Nagbihis ako ng lavender na may solid halter top and roll hem belted shorts na pinaresan lang ng tsinelas na pambahay. Pagkatapos ay bumaba na ako. Habang nasa hagdan pa lang ay idinayal ko na ang numero ni Sharenn. Ngumiwi ako nang hindi niya iyon sinagot kahit sa paulit-ulit na pagri-ring.
Nakauwi na kaya siya? O baka naman nag-e-emote ‘yon sa kung saan?
Feeling guilty talaga ako sa ginawa ko sa kaibigan ko. Gusto ko na siyang makausap para humingi ng tawad.
Napasulyap ako sa dala kong supot ng JaniBii meal na bigay niya. Amoy pa lang ay masarap nang kainin. Kahit paano ay ginugutom na ako, hindi katulad noong mga nagdaang araw na wala akong ganang kumain. Kaunti nga lang ang tubig na ininom ko at panay lang ang iyak ko sa kuwarto. Baka nga natuyuan na ako dahil hindi na ako umiyak paggising ko nitong umaga.
At dahil sa ultimatum ni Gavin, napilitan na lang akong bumaba para kumain. Takot ko lang kung totohanin nga niyang ipasak sa magandang bibig ko ang pagkain. And God knows what kind of food he’ll shove down my throat!
Hotdog kaya? Ayoko nga sa hotdog. Processed food ‘yon. O kaya naman itlog kasi madali ring lutuin? Ayoko naman ng basta-bastang itlog lang. Gusto ko talaga ‘yong lutong-luto ang eggyolk. Ayoko nang basa pa. Pansin ko kasi ang mga ‘yon ang kayang lutuin ni Gavin kapag gusto niya lalo na kapag nasa bakasyon ang cook namin.
Hindi naman marami ang helper sa bahay kasi ayaw ni Mama noon na maraming tao sa bahay tapos pareho lang ang mga gawain. May vacuum cleaner at saka ‘yong robot vacuum naman na laging umiikot-ikot sa paligid kaya laging malinis. Tapos may washing machine din na may dryer kaya solve na solve na sa mga ‘yon.
Hay! Bumalik na naman sa isip ko ang eksena kanina sa silid ko. Ang lapit-lapit talaga ng mukha ni Gavin sa ‘kin tapos binantaan pa ako.
Tss! Kainis talaga ang lalaking ‘yon. Napaka-bossy. At kung makabanta ay daig pa ang sundalo⸺hanggang ROTC lang naman siya.
Naalala kong nawala siya nang limang taon noon bago namatay si Daddy Greg. Pumunta siyang US para mag-aral daw pagka-graduate niya ng Business Management sa isa sa mga sikat na university. Umuuwi lang siya at tumitigil sa bansa nang dalawang linggo hanggang isang buwan noon. High school pa ako noon. Ang saya ko pa noon kapag wala siya pero may mga panahon ding nami-miss ko siya, ayaw ko mang aminin sa sarili. Pero kapag nandiyan siya, inis na inis ako dahil lagi akong napupuna. Nakakainit naman talaga ng bumbunan lalo na kapag suot ko ang pinupuna niya. Paki niya sa mga isusuot ko? Kaya ko nga binili dahil gusto kong isuot, ‘no?
Nag-dial ako ulit sa numero ni Sharenn. Nakanguso pa ako. Hindi ko man lang tiningnan ang baitang ng hagdan kaya napatili na lang ako nang dumaplis ang isa kong paa. Tumilapon na ang dala kong supot at cell phone.
Ewan ko kung saan siya nanggaling pero daig pa yata si The Flash nang saluhin ako sa mga bisig niya bago ako madisgrasya. Hanep! Bridal style pa ang pagkasalo niya sa ‘kin sa matipuno niyang mga bisig.
Una kong napansin ay ang nakaguhit na takot sa mga mata niya. Pero baka naman ay imahinasyon ko lang ‘yon dahil nakatagis na ang bagang niya ngayon. Kitang-kita ko dahil sa paghigpit ng kanyang panga at iritang nakatingin sa ‘kin.
“Can you do things one at a time, Diletta? Kung tatawag ka, huminto ka. Kung bababa ka, huwag kang lumayo sa barandilya para makakapit ka. Kaya nga may barandilya ang hagdan para kapitan! Hindi lang ‘yan nandiyan para pan-display! Paano kung nahulog ka? Pasalamat kang nasa malapit lang ako,” palatak niya.
Umirap ako sa kanya. Kung makatalak ‘to parang ang laki-laki ng kasalanan ko. Kunsabagay, tama nga naman siya.
“Oo na. Ano na ngayon? Gusto mo pa ba akong ikulong dito sa bisig mo? Ibaba mo na nga ako!” sabi ko sa kanya sa nagrereklamong tono.
Nakatitig siya sa ‘kin nang seryoso pa rin. “If only I could do that to protect you always, I would.”
Para akong nabingi sa sinabi niya. Ano raw?
Nakatulala na lang ako nang ibaba niya ako. Hindi ko alam kung ilang segundo akong nakatitig sa kanya nang wala sa sarili. Pinoproseso ng utak ko kung tama nga ba ang narinig ko.
Weh? Guni-guni ko lang ‘yon. Hindi ka talaga nagsalita, ‘di ba, Gavin? Pero bakit ganito na lang kabilis ang pagtibok ng puso ko? Hayop kang lalaki ka! Ba’t nililito mo ‘ko?
“What are you staring at?” untag niya sa ‘kin pagkapulot ng supot at cell phone ko.
Hayan, sala sa init, sala sa lamig ang hinayu-f**k!
Sinamaan ko siya ng tingin saka tiningnan ang cell phone ko. Buti na lang shockproof ang case kaya buo pa rin. Bili ito ni Mama noong huling birthday ko kaya mahal na mahal ko. Hindi ko na ‘to papalitan kung maaari. Ang picture pa naman namin ni Mama ang nasa background.
“Salamat!” nasabi ko na lang kay Gavin.
“What’s this?” aniya sa supot ng JaniBii.
“Pagkain, ‘di mo ba binabasa ang nakaprinta sa supot?” Malalaman niya naman siguro dahil sa brand.
“Alam kong pagkain. Ano nga?” tanong niya pa.
“Ba’t ‘di mo silipin para malaman mo?” taas-kilay na balik ko.
“Diletta, ‘yang bunganga mo, ah! Tatakpan ko talaga ‘yan kapag hindi ka sasagot nang matino!”
Ngumuso ako at nagtaas ng baba na sinalubong ang paningin niya. “Paanong tatakpan? Hindi ito bote para takpan mo!”
“Sinusubukan mo ba ako?” Humakbang siya palapit sa ‘kin kaya umatras ako.
“Hindi, ah! Pinupunto ko lang⸺” Bigla akong napatigil sa pagsasalita nang maramdaman ko ang dingding sa likod ko at siya naman ay halos nakadikit na ang katawan sa ‘kin. Ang libreng kamay niya ay nasa may gilid ng ulo ko at nakayuko siyang nakatitig sa ‘kin.
“You’re pointing out what?” Bumaba ang tono niya. Parang bulong na lang.
Teka, ba’t parang tumunog sexy siya sa pandinig ko?
Lumundag din ang puso ko dahil ilang pulgada lang ang layo ng mukha niya sa ‘kin at nasamyo ko ang mabango niyang hiningang parang mint chocolate.
Shit, yummy ‘yon!
Napalunok tuloy ako saka napansing bumaba ang tingin niya sa labi ko.
“Sige, Diletta. Magsalita ka pa at nang malaman mo kung paano ko tatakpan ‘yang bibig mo.”
Tumaas ang mga kamay ko kahit na hawak ko ang cell phone sa isa para itulak siya sa dibdib pero naramdaman ko ang malakas na t***k ng puso niya at hindi siya tuminag man lang. Para siyang solidong mainit na pader.
“Gavin, huwag mong sabihing⸺”
Wala na. Hindi na ako nakapagsalita nang sinakop na ng kanyang labi ang labi ko.