumilibot na ang mga mata sa kabuohan ng cafe. Nagkukunwari na hindi siya nito naririnig ngayon. Nagbabakasakali siyang makakita ng kanyang mga kakilala sa loob nito. “Pangako, hindi ko na iyon uulitin pa. Patawarin mo na ako, please...” samo pa nitong hinawakan na ang kanyang isang palad na nasa lamesa, bagay na mabilis na ikinalunok ng laway ni Mico at ikinagalaw ng kanyang adams apple. Mabilis niyang hinila ang kanyang kamay mula sa babaeng ngumiti lang sa kanya.
“Pagod na ako sa mga paulit-ulit na ginagawa mo, Madox...” seryoso niyang turan sa babae, nais na niyang painindigan ngayon sa babae ang kanyang mga sinasabi. “Hindi mo pa rin ako naiintindihan.”
“Sweety...” nahihikbi na nitong sambit, alam g babae ang tunog ng pagiging seryoso ng nobyo niya.
Umiling-iling lang si Mico sa kanya, dismayado pa rin ang kanyang mga mata. Iba ngayon ang sitwasyon nilang dalawa. Kung noon ay nahuhuli niya itong nakikipag-flirt sa ibang lalake, ngayon ay mas malala na. Naghuhumiyaw pa rin ang malinaw na tagpong nakita niya sa kanyang balintataw at naabutan sa silid ng kanyang nobya ilang araw na ang nakakalipas. Walang saplot ito kasama ang isang lalake sa loob ng kanyang silid at tulog na tulog. Ipokrito lang at tanga ang maniniwala na walang anumang namagitan sa kanila. At hindi tanga si Mico para mag-isip na normal pa ang kanyang nobya na hindi makuntento sa kung anong kayang maibigay niya. Oo, bahagyang busy siya ng mga panahong iyon pero hindi ibig sabihin na wala na siyang oras dito. Sinisikap naman niyang ayusin ang schedule niya, halos mawalan na rin siya ng time sa kanyang barkada basta ang mahalaga ay may sapat siyang oras para sa nobya niya. Ilang beses na nga siyang pinaparinggan ng mga ito sa tuwing nag-aaya silang lumabas at tatanggi siya.