TINIKMAN ni Tanya ang tinimpla niyang black coffee para kay Karzon. Sa pakiwari niya ay abot na niyon ang expectation ni Karzon.
“Abi, tikman mo nga kung magugustuhan na ito ni Karzon.”
Gamit ang spare na kutsara ay tinikman din ni Abi ang kaniyang tinimpla. “Bawasan pa po ninyo ng kaunting sugar, Ma’am Tanya.”
Napabuga siya nang hangin sa bibig. Napasulyap pa siya sa sink na may limang tasa na ng pinagtimplahan niya ng kape.
Never niyang nakahiligan ang kape dahil masama sa kaniya. Pero heto siya ngayon, trying her best para makapagtimpla ng masarap na kape para kay Karzon.
Gusto sana niya ng trademark niya iyong kape na ipapainom sa kaniyang asawa.
“How about this one?”
Hindi pala sobrang dali na magtimpla ng kape ni Karzon. Sabi pa ni Abi, kapag daw hindi nagustuhan ni Karzon ang kape na s-in-erve rito ay hindi na nito iyon iniinom. Aalis na lang ng walang laman ang tiyan. Siguro, o-order na lang ng kape nito sa opisina nito.
Nag-thumbs up si Abi kay Tanya kaya napangiti na siya. “Sa wakas,” nasisiyahan pa niyang wika. Tinandaan niya kung paano niya iyon tinimpla.
Kinaumagahan nga ay maaga siyang nagising para ma-try ang kape na ipapainom kay Karzon. Ngunit sa muli niyang pagtataka, hindi na naman sa tabi niya natulog si Karzon. Pang-tatlong beses na nitong ginawa na matulog sa salas.
“Okay ka lang, Ma’am Tanya?” pansin pa sa kaniya ni Karla dahil tulala lang siya nang pumunta sa may kusina.
“Okay lang po,” mahina niyang sagot.
“Mamaya lang po, magigising na si Sir. Mas gusto niyang magkape habang nagbabasa ng diyaryo,” wika pa ni Abi kay Tanya.
Isa sa ipinagpapasalamat niya ay ang hindi pag-uusisa nina Abi, Nida at Karla kung bakit hindi na naman natulog si Karzon sa silid nila.
Nang magising si Karzon ay saka lang ito pumasok sa silid nila para magbanyo. Pagkuwan ay muli ring lumabas. Naghahanap na ng kape nito.
“Ako na ang magdadala nito,” tukoy ni Tanya sa kape ni Karzon.
“Good luck, Ma’am,” nakangiti pang cheer sa kaniya ni Abi.
Huminga naman nang malalim si Tanya bago isinagawa ang balak na pagpunta sa kinaroroonan ni Karzon. Nasa may pool area ito. Indoor iyon at napapalibutan ng glass ang buong paligid.
Nakaupo sa may patio si Karzon. Nagbabasa na ng headline ng balita sa diyaryo. Napangiti siya nang maalala ang kaniyang ama sa binata. Mahilig din kasing magbasa ng diyaryo ang kaniyang ama sa umaga.
Maingat na inilapag ni Tanya sa pabilog na mesa ang tasa ng kape ni Karzon na ipinatong pa niya sa partner niyong platito.
“Inumin mo na ang kape mo habang mainit pa,” untag ni Tanya sa asawa.
Nang marinig ang boses niya ay saka lang nag-angat ng tingin si Karzon. “Bakit ikaw ang may dala ng kape ko?”
“May problema ba?” balik-tanong ni Tanya sa kaniyang asawa.
“Maid ka ba rito para gawin ang ginagawa ng maid?”
Sandali siyang napipilan sa kasungitan nito. Almusal na yata talaga niya ang pagsusungit nito.
“Hindi nga ako maid dito, pero asawa mo na ako sa ayaw at sa gusto mo. Kahit sabihin mo na sa papel lang ‘yon. At walang masama kung ako man ang magdala ng kape mo dahil ginagawa naman talaga ng isang asawa na pagsilbihan ang lalaking asawa niya. Ganoon si mommy kay daddy.”
Ibinaba ni Karzon ang diyaryo nito sa may mesa. “At alam mo naman na hindi tayo kasal katulad ng kung paano nakasal ang mommy at daddy mo, Natanya. Stop comparing us to others. Ibang-iba ‘yong sitwasyon natin sa kanila.”
“Bakit ka ba ganiyan? Hindi mo ba kaya na kahit sa akin, maging civil ka man lang? Tingin mo, natutuwa ako na narito ako ngayon sa bahay mo? Para akong si Rapunzel na nakakulong sa mataas na tore.”
“Tingin mo rin ba, natutuwa ako na narito ka?”
That makes her speechless for a while. Paano nito nagagawang kausapin siya ng ganito? Lumunok siya para alisin ang tila bikig sa kaniyang lalamunan.
“Kitang-kita naman sa pagmumukha mo na hindi ka natutuwa. Pero ako, sinisikap kong mag-adjust sa bagong environment na nasa paligid ko. At kasama ka na roon. Sana ikaw rin, Karzon.”
“Hindi mo ako kailangang utusan, Natanya.”
“Tanya,” pagtatama niya sa kinasanayan niyang tawag sa kaniya ng mga taong malalapit sa kaniya. Para bang kapag tinawag siyang Natanya ng isang tao, hindi sila niyon close.
“Your name si Natanya.”
“Sabagay, you’re like a stranger to me. Kaya sige, Natanya ang itawag mo sa akin.”
Isang tingin pa kay Karzon bago niya ito tinalikuran. Napabuga siya nang hangin sa bibig habang naglalakad palayo sa asawa.
Napapaisip na naman siya kung ano ang dapat gawin para makuha ang loob nito.
Pagkalabas ni Tanya sa may pinto na connected sa indoor pool ay pasimple pa siyang nagtago sa malalagong halaman at buhat doon ay sinilip niya si Karzon na abala na naman sa pagbabasa ng diyaryo ang atensyion.
Nang kunin ni Karzon ang tasa ng kape nito ay halos mapigil pa ni Tanya ang paghinga habang hinihintay na matikman iyon ni Karzon. Para bang sandali pa itong natigilan nang malasahan ang kape. Pagkuwan ay sumimsim ulit ng isa pa.
Mukhang satisfied ito sa kape niya dahil hawak pa rin nito ang tasa at pasimsim-simsim pa roon habang nagbabasa ng diyaryo.
Sa parte na iyon, natuwa ang puso niya dahil sulit ang kaniyang effort. Kay lawak tuloy ng ngiti sa labi niya nang lisanin ang parteng iyon ng penthouse.
“Wala po sanang magsasabi kay Karzon na ako ang nagtitimpla ng kape niya,” bilin pa ni Tanya nang puntahan niya sa kusina ang mga kawaksi.
“Sige po,” sagot ng mga ito.
Nginitian naman siya ni Nana Ester.
Isa pa sa pinag-aralan ni Tanya, dahil wala naman siyang ibang pinagkakaabalahan ay ang pagluluto. Hindi naman sa inaagawan na niya ng trabaho ang kusenera at ang tagatimpla ng kape ni Karzon. Gusto lang niyang matuto rin kahit paano. Dahil paminsan-minsan ay gusto rin niyang patikimin si Karzon ng luto niya ng hindi nito nalalaman.
Hindi man ito magsalita na nagustuhan nito ang pagkain na ihain niya, sapat na iyong makita niya ang magiging reaksiyon nito.