Chapter 2: Foul Play

1444 Words
“Bleh! Diletta… Wa kay papa kay ambisyosa imong mama! (Wala kang ama dahil ambisyosa ang ‘yong ina!)” masakit na tudyo ng isang lalaking bata sa ‘kin. Si Rex. Siguro ay mga tatlong taon ang tanda niya sa ‘kin. Medyo payatot siya at may bungi. Nasa may basketball court kami noon, isang hapon. Imbes na makipaglaro sa ‘kin ng ibang mga bata ay nauwi iyon sa tuksuhan. Kilala kasi si Mama sa barangay namin na isang dalagang ina at iniwan ng isang mayamang lalaki. Sa murang edad kong limang taon ay lagi na lang akong tampulan ng tukso. Kung anu-ano na lang ang sinasabi ng mga bata at ng ibang tao tungkol sa nanay ko. “Ingon ni Mama, kung di pa nawong ug kuwarta ang imong mama, di unta mo biyaan sa imong papa! Mao na! Wala kay papa! (Sabi ni Mama, kung hindi pa mukhang pera ang mama mo, hindi sana siya iiwan ng papa mo! Kaya ganyan! Wala kang ama!)” Ikinuros ng batang babaeng mas matanda sa ‘kin nang dalawang taon ang kanyang braso. Si KC. Laging nakalugay ang buhok niyang may kuto. Nakita ko pa ngang may isa na tumutulay sa isang hibla at napangiwi ako. “Uy, hindi, KC! Sabi ni Mama, kabit daw ang mama niya. Kaya nang magsawa na ay iniwan na sila!” sansala naman ni Erin na kasing-edad ni Rex. Tabachingching siya at laging may lollipop sa bibig. Nakukyutan sana ako sa kanya kung hindi makapal ang labi niya at sobrang makati ang dila tulad ng ina niyang kasing-payat yata ng stick. Pinalibutan nila ako at nagpatuloy sa pang-aalipusta sa ‘kin. Itinulak ko sila nang isa-isa. “Paghilom mo! Pataka lang mo ay! Palangga ko’s akong papa! Nilarga lang siya kay kinahanglan siyang motrabaho! (Tumahimik kayo! Nagmamarunong kayo, ah! Mahal ako ng papa ko! Umalis lang siya dahil kailangan niyang magtrabaho!)” balik ko sa kanila kahit panay ang tawa nilang sobrang nakakainis. Sinamaan ko sila ng tingin. “Det! Uwi!” tawag sa ‘kin ni Mama Dorina. Napalingon ako sa kanya. Napasinghap ako. Mukhang galit siya. “Sige na, uli na kay magdula na mi. Samok kaayo ka namo, Diletta! Ayaw na’g balik diri, ha? Walay makigdula nimo kay igat imong mama! (Sige na, uwi ka na at maglalaro pa kami. Istorbo ka lang sa ‘min, Diletta! Huwag ka nang bumalik dito, ah? Walang may gustong makipaglaro sa ‘yo dahil ang landi ng mama mo!)” pahabol ni KC. Sinapo ko siya sa bibig at kinuyumos iyon. Nasindak si KC lalo na nang dumugo ang kanyang labi sa ginawa ko. “Diletta!” nahintakutang sigaw ni Mama sa ‘kin nang masaksihan ang ginawa ko. Agad niya kaming dinaluhan at inihiwalay ako kay KC. “Ba’t mo ginawa ‘yon?” “Hindi mo ba narinig ang tawag niya sa ‘yo, Ma? Malandi ka raw!” Napakurap lang siya at binigyan ng matalim na tingin si KC. “Umuwi ka!” “Isusumbong ko kayo sa mama ko!” umiiyak na banta ni KC at tumakbong pauwi samantalang napaatras sina Rex at Erin. “Kayong dalawa, uwi!” singhal din ni Mama sa kanila. Tumalilis ng takbo sina Rex at Erin habang si Mama ay napaluhod at hinawakan ako sa dalawang balikat saka niyugyog. “Ba’t mo ginawa ‘yon, ha? Bakit? Sinabi ko na sa ‘yong huwag kang lumabas ng bahay, eh. Sinabi ko na rin sa ‘yong huwag ka nang makikipaglaro sa mga ‘yon. Pangalawang beses mo nang sinaktan si KC. Ano na ngayon ang gagawin natin kapag pinatawag tayo sa barangay, ha?” Mula sa alaalang iyon na nasa panaginip ko, nagising na lang akong nakaupo sa loob ng isang kotse. Pamilyar ito sa ‘kin. Napakurap-kurap ako at napasinghap. Bumalik sa isip ko ang nangyari. “Si Mama!” Mabilis na nag-init ang mga mata ko. Paglingon ko sa driver seat ay si Gavin ang nakaupo roon, nakadutdot sa kanyang cell phone. Medyo nagulat siya sa hindi inasahang kilos ko at napamura. Kakalasin ko sana ang sarili ko mula sa seatbelt nang hinawakan niya ang kamay ko. Ramdam ko ang init ng kanyang palad at ang mga mata niya ay nagbabala sa ‘kin. “Don’t even think about it.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Nasaan si Mama?” asik ko sa kanya. “Ipapa-autopsy ko siya! Gusto kong makausap ang doctor o kung sinumang medical examiner na tumingin kay Mama at nang malaman ko kung ano ang dahilan ng biglaan niyang pagkamatay!” Nanlaki ang mga mata ni Gavin pero guwapo pa rin ang hinayupak. Nakabawi naman siya agad. “Wait. Don’t get out.” May kinuha siya sa glove compartment. Ibinigay niya sa ‘kin ang isang papel at namilog ang mga mata ko nang makitang kopya iyon ng consultation results ni Mama. Nalilito akong napatingin kay Gavin. “P-paanong meron ka nito?” “She mustn’t have told you what was going on with her health. Wala siyang ibang pinagsabihan⸺” Umawang ang mga labi ko. “At ipinaalam niya ‘to sa ‘yo? Gano’n ba?” “Look, Diletta, ayaw niyang malaman mong may iniinda siyang sakit. It’s been about a year since she started to feel worse. Peripheral neuropathy began to attack her body, especially her extremities.” Napakurap-kurap ako sa narinig. Ilang beses ko na ring napansin na napapangiwi si Mama pero kapag tinatanong ko naman ay sinasabi lang niyang namamanhid ang kanyang paa. Sinabi niya ring mawawala rin iyon. Lalong nanubig ang mga mata ko. Hinugot ko ang aking cell phone mula sa sekretong bulsa ng damit ko at agad nag-google kung ano ang peripheral neuropathy. Binasa ko ito: “A result of damage to the nerves located outside of the brain and spinal cord (peripheral nerves), often causes weakness, numbness and pain, usually in the hands and feet.” “A-ano’ng ibig sabihin nito? Hindi siya nagpa-confine kahit na sinabi ng doktor ang tungkol sa karamdaman niya?” Umiling ako kay Gavin. Ayokong maniwala. “Hindi. Hindi ‘to magagawa sa ‘kin ni Mama. K-kung⸺” Bigla na lang niya akong hinawakan sa batok kaya magkalapit ang mukha namin at nasamyo ko ang mabango niyang hininga. Lumundag ang puso ko habang namilog ang mga mata dahil sa pagkagulat. “And what are you implying here, Diletta? No doctors could do anything about it. Kahit binigyan man siya ng gamot, walang maitutulong ‘yon sa kalusugan niya.” Itinabig ko ang kanyang kamay. “Gawa-gawa mo lang ‘to! Hindi ako naniniwala sa sinasabi mo. At ito…” Pinagpira-piraso ko ang kopya ng consultation results. “Ito ang nababagay rito! Ano pa man ang gusto mong ipalabas, hindi ako naniniwalang may sakit si Mama!” “For Christ’s sake! Ano’ng gusto mong sabihin sa mukha ko, ha?” Pinatay si Mama! Gusto ko iyong isigaw sa kanya pero nagtatagis lang ang bagang ko. Yati! (Pucha!) Baka mapupudpod na ang ngipin ko dahil dito. Kainis ka talaga, Gavin! Masama pa rin ang tingin ko sa kanya. Gayunpaman ay nababalot na ng takot ang buong katauhan ko. Dahil kung talagang pinatay si Mama, hindi malayong ako ang susunod. At alam na alam ko kung bakit! “O, hindi ka na makapagsalita. Just like other times, you’re acting like a brat having tantrums. You’re already twenty-one, not a five-year old!” Marahas siyang bumuga ng hangin. “I expected you to act your age. So, if I were you, I’d think before I act, Det.” Humina ang boses niya na tila sinusuyo ako at nagsusumamo siya. Pati mga mata niya ay namumungay pa. Bakit ba? Hindi ako nakapaghanda. Kaya naman ay bigla na namang sumirko at pumintig nang mabilis ang puso ko. May epekto talaga siya sa ‘kin. Nakakainis! “Huh! Iyon ba talaga ang tingin mo sa ‘kin… Kuya?” Idiniin ko pa ang huling salita. “That I’m a brat?” Siya naman ngayon ang napatiim-bagang. Nanlilisik ang mga matang nakatitig sa ‘kin. “I told you a million times to never call me Kuya! I’m not your brother or anything. We’re not related! We’re not family! You hear?” Lumaki ang butas ng ilong niya. Kulang na lang ay may lalabas nang usok doon. Hinawakan niya pa ako sa panga upang salubungin ang paningin niya. Lumabas ang hangin sa ilong ko nang mapasingasing ako saka muling itinabig ang kanyang kamay. Pinukulan ko pa siya ng matalim na tingin. “How can we not be family when your grandfather was my mother’s late husband?” angil ko sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD