Umagang-umaga, inutusan na agad ako ni Emilia na magluto ng itlog. Nasa likod ko lang siya habang nanonood. Napangisi pa siya nang masugatan ang daliri ko sa tipak ng shell na sobrang tulis.
“Aww!”
“You don’t even know how to c***k an egg without hurting yourself? Poor you,” ang wika niya at umalis ng kusina nang tila bruhildang humalakhak.
Tsk! Ang saya ng bruha. And it was at my expense! Kaasar.
Pinadugo ko muna ang maliit na sugat hanggang sa umampat na.
Pinitpit ko ang itlog na nasa bowl gamit ang beater kasi gusto niya raw scrambled.
Naratnan ako ni Yna na tila nakipagbuno sa frying pan na nasa ibabaw ng stove at uminit na nang husto ang mantika (langis). Kita ko na ang aso at dinig ang tila pagsagitsit ng kumukulong likido sa kawali.
“O, ano’ng nangyayari dito?” tanong niya at sinulyapan ang nakakalat na shells ng itlog sa island table.
“Si Emilia, inutusan akong mag-scramble eggs. Sabi ko, okay. Madali lang ‘yon, ‘di ba? Kaso, hindi ko pa nasubukang magluto sa tanang buhay ko.” Lumabi pa ako.
Napangiti siya sa ‘kin. “O, siya. Ako na. Panoorin mo na lang ako. Huwag mo namang palakasin masyado ‘tong apoy.” In-adjust na niya ang dial at pinahinaan ang apoy.
Pinanood ko siya habang nagluluto at sinubukan ko rin para malaman ko naman. Kahit paano ay nag-enjoy akong kasama siya. Natututo pa ako sa kanya.
“Matagal ka na rito?” tanong ko sa kanya.
“Ilang araw pa lang naman.”
“Oh. Kung hindi mo mamasamain, hindi ka ba nakapagtapos ng pag-aaral kaya nandito ka?” banayad kong usisa sa kanya.
Ngumiti siya sa ‘kin. “Nakapagtapos naman at dalawang taon din akong bank teller.”
“Oh? So, ba’t… Sorry, I shouldn’t ask too many questions.” Nagtaas ako ng kamay sabay iling.
“Ayos lang. Ikaw?”
“Kaga-graduate ko lang ng Bachelor of Science in Foreign Service. Plano kong maghanap ng trabaho pagkatapos dito.”
“Wow. Ang sosyal pakinggan ng kurso mo.”
Napatawa ako at kumibit. “Baka nga.”
“Anu-ano ba ang puwede mong maging trabaho niyan?” tanong niya habang nililinis ang kalat ko.
“Interpreter, researcher, translator, educator… Kung papalarin, baka magiging ambassador balang araw.”
Napatuwid siya at namilog ang mga mata. “Uy, maganda pala ‘yan! Puwede kang magtrabaho sa ibang bansa at doon maninirahan.”
Tumango akong nakangiti nang maluwag sa kanya. Ini-imagine kong nasa ibang bansa ako samantalang nasa ‘Pinas lang si Gavin.
“If I put my mind into it,” sang-ayon ko sa kanya. “For now, gusto ko lang makita si Daddy Stefano. Gusto ko siyang makausap.”
“Ah. Iyan lang ba ang pakay mo sa kanya?” tanong niya nang hindi na tumitingin sa akin. Inilagay na niya ang nilutong scrambled eggs with cheese sa plato para kay Emilia.
Ako naman ay idinagdag ang toast bread doon. Tinakpan niya ang plato at inilagay sa tray.
“Oo,” sagot ko sa kanya. “Hindi naman ako naghahabol o ano pa man. Seeing and talking with him would suffice, I think.” Kumibit ako at pinakunot ang aking ilong.
Tumango siya. Tila may nais pa siyang sabihin pero pinigilan niya lang.
“Sige, salamat dito, ha? Ihahatid ko na ‘to sa kuwarto ni Witch Emilia,” pagpaalam ko sa kanya.
Napatawa siya at umalis na ako sa kusina para pumanhik sa pangatlong palapag kung nasaan ang silid ni Emilia.
Napatanong ako kung bakit ba talaga nagbabakasyon ang ama ko nang hindi man lang isinama si Emilia na asawa niya.
Kinatok ko na ang master bedroom at pumasok doon. Naratnan ko si Emilia na nakahilata sa malaking kama niya na may eleganteng sedang kubrekama, punda at kumot na puti.
“Heto na ang breakfast mo, o,” sabi ko sa kanya. “Ilalagay ko na rito sa balcony,” ang dagdag ko. Ipinatong na ang tray na may pagkain at fresh juice para sa kanya.
Iginala ko ang mga mata sa sobrang laking silid. Puwedeng tatlong pamilya ang magsasama-sama roon na tumira at maluwag pa. Mamahalin ang lahat ng muwebles, napakakintab at napakalinis.
“Linisin mo ‘tong silid ko habang kumakain ako. Gamitin mo ‘yong walis tambo kasi hindi masyadong effective sa mga sulok ang vacuum cleaner. May hindi naaabot lalo na sa ilalim ng vanity at walk-in closet ko,” maarteng utos niya.
“I’ll do it later. Gusto mo bang kumain nang maalikabok?” tuya ko sa kanya.
Pinukol niya ako ng matalim na tingin saka ibinaling sa pagkaing nasa harap niya. “Malinis ba ‘tong pagkain? Hindi mo naman siguro dinuraan?”
“Ah, you just gave me an idea! Don’t worry, I’ll do that next time,” matamis kong tugon sa kanya. “Bye! See you later? Kakain muna kami nina Ate Bianca at Yna.” Tumalikod na ako sa kanya pero napatigil din nang magsalita siya.
“You know what? I hate you the most!”
Pumihit ako at nakangiti pa rin. “Don’t worry, it’s mutual. Enjoy your breakfast!”
Umalis na ako at alam kong asar na asar siya sa akin. Ewan ko ba pero nag-e-enjoy akong asarin siya. Bahala na kung magka-high blood siya. Kung makautos naman kasi siya sa mga kasambahay niya, wagas! Power tripping lang o ano? May saltik yata siya. Kaya siguro nangabit ang tatay ko. Wala na nga silang anak, magaspang pa ang ugali. Sino ba namang mabait na lalaki ang tatagal sa kanya? Santo? And I was sure my father was not. Ebidensiya nga ako.
≈≈≈
Si Yna⸺Ate Yna na ang tawag ko sa kanya dahil nalaman kong mas matanda siya sa ‘kin nang isang taon. Siya ang nagturo sa ‘kin na magpunas, magwalis, magluto at maglaba. Medyo ayos lang maglaba kasi may washing machine naman. Pero ang daming labahan araw-araw. Walang katapusan!
Kaya naman gabi-gabi ay hapong-hapo ako. Ilang beses ko na ring nakatulugan si Gavin habang tumatawag siya. Baka inis na inis na siya sa ‘kin dahil sa ginagawa ko.
Sorry. I was just too tired last night. I didn’t even say goodnight, hinging-despensa ko sa kanya sa text kinaumagahan.
Why? Why are you working so hard in that house? Just leave! Susunduin pa kita. Gusto mo? Miss na kita, eh.
Napangiti ako sa kanyang reply.
Kung miss mo na ako, eh ‘di magpakita ka sa ‘kin, hamon ko sa kanya at napahagikhik.
Okay, I’ll see you soon.
Aba! Totohanin niya?
Alam ko naman kasing busy siya sa trabaho. Local and international kaya ang hawak niya katulad ng ginawa ni Daddy Greg noon. Siya na kasi ang bagong CEO simula nang mawala ang stepfather ko.
Napabuga na lang ako ng hangin at pumuntang banyo para makaligo nang maaga bago mag-umpisa na naman sa daily routine sa mansion. Kahit naman may mga gawain, nagsu-swimming pa rin ako sa pool kapag gusto ko at hindi ako mapipigilan ni Emilia.
Iyon nga lang, isang araw ay inutusan niya akong linisin ang pool. Narinig pa nina Ate Kang at Ate Yna ang utos niya habang inaayos ang ilang paso sa hardin.
“What? Are you out of your tiny mind?” gilalas ko.
Nababanas siyang nakatitig sa ‘kin. “Ikaw ang panay ang gamit sa pool, kaya matuto kang maglinis niyan!”
Nakapamaywang akong nakaharap sa kanya at nginitian siya nang matamis. “Emilia, look up at the clouds. Aren’t they beautiful?” iginiit ko pa ang clouds at nanlaki ang mga mata niya.