CHAPTER NINE

1513 Words
MAINIT PA rin ang pakiramdam ko nang imulat ang aking mga mata. Nasa isang silid ako at alam kong sa mansyon pa ito. Nanunuyo ang lalamunan at hindi ko na maalala kung kailan ako huling uminom ng tubig. Nilibot ko ang aking mga mata sa paligid kahahanap ng tubig nang bumukas ang pintuan sa gilid. "Avi anak, mabuti naman at nagising ka na." Napangiti si mama na kahit pa may buntong-hininga. Dala niya ang isang tray na may laman na tubig at ilang gamot. "T-tubig, ma. Gusto ko ng tubig." Dali-dali siyang tumabi sa akin at ipinagsalin ako ng tubig sa baso. Inalalayan niya ako upang makaupo at pinainom ng tubig. "Ilang oras na po ba akong tulog?" tanong ko nang maubos ang tubig. "Oras? Halos dalawang araw ka nang tulog, anak." Kinuha ni Mama ang bimpo at tubig na nakahanda sa gilid ng kama ko. "Lahat kami rito nag-aalala sa kalagayan mo." "Two days?" Napaisip ako sa sinabi ni Mama. Kung dalawang araw na akong tulog, isa lang ang ibig sabihin no'n. "Ma! Ngayon na ang kasal ko?" Agad kong tinanggal ang kumot na nakabalot sa ibabang parte ng katawan. Kailangan ko nang maghanda kung 'di mahuhuli ako sa kasal namin ni Archer. "Saan ka pupunta? Hindi ka pa magaling," aligagang wika ni Mama na pilit akong hinihila pabalik sa kama. "Kasal ko ngayon, ma! Hindi p'wedeng wala ako roon!" Kinuha ko ang tuwalya sa likod ng pintuan pero nang mahablot ko na ito'y umikot ang aking paningin. Kinailangan kong humawak sa dingding para lang hindi matumba. Agad akong tinulungan ni Mama at ibinalik sa kama. "Hindi ka pa magaling, Aviana at kailangan mo pang magpahinga." Inilagay ni Mama ang bimpo sa aking noo. Hindi ko napansin na sobrang init ko pa pala. "Paano po ang kasal?" Mabibigat na paghinga ang nagawa ko, dala na siguro ng lagnat. Umiling si Mama habang pinupunasan ang mga kamay ko gamit ang isa pang bimpo. "Hindi itinuloy ni Archer ang kasal dahil sa kalagayan mo." Kahit paano ay nawala ang kaba sa dibdib ko. "Nasaan nga po pala si Archer?" Bahagyang gumaan ang pakiramdam ko dahil sa kaniyang ginagawa sa'kin. "Pinuntahan niya lahat ng mga inimbitahang bisita para humingi ng dispensa." Natapos siya sa paghihilamos sa'kin kaya naman napreskuhan ako kahit paano. "Huwag mo ng isipin 'yon, ang importante magpagaling ka." Tumango na lang ako habang pinagmamasdan siya sa ginagawang pagliligpit. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang bumalik sa isip ko ang sinabi ni Magnolia. Kung totoo ang sinasabi niyang siya ang ninuno ko, dapat alam iyon ni Mama. "Ma?" Tumigil si Mama at tumingin sa'kin. "Ano 'yon anak?" Napalunok ako dahil sa pagdadalawang isip sa nais kong itanong. Pero kung hindi ko itatanong ngayon, baka hindi na ako magkaroon ng ibang pagkakataon. "May itatanong sana ako, e." Itinagilid ni Mama ang ulo niya at hinintay ang tanong ko. Hindi ako sigurado kung tama ba na itanong ko sa kaniya ang tungkol sa sinabi ni Magnolia. Pero mas okay na ito kaysa sa sumabog ang isip ko sa kaiisip. "Ano pong alam ninyo tungkol kay Magnolia?" Pinagmasdan ko si Mama, parang bahagya siyang nagulat sa tanong ko at hindi siya agad nakasagot.   "B-bakit mo naman natanong 'yan? Hindi ba, naipaliwanag na sa'yo ni Archer ang lahat?" Halos mabitiwan pa niya ang baldeng hawak niya dahil sa pagka-aligaga. Halatang ayaw niyang pag-usapan si Magnolia. "Alam mo, anak ang mabuti pa, magpahinga ka na ulit at hintayin si Archer na makauwi. Marami pa akong gagawin sa ibaba." Nagmadali si Mama na makalabas ng kwarto pero hindi ako makakapayag na hindi niya ako masagot sa tanong ko. "Totoo bang ninuno ko si Magnolia?" Walang pagdadalawang isip kong sinabi ang tanong na pumapalibot sa isip ko. Natigil si Mama sa paggalaw niya at muling tumingin sa akin. Kunot ang noo niya at mukhang nagagalit. Dali-dali niyang binitiwan ang hawak at muling lumapit sa akin. Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay ko't tiningnan ako sa mga mata. Umiling siya bago ako kinausap. "K-kung kaya ko lang ipaliwanag ang lahat, anak. Gagawin ko. Ina mo man ako na masasabi, pero wala akong magawa para sa'yo." Batid ko ang hinagpis ni Mama dahil sa mga luhang kumawala sa kaniyang mga mata. Hindi ko na napigilang maluha sa kadahilanang ngayon ko lamang siya nakitang ganoon kalungkot. Pinunasan ni Mama ang mga luha sa pisngi ko. "Isang maling salita lang ang masabi ko, paniguradong kaguluhan ang mangyayari." Muling humagulgol ng iyak si Mama. Wala akong ibang nagawa kung 'di ang yakapin siya. "P-paano ko malalaman, kung hindi mo 'ko sasagutin?" Kumalas ako sa yakap ko sa kaniya at tiningnan siya nang masinsinan. "Sagutin mo lang 'yong tanong ko, ma. Tapos hindi na kita guguluhin. Hindi ko na kasi alam kung sino at ano ang paniniwalaan ko." Idinikit ko ang dalawang palad ko at humarap sa kaniya. Nagmamakaawa na sagutin ang isang katanungan. Kasabay ang mga luhang walang tigil sa pag-agos sa'king mga pisngi. Alam kong mahirap para kay mama na makita akong naghihirap kaya alam kong hindi niya ako matitiis. "Ang totoo kasi niyan, Aviana—" Ngunit nang akmang sasabihin na ni Mama ang sagot, dumating si Archer at pinigilan siya. "Mama!" Bahagyang malakas ang boses ni Archer upang makuha agad ang atensyon namin. Agad na tumayo si Mama at pinulot ang balde sa sahig saka na umalis. Hindi man siya nagpaalam sa'kin at hindi man lang tumingin. "Ano bang problema mo! Bakit mo pinaalis si Mama? Kailangan ko siyang makausap, pabalikin mo siya," giit ko. Ngunit walang ibang ginawa si Archer kung 'di isara ang pinto at tanggalin ang suot niyang necktie at suit.   "Kumusta na ang pakiramdam mo? Nagpunta na ba rito ang doktor?" Magkasunod niyang tanong, binaliwala ang pagwawala ko. "Narinig mo ba 'ko?" Galit kong tanong. "Kailangan kong makausap si Mama. Kung ayaw mo siyang tawagin ako na mismo ang pupunta sa kaniya." Muli kong sinubukan ang pagtayo ngunit pinigilan niya ako. Hawak niya ang aking pulsuhan na tila may otoridad. "Kahit anong gawin mo, hindi siya sasagot. Hindi niya alam, wala siyang alam," mahinahon ngunit diretsong sagot ni Archer. "Talaga? At sino ang nakakaalam, ikaw?"  Hindi ako naniniwala sa sinasabi niya. Kahit anong pilit kong pagkatiwalaan si Archer, mayroon at mayroon pa rin akong nararamdamang kakaiba sa kaniya. "Hindi ko alam," matipid niyang wika matapos bitiwan ang kamay ko. Pasadlak na umupo si Archer sa tabi ko. Mabigat ang paghinga niya at kapansin-pansin ang pagod sa kaniyang itsura. Gayunpaman, disedido ako sa nais kong gawin. Kaya naman tumayo ako at nagpaalam sa kaniya. "Pupuntahan ko lang sandali si Mama. Magpahinga ka r'yan dahil mukhang pagod na pagod ka na." Sa pagtalikod ko, siya namang yakap niya sa bewang ko. Tila tumagos sa'kin ang pagod at lungkot niya. Kakaiba sa pakiramdam, parang naghalu-halong emosyon ang naipapasa niya sa'kin. Hanggang sa nakarinig ako ng mga mahihinang hikbi galing sa kaniya. Ang kaninang mahigpit niyang pagkakayakap ay unti-unti nang lumuluwang. Kaya naman minabuti kong kunin ang mga iyon at humarap sa kaniya. Umupo ako sa sahig upang makitang mabuti ang kaniyang mukha. Ngunit pilit niya itong itinatago sa pamamagitan ng pagyakap pa rin sa'kin. "P-pagod na ako, Aviana," mahina lang ang pagkakasabi niya ngunit malinaw iyon sa pandinig ko. "Magpahinga ka na kasi, b-bukas wala na 'yan." Pinipilit kong pagaanin ang loob niya kahit pa hindi ko talaga alam kung ano bang dapat kong gawin. "Can you promise to stay with me?" Sa wakas ay tiningnan niya ako. Namumula ang mga mata niya at kitang-kita ang labis na kapaguran. "I... I promise," nag-aalinlangan kong sagot. "Will you stay?" seryoso niyang tanong. "O-of course. Dito lang ako." Bahagya akong ngumiti para man lang maiparamdam sa kaniya ang kasiguraduhan. Kahit pa paano nagpakita ng ngiti si Archer sa'kin kahit sandali lang. Hindi ko na talaga alam kung paano ba gumagana 'tong utak ko. Madalas madami akong tanong, marami akong kasagutang hinahanap. Pero kapag nandito na siya sa tabi, nawawala lahat sa isip ko. Naba-blangko ako. Tinulungan ko siyang humiga sa kama at inalis pa ang sapatos na suot niya. Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung ano bang ginawa niya at saan ba siya napadpad at ganito na lang ang pagod niya. Inayos ko ang buhok niyang dumidikit sa namamawis niyang noo nang bigla na lang niya akong hinila sa bewang at sinaktong lalapag sa kaniyang labi. Malambot ang halik. Walang pwersa, walang diin. Ngunit sobrang tamis, sobrang nakakakiliti. Ayoko pang kumawala pero tuluyan na siyang nakatulog. Nangyari na naman, nablangko na naman ang isip ko. Hindi ko namalayan kung kailan ba ito nagsimula. Kailan ba ako tuluyang nahulog para sa kaniya? Namuo ang pawis sa kaniyang noo at mukha at tila nababad sa pawis ang kaniyang damit. Hindi na ako nag-alilangang tanggalin ang mga butones sa puti niyang panloob sa suot niyang suit kanina. Pawis na pawis nga siya. Ngunit liban sa pawis, mga marka ng sugat ang nakita kong nakapalibot sa kaniyang katawan. May mga mukhang matagal ng nandoon at naging peklat na lang. Ngunit mayroon ding mukhang sariwa pa. Napakarami niyang naranasan, halata naman sa mga sugat na nagmarka na sa katawan niya. Hindi ko man alam kung saan iyon nanggaling, ngunit isa lang ang pakiramdam ko. Hindi iyon dala lang ng isang simpleng aksidente. Ramdam kong kagagawan iyon ng sumpa. Kagagawan ni Magnolia.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD