Chapter 6

2809 Words
Halos hindi na maipinta pa ang hitsura ni Avril ng mga sandaling iyon habang nanlilisik na ang kanyang mga matang nakaburo sa kaibigan niyang kaharap na kulang na lang ay lumabas ang ngala-ngala sa lakas ng kanyang pagtawa. Nasa isang fine dining restaurant sila kung saan ay plano ni Yuriah na kumain ng hapunan kasama sina Asher at Andrius. Isinalaysay pa ni Avril sa personal ang tunay na nangyari sa kanila ni Mico sa cafe na may kasama pang pagkumpas ng kanyang dalawang palad. Bagay na mas malakas pang ikinahalakhak ni Yuriah dahil kuhang-kuha ni Avril ang kanyang reaction sa nangyari doon kanina, may pag-ikot pa ito ng kanyang mga mata sa ere at pagsimangot habang inilalahad niya ang nangyari sa pagitan ni Mico at ng kanyang mga magulang doon. Ipinapakita niya sa kaibigan ang kanyang labis na pagtutol sa mga nangyari, dangan lang at wala siyang magawa dahil sa pakikialam ng mga magulang niya dito. Ngunit sigurado siya na kung hindi niya kasama ang mga ito, malamang ay wala naman siya ngayong iniisip na ganito dahil kahapon pa lang ay tinapos na niya ang kahibangan ni Mico. “Gwapo naman ba?” tanong nito nang tumigil sa malakas niyang pagtawa, pulang-pula na ang buo niyang mukha sa labis niyang pagkatuwa sa reaction ni Avril. Alam niyang may matalas na mga mata ng kaibigan pagdating sa appearance ng nakakaharap niyang mga lalake. Walang sinuman ang nakakalagpas sa kanya, lalo na kung hitsura ang kanilang pag-uusapan. Kumibot-kibot na ang labi ni Avril, nagpipigil na sumabog. “Baka naman mukhang gusgusing lalake iyon?” Nagkibit ng kanyang balikat si Avril, alam niya sa kanyang sarili na gwapo si Mico ngunit nang dahil sa ugaling ipinakita nito sa kanya ay nungkang pupurihin niya ito sa harapan ng kaibigan. Hindi niya sasabihing gwapo ito, ma-appeal at pwede ng pagtiyagaan dahil inis siya sa kanya. Wala sa kanyang bokabularyo na aamining gwapo ito, gayong mahangin at hambog naman ito. At mas nanaisin na lang niyang sabihing pangit o sakto lang ito na ang naging kanyang basehan ay ang ugali nito at hindi ang panlabas na anyo na alam naman niyang mayroong laban. Kung tutuusin pa nga ay gwapo si Mico kumpara sa kanyang mga nakaka-blind date na bigay ng mga kakilala niya at kaibigan. Iyon nga lang ay nasira ito sa taglay nitong pangit na ugali nakita niya. “Sakto lang, nabawasan pa iyon nang dahil sa kagaspangan ng kanyang pag-uugali. Alam mong sa akin ay walang silbi ang panlabas na kaanyunan kung ang ugali naman nito ay magaspang.” anang dalaga na uminom na ng tubig sa kanyang baso na muntikan niya pang maibuga sa kaharap na kaibigan nang dahil natanaw at nahagip ng kanyang mga mata ang pagpasok doon ng grupo ng mga kalalakihan at naaninag niyang kabilang doon ang bulto ni Mico, “Speaking of the evil person in my whole life!” OA na dugtong niyang pabagsak na ibinaba ang baso sabay punas ng likod ng kanyang palad sa gilid ng kanyang labi kung saan ay kumalat ang ang ilang butil ng tubig na humalo pa sa kanyang suot na lipstik. Hindi niya inalis ang kanyang mga mata sa grupo nila na malakas na nagtatawanan doon habang patungo na sa nakalaan nilang lamesa. “Dude, walang ganyanan.” si Rain na patuloy pa ‘ring tinutukso ng tatlo nang dahil sa kulay ng balat nitong dinaig pa ang ilang linggong nagbilad ng palay, patuloy na pinagkakatuwaan pa rin iyon ng kanyang tatlong magkakaibigan. “Kapag bumalik ang kulay ko, who you kayong tatlo sa akin.” banta nitong naging dahilan upang bumunghalit na sila ng malakas na tawanan doon. “Kailan ba nagbago ang kulay ng balat mo?” si Froylan na nagtaas at baba pa ang makapal na kilay sa kaibigan habang humihila na ng kanyang uupuan, pangiti-ngiti lang si Mico sa kanila. “Pasalamat ka at wala si Lacim,” saad ni Mico na ikinalingon na nilang tatlo sa kanya, tila may mahika ang mga salitang iyon na nagpalamlam ng kanilang mode nang bigla. “Bakit mga Dude? Eh, alam naman natin kung gaano ka-bully ang lalakeng iyon sa atin.” pagak niya pang tawa. Ang malakas nilang tawanan ay naglaho at napalitan ng seryoso na nilang mga titigan doon. Nakaupo na silang lahat at iniintay na lang na lumapit ang waiter upang asikasuhin sila dito. Sa likod ng kanilang mga tinginan ay may nagtatagong kakaibang mga kahulugan na tanging sila lang ang nakakaalam. At walang sinuman sa kanila ang may lakas ng loob na magsalita patungkol sa kaibigan nilang wala doon. Nagbalik iyon sa kanila ng pakiramdam ng nag-aalala. “Kumusta na kaya ang mokong na iyon ngayon?” pagsasatinig ni Julian na sinundan pa ito ng malalim niyang paghugot ng buntong-hininga, mababakas sa kanyang mga mata ang agarang paglamlam ng pag-aalala na dito. “Hindi man lang ba nagpaparamdam pa rin sa inyo?” Sabay na umiling si Froylan at Rain, nanatiling tahimik naman si Mico na pinagninilayan kung sasabihin na ba sa kanilang tatlo na mayroon siyang nalalaman tungkol kay Lacim ngayon. At alam niya kung nasaan ito, alam niya ang ibang mga lihim nito, alam na alam niya iyon. Ngunit sa huli ay minabuti na lamang niyang tumahimik at hindi na iyon sabihin pa sa kanilang tatlo. Naisip niyang panahon na lang ang hahayaan niyang magsabi sa kanyang mga kaibigan ng tungkol kay Lacim. Panahon na lang ang magdikta kung paano nila iyon matutuklasan si Lacim. “Wala rin,” maikling turan ng binatang inilihis na ang kanyang mga mata sa mga kaibigan, bakas ang takot sa kanyang mga mata na mabasa ng mga ito ang kanyang inililihim na sekreto nito. “Sa ngayon ay hayaan na lang muna nating mag-isip siya, baka naman iyon ang kailangan niya.” “Sabagay...” si Froylan pagkatapos niyang sabihin ang order niya sa waiter, “Kauntin na lang at iisipin kong may kinalaman si Lacim sa mahabang bakasyon ni Aleigh na hiniling sa akin.” “Hindi pa rin ba siya bumabalik?” interesado ng tanong ni Mico sa kaibigan. “Hindi pa, ilang buwan na nga siyang naroroon.” anito pang tumingin na kay Julian at Rain, “At nakabalik na nga itong sina Julian at ang asawa niyang si Freya mula Hongkong, siya naroon pa rin sa probinsya.” dagdag pa nitong halatang bahagyang problema na sa bagay na iyon ngayon. “Mukhang mas gustong mamuhay ni Aleigh sa kung saan siya lumaki,” pagbibiro ni Rain na ikinakibit na lang ng kanilang mga balikat, “Oh, baka naman may problema rin siya ngayon?” “Naku, imposible iyon.” kampanteng turan ni Froylan na akala mo ay alam ang katotohanan. “Bakit naman imposible?” tanong ni Mico na interesado na dito, sinulypan niya pa si Julian na umiwas lang ng tingin sa kanya ngayon, “Hindi naman sa lahat ng panahon ay matatag tayo.” “Kilala ko si Aleigh, kumpara sa kanilang dalawa ni Freya ay mas matatag siya dito.” Wala ng nagsalita sa kanila na makahulugan na namang nagkatitigan nang dahil doon. Naburo na ang paningin ni Mico kay Julian na bahagyang napailing lang, alam niyang ayaw nito ang comparison na ginawa ni Froylan sa kanyang dalawang kapatid. Ganunpaman ay mas pinili ni Mico na huwag ng magsalita pa, hindi niya na ginatungan ang nagsisimulang apoy sa mesa nila. “Baka nawili lang siya doon, hindi magtatagal ay babalik din iyon.” si Rain na walang alam doon. Awtomatikong lumingon si Yuriah sa kanilang banda kung saan ay titig na titig pa rin dito si Avril. May naglalaro ng ngisi sa kanyang labi na sinipat ang grupo ng mga lalakeng isang table lang naman ang nakapagitan mula sa lamesang kanilang kinaroroonan ng kaibigang si Avril. Pilit niyang hinahanap sa kanila kung sino si Mico na nagpapakulo pa rin ng dugo ni Avril hanggang sa mga sandaling iyon. Muli niyang binalingan si Avril na ang mga mata ay nananatiling nasa kanila, hindi siya maaaring magkamali na kilala niya si Julian Velasco at Froylan Evangelista na na kabilang sa kanilang grupo doon. Ang dalawang ito ay palaging nafe-feature sa TV at mga magazine, famous sila kung tawagin sa malawak na industriyang kanilang ginagalawan ngayon. Doon pa lang ay alam na niyang may sinasabi sila sa industriya ng pagnenegosyo, mga bigatin ang kabilang sa kanilang grupo lalo na siguro kung makikita ng dalaga si Lacim na wala doon. Sikat din ito at lumalabas pa sa ads ng kanilang sariling restaurant bilang kanilang promotion. Doon niya napagtanto na maaaring kagaya rin nila si Mico na mayroong sinasabi pagdating sa pamamalakad ng kanilang mga negosyo. Ganunpaman ay hindi nabawasan noon ang inis at pagkairita na kanyang nararamdaman para sa binata, sa halip ay mas lalo pa iyong nadagdagan at sumidhi sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Galaiting-galaiti pa siya dito, marahil ay dahil iyon sa nangyari sa kanilang dalawa. Hindi niya matanggap na ninakaw nito ang unang halik niya sa labi na para sana sa magiging unang lalake sa buhay niya. Ngunit, ngayon iyon ay naglaho na. “Avril, sino ba diyan sa kanila si Mico—” “Sssh, mamaya ko na lang sabihin sa’yo kung sino siya diyan.” marahas na pagputol ni Avril kay Yuriah, ayaw niyang makaagaw pa ng atensyon ng ibang tao ng mga sandaling iyon sa lugar. At lalong ayaw niyang makita sila ni Mico, hindi niya alam kung ano ang magiging reaction pa dito. “Okay,” kibit-balikat na turan ni Yuriah na nagsimula ng tahimik na kumain habang ang mga mata nitong mapanuri ay nasa kanyang mukha pa rin, “Malalaman ko rin naman sino diyan.” Pilit na iniiwas at itinago ni Avril ang kanyang mga mata kay Yuriah na mapanukso ng pilit na hinahagilap ang kanyang mga mata. Hindi man lang niya sinulyapan itong panay ang titig sa mukha niya, pilit niyang ipinapakita dito na wala siyang pakialam sa kung ano pang mga salitang sasabihin nito at itatanong sa kanya. Alam niyang tutuksuhin na naman siya nito kung kaya mas minabuti na lang niya na pagsawain ang kanyang mga mata sa pagkaing nasa harapan keysa magpaliwanag pa sa mga katanungan ng kanyang kaibigan na alam niyang tila ba wala na iyong katapusan kapag nasimulan. At sa disposisyong iyon ay hindi maiwasan ni Avril na kumabog ang kanyang dibdib. Kakaibang kalabog na ngayon niya lang naramdaman habang panaka-naka ang sulyap niya sa banda ng kanilang grupo. Matapang siya, at balewala lang naman lahat iyon sa kanya kahapon ngunit hindi niya na ito maintindihan pa ngayon. Parang kapag nagtama ang mga mata nila ay mahihimatay na siya. Iba na ang dating sa kanya ng presensiya ng binata dito. “Avril, wala namang hindi gwapo sa kanila.” mahinang bulong ni Yuriah matapos na kanyang pagmasdan pa at suriin ang kanilang mukha isa-isa mula sa malayo, halatang hindi niya kilala si Julian at Froylan o marahil ay dahil naka-side view ito sa kanyang banda kaya hindi niya sila nakilala. Involved din ang kaibigan niya sa negosyo kung kaya naman naisip niyang imposible na parang ni minsan ay hindi nito kilala ang kahit na isa sa kanilang grupo. Ang lahat sa kanila ay mayroong appeal rin at iyon ang unang napansin ni Yuriah at iyon din ang nararamdaman ni Avril. Iyong tipong kahit walang ginagawa ang mga lalake ay biglang may titiling boses ng mga kababaihan nang dahil sa kanilang paghanga sa kanilang hitsurang makahulog panty. Muli pang ipinilig ni Avril ang kanyang ulo, pilit nang inaalis doon ang presensiya ng binatang damuho dito. “Halatang ang lahat sa kanila ay full package na, walang itulak at kabigin at wala ka ng ibang aalalahanin pa sa mga bagay kapag gugustuhin mo ang isa sa kanila. Mukha rin naman silang gentleman,” salitang muling nagpaikot ng mga mata ni Avril sa ere nang lihim, nais na niyang takpan ang bibig ni Yuriah na wala pa ‘ring preno sa pagsasalita nito, “Bonus na lang if mayaman talaga sila at galing sa prominenteng pamilya kagaya natin, pero sa tingin ko oo.” “Anong oo?” lutang na tanong ni Avril sa kanyang kaibigan na awtomatikong tinawanan lang siya, naiiling ng sinuri ang kanyang mga matang sa oras na iyon ay naguguluhan pa rin dito. Ikinailing na iyon ni Yuriah na binuhat na ang kanyang mga kubyertos upang ipagpatuloy pa ang saglit na naudlot niyang pagkain doon kanina. Mapanuri niyang tinitigan ang kaibigang si Avril. Sa kanyang paninitig dito ay alam ni Avril na may namumuo ng kakaibang hinala ang kaibigan. “Avril, nasaang lupalop ng mundo ang isipan mo ngayon, ha? Nilamon na ba ni Mico?” “Yuriah!” may diin at malakas niyang bigkas sa pangalan ng kanyang kaibigan na nang-aasar pa. “Ops, sorry...” anitong bahagyang tinakpan ang kanyang mukha ng palad nang bahagyang lumingon si Mico sa may kanilang banda, hindi nahagip ng binata ang mukha ni Avril dito. “Ipinapahamak mo talaga ako.” kunawa’y pagtatampo niya pa sa kaibigan niya. Malakas na iyong ikinatawa ni Avril na hindi na mapakali sa kanyang upuan, nararamdaman na niya ang panlalagkit ng kanyang pawis. Panay pa ang kanyang sulyap sa lamesa nina Mico na sa mga sandaling iyon ay hindi pa nakikita at napupuna ang dalagang ginamit niya kahapon sa cafe. Patuloy ang kanilang grupo sa usapang humantong na sa mga kalokohan at tuksuhan. Nakahinga doon nang magaan si Avril, ang buong akala niya ay makikita na siya ng binatang ito. “Baka naman matunaw na, lapitan mo na kaya sila at nang makilala ka na ng grupo nila.” untag ni Yuriah sa dalaga na sinundan pa nang malakas niyang paghalakhak, “Come on Avril, go!” “Ayoko nga!” wala pang ilang segundo ay pagtutol na doon ni Avril, nungkang lalapit siya sa table ng mga ito at magpapakilalang kasintahan  ng binatang nakatitig na sa kaharap na menu. Mariin na niyang ipinilig ang kanyang ulo, ang isipin pa lang na gagawin iyon ay nangingilabot na siya dito. Iyon pa kayang haharap siya sa grupo nila at sasabihing kasintahan siya nito. Hindi niya kayang gawin ang bagay na iyon. Hinding-hindi dahil para siyang mababaliw na dahil doon. “Bakit ayaw mo?” natatawa ng tanong ni Yuriah, nanunukso pa rin ang mga mata sa kanyang nakatitig. “Eh, halos mabali na ang leeg mo kakasulyap sa kanilang table, kaunti na lang talaga at iisipin kung nahulog ka na agad sa kung sinuman sa kanila si Mico, Avril.” “Hindi ah!” mariing pagtanggi ni Avril na muling umikot sa ere ang kanyang mga mata, maling akusasyon na naman ang kanyang kasamang kaibigan ngayon. Masyado ‘ring advance mag-isip. Mahinang tumawa lang si Yuriah, kailanman ay hindi nagsisinungaling ang katawan ni Avril. Ikinatawa na rin iyon ni Avril nang kanyang maramdaman ang panunuri ng kaibigan niya dito. “Kilala kita Avril—” “Malamang, magkaibigan tayong dalawa.” mabilis at pilosopo niyang pagputol sa kaibigan, “Magmula pa sa highschool hanggang sa mga sandaling ito.” umubo-ubo siya dito, hindi matanggal sa kanyang isipan ang una nilang pagkikita at ang nakakainis na mukha ng lalake. “Kaya nga, kung kaya tumayo ka na diyan at lumapit ka na sa table ng boyfriend mo upang batiin sila. Magbigay ka naman ng paggalang, iche-cheer na lang kita.” muling tawa pa nito. “Gagi, hindi ko iyon gagawin!”muli niyang pagtutol sa nais na mangyari ng kaibigan niya. Natatawang iginalaw ni Yuriah ang kanyang magkabilang balikat. Natatawa pa rin sa asta ni Avril ng mga sandaling iyon. Muli pang tinitigan nang masama ni Avril si Yuriah na tumatawa na naman nang mahina. Hindi na niya napigilan ang malakas na sawayin pa ito ng oras na iyon. “Wala akong gusto sa kanya, Yuriah.” seryoso niyang saad sa kaibigan, “At kailanman ay hindi ako magkakagusto sa bugok na iyon, naiintindihan mo? Naririnig mo ba ako, Yuriah?” anito pa. Tumikwas na ang isang kilay ni Avril nang makita ang biglang pananahimik ng kanyang kaibigan na nananatiling nakatitig lang sa kanya ng mga oras na iyon. Bigla niyang napansin ang pag-udlot ng dila nito at ang agarang pamumutla ng kanyang mukha na kawangis ng piraso ng papel. “Oh, bakit ka nanahimik diyan?” natatawa niya pa 'ring tanong sa kaibigan. “Avril...” alanganin na nitong bigkas sa kanyang pangalan ngayon. Umangat ang gilid ng labi ni Avril habang nakatingin pa rin sa kanyang kaibigan ngayon, hindi niya maunawaan kung bakit ganun na lang ang hitsura nito ngayon. Lingid na sa kaalaman ng dalaga ay nasa likuran na niya nakatayo si Mico at matamang nakikinig sa kanyang sinasabi. “S-Siya ba iyong si Mico?” katanungan nitong halos hindi lumabas sa lalamunan ng kaibigan na bahagya pang isinenyas ng kamay ang kanyang gilid na bahagi ng likuran, “Michiko Soledad?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD