CHAPTER 5 – PARAAN

1797 Words
LAURA   Alas-tres palang ng umaga ay gumising na ako upang hindi makasalubong si Hans sa aking paglabas. Dahil ang madalas nitong gising ay alas-kuwatro upang mag-jogging at mag-ehersisyon. Maaari naman akong mag-abang nalang sa entrance door nila Ate Summer basta huwag ko lang makasalamuha si Hans. Halos tatlong araw na ganoong oras ako umaalis at pag-uwi ko ay magluluto lang ako ng hapunan at sa silid ko na kakainin ang portion ko. Nag-iiwan nalang ako ng note sa ref upang ipaalam kay Hans na ako na ang maghuhugas ng pinggan kapag gumising ako kinabukasan, ngunit hindi naman niya iyon pinapansin dahil sa tuwing pupunta ako ng kusina ng madaling-araw ay malinis na ang mga kaldero at mga pinggan. Sinubukan kong contact-in pa iyong landlord na natanong ko pero sinabi niya na may kumuha nang slot ko at wala na siyang bakante na kama. Dahil hindi pa ako makaalis sa bahay ni Hans ay pinili ko nalang na iwasan siya. Pinapayungan ko si Ate Summer habang naglalakad ito as hardin. Ito ang unang beses na lumabas siya ng kanyang kuwarto at naglakad-lakad. Mula sa gilid ng aking mga mata ay napansin ko si Hans na nakikipag-usap sa kanyang mga kasama. Pinatigas ko ang aking leeg upang hindi tagpuin ang mga mata nito. “Ate Summer, may mga bumukang rosas sa gawi na iyon. Nais niyo po bang makita?” “Hindi. Gusto ko ng bumalik sa kuwarto ko,” malamig ang bawat pagbigkas niya. Hindi ko na ito kinontra pa at sinundan na lang siya hanggang sa makapasok kami sa loob. Nakahinga naman ako ng maluwag nang hindi makasalamuha si Hans. Hinayaan ko na maunang umakyat si Ate Summer sa silid niya dahil biglang tumawag ang aking ina. Pumunta ako sa tagong lugar bago iyon sagutin dahil baka may makarinig sa aming usapan. "Hello, nanay? Kumusta po kayo?" "Kailangan ni Rowena ng pera para sa rerentahan namin na gown sa flores de mayo." Napangiwi ako. "Nanay, hindi pa po ako nakakasahod, e. Saka kakapadala ko palang po sa inyo noong nakaraang araw." “Maliit lang ang naipadala mo at dinagdagan pa nga namin ng itay mo iyon para lang sumapat sa pang-enroll ng mga kapatid mo.” “Huwag nalang po kaya sumali si Rowena sa flores? Hindi ko po talaga kaya na magpadala pa, kukulangin po ako sa panggastos ko rito sa Metro.” “Gawan mo ng paraan at hindi iyong puro sarili mo lang ang iniisip mo. Gusto mo bang magmukhang kawawa ang kapatid mo sa parada?" Mariin niyang saad. Sa tuwing kausap ko ang aking ina ay halos hindi ako makahinga. Pakiramdam ko ay sinasakal niya ako pero wala akong karapatan na magreklamo. "Hindi naman sa ganoon, nanay. Baka po pwede pa tayong makahiram kay Aling Marites ng—" "Pumunta na ako kanina. Hindi na niya tayo papautangin dahil mahaba na ang listahan ng utang natin sa kanila." "Nanay, kasi iyong ipon ko ay para sana sa pag-enroll ko sa college." Dahilan ko. "Bakit? Balak mong mag-aral? Bakit hindi mo nabanggit sa amin iyan? Nagdedesisyon ka na para sa sarili mo?!" "Nanay, hindi naman sa ganoon." "At paano kami? Paano mo kami susustentuhan? Alam mo naman na may pinag-aaral pa tayo at maliit ang kinikita ng tatay mo sa maisan." "Ginagawan ko naman po ng paraan, nanay." "Biyaya ng Diyos na nga na pinatawag ka ulit sa mansyon na iyan. Narinig ko na ka-close mo iyong asawa ni Greyson. Humiram ka muna sa kanya." Napasabunot ako sa aking buhok sa sobrang pigil ng inis. "Nanay, hindi ganoon kasali iyon. At isa pa, mahirap pa ang sitwasyon ngayon dahil namatayan sila ng anak." "Ah, basta! Laura, gawan mo ito ng paraan! Dahil kung hindi, magkalimutan na tayo!" "Nanay naman. Huwag naman po sana umabot sa ganito. Maliit na bagay lang ho ito. Kung hindi ko magawan ng paraan, baka po pwede na huwag nalang sumali si Rowena sa parada." "Ano?! Hindi maaari! Paano makakahanap ng mayaman na mapapangasawa ang anak ko kung hindi nila masisilayan ang ganda niya?!" Tumaas na ang kanyang boses. "Palibhasa kasi, hindi ka kagandahan kaya kahit iparada ka ay walang magkakagusto sa iyo." Hindi ako umimik dahil sa naramdamang kirot sa aking puso. Tumingala ako upang mapigil ang luha na nagbabanta sa aking mga mata. “Gawan mo ito ng paraan, Laura. Kung hindi ay wala ka ng bahay na uuwian.” “S-Sige po, inay.” Halos limang minuto ako na nakatulala. Iniisip kung saan ako nagkamali para danasin ko ito. Ilang beses akong huminga ng malalim, walang saysay kung iluluha ko ito. Umalis ako sa tinaguan nang maka-receive ng mensahe mula kay Sir Greyson. Pinapapunta niya ako sa home office niya para kausapin. Inayos ko ang aking sarili at damit bago kumatok sa kanyang pinto. “Come in.” Binuksan ko ang pinto at yumuko nang makaharap sa kanya. Tumigil ako sa paghakbang nang malapit ako sa mesa nito. “Nalaman ko na lumabas si Summer kanina at naglakad-lakad sa hardin.” Biglang bumilis ang t***k ng aking puso. Inisip ko kung may bilin ba siya na huwag ilabas si Miss Summer. Kung mawawalan ako ng trabaho ngayon at papabalikin ako ni Sir Greyson sa probinsya ay mas kailangan kong kumayod para matustusan ang mga kapatid ko. “S-Sir Greyson—” “You’re doing a great job supporting her, Laura.” Natikom ko ang aking bibig at napatingin sa kanya. “S-Sir, hindi niyo po ako tatanggalin sa trabaho?” Sa una ay kumunot ang kanyang noo at pagkatapos ay natawa ito. “No, of course not. Bakit naman kita tatanggalin?” “Akala kasi ay bawal lumabas si Ate— Miss Summer—” “Maaari mo siyang tawagin sa kung saan ka kumportable.” “Salamat po.” “Saka ito…” Nilapag nito ang isang maliit na kuwadradong papel at tinulak iyon palapit sa akin. “Reward mo ito dahil maayos mong nagampanan ang trabaho mo.” Inabot ko iyon at binasa. Napasinghap ako. “T-Twenty thousand?!” “Yes, it’s all yours.” Hindi ko alam kung ano ang gagawin para lang mapasalamatan ito kaya yumuko nalang ako ng ilang beses habang nagsasabi ng pasasalamat. Umalis na ako sa loob ng opisina niya at nakangiti habang hawak ang cheque. May panggastos na ang aking mga kapatid at kumpleto na rin ang pang-tuition ko. Hindi ko iyon ipapadala ng buo sa aking magulang. Tatlong libo lang ang ipapadala ko at sa mga susunod nalang na buwan ang iba upang hindi umasa si inay na lumaki ang sahod ko. Kumatok ako sa silid ni Ate Summer ngunit walang sumasagot roon. "Ate Summer?" Ulit ko ngunit nanatiling tahimik. "Miss?" "Nasa silid siya ng bata, Laura." Napalingon ako nang may magsalita sa aking gilid. Nagpasalamat ako kay Jane at mabilis na naglakad patungo sa silid ng anak nila. Unti-unti kong binuksan ang pinto at nakita siya na nakahiga sa loob ng crib habang hawak ang lampin. "Ate Summer, nagugutom po kayo?" "Hindi." Umupo ako at sumandal sa crib. "Ate, mas mabuti po kung ilalabas niyo lahat ng naiisip niyo. Makikinig po ako." "Hindi mo ako maiintindihan." "Masakit mawalan ng minamahal, Ate. Lalo na kapag iyong tao na iyon ang nag-iisang kakampi mo. Lalo na kapag sa tao na iyon umiikot ang mundo mo at siya lang ang pahinga mo." Tinuloy ko ang pagsasalita. "Pero wala namang permanente sa mundo. Magkagayunman, piliin natin maging masaya." "Pipiliin kong maging masaya kahit na nawalan ako ng anak? Nagpapatawa ka ata." "Hindi, miss. Normal lang ang paghihinagpis. Normal lang na umiyak ka dahil naiwan ka. Pero hindi iyan ang mundo mo. Nandyan pa si Sir Greyson. Hindi ka niya iniwan. Mahal ka niya." "Siya ang dahilan kung bakit namatay ang baby namin." "Siya nga ba talaga? O siya lang ang napili mong sisihin?" Ilang segundo lang ay humikbi na si Ate Summer. “Siya ang dahilan. Siya ang may kasalanan. Wala na ang baby ko. Mahal na mahal ko siya pero wala na siya.” Pinakinggan ko lang ang kanyang paghihinagpis. Ngunit may mga sandali na napapaluha rin ako dahil sa nararamdaman na sakit sa mga salita niya. Sa loob ng dalawang buwan na pag-aasikaso ko kay Ate Summer ay ngayon lang siya umiyak at ngayon lang siya nagsalita. Nakatulog siya sa loob ng crib dahil sa walang tigil nap ag-iyak. Sinabi ko kay Sir Greyson iyon at sinabi niya na siya na ang bahala at umuwi na ako. Inihatid ako ng golf car papunta sa villa ni Hans. Binuksan ko ang pinto at laking gulat ko nang nanonood ito ng telebisyon habang nakataas ang mga paa sa center table. Bakit siya maaga? Sa pagkakaalam ko ay gabi pa ang out nito sa trabaho. Nag-iwas ako ng tingin at dire-diretso na naglakad patungo sa aking silid. Inikot ang doorknob ngunit laking gulat ko nang naka-lock iyon at hindi ako makapasok. Sa pagkakatanda ko ay hindi ko naman ito ni-lock bago ako umalis. “Ngayon ay hindi ka na makakaiwas at makakapag-usap na tayo.” Napalingon ako at nakita si Hans na nakasandal ang balikat sa pader habang nakahalukipkip. “Ikaw ang nag-lock ng kuwarto?” Tumango ito. “Dahil ilang araw mo na akong iniiwasan.” “Hans—” Umayos siya ng tayo at humakbang palapit sa akin. “Hindi ko alam na na-invade ko na ang privacy mo at napapangunahan kita sa mga desiyon mo. Yes, wala akong Karapatan na gawin iyon sa iyo. Inaamin ko na hindi dapat ginawa iyon at may mga mali rin akong nasabi. Pinagsisihan ko na ang mga iyon.” Naramdaman ko ang sincerity sa boses ni Hans pero kung papatawarin ko siya ng ganoon kadali ay baka maulit na naman ang ganitong pangyayari. “And you’re not boring, Laura. You’re a very attractive woman. Mali ang mga salitang ginamit ko para iparating sa iyo na unahin mo naman ang sarili mo at huwag ang ibang tao.” “Hindi ako bumibili ng bagong damit dahil gusto kong mag-aral, Hans. Nag-iipon ako.” Naisuklay niya ang mga daliri sa buhok. Halata ang frustration sa kanyang mga mukha. “I’m really sorry, Laura. I promise not to do anything that will upset you in the future.” Tumango ako. “O-Okay.” “Are we… Are we good? Talagang papatawarin mo ako ng ganoon kadali lang?” “Hindi.” “Ano ang ipapagawa mo? Gagawin ko lahat ng gusto at ipag-uutos mo.” “Ipagluto mo ako ng munggo na may pritong galunggong.” “Y-You want me to cook?” “Oo. Hindi mo kaya? Sa iyo na iyang sorry mo.” Tinangka kong talikuran ito ngunit hinawakan niya ang aking braso. “Kaya ko!” Napalunok siya. “Kahit anong klaseng pagkain pa iyan ay luutuin ko, basta para sa iyo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD