Padabog nang binuksan ni Avril ang pintuan ng kanyang apartment. Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga na biglaan na lang siyang nagkaroon ng kasintahan sa araw na iyon sa katauhan ng lalaking si Mico. Ang buong akala niya ay aamin na ito sa kanyang mga magulang kanina sa kung ano talagang mayroon sa kanilang dalawa pero salungat doon ang nangyari, dahil sa halip na itama nito ang kanyang pagkakamali ay mas minabuti pa ng lalaking magsabi ng kanyang mga kasinungalingan sa kanyang mga magulang na paniwalang-paniwala naman sa kanyang sinabi. Bagay na mas ikinagalaiti pa ni Avril kahit pa sabihing gwapo naman talaga ang lalake at malakas ang appeal nito pagdating sa mga babae. Hindi pa rin siya kumbinsido at hindi pa rin siya mahuhulog sa patibong at mga salita ng pangako nitong alam niyang huwad at hindi totoo. At ngayo’y napagtanto niya pang maaaring tama ang sinasabi nitong kasama kanina doon. At ang lalaki talaga ang mayroong mali sa kanilang dalawa, ang babaeng umalis habang umiiyak.
“Nakakainis talaga!” hagis niya na sa sofa ng kanyang bag pagkapasok nia pa lang ng pintuan, hindi niya alintana ang presensiya ng kanyang mga magulang sa kanyang likuran na nakasunod sa kanya habang nakalarawan ang saya sa kanyang mukha. Malawak ang ngisi nila at halatang masayang-masaya sila na nalamang ang kanilang unica hija ay mayroon pa lang kasintahan, at ang binata pa ay kilala sa larangan ng pagpapatakbo ng mga hotels. Isang bagay na tungkol sa binatang hindi alam ni Avril dahil nilalamon siya ng kanyang labis na galit para sa lalaking ito. “May araw din sa akin ang lalakeng iyon, papahirapan ko rin siya nang sobra at ipapahiya pa!” desididong banta na niya, wala na siyang pakialam pa kung muli siyang marinig ng magulang.
Pasalampak na siyang naupo sa sofa, mababanaag pa rin ang labis na pagkairita sa kanyang mga mata. Hindi maalis sa kanyang isipan ang ngisi ng lalakeng kung umasta ay akala mo kilala siya. Ganunpaman ay hindi niya pa rin maikubli sa kanyang balintataw ang mapang-akit nitong mga mata na nangungusap ng maraming emosyon. Sa kabila ng mga ginawa nito sa kanya kanina ay hindi niya maitatanggi na marahil, nakatakda nga silang magkitang dalawa ng lalake ngayon.
“Avril, bakit hindi mo man lang siya ipinakilala sa amin nang mas maaga? Maayos naman ang katauhan niya, actually gusto ko siya para sa’yo anak.” usisa pa ng kanyang ina na naupo na sa kanyang tabi, mabilis na umikot ang kanyang mga mata sa ere. Hindi naman si Avril likas na mataray at magaspang ang ugali. Ngunit sadyang si Mico ang nagpalabas noon at ng mga sungay niyang matagal ng nagtago sa kanyang katauhan. Bahagya pa siyang sumimangot sa ina niya. Ayaw na niyang marinig pa ang mga papuri nila sa katauhan ng lalake, ikinakangitngit pa iyon lalo ng kanyang kalooban dahil kahit na anong hanap niya at sabi ng masama tungkol dito mukhang hindi iyon makita ng kanyang mga magulang ngayon. “Bukod sa gwapo na si Mico ay mabait pa at halata ‘ring mayroong mabuting pagkatao. At galing pa sa maayos na pamilya.”
“At bagay na bagay siya sa ating unica hija,” pagsang-ayon pa dito ng kanyang ama na muling lang ikinaikot ng mga mata ni Avril sa ere, lalo pang kumulo ang kanyang dugo para sa binata.
“Mom, hindi ko nga po siya boyfriend!” hindi na niya muling mapigilang isatinig na muli habang ginugusot na ang kanyang buhok, hindi niya alam kung bakit pinapaniwalaan pa ng mga ito ang lalake keysa sa kanya na siyang anak naman nila. “Nagsisinungaling lang po sa inyo si Mico.” maging ang banggitin ang pangalan nito ay bahagyang kinikilabutan siya, at lalo pang naiirita.
“Huwag ka ng maglihim pa, Avril. Hindi naman kami magagalit sa’yo sa halip nga ay natutuwa pa kami na mayroon ka na talagang kasintahan ngayon.” ani pa ng ina niyang nilingon na ang kanyang ama na tumayo na upang magtungo sa kusina upang uminom na ng tubig, “Sigurado akong magiging maganda ang combination ng lahi natin sa kanila kapag nakabuo na kayo at lumabas na ito sa sinapupunan mo. At hindi ko na rin mahintay pa ang araw na iyon, Avril.”
“Mom!” muli pang protesta ni Avril na nagawa pang mabilis na tumayo mula sa kanyang upuan, hindi niya na mapigilan pang mangilabot sa mga salitang sinasabi ngayon ng kanyang ina na tungkol sa lalakeng ni trabaho ay hindi niya alam kung nasaan. Hindi niya rin alam kung ang budhi ba nito ay malinis at walang bahid nang kung anong pangloloko, ngunit duda siya sa kanya na nagawa ngang magsinungaling sa kanyang mga magulang kanina. Ngayon pa lang ay itinatatak niya na sa kanyang isipan na hindi maganda ang katauhan nitong nagawa ngang magpaiyak ng babae sa kanyang harapan. Hindi malabo na iyon ang hobby ng lalake sa buong buhay niya, sa hilatsa pa lang ng mukha nito ay para bang manggagamit lang ito. Kagaya na lang ng ginawa nito sa kanya kanina. At matapos niya pa itong tulungan ay nagawa pa nito ang magsinungaling sa kanyang mga magulang, na hindi niya nagawa noon. “Hindi ko siya kilala! Hindi ko kasintahan ang lalakeng iyon, ngayon ko lang siya nakita at nakilala. Hindi po kami!” muling subok niyang itama ang mga maling nasabi ni Mico at naitanim sa isipan nila kanina.
Nagkibit sila ng kanilang balikat, halatang hindi sila interesado sa kanyang mga sinasabi ng mga sandaling iyon. Muling dinampot ni Avril ang kanyang inihagis na bag sa sofa kanina at pamartsa ng humakbang patungo ng kanyang silid. Bad mood siya, kahit pa mukhang desperada na siyang makahanap ng kanyang magiging kasintahan ay nungka namang papatulan niya na ang binata. Naisip niyang marahil nga ay tama ang babaeng naka-encounter nila kanina, manloloko si Mico! Sinaktan siya nito at ginamit, nang magsawa na ay basta na lang iniwan na parang basura dito. At hindi siya makakapayag na gawin din iyon ng lalake sa kanya, hindi na siya magpapagamit pa.
“Ang kapal ng apog niyang sabihin sa mga magulang ko na kasintahan ko siya! Ni hindi ko siya kilala at ngayon ko lang din siya nakita. Siya na nga iyong tinulungan ko kaninang makatakas sa kasintahan niya tapos ako pa ngayon ang siniraan niya sa aking mga magulang. Sinabi niyang nobyo ko siya, mas lalo lang niyang pinalala ang sitwasyon kong napakagaan pa kanina bago ko siya makita. Ako iyong biktima dito, ako ang mabuting tao at tumulong pero bakit ako yata ang inabot ng karma ngayon? Dapat talaga ay hindi ko na lang siya tinulungan kanina doon.” hinaing pa ng dalaga na pabagsak ng nahiga sa kanyang kama, ipinako niya ang kanyang mga mata sa kisame ng kanyang silid. Pilit na inaapuhap kung saan siya doon nagkamali, kung bakit ang lahat ng iyon ay sa kanya nag-backfire kahit na may mabuti naman siyang ginawa sa kanyang kapwa. “At bukod pa doon ay ninakawan niya rin ako ng halik! Hindi basta-bastang halik lang kung hindi unang aking halik at ang siste ay sa labi ko pa iyon nangyari!” nagtaas at baba na ang kanyang dibdib, patuloy pang sumama ang kanyang pakiramdam at kumulo na naman ang kanyang dugo sa katauhan ni Mico. Ilang sandali pa ay marahan na niyang hinawakan ang nanunuyo niya ng labi, naguguni-guni pa rin niya ang lapat at init ng halik nito sa kanyang labi. “Erase! Erase!” bulalas niyang mabilis na bumangon ng kanyang kama dahil ang pangyayaring iyon ay nagbigay ng kakaibang pintig ng kanyang puso, hindi niya alam kung kinakabahan ba siya o lalo pa ditong nairita ng mga sandaling iyon. “Paano niya ipapaliwanag sa aking mga magulang na hindi naman talaga kami magkasintahan gayong paniwalang-paniwala na sa kanya sina Mommy at Daddy? At ayaw kong sa bandang huli ay masakyan lang sila nang dahil sa mga kasingalingan nila. Para kasi siyang shunga, duwag at baliw. Mabilis lang namang sabihin kina Mommy na nagkamali siya at aminin na ang buong akala niya ay ako ang nobya niya, pero hindi niya iyon ginawa. Hindi niya pa ako sinuportahan noong sinasabi kong hindi kaming dalawa, sa halip ay kasalungat doon ang kanyang mga sinabi. Pinalala niya ang sitwasyon naming dalawa, at hinila niya pa talaga ako sa suliraning ito. Nakakabuwisit lang talaga, sa halip na wala ako ngayong inaalala maliban na lang sa paghahanap ng aking totoong magiging kasintahan at asawa ay talagang dumagdag pa siya.”
Marahas na isinipa-sipa ng dalaga ang kanyang dalawang paa, halatang naba-badtrip pa rin sa nangyaring iyon sa kanya ng araw na iyon. Ang lakas nitong makasira ng kanyang mood ngayon.
“Ahh!” malakas na sigaw at mabilis na bangon ni Avril na tinakpan na ang kanyang dalawang tainga nang maalala ang mga sinabi nitong iyon sa kanya kanina, kinikilabutan pa rin siya sa mga kasinungalinan nito ngayon. Kulang na lang ay sapakin niya ito kanina, mabuti na lang din at nakapagpigil pa siya ng kanyang sarili, dahil marahil kung hindi ay nakatikim na ito ng sapak at maanghang na mga salita mula sa kanya. “Ang galing niyang mag-drama, paniwalang-paniwala niya sina Mommy! Sigurado akong siya ang manloloko sa kanilang dalawa ng babaeng iyon!” patuloy niya pang akusasyon dito upang gumaan ang kanyang mas sumidhi pang pakiramdam.
Nagmamadali na siyang umahon sa kanyang kama at tinungo ang kanyang walk in closet upang kumuha na doon ng kanyang pangbahay na damit at magpalit. Pakiramdam niya ay biglaan na siyang pinagpawisan doon ng malagkit. Naiinitan na rin ang kanyang pakiramdam na hindi na niya mawari pa. Iba ang dating rin sa kanya ng mga salitang iyon, naaalibadbaran siya kay Mico at the same time ay nangangarap na isang araw ay may lalake ngang magsabi noon sa kanya.
“Baliw na talaga ang lalakeng iyon! May sapak ang ulo at may tama na ang kanyang utak!” saad pa ni Avril na tinungo na ang kanyang banyo ng silid matapos na kumuha ng damit na kanyang pamalit, hindi pa rin mawaglit ang mga mata ng lalakeng nangungusap na labis na kinakainisan ngayon. Gwapo nga sana kaso mukhang maluwag ang turnilyo niya, naisip niya. “Kung anu-ano na lang ang lumalabas sa kanyang bibig. Hindi naman totoo ay pawang mga kasinungalinan at imbento niya lang ang lahat ng iyon. Baka nga hindi niya iyon kasintahan at nais niya lang akong halikan kanina, mukhang mas lumuwag pa ang turnilyo noon dahil sinungaling talaga siya.”
Habang nagpapalit ng kanyang damit ay bubulong-bulong pa siya doon, lalo pang nabuhay ang inis niya kay Mico na siguradong kinabukasan ay susugurin na niya sa sinasabi niyang opisina. Sa loob ni Avril ay hindi siya makakapayag na basta na lang mangyari ang bagay na iyon, at ang kailangan nitong gawin para maging maayos sila ay ang linisin ang kanyang pangalan sa kanyang mga magulang. Kailangan nitong sabihin na hindi tunay na kasintahan niya ito, dahil naisip niya na baka mamaya iyon pa ang maging sagabal sa paghahanap niya ng kanyang tunay na pag-ibig.
“Humanda siya sa akin bukas, pupuntahan ko siya sa building na pinagtra-trabahuhan niya! At ipapahiya kos siya doon kung kinakailangan, kung hindi niya gagawin ang siyang nais ko ngayon ay wala siyang choice kung hindi tanggapin ang hagupit ng aking pagganti sa kanyang ginawa.” banta pa ni Avril na hindi na napansin na baligtad pala ang kanyang suot na damit ngayon, patuloy pa ‘ring tumatakbo sa kanyang isipan ang mga bagay na kanyang gagawin kay Mico. “Makakatikim siya sa akin ng mag-asawang sampal na hindi niya magawang tikman kanina. O kung hindi man ay sisirain ko ang reputasyon niya, siguro naman ay titino na siya dahil doon.”
Muli siyang nahiga sa kanyang kama, binabalikan pa rin ang naging usapan nila noon kanina. Naisip niya na masarap pa lang pakinggan ang mga salitang iyon, lalo na siguro kung iyon ay tunay at nagmula mismo sa bibig ng lalakeng tunay na nagmamahal sa kanya. Lalakeng handa siyang pakasalan at iharap sa altar kasama ng mga pangakong pagsasama ng walang hanggan.
“What are you talking about now, Mico?!” may galit at diin na sa tinig ni Avril na iritableng-iritable na sa lalake, hindi na nito maipinta ang kanyang hitsura na sasabog na sa labis na galit anumang oras ng sandaling iyon. Kulang na lang din ay lamukusin niya ang mukha ng binata ng mga sandaling iyon ngayon. “Huwag ka nga diyang sinungaling, idiot!”
Ma-dramang humawak si Mico sa kanyang dibdib, ipinapakita niya sa mga magulang ng dalaga na labis siyang nasaktan ng salitang binitawan nito ngayon. At hindi siya nabigo ng mga ito, bagay na lihim niyang ikinangiti. Aliw na aliw na siya sa hitsura ng dalaga na hindi na kaya pang maipinta. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili ngayon, tuwang-tuwa na siya sa hitsura nito kahit pa ang mga mata nito ay nagsasabi na animo lulunukin na siya ng buhay at lalamunin na rin nang buo.
“Avril, watch your words anak!” bulalas ng kanyang inang ikinalaki na ng kanyang mga mata, hindi pa rin siya makapaniwalang mas sasawayin siya ng kanyang ina kumpara dito. At nakaramdam na si Avril doon ng labis pang pagkairita dahil tila mas pinapaboran pa ito ng kanyang mga magulang na halos ngayon lang naman nila ito nakita at nakilala. “Nasa labas tayo! Show your manners.”
Nanlalaki na ang mga mata ng dalaga na binalingan si Mico na nananatiling nakatingin pa rin sa kanya. Para sa dalaga ay tila nang-aasar pa ang mga mata nitong nakatitig na sa kanya. At lalo pang kumulo ang kanyang dugo nang dahil doon, she was pissed by him big time. Nais na niyang saktan ito physically upang mawala ang kanyang galit, lalo pang umaahon ang kanyang galit na para sa lalak nang bahagyang umangat na ang gilid ng labi nito para sa isang ngiti doon. Binalingan na niya ang kanyang mga magulang na matamang nakatingin pa rin sa kanilang dalawa ngayon.
“Mom, Dad, hindi nga po totoo ang mga salitang—”
“Baby, alam ko naman kung saan ka nanggagaling ngayon pero hindi mo naman kailangan na ako ay itanggi saharapan ng iyong mga magulang. Nakakasakit ka naman ng damdamin, Avril...” ma-dramang pagputol ni Mico sa kanyang mga sasabihin pa sana na tumayo na doon sa pagkakaupo, sa loob ng binata ay hindi siya makakapayag na ihulog nito sa mga magulang at mapahamak pa. Mabilis ng ikinalaki iyon ng mga mata ni Avril, nais ng hatawin ng shoulder bag niya ang mukha ng lalake ngayon na hindi kapani-paniwala sa kanyang mga pinagsasab upang matauhan na ito at kapitan ng hiya sa kanyang katawan. Kung pwede lang sana iyon ay kanina niya pa iyon ginawa. “Umamin na tayo sa kanila, tutal ay nahuli na naman tayo. Hindi naman siguro sila magagalit na malaman ang relasyon natin ngayon, Baby.” malambing pa nitong turan ng mga sandaling iyon na lalo pang ikinahulog ng panga ni Avril, marahas na niyang ikinurap ang kanyang mga mata dito.
“Aba’t, wala tayong relasyon, Mico!” histerikal na sigaw na niya doon na naging dahilan upang bahagya ng matigilan si Mico sa kanyang mga sinasabi, “Tama na ang imbento mo ng kwento.Tama na ang pagpapanggap mo, ang panggagamit mo sa akin! Ang kapal mo talaga!”
“Baby...” malambing pang tawag ni Mico sa kanya, kinilabutan na siya nang dahil doon. Hindi niya alam kung bakit sa kabila ng pakiramdam na iyon ay nasisisyahan na ang kanyang puso. “Avril...”
Nagpalipat-lipat na ang tingin ng mag-asawa sa kanilang dalawa, hindi nila alam kung may LQ sila ng mga sandaling iyon. Hindi na mapigilang ikuyom ni Avril ang kanyang mga kamao at ipakita sa lalaking tutol siya sa mga pinagsasabi nito. Iritable niyang muling pinadilatan na ito ng mga mata. At bago pa siya ulit makapagsalita ay pumagitna na sa kanilang dalawa ang mga magulang niya.
“Tama na iyan mga anak, parang hindi kayo nagmamahalang dalawa.” sambit ng kanyang ama na hinawakan pa siya sa magkabilang balikat, “Ang mabuti pa Avril ay maupo na muna kayo at ng mas makilala pa namin ang iyong kasintahan.” marahas na napabuga na ng hininga ang dalaga doon.
“Oo nga, maupo ka na rin hijo.” mungkahi pa ng kanyang inang sinenyasan na si Mico na maupo.
Sinunod iyon ng binata na sinulyapan pang muli si Avril na masama pa rin ang tingin sa kanya. Ang mga sumunod na usapan ng kanyang mga magulang at ni Mico ay hindi niya na naintindihan pa. Abala ang kanyang isipan sa pag-iisip ng paraan kung paano niya ito gagantihan at papasakitan.
“Humanda talaga siya sa akin bukas, kung saan ay wala doon ang aking mga magulang.” desididong banta niyang muli habang inaalala ang mukha ni Mico, bumangon na siya ng kanyang kama upang lumabas na rin ng kanyang silid.