Chapter 07

2007 Words
ISA SA IBINIGAY ni Tanya na rules sa kaniyang sarili ay ang hindi mahulog ng husto sa kaniyang asawa. Hanggat maaari ay sisikapin niya na huwag mag-invest ng romantic feelings kay Karzon. Dahil isa sa pinaniniwalaan niya ay tiyak na hihiwalayan din siya nito oras na mas maging stable na ang kompanya nila at makabayad na ng utang dito. Karzon Montejero has been a billionaire since birth. At dahil sa angkin nitong yaman, isang pitik lang ng kamay nito, puwedeng maging posible ang lahat ng imposible sa mundo. Hindi na rin umaasa si Tanya na kahit paano ay lalambot sa kaniya si Karzon. Pero hindi naman masamang sumubok na sikapin naman niya na sa kaniyang sariling paraan ay maging kaswal ito sa kaniya. Kahit ganoon man lang sana. “Ano namang gagawin ko rito?” may pagtataka pang tanong ni Tanya kay Karzon na bahagya pang w-in-ave ang hawak niyang black card. Alam naman niya kung paano gumamit ng ganoon. Pero bakit kailangan siya nitong bigyan ng ganoon? Pumasok kasi ito sa silid nila para ibigay iyon sa kaniya. “One of your privilege, Natanya. Women love to go shopping. Bilhin mo ang lahat ng magpapasaya sa iyo.” Iyon ba ang tingin nito sa kaniya? Na mahilig din siyang magwaldas ng pera? Namuhay siyang mayaman ang pamilya niya, oo, pero tinuruan naman siya ng kaniyang ina kung paanong magpahalaga sa mga gamit. Tinuruan din silang magkakapatid na huwag magwaldas ng pera para sa mga materyal na bagay na hindi naman palaging nagagamit. Bumibili lang sila ng mga materyal na siguradong gagamitin nila. Ganoon silang pinalaki ng kanilang mga magulang. Maging mapagpahalaga sa lahat at hindi maging isang gastador. Kinuha niya ang isang kamay ni Karzon at inilagay roon ang black card nito. “Hindi ako kabilang sa mga babaeng tinutukoy mo na umiikot ang buhay sa mga materyal na bagay. Kulang na lang ay lagnatin kapag hindi nabili ang gusto. Simple lang naman ang mga gusto ko na nagpapasaya sa akin. At hindi mo ‘yon mabibili ng pera,” aniya bago ito binalak na iwan sa silid nila. Bago pa makarating si Tanya sa may pintuan ay muli niyang hinarap si Karzon na kababaling lang din ng tingin sa kaniya. Mahigpit na hawak sa kamay ang black card. “One more thing, kung hindi mo naman pala ma-take na may ibang tao na natutulog sa silid mo, hindi mo na kailangan pang magtiis matulog sa may salas. May guest room naman itong bahay mo, doon na lang ako mag-stay. At ikaw, gamitin mo na ulit itong silid mo.” “Hindi ka matutulog doon,” matigas nitong sawata sa sinabi niya. “Sino ka ba para sundin ko?” tama ba ang pinaggagagawa niya? Hayon at para bang nagdilim lalo ang tingin ni Karzon sa kaniya. Halos hindi rin makagalaw si Tanya sa kaniyang kinatatayuan nang maglakad palapit sa kaniya si Karzon. Ngunit sa abot ng kaniyang makakaya ay ipinakita niya rito na hindi siya natatakot dito. Kahit na deep inside, kulang na lamang ay manginig ang tuhod niya. “What did you say?” bahagya pang naningkit ang mga mata ni Karzon. “Hindi ka naman siguro bingi. Hindi mo naman ako ituturing na asawa habang magkasama tayo rito. So, para quits, hindi rin kita ituturing na asawa ko. Kaya sa guest room ako matutulog sa ayaw sa gusto mo.” Ilang sandali na nakipagtagisan ng titigan sa kaniya si Karzon. “Kung bumisita man dito sina mommy, ‘wag kang mag-alala, sasabihin ko na napakabuti mo sa akin. At mabait ka rin,” pasaring pa niya rito. “Are you pissing me off, lady?” Saka lang lihim na napalunok si Tanya. Me and my big mouth, aniya sa kaniyang isipan. Ayaw ba ni Karzon na sinasagot-sagot ito? O masyado na niyang nasasagad ang pasensiya nito? Pasensiya? Mayroon ba ito niyon? Pasisindak ba siya? Sa ilang araw nilang magkasama, nagiging immune na yata siya sa kasungitan nito. Para tuloy ang sarap nitong