Chapter 3: No To Kuya

1516 Words
Hindi ko alam pero nang mga sumunod na linggo pagkatapos ng panunukso ng mga kababata ko sa basketball court ay binihisan na lang ako ni Mama Dorina ng isang napakagandang bestida na lavender, ang kulay na paborito ko, saka pinaresan ng puting sapatos na bago rin. Napangiti siya sa ‘kin pagkasuot niyon at pinisil ang aking ilong. “Pagkaguwapa jud sa akong anak uy! (Ang ganda talaga ng anak ko!)” puri sa ‘kin ni Mama saka nilagyan pa ako ng baby cologne sa leeg. Siyempre napangiti ako. Dahil wala nga akong ama at wala ring pamilya si Mama, siya lang ang nagsasabi sa ‘kin niyon. “Talaga, Ma? ‘Di ba ang pangit ko dahil may maliit akong nunal sa tungki ng ilong ko? Parang lagi akong may dumi sa ilong, eh.” Bumusangot pa ako. Napatawa siya. “Uy, hindi, ah! Ang cute mo nga, Det anak. Mestiza ka at isipin mo na lang na parang freckle ‘yang nunal mo. Medyo brown pa nga, eh. Hindi naman ‘yan ang tipong tutubo, eh.” Pagkatapos ay hinalikan niya ako sa dalawang pisngi at napasulyap ako sa suot niyang isang magandang bestida rin, kulay pula na siyang paborito naman niya. Wala iyong manggas kaya litaw ang magandang kutis ni Mama. Habang isinusuot niya ang itim na sandals na may malaking takong, napatingala ako sa kanya. “Siyanga pala, Mama, saan tayo pupunta? Kasisimba lang natin kahapon, ‘di ba?” “Ah, oo, pero may pupuntahan tayo, Det anak.” Hindi niya sinabi sa ‘kin kung saan pero namangha na lang ako nang sinundo kami ng isang magarang kotse kaya napatingin sa ‘min ang lahat ng kapitbahay. Dumating kami roon sa destinasyon namin ilang minute ang lumipas. Isa iyong mansion na may tatlong palapag, malapit sa dagat. Sobrang lawak ng lawn na malinaw na inalagaan ang napakaberdeng d**o. May mga tanim na bulaklak na iba’t iba ang kulay. Nakapormang half-moon. Tanging kilala kong nandoon ay rosas. Tumakbo ako roon para amuyin ito. “Det! Halika! Huwag mong galawin ‘yan at baka matinik ka pa o kaya’y pagagalitan ka ng may-ari, sige ka!” pananakot ni Mama sa ‘kin. “Aray!” Dumugo ang maliit kong daliri nang mahagip ang tinik ng rosas. Agad akong dinaluhan ni Mama. “Ayan tuloy. Hindi ka kasi nakinig, eh!” Kinuha niya ang panyo at saka pinadugo ang sugat ko hanggang sa wala nang lumabas. Samantalang iginala ko ang paningin ko sa hardin. Sa bandang kaliwa nito ay naroon ang isang malaking swimming pool na hugis na oval, may mga mahahabang upuan na puwedeng higaan. Mukhang mas mamahalin iyon kaysa luma na naming sofa sa bahay. May nakita akong isang batang lalaki na lumalangoy roon pero mukhang hindi kami napansin. Hindi ko na lang din siya pinansin. Siya lang ba marunong? Nalulula talaga ako sa laki ng nasasakupan ng mansion. May mga punong-kahoy akong nakita, malapit sa napakataas na pader na gawa sa semento at may mga basag na mga piraso ng bote ng softdrinks na nakalagay sa tuktok. Napansin ko rin ang ilang mamahaling sasakyan doon sa may garahe, maraming metro ang layo mula sa pool. Hindi kami nagtagal doon sa lawn at sinalubong kami ng isang matandang lalaki na Amerikano na malaki ang ngiti sa amin ni Mama. “Dorina, my sweet!” Niyakap niya pagkahalik kay Mama sa labi na ikinagulat ko. “I should’ve picked you up myself.” “Ayos lang. Mabait naman ang driver mo, my sweet,” ang tugon ni Mama sa lalaki na nakangiti nang matamis. “Heto nga pala si Det. Diletta ang buo niyang pangalan.” “Oh, it’s great to finally meet you, Det!” Bahagya siyang dumukwang para magkalebel ang paningin namin. Halatang nakakaintindi siya ng Bisaya. “I’m Mr. Greg Moore.” Mukha siyang mabait sa tingin ko. Palangiti pa siya kaya naman ay napangiti na rin ako. “Det, ano’ng isasagot mo?” paalala sa ‘kin ni Mama nang banayad. “Nice to meet you, Mr. Moore,” ang sagot kong inilahad ang kamay at nag-shake hands kami na ikinatuwa ng matandang Kano. “Gramps, who are these people?” Lumapit sa amin ang masungit na batang lalaki. Nakaroba siya ngayon ng puti. Malinaw na mas matanda pa siya nang ilang taon kina Rex, KC at Erin. Matangkad din siya. “O, Gavin! Are you done swimming? That’s good. We’ll have our lunch together.” Bumaling siya sa ‘min. “This is my grandson, Gavin Moore,” saka tiningnan ang apo, “and these are Dorina and her beautiful daughter Diletta Dizon. We can call her Det for short, if the young miss doesn’t oppose to it, does she?” Ngumiwi ako. Hindi ko nakuha ang lahat ng sinasabi niya. Lalo namang tumalim ang tingin sa ‘kin ng apo ni Mr. Moore. “Siyempre naman, my sweet. Mas maiging palayaw na niya para close na sila,” ang sansala ni Mama. Tumawa si Mr. Moore na tumango. “All right, my sweet. Let’s get inside. I’ll show you and Det to the dining room.” Saka inakbayan si Mama. “Gavin, get dressed this instant and join us!” utos nito sa apo. Nakatayo lang akong nakatitig sa kanya samantalang pinasadahan niya ako ng tingin na sobrang talim at tumalikod na. Sumunod na lang ako kina Mama at Mr. Moore. ≈≈≈ Habang kumakain kami ay nag-uusap tungkol sa kasal sina Mama at Mr. Moore. Namilog pa ang mga mata ko sa narinig. Napalingon ako kay Mama na nasa tabi ko. Siya naman ay nasa kanang bahagi ni Mr. Moore na nakaupo sa kabisera ng sobrang habang mesa. Katapat naman ni Mama sa mesa ay si Gavin na laging nakatingin sa ‘kin nang sobrang talim. Hindi naman kaya luluwa ang mata niya kung ganyan palagi? Masakit kaya sa mata ‘yon. “Ma, naiihi ako,” bulong ko kay Mama. “Ah, my sweet, kailangan ni Det ng banyo. Saan siya puwedeng pumunta?” tanong ni Mama sa nobyo niyang matanda. Hindi ko pa alam kung ilang taon siya. “I’ll show her where to go, Tita,” agad na presinta ni Gavin bago pa makasagot ang lolo niya. Napangiti si Mr. Moore at ang mama ko. Pati na rin ako. Kahit pala matalim ang tingin ni Gavin sa ‘kin ay mabait naman pala. “It’s so nice of you, Gavin,” anang Mr. Moore at pinuri pa siya. “Alam mo naman na ang mag-CR, ‘di ba?” mahinahong anang Mama at tumango ako. “Thank you, Gavin,” pahabol ni Mama. Ngunit tahimik si Gavin habang naglakad kami sa pasilyo. Sobrang linis ng marmol nilang sahig at ang gaganda ng mga dekorasyon at mga ilaw. Halatang puro mamahalin. “Here it is,” anang Gavin at iminuwestra ang isang malaking pintong gawa sa kahoy at may magandang nakaukit na mga bulaklak at dahon. Nakatalikod ako sa pinto at nakatingala sa kanya. “Salamat, Kuya⸺” Bago ako pa ako makatapos sa pagsasalita ay hinampas niya ang palad sa dahon ng pinto, sa ibabaw lang ng ulo ko at muntik na akong mapalundag. Napakurap ako at mangiyak-ngiyak nang nakatitig sa kanya. “Don’t call me ‘Kuya’! Even if my grandfather married your mother, you’ll never be my family, just like Jennifer. Do you understand?” Tumulo ang luha ko. Ang unang pangungusap niya lang kasi ang naintindihan ko. “Hindi ko maintindihan! Sabihin mo ‘yon sa Bisaya kasi, eh!” Tinutop niya ang bibig ko para walang makarinig sa pag-iyak ko. “Shut up or they’ll hear you!” sabay bukas niya ng pinto at halos itulak ako papasok sa mabangong CR. Agad na bumukas nang awtomatiko ang ilaw. Natahimik na lang ako, pinunasan ang pisnging luhaan at saka ginawa na ang kailangang gawin sa banyo. Naghugas lang ako ng kamay at saka lumabas. Hayun at nakita ko na naman si Gavin na nakasimangot. “Wa ko kadungog nga naay gi-flush (Wala akong narinig na flush),” komento niya. Nagbi-Bisaya na talaga siya imbes na mag-Ingles. “H-huh? W-wala kasi akong nakitang timba ng tubig, Kuya.” “You idiot!” sabi niya pang naging linya ang mga labi. Pumasok na siya sa CR at may narinig akong pag-flush. “I’m telling you, that was the first time I flushed someone else’s piss!” Hindi talaga maipinta ang hitsura niya. Binalikan ko ang toilet bowl at saka tiningnan. Malinis na nga! “Can’t you just push that lever down? It’s that easy! You don’t need any pail of water, you understand?” Kumibot-kibot ang labi ko at tinapunan siya ng matalim na tingin. “Sabi ko, mag-Bisaya ka para maintindihan kita, Kuya! Kainis!” Nagtaas ang kamay niya at saka nagbukas-kuyom ang mga palad. Halatang iritang-irita siya sa ‘kin pero nagsalita naman siya ng Bisaya para maintindihan ko. “Ah, gano’n pala.” Ngumiti ako sa kanya nang sobrang tamis. “Sige, umihi ka, Kuya. Ako naman ang magpa-flush para praktis!” Napahumindig siyang tumingin sa ‘kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD