Napailing-iling si Sharenn sa ‘kin. Binisita niya agad ako nang sinabi ko sa kanyang plano kong umalis ng Negros Island.
“For good?” nahintakutan siyang napatanong sa ‘kin. Lumaki ang kanyang mga matang nakatingin sa ‘kin.
I shifted in my seat. Nasa balkonahe kami ng kuwarto ko. Mas maigi rito kaysa ibang parte ng bahay at baka makita ko na naman si Gavin o kaya ay marinig niya ang usapan namin. Malamang busy na naman siya sa trabaho sa home office niya.
“Hindi ko alam,” sagot ko kay Sharenn.
“Bakit?” taas-kilay na usisa niya.
“Bakit ‘di ko alam?”
“Bakit ka aalis, tange!” Kulang na lang ay batukan na niya ako. “Maayos naman ang buhay mo rito. Tapos, alam kong nangako ka kay Auntie Dorina na hindi ka makikipagkita sa tunay mong tatay!” ungot niya.
Bumuntong-hininga ako at napatingin sa kawalan. “Hindi lang isa o dalawa ang dahilan.”
Tiningnan niya ako nang may pananantiya at lumiit ang mga mata niya. Tila binabasa niya ako nang maigi na parang librong may mahihirap na salita.
“Bakit andaming rason ‘ata? Bottom line, si Kuya Gavin ba?”
Rumolyo ang mga mata ko. Hindi ako sumagot.
Lalong sumingkit ang mga mata niya na halatang may naglalaro sa isip. Kinabahan tuloy ako kung ano ang nasa isip niya ngayon. Parang hindi ko pa kayang iladlad ang katotohanan at kung ano talaga ang nangyari sa pagitan namin ni Gavin. Ang talipandas na ‘yon! Dapat nga sigurong hindi ako magtitiwala sa mga lalaki, eh. Lalo na pagdating sa kanya!
Hinalikan niya ako, tapos may favorite flower pala siya? Leche siya! Sana madapa siya. O kaya sana… sana…
Itinikom ko ang bibig. Mali pala ang magnanais ng masama para sa kapwa tao.
Napabuntong-hininga na lang ako at saka napasandal sa silyang kinauupuan ko. Humigop na lang ako ng cold frappuccino. Masarap ito sa maalinsangang panahon, tulad ngayon.
“Huh! Sinasabi ko na nga ba, eh. Nag-away na naman ba kayo?”
“I don’t wanna talk about it,” simpleng tugon ko.
“Eh, gusto kong malaman. Kaibigan mo naman ako. Hindi ako madaldal, lalo na kung sekreto ‘yan. Hindi ko ibubulgar ‘yan. Promise!” Nag-girl scout sign pa siya.
May tiwala naman ako sa kanya pero sabi nga nila may mga mata at tainga ang dingding. Malay ko kung may sekreto palang camera, bug or stuff like that sa bahay, ‘di ba? At malay ko ba kung paano gumalaw ang utak ng Gavin na ‘yon, ‘no?
Gusto kong magalit sa kanya dahil sa nakita kong pop-up card ngunit parang gusto ko ring sumigaw nang paimpit dahil bumalik sa isip ko ang halik niya. Nalilito talaga ako.
“Ano ba talaga ang dahilan, Det?” kulit ni Sharenn.
Lumihis ang paningin ko nang may nahagip ang mga mata ko sa may swimming pool. Por dios, por santo! Si Gavin! Naka-black swim trunks lang!
Kahit sa distansya ay kitang-kita ko pa rin ang ganda ng tindig at katawan niya. Parang nayanig ang puso ko at tila sumayaw ito nang hindi ko mawari. Punyemas! Nagkakagulo rin ang mga fairies sa sinapupunan ko.
Bakit ba? Gusto kong isigaw.
Anong bakit ba? Hmp! Kunwari ka pa. May lihim kang pagnanasa sa lalaking ‘yan, ‘no? Ang ipokrita mo talaga, Diletta!
Ayokong patulan ang sarili kong isip. Lalo lang yata akong mawala sa katinuan kapag nangyari ‘yon.
Aktong lilingon si Sharenn dahil napansin niya kung saan ako nakatitig. Napasinghap ako at bigla siyang hinawakan sa magkabilang pisngi. Kaya naman ay sa ‘kin lang siya napatingin at nagtaka tuloy.
“Huwag kang lilingon!” babala ko sa kanya.
“Bakit? Bakit? Anong meron?” Tuloy ay naku-curious siya. Lilingon sana siya pero pilit kong pinigilan ang ulo niya na gumalaw.
“Ayokong makita mo siya!”
“Huh? Sino?” tanong niya.
“Basta! Huwag kang lilingon!”
Ayokong makita mo si Gavin na halos nakahubad na! Alam ko pa namang crush mo siya noon.
Buwisit na lalaki ‘to! Ba’t naisip niyang mag-swimming, eh tirik na tirik ang araw?
Sabagay, baka nga nainitan siya kaya maliligo siya sa swimming pool. Kaso, maaligamgam ang tubig. Baka feel niya talaga.
Ay, ewan ko sa Gavin na ‘yan! Kainis! Bakit ibinalandra pa niya ang katawang ‘yan diyan! Alam niya kayang nandito si Sharenn?
Nag-zoom in pa ang paningin ko sa pang-upo niya habang naglalakad siya papunta sa gilid ng swimming pool.
Shet, panshet! Ang ganda talagang tingnan! Leche siya! Ang ganda ng back view niya, lalo na ‘pag haharap ‘yan.
Biglang hinawakan ni Sharenn ang mga kamay ko kaya nahila ang atensyon ko sa kanya.
“Patingin nga ng tiningnan mo, Det! Binabalaan kita, ha?” aniya.
Namilog ang mga mata ko. “No, no, no! Huwag kang lumingon. M-may… may makikita kang ano…”
Ano bang ayaw makita ni Sharenn? Mag-isip ka nang mabilis, Diletta!
“A-ah! ‘Yong kaibigan ni Gavin! ‘Di ba hate mo ‘yon?”
“Huh? Sino?” Mukhang napaisip siya. “Wala naman akong napansing ibang sasakyan sa garahe, ah. May bisita ba siya?”
“Si ano… uh… Si Bruce! Oo, tama! Kaya hindi mo napansin na may ibang sasakyan kasi kotse o kaya ay big bike ni Gavin ang gamit niya kapag nandito, ‘di ba?”
“Huh? Si Bruce? As in si Bruce, The Screw Loose? Nandito na naman sa Pilipinas ang abnormal, psycho at possessive na ‘yon?” Parang mapahumindig siya habang iniikot ang isang hintuturo malapit sa kanyang tainga.
Ngumiwi ako at tumango sa kanya. “Baka magtama na naman ang paningin n’yo at sasabihin niyang ‘Mine,’ sabay kagat-labi at kindat sa ‘yo,” panggagatong ko pa.
Napangaligkig si Sharenn. Paano naman kasi ay halos doble na ng edad namin ang edad no’n at sobrang babaero. Baka may STD ‘yon.
“Ayoko nga! Mukha na nga siyang makapal na brush sa bukadkad niyang buhok, parang r****t din ang lalaking ‘yon na galing bilangguan, ‘no? Ba’t ba nakikipagkaibigan si Gavin sa taong ‘yon?”
Parang gusto kong matawa sa reaksyon ni Sharenn. “Uy, grabe ka naman. Thick brush talaga? Ayiee… Naisip mo ba kung thick brush siya at nagba-brush siya sa ano mo… sa ‘yo?” tudyo ko sa kanya nang nakangisi at itinaas-baba ang mga kilay.
“Ew! Bruhita ka! Ayoko ngang isipin ‘yan!” ngiwing bulalas niya.
“Tss! Dahil ba sa African-American siya? Racist ka?”
“Uy, hindi naman! Kung maka-racist ka naman, eh, baka maniniwala ang makarinig sa ‘yo, Det!”
Tumayo siya kaya napatayo rin ako at nanatiling nakahawak sa magkabilang pisngi niya para hindi siya makalingon. Napasulyap ulit ako kay Gavin.
O, Dios mio! Humarap siya sa direksyon namin!
Kahit sa layong iyon ay apektado pa rin ako sa titig niya, dahilan ng paglundag ng puso ko… at dahilan ng paglitaw sa alaala ko ang paghalik niya sa ‘kin. Parang sirang plaka itong pabalik-balik at gusto kong mainis na hindi. Sumiksik din sa utak ko ang pop-up card na nakita ko sa banyo niya.
If you already have your favorite flower, then why did you kiss me, Gavin? Bakit? Kabuwisit ka, eh!
Teka nga lang, bakit nasa basurahan ‘yon, Diletta? punto ng isang bahagi ng utak ko. Kung mahalaga ‘yon kay Gavin, eh ‘di sana hindi iyon itinapon, ‘di ba?
Oo nga naman, ‘di ba?
But what if he cared about the girl but not the card? ‘Di ba may mga lalaki namang hindi nagki-keep ng souvenirs, ‘di tulad nating mga babae na ultimo post-it galing kay crush ay itatago na parang ginto? Tapos, babasahin iyon nang ilang libong beses at hahalik-halikan pa?
“Pasok tayo sa kuwarto mo, dali! Baka makita niya ako!”
Lumipad ang tingin ko kay Sharenn nang magsalita siya.
Eh? Eh, ‘di ko na makikita si Gavin sa ayos niyang ‘yan! ‘Di ba sayang naman? Last day ko na rito.
Napatingin ako kay Gavin at napatikom ulit ng bibig. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata pero parang natutuwa siyang nakatitig pa rin ako sa kanya. Dahil ba sa hinawakan ko ang mukha ni Sharenn para hindi lumingon sa kanya at hindi siya makikita ng kaibigan ko? Naisip niya kaya ‘yon? Na-realize niya?
Punyemas! Nibukad na dagay iyang atay, ay! (Lumapad na yata ang atay niya, ah!)