SA PAGGALING ko mula sa pagkalagnat ay nagplano agad si Archer ng bakasyon para sa'ming dalawa. Ang totoo niyan, hindi iyon bakasyon. Dadayuhin namin ang isang templo kung saan pinaniniwalaang itinatago ang mga libro tungkol kay Magnolia. Ngunit mas gusto raw tawagin ni Archer na bakasyon iyon para daw hindi mabigat pakinggan.
Sa isang probinsya kami nagpunta, dati na raw nagpunta si Archer dito noong bata pa siya. Isang mahabang pinatag na hagdanan ang sumalubong sa amin. Sabi ng isang monghe sumalubong sa amin, 500 steps daw ang hagdan. Kaya papunta pa lang sa mismong templo ay isa ng malaking hamon.
"Mag-ingat ka." Rinig ko si Archer na nagsalita mula sa likuran ko. Pinauna niya ako dahil aalalayan daw niya ako. Habang ang monghe naman ay nasa harapan ko.
"Wala bang elevator dito?" tanong ko sa kanya habang ginagapang ang matarik na hagdanan.
Natawa si Archer sa tanong ko. "Wala. Huwag kang mag-alala, just enjoy the view. Hindi mo mamamalayan na nasa templo na pala tayo."
"Easy for you to say. You don't wear wedge." Inirapan ko siya saka nagpatuloy sa paglalakad. Narinig ko siyang tumawa nang maraharan pero hindi ko na lang pinansin. Itinuon ko na lang ang atensyon sa kagubatang pumapalibot sa mahabang hagdanan. Sa ulonan ko naman ay ang malalabong na puno na nagsilbing silong laban sa tirik na araw. Breathtaking is the right word to describe. Literally, taking my breath.
"Konti na lang Avi," ani Archer nang makita akong hinihingal na. Hindi ko siya pinansin, sana pala hindi na lang ako sumama. "Gusto mo bang buhatin kita?"
Taas kilay akong napatingin sa kanya. "Ayoko nga! Baka pareho lang tayong mahulog diyan."
"Ay! Oo nga pala. Mamahalin mo pa ako, 'di ba?" Malokong wika ni Archer. Narinig kong tumawa nang mahina ang monghe.
"Baliw!" Bahagya ko siyang pinalo bago ko binilisan ang paglalakad sa nalalapit na templo.
"Narito na tayo."
Muli akong nabuhayan sa mga salitang sinabi ng monghe. Hangos-hangos man, at least na kaya ko.
"Finally!" Huminga ako nang malalim upang malanghap ang sariwang hangin. May kataasan din pala ang templong inakyat namin, pero worth it!
Isang malaking templo ang bumati sa'kin. May kalumaan na pero intact pa rin ang istruktura. Sinamahan kami ng monghe sa loob kung saan naghihintay sa'min ang isa pang monghe na sa pakiramdam ko, pinakamataas na klaseng mongheng tagapangalaga ng templo.
"Sigurado na ba kayo sa nais niyong mangyari?" Bungad nito sa amin.
"Opo," maikling sagot ni Archer.
Naglakad ang monghe saka kami sumunod.
Lumapit ako kay Archer para magtanong. "Totoo bang narito ang mga libro?" bulong ko sa kaniya.
"Maghintay ka na lang, makikita mo rin."
Bumaling ng tingin ang monghe sa'min. Alam kong babala iyon sa pagdaldal ko, kaya naman nanahimik na lang ako.
Dumaan kami sa isang madilim na pasilyo. Tanging mga ilaw ng kandila ang nagbibigay liwanag sa lugar. Nakakatakot kung tutuusin, kaya mabuti na lang at tumabi na ako kay Archer.
"Natatakot ka ba?" bulong ni Archer. "Dito ka sa tabi ko." Dugtong pa niya habang bahagyang hinihila ang bewang ko.
"Magkatabi naman tayo, e." Reklamo ko habang itinutulak ang kamay niya.
"Bahala ka, ikaw din, baka hilain ka ng mga multo rito." Babala pa niya.
Hindi ko makita nang mabuti ang mukha niya kaya hindi ko mabasa kung niloloko lang ba niya ako o seryoso siya.
Dali-dali akong kumapit sa braso niya. Better safe than sorry. "Oo na! 'Eto na."
Ilang hakbang pa ay natapos ang pasilyo sa isang lumang pintuan. Isang malaking kandado ang nakalagay sa kahoy na iyon. Ewan ko ba pero nang makita kong bubuksan na ng monghe ang kandado, bigla na lang akong kinabahan. Lalong humigpit ang pagkapit ko sa braso ni Archer. Napaurong pa nga ako dahil sa takot.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Archer.
Maging ang monghe ay tumigil sa pagbubukas ng kandado para tingnan ako. "Siya ba?" Makahulugang tanong nito na nakatingin kay Archer.
"Siya nga." Tumango ang isa pang monghe at nagpatuloy sa pagbukas ng pinto. Halos hindi ko maigalaw ang mga paa nang papasukin na kami sa loob. Kahit madilim ay kitang-kita ko ang mga librong nagkalat sa sahig. Ngunit isang libro ang nahagip ng mga mata ko. Nasa dulo ang libro at sa paningin ko, tila kumikinang ito't tinatawag ako.
"Arch, natatakot ako." Sandaling yumakap si Archer sa'kin para maalis man lang ang pangangatog ko.
"P'wede tayong umurong kung ayaw mo ng tumuloy." Saglit siyang tumingin sa monghe na walang imik na nagmamasid sa'min.
"H-hindi. Nandito na tayo, ituloy na natin 'to," lakas-loob kong wika. Kahit pa may takot ay pumasok ako.
Nanatiling nakakapit sa braso ni Archer. Pinatayo kami ng monghe sa harapan ng kumikinang na libro. Saka ito bumulong ng orasyon habang nakapatong ang kaniyang kamay sa libro. Hindi nagtagal, uminit ang kwarto, hindi ko maiwasang isipin na ang pag-init ng kwarto ay katulad nang nangyari sa'kin sa mansyon. Tila nakita ni Archer ang takot sa mukha ko. Kaya ang ginawa niya, siya ang humarap sa libro habang ako naman ay nagtago sa likuran niya. Sa pagtapos ng orasyon ay naglabas ng usok ang libro at naging isang hugis babae. Kahit hugis lang iyon, alam kong si Magnolia ang imaheng nasa harapan namin.
"Isang Luna." Bungad nito nang makita si Archer na nasa harapan niya. "Malakas ang loob mong pumunta rito. Hanap mo na ba ang kamatayan mo?" Nagpalutang-lutang ang katawan niyang gawa sa usok. Nananatili itong nakadikit sa libro kaya panatag ang loob kong hindi niya kami masasaktan.
"Nandito ako dahil may mga katanungan ang kasama ko para sa'yo." Hinawakan ni Archer ang kamay ko para makita ako ni Magnolia.
"Aviana... hindi pa ba sapat ang mga napag-usapan natin kamakailan lang?" Ngumiti si Magnolia pero alam kong mapanlinlang na ngiti lang iyon.
"Sinasabi ko na nga bang ikaw ang may gawa ng sakit niya," ani Archer na tila nagagalit na.
"Ako rin ang dahilan kung bakit tulog siya nang dalawang araw." Pinipilit ni Magnolia na makawala sa libro pero naroroon ang monghe na tila hinahawakan ang kaluluwa niya sa pamamagitan ng orasyon.
"Hindi ko hahayaang malinlang ninyong muli ang salin-lahi ko."
Naramdaman kong tila nababasa ni Magnolia ang nasa isip ko. Isa lang naman ang nais kong malaman. Kung totoo bang siya ang ninuno ko. Umalis ako sa pagtatago sa likod ni Archer. Matapang akong humarap kay Magnolia na tila nasiyahan nang makita akong lumalapit sa kanya.
"H-hindi ako naniniwala sa sinasabi mo!" Buong lakas kong sigaw. Umalingawngaw ang boses sa loob ng kwarto hanggang sa pasilyong dinaanan namin.
"Hindi ko na kailangang patunayan 'yan sa'yo. Dahil ikaw mismo ang makakaramdam ng tunay mong katauhan." Humalaklak si Magnolia. Halakhak na nakakakilabot.
Hindi ako naniniwala. Kahit anong gawin o sabihin niya, hindi ako maniniwala.
"A-ayoko na. Gusto ko na umalis."
Tumalikod ako at humakbang patungo sa pintuan. Ngunit nang sa kalagitnaan ng paglalakad ko, isang aparisyon ang naaninag ng mata ko Si Magnolia at si Datu Ramir, masayang nagpapahinga sa ilalim ng punong hitik sa bulaklak. Ang saya nila ay lalong nadagdagan nang ilabas ni Datu Ramir ang regalo niya para sa asawa. Isang koronang gawa sa bulaklak. Napabalikwas ako nang muli akong makabalik sa kasalukuyan. Hindi ko namalayang may luha na pa lang tumulo sa pisngi ko.
"Avi?" untag sa akin ni Archer.
"H-hindi... hindi totoo 'yon."
Ayokong tanggapin ang nakita ko. Ayokong maging katulad ni Magnolia. Ayoko.
"Anong sinasabi mo? A-anong nangyayari?" Pag-aalala ni Archer.
Lumipad-lipad ang usok na si Magnolia kahit pa patuloy ang pagpigil ng monghe sa kaniya. Ngunit sa bawat segundong lumilipas, lalong lumalakas ang awra na sa kaniya'y pumapaligid.
"H-huwag kayong mag-alala, hindi niya kayo masasaktan hangga't napipigilan ko siya," wika ng monghe.
Muli na namang tumawa si Magnolia habang nakatingin sa monghe.
Alam kong may mali at naramdaman din iyon ni Archer. "Umalis ka na. Lumabas ka na rito," bulong niya sa akin.
"P-paano kayo? Paano ka?"
"Kami na bahala rito."
Dali-dali kong tinungo ang pintuan palabas ngunit hindi pa man ako nakaka abot doon ay nakarinig ako nang malakas na ungol. Sa pagharap kong muli sa kanila, nakita ko na lang na nakahandusay na sa sahig ang monghe at hawak-hawak na ni Magnolia si Archer.
"Narito ako dahil gusto ko, hindi dahil hawak ninyo ako!" anito na nakatingin sa monghe.
"M-magnolia! Bitiwan mo si Archer. Huwag mo siyang sasaktan." Halos magmakaawa ako.
Nakaangat na sa ere si Archer at nahihirapan na huminga dahil sa pagkakahawak ni Magnolia sa leeg niya.
"Malapit na rin naman siyang mamatay. Agahan ko na lang kaya?" tanong nito at ngumisi pa.
Muli akong lumapit sa kanila pero lumayo naman ito.
"Huwag! Magnolia, please. Nagmamakaawa ako sa'yo."
"Naaawa naman ako sa'yo, naramdaman ko rin 'yan. Nagmahal din ako." Inalis ni Magnolia ang pagkakahawak nito sa leeg ni Archer, pero nanatili itong nakalutang sa ere. "Pero sinaktan, binalewala at pinagmukhang kaawa-awa. Hindi mo na kailangang