ALIGAGA ANG lahat sa nalalapit na kasal namin ni Archer. Dumating ang pamilya niya at maging ang pamilya ko'y naroon din. Sa mansyon ng mga Luna gaganapin ang kasal kaya simula sa araw nang pagbisita nina Mama at Papa, doon na ako namalagi. At simula rin nang araw na iyon, naging malamig si Archer sa'kin. Dalawang araw lang ang ibinigay ng mga magulang namin para sa paghahanda. Mula sa hardin na kung saan gaganapin ang mismong kasal hanggang sa damit na susuotin ko. Malaking okasyon ang magaganap dahil kasama ang buong angkan. Wala naman sanang problema, maluwag na sa loob ko ang pagpayag sa kasal na ito. Pero iba ang pakikitungo ni Archer sa'kin ngayon. Hindi ko na talaga siya maintindihan. Kailan lang, ipinipilit niya ang kasal na 'to pero kailan lang din nang sabihin niyang huwag akong pilitin.
Pero ngayon namang pumayag na ako, bigla naman siyang nag-iba. Matapos akong kuhanan ng sukat ng katawan ay tumakas ako para hanapin si Archer. Alam kong abala rin siya sa mga preperasyon pero hindi na makakapaghintay ang tanong ko. Iniwasan ko ang bawat taong nakakasalubong dahil paniguradong ipapahanap din nila ako sa kanila kapag napansin na ang aking pagtakas. Pumunta ako sa silid kung saan naroroon ang mga modista pero wala siya roon. Sunod kong pinuntahan ang opisina niya, madalas siyang naroon pero sa pagkakataong ito'y wala siya. Huli kong pinuntahan ang kwarto niya. Ngayon lang ako makakalapit nang ganito sa kwarto niya. Bilin kasi ni Mama na huwag muna akong pupunta roon. Hangga't maaari raw ay kung kasama ko si Archer ay may iba pa kaming kasama.
Sinunod ko naman si Mama pero sa pagkakataong ito kailangan kong makausap si Archer nang mag-isa. Sandali akong tumigil at nakinig muna sa likod ng pintuan. May kaluskos sa loob kaya alam kong naroon siya. Wala namang ibang nakakapasok doon kung 'di lang siya, sa pagkakaalam ko. Kumatok ako nang ilang beses at tinawag ang pangalan niya. Ngunit nang walang sumagot nagdesisyon akong pihitin ang doorknob. Sinalubong ako ng maraming mga libro na nakapalibot sa mga dingding ng kwarto. Para akong pumasok sa isang mini-library na may kama at sofa. "Arch?" tawag ko sa pangalan niya. Nang hindi na naman siya sumagot tuluyan na akong pumasok sa loob. Iba ang pakiramdam sa loob ng kwarto ng isang lalaki. Medyo madilim dahil sa nakababa ang mga kurtina pero malamig kahit hindi naman bukas ang aircon at mga bintana. Sobrang tahimik na bigla na lang akong kinilabutan.
Halos mapalundag ako nang may mahulog na libro sa hindi kalayuan. Kahit alam kong imposibleng mahulog iyon dahil maayos ang pagkakalagay, hindi ako nagdalawang isip na pulutin iyon. Ngunit nang tatayo na ako upang ilagay iyon sa lalagyanan. Isang imahe ang nahagip ng aking mata. Isang babae na may mahabang bestida. Lumulutang ito malapit sa kama ni Archer kung saan katabi rin ang isang lamesita na may larawan ni Archer at kaniyang pamilya. Kasabay nang malakas na pagkabog ng dibdib ko ay ang mahihina niyang ungol. Iba ang kaniyang presensya, masyadong mabigat. Hindi katulad ng presensya ni Datu Ramir. Marahan kong inangat ang aking ulo upang makita siya. Tama nga ako, isa nga siyang babae. Pero walang malinaw na pagkakakilanlan. May kalabuan sa tuwing titingnan ko ang kaniyang mukha. Ang natatanging nakapukaw ng atensyon ko ay ang suot niyang kwintas na hugis pana ang palawit.
"S-sino ka?" Matapang kong wika. Pinilit kong makatayo at tignan siya. Liban sa malabo ang kaniyang mukha, tila inaasinan ang mga mata ko sa tuwing titingnan siya.
"Alam kong kilala mo ako." Nanindig ang mga balahibo ko sa nakakapangilabot niyang boses. Parang namamaos na hindi ko maintindihan. "Ngayon pa lang ay binabalaan na kita. Huwag kang maniniwala sa mga sinasabi nila 'pagkat tayo rito ang magkakampi." Habang nagsasalita siya, tila nawawala ang hapdi sa mata ko. Unti-unting nagiging malinaw ang nakikita ko. Hanggang sa isang magandang babae ang tumambad sa'king harapan. Napakabata niya kung titingnan dahil sa makinis at maputi niyang balat. Pagkakataon ko na ito para makausap siya. Baka sakaling madaan ko siya sa pakiusap.
"Putulin mo na ang sumpa, kung ano man ang nagawa sa'yo noon na ikinagalit mo. Ako na ang humihingi ng tawad. Hindi sila dapat mamatay, wala silang kasalanan." Bahagyang tumawa si Magnolia. Pero halata sa mukha niyang nagpipigil siya ng galit.
"Wala kang alam, Aviana. Mabuti pang manahimik ka na lang at tumakas sa kamalasang inilalantad sa'yo!" Ang bawat salita niya tila mainit na apoy na tumatagos sa katawan ko. Pinipilit kong ihakbang ang mga paa ko palayo sa kaniya ngunit hindi ko magawa. Mayroong kakaibang harang ang namamagitan sa'ming dalawa. Sa pagpupumilit kong makaalis, hindi ko namalayan na lumulutang na pala ito palapit sa'kin. Pagkatingala ko, ilang pulgada na lang ang lapit niya sa mukha ko.
"Huwag mong tahakin ang daan na tinahak ko. Walang kasiyahan doon, pawang kasakitan lamang. Paniwalaan mo ako, narito ako upang iligtas ka. Kakampi mo ako." Inangat ni Magnolia ang kamay niya upang hawakan ang pisngi ko ngunit dahil sa harang hindi niya ako magawang mahawakan.
Gayunpaman, napaurong ako at hindi namalayang naapakan ang paa ng lamesitang naroon. Napaupo ako ngunit nanatili pa rin na sa kaniya ang atensyon ko. Lalo lamang akong naguluhan sa mga sinabi niya. Lahat ng tao sa paligid ko, siya ang sinisisi. Pero bakit ganito ang nararamdaman ko, bakit parang gusto kong maniwala sa kaniya? "Avi! Aviana!" Mahina ang boses na narinig ko, na paunti-unting lumalakas at lumalapit. Tumingin ako sa paligid at ewan ko ba, sobrang bagal ng nakikita ko. Hanggang sa madako ang tingin ko sa pintuang pinasukan ko, tinakpan ko ang aking mga mata dahil sa pagkasilaw sa ilaw na nanggaling sa labas.
"Avi, anong nangyari? Okay ka lang ba?" Magkasunod na tanong ni Archer na halos hindi ko masagot dahil sa kakaibang pakiramdam kong ito. Inabot ko ang balikat niya sa pagsubok na makatayo at makaalis doon. Ngunit nang bahagya akong makaangat sa sahig ay lalo lamang umikot ang paningin ko. Dahil dito walang pag-aalinlangan akong binuhat ni Archer.
"Inaapoy ka ng lagnat," natataranta niyang wika habang papalayo sa silid. Bago tuluyang pumikit ang mga mata ko, nakita ko ang labis na pag-aalala sa mga mata niya. Alam kong sumisigaw siya ng tulong sa mga taong nasa bahay pero hindi ko na marinig ang kaniyang boses. At sa pagpikit ko, isang boses lamang ang narinig ko.
"Ako si Magnolia... ako ang ninuno mo, Aviana."