galiting lalo. Ngunit nang maisip niya ang kaniyang ama na malaki ngayon ang utang na loob kay Karzon ay saka lang siya nahimasmasang lalo. Nagbaba siya ng tingin. “Kapag sinabi kong hindi ka roon tutulog, hindi ka roon tutulog.” “Pero kung hindi ka matutulog dito sa silid mo, hindi kita susundin,” aniya nang muli itong tingnan. “Natatakot ka ba na makatabi mo ako?” lakas loob pa niyang tanong na sinamahan pa ng bahagyang tawa. Pagkuwan ay umangat ang dalawa niyang kamay para ayusin ang kuwelyo ng suot nitong polo. “‘Wag kang mag-alala, Mister Montejero. Alam ko naman na hindi ako ang klase ng babae na tipo mo. Ipanatag mo rin ang loob mo dahil mutual naman ang nararamdaman natin. Hindi rin naman ikaw ang tipo kong lalaki. Malinaw na malinaw rin sa akin na nakatali lang tayo sa kasal na ito dahil parehas nating gustong tulungan ang daddy ko. Ang kaibahan lang natin, ako, kaya kong isakripisyo ang sarili ko para sa daddy ko. Kahit na ang totoo ayaw ko ng ideya na ito. Pero kung makakatulong ako sa daddy ko, sige. Susunod ako. Kasi ganoon ko kamahal ang daddy ko. Aware din naman ako na hindi ito pangmatagalan, kaya sige, magtitiis ako rito sa poder mo,” aniya na ibinaba na rin ang dalawang kamay. “At kung patuloy kang magsusungit sa akin, sana, ituring mo na lang din akong multo sa paligid mo. ‘Yong tipong hindi mo nakikita na nag-e-exist pala. Mas tanggap ko pa ‘yon. Kaysa ‘yong araw-araw na lang na ang sungit-sungit mo. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naka-encounter ng kasing sungit mo. Hindi ako sanay,” amin niya rito dahil iyon naman ang totoo. “Magpadala ka ng sofa bed dito sa kuwarto mo, doon ako matutulog,” aniya bago tuluyang tinalikuran si Karzon at hindi na hinintay na magsalita ito. Nang makalabas sa silid nila, bigla ay para bang nanghihina ang buong sistema niya. Nakakapanghina rin pala ang makipag-usap kay Karzon. Pumunta siya sa may pool area at doon ay nahiga sa malambot na sofa sa isang tabi. Ginawa niyang unan ang throw pillow. Habang ang isa ay niyakap niya. Mahirap ba talaga para sa isang tao ang magpaka-civil? Iyon lang naman ang pinakikiusap niya kay Karzon. Habang hinihintay niya na dumating iyong araw na hainan siya nito ng annulment paper. “Ma’am Tanya,” alanganin pang untag ni Abi sa kaniya makaraan ang ilang sandali niyang pagtunganga sa may pool area. “Bakit?” mahina niyang tugon na hindi nag-abala na tingnan ito. “Eh, gusto po ni Sir ng kape,” napakagat pa ang ibabang-labi ni Abi. “Mukhang ang hanap niyang kape ay ‘yong timpla ninyo.” Napabuntong-hininga siya. Pagkuwan ay saka lang binalingan ng tingin si Abi. “May alam ka ba na nabibilhan ng gayuma?” “P-po?” “Kailangang gayumahin ang amo mo para naman bumait,” wika niya out of frustration sa asawang nuknukan ng lamig at sungit. Napapakamot tuloy si Abi sa batok nito. “Eh, Ma’am, wala po akong alam na bilihan ng mga ganoon, eh. Pasensiya na po.” Sa pagkakataon naman na iyon ay napangiti na si Tanya na nauwi sa pagtawa. “Biro lang, Abi. Sineryoso mo naman agad,” nangingiti pa niyang wika na tumayo na rin. “Tara na sa kusina,” pag-aaya niya rito. “Okay lang po ba kayo, Ma’am?” “Okay lang ako.” “Kapag po naiinip po kayo, magsabi lang po kayo. Masaya po kaming kawentuhan.” “Salamat, Abi.” Mabuti na lang at mababait ang kasambahay ni Karzon. Dahil kung kasing attitude nito? Uuwi na lang talaga siya sa kanila. Tutal naman, para din naman siyang hindi kasama roon ni Karzon. Ipinagtimpla pa rin ni Tanya ng kape ang magaling niyang asawa. Buti pa iyong kape niyang tinitimpla para kay Karzon, mukhang mas madali nitong nakasundo. Matapos ipagtimpla ng kape si Karzon na nasa study room nito ay saka lang siya bumalik sa silid nito. Napabuntong hininga si Tanya nang maalala ang matigas nitong pagtutol na huwag siyang matutulog sa ibang silid. Nakapag-dinner na rin naman sila. Wala na rin siyang gagawin pa. Tinatamad naman siyang manood ng TV. Kaya naman pinili na lang din ni Tanya ang matulog. Pero hindi siya sa kama ni Karzon nahiga. Wala rin naman itong pinadala roon na sofa bed kaya naman sa malambot na sofa na lang siya nahiga. Kumuha rin siya ng puwede niyang ikumot. Doon na siya tuluyang iginupo ng antok. Nang magising naman kinabukasan ay nagtaka pa si Tanya dahil sa kama na siya nakahiga. Inilipat ba siya roon ni Karzon? Binuhat siya nito? Ayaw niyang isipin na ganoon nga ang ginawa nito. Kasi mas makatotohanan pa iyong hahayaan lang siya nitong nakahiga sa may sofa. Tutal naman ay wala itong pakialam sa iba. Saan kaya natulog ang magaling niyang asawa? Sa kama rin ba na iyon o sa may salas na naman? Wala naman kasing bakas ni Karzon doon. Dala niya ang pagtatakang iyon hanggang sa bumangon siya at hayunin ang banyo para magbawas ng panubigan habang papikit-pikit pa ang mga mata. Napahikab pa siya. Pagkabukas niya sa pinto ng banyo ay dumiretso siya sa kinaroroonan ng toilet bowl para umihi. Ipinikit pa niya ang mga matang medyo inaantok pa. Matapos umihi ay dumiretso naman siya sa may sink para mag-toothbrush. Habang nag-to-toothbrush ng ngipin ay muli niyang ipinikit ang mga mata. Nag-isip siya kung ano ba ang magandang gawin para mamaya. Matapos mag-toothbrush ay naghilamos naman siya ng kaniyang mukha para naman magising na ng husto ang kaniyang diwang inaantok pa rin. Nagtutuyo na ng mukha si Tanya nang mahagip ng kaniyang tingin sa may salamin ang isang bulto sa may jacuzzi. Napakurap-kurap siya. Daig pa niya ang tinakasan ng kaluluwa nang makita sa may jacuzzi si Karzon. Bigla ay nagising talaga ultimo natutulog na himaymay ng kaniyang katawan. Unti-unti niyang ibinaling ang tingin sa kinaroroonan ng kaniyang asawa. Parang nananadya pa nang magbaling ito ng tingin sa kaniya. Hubad ito at nakababad ang katawan sa mabulang jacuzzi. Saka lang napatili si Tanya nang ma-realize na nakita siyang umihi ni Karzon kanina. “Woman,” naiiling pang bulalas ni Karzon. “Please, stop it, Natanya!” Hindi siya tumigil. “Gusto mo bang puntahan pa kita riyan?” Sa puntong iyon ay sinikap ni Tanya na kalmahin ang sarili. “Ikaw itong basta na lang pumasok dito sa loob,” paninisa pa sa kaniya ni Karzon. “At hindi mo man lang ako sinaway?!” she freaked out. “N-nakitaan mo ako?! Ipinikit ni Karzon ang mga mata at bumalik sa pag-re-relax sa jacuzzi. Hindi ito nagsalita, isa lang ang ibig sabihin niyon. Parang umakyat ang lahat ng dugo ni Tanya sa kaniyang ulo. Kung nakitaan siya nito, daig pa niya ang nawalan ng dangal ng mga sandaling iyon. “Hindi ka na nakaimik diyan? Hindi mo ako sinaway dahil… dahil—” “Stop saying nonsense, Natanya.” “Ano’ng nonsense? Ikaw itong nakakita sa akin na pumasok dito, tapos hindi mo man lang ako sinaway? Kasalanan ko ba na hindi ka nagla-lock ng pinto?” Muling nagmulat ng mga mata si Karzon at tiningnan siya. “Ako pa ba ang dapat na mag-adjust sa ating dalawa?” Umawang ang labi niya. Napakaimposible talaga ng lalaking ito. “Oo nga pala. Ako nga pala itong bagong salta rito sa bahay mo. Pasensiya po, ha?” sarkastiko pa niyang wika na sa isip ay nabato na ng trash bin si Karzon. Bago pa mawalan ng pasensiya sa asawa ay lumabas na si Tanya sa banyo. Dumiretso siya sa kama at sa unan ay isinubsob ang mukha bago tumili. How could he act so normal? Habang siya, daig pa ang nawalan ng puri ng mga sandaling iyon? Parang nananadya pa ang isip niya na binabalik-balik ang eksena ng pag-ihi niya sa banyo kanina. Paano kung hindi lang pag-ihi ang ginawa niya? Siguradong mamamatay siya sa sobrang kahihiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD