Chapter 14: Halaga

1598 Words
Halos itulak ko papasok sa kuwarto si Sharenn. “Sige, diyan ka at ako naman dito. Gusto ko kasing makalanghap ng sariwang hangin,” palusot ko sa kaibigan ko. Tumaas ang kilay niya. “Eh, ‘di buksan mo lang ‘yang French windows at papasok pa rin ang hangin. Dito ka na. Mukha akong tanga rito sa loob samantalang nandiyan ka sa balkonahe.” “Ah, basta. Ayaw mo na bang pakinggan ang sasabihin ko?” “O, siya, siya,” sabi niya sabay hila sa isang couch upang doon maupo nang nakaharap sa ‘kin. Napalingon ako sa may swimming pool. Napansin kong nag-dive na si Gavin at lumalangoy. Hay! Kung wala siguro si Sharenn ay pinapanood ko lang ang seksing gago. Napapilig na lang ako at napatingin kay Sharenn. “Ano… Sa totoo lang kasi, naisip kong hindi natural ang pagkamatay ni Mama,” seryosong turan ko. Ngayon ko lang ito nabanggit sa kanya. Umawang ang mga labi ni Sharenn. Agad na rumehistro ang pagkalito sa kanyang mukha at tumango ako. “Alam kong weird or something ‘to para sa ‘yo, Sha. Pero… ramdam ko kasi talagang may foul play sa pagkamatay ni Mama.” “Ano bang sabi sa death certificate niya?” “Subarchanoid hemorrhage. It’s a type of hemorrhagic stroke.” Kumurap-kurap si Sharenn. “Ano ‘yon?” “Iyong sinasabi nilang aneurysm?” “Ah. So… paanong foul play ‘yon?” Napakiling ang ulo niya habang nakatitig sa ‘kin nang nalilito. Kumibit ako ng balikat at saka umiling. “Ewan ko, basta iyon ang feeling ko, Sha. Seryoso ako. At ‘yong nag-mall ako kahapon? May lalaking sumunod sa ‘kin at may dalang patalim. Pakiramdam ko, hindi lang panghoholdap ang pakay niya, eh.” “Baka nagkataon lang ‘yon, Det. Gumagana lang yata masyado ang imahinasyon mo kasi ayaw mong matanggap na wala na si Auntie Dorina. Understandable naman ang kalagayan mo, lalo na feeling mo mag-isa ka na lang sa mundo kahit nandiyan naman sina Ate Jennifer at Kuya Gavin, ‘di ba?” mahinahong aniya. Napalunok ako at umiling muli. “Hindi kami magkadugo na tatlo, Sharenn. Magkapamilya man kami dahil kay Daddy Greg, pero… wala na nga rin si Daddy Greg. Alam mo ‘yon?” “Alam mo, masyado ka lang emosyonal at nag-iisip nang hindi maganda. Ang mabuti pa, mag-focus ka na lang kung saan tayo mag-a-apply ng trabaho para naman mawala na sa isip mo ang mga bagay-bagay na masyado mong inaalala ngayon. I’m sure, kung may foul play pa, ang doktor na mismo ang nagsabi sana sa ‘yo, ‘di ba? Kaso nga, wala silang sinabi. Pina-autopsy mo pa nga si Auntie Dorina, ‘di ba?” Napabuntong-hininga ako. “Nakita ko nga ang resulta, pero… ewan ko talaga, Sha. Malakas pa rin ang kutob kong hindi natural ang pagkamatay ni Mama.” “So, iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit gusto mong umalis sa mansion at sa halip ay puntahan ang tatay mong ‘di mo pa nakita ni minsan?” Tumikwas ang isang kilay niya. “Sigurado kang walang kinalaman si Kuya Gavin o Ate Jennifer sa pag-alis mo?” Kumibit ako. “I thought… Daddy Stefano also deserves to know what happened to Mama, ‘di ba?” Ngumiwi si Sharenn sabay iling. “Hindi ako boto sa ideya mo. Pa-Daddy-Daddy ka pa, eh hindi mo nga naging ama ‘yon.” “Teka lang. Ama ko pa rin naman siya dahil magkadugo kami. At bakit ba? Ako lang ba talaga mag-isa sa side ko? Pati ikaw ay nasa side nina Gavin at Ate Jennifer?” pag-alma ko. “Hindi naman sa gano’n. Kailangan mo lang talagang pag-isipan ‘to nang maigi, Det. Kasi, ‘di ba? May asawa na ang tatay mo. Ba’t mo pa pupuntahan? Sabi mo, may address ka naman, kaya padalhan mo na lang ng sulat o kaya condolence card, kung wala kang number niya para ipagpaalam ang nangyari. Hindi mo na kailangang makipagkita sa kanya.” “Ay, wow! Condolence card talaga? Pero ‘yang sulat, oo, naisip ko na rin ‘yan. Kaya lang gusto kong makita kung ano ang reaksyon niya at gusto ko ring makita kung ano ang hitsura niya. Kailangan kong malaman sa mismong harap niya kung talagang wala akong halaga para sa kanya. I suppose, I deserve some proper closure, too, if I must cut ties with him. Hindi lang ‘yong si Mama ang nagdesisyon para sa ‘kin noon. Siguro nga ay ito na ang tamang panahon para do’n. I’m old enough to do something for myself, and I have a mind of my own!” “But a promise is a promise!” punto niya. “Nangako ka kay Auntie Dorina na hinding-hindi ka magpapakilala sa tatay mo.” “Alam ko… kaya hihingi na lang ako ng tawad kay Mama mamaya sa gagawin ko,” malungkot kong sabi. Napabuga ng hangin si Sharenn. Mukhang suko na siya sa pakikipagdebate sa ‘kin. “Siyanga pala, nakausap mo na ang abogado ni Auntie Dorina?” Umiling ako. “Hindi pa. Hindi ko siya makontak, eh. Kaya nga lalong lumakas ang kutob kong may nangyayari, eh.” “Ano’ng sabi ng sekretarya niya?” “Hindi rin daw niya makontak si Atty. Valdez. Nagsabing nagbabakasyon ito at nag-off grid na. Mahigit dalawang linggo na rin.” “Seryoso?” “Um.” Tumango ako. “So, ano ‘to? Coincidence? Malay natin, may nangyari din pala sa abogado ni Mama, ‘di ba?” Biglang tumunog ang cell phone ni Sharenn. Sinagot niya ito at ako naman ay napagawi na naman ng tingin sa swimming pool na parang minamagneto. Nakita ko si Ate Jennifer na naka-swimsuit at sinamahan sa pool si Gavin. Tumabi siya sa pag-upo sa may gutter pagkatapos. Nagsalubong na lang ang mga kilay ko nang makitang kumapit si Ate Jennifer sa braso ni Gavin. Alam kong nilalambing ni Ate Jennifer si Gavin paminsan-minsan. Ilang beses ko na rin siyang nakita. Sweet naman talaga kasi si Ate Jennifer. Kahit ako ay niyayakap niya rin paminsan-minsan. Pero ngayon, bakit kakaiba ang pakiramdam ko nang makita silang magkasama ni Gavin? Bakit nakaramdam ako ng… pagseselos? Ayoko mang aminin ay iyon na nga ang napagtanto ko. Pero hindi puwede. Ayokong makaramdam ng ganito. Malay ko ba kung talagang mahalaga ako para kay Gavin? Malay ko ba kung totoo ang mga pinagsasabi niya sa ‘kin na gusto niya talaga ako at kailangan niya ako sa tabi niya, ‘no? Sinungaling ang mga lalaki! Lalo na ang maharot na Gavin na ‘yan! Huwag na huwag siyang magkakamaling halikan ulit ako at masasapak ko talaga siya! Habang nakatingin ako sa dalawang nasa pool ay napakuyom ang mga palad ko. Bakit ba ako nagpapaapekto sa kanya? Kung tutuusin, hindi naman talaga siya importante sa buhay ko. Ang pinakaimportante sa ngayon ay ang makita ko si Daddy Stefano. Kailangan niyang malaman na wala na si Mama at malalaman niya ‘yon mula sa ‘kin. From there, I would decide what to do with my life. Graduate naman na ako ng Bachelor of Science in Foreign Service sa isang prominenteng unibersidad. Puwede akong maging translator, researcher o interpreter. If and when I would have the proper experience, baka mag-a-apply ako sa Department of Foreign Affairs para maging foreign service officer o ambassador. O kung hindi man, kukuha ako ng ilang kailangang education units para maging college instructor ng mga lengguwaheng alam ko. Iyon na nga siguro ang gagawin ko. Bago pa man makalingon si Gavin ay umiwas na ako ng paningin at ibinalik ito kay Sharenn. Nakita ko siyang tumayo, tapos na ang tawag. “Ano, aalis na muna ako, Det. Usap na lang tayo sa ibang araw, ha?” Tumango lang ako sa kanya nang tila wala sa sarili. Punong-puno at gulong-gulo ang isip ko. Ilang minuto pa akong nasa ganoong ayos, nakatingin lang sa kawalan. Nagsimulang uminit ang mga mata ko at pinilit huwag mapaiyak. Sa halip ay tumayo na ako habang napasinghot at saka pumasok sa silid ko. Tuloy-tuloy na ako sa walk-in closet. May shelves sa magkabilang panig kung saan may nakahanger at nakatuping mga damit. Nakaayos ang mga ito nang mabuti. Sa gitna ay mayroong pabilog na shoe rack na gawa sa kahoy. Hanggang baywang ko ito at nakalagay roon ang mga sapatos ko mula tennis shoes hanggang pumps at sandals. Kinuha ko ang isang traveling bag sa isang sulok ng walk-in closet at sinimulan na itong lagyan ng mga kailangan kong damit, swimsuit, underwear, tsinelas at sapatos. Inilagay ko na rin doon ang ilang alahas at pitaka ko, pati cash na itinabi, kung sakaling kailangan ko. Itinago ang mga iyon sa nakakandadong drawer kung saan nakalagay ang mga alahas. Lagi kasing ipinaalaala sa ‘kin noon ni Mama na dapat lagi akong handa. Dapat may itinatabing pera para may magagamit sa hinaharap kapag kinakailangan. Napasulyap ako sa diplomang nakalagay sa ibabaw ng shoe rack. Noon ko pa napansing naka-frame na ito. Si Gavin ba ang naglagay niyon doon? Siya lang naman ang may access sa silid ko, maliban sa mga kasambahay. Si Ate Jennifer kasi ay hindi pumapasok sa silid ko nang hindi ako kasama. Biglang nanginig ang mga labi ko at hindi ko napigilan ang pagluha habang nakatitig sa diploma. Kung sana buhay pa si Mama, siguro ay masaya naming tinitingnan ang diploma ko ngayon. Hinaplos ko ang salamin at napahagulhol. Miss na miss ko na si Mama… at sana gabayan niya ako sa gagawin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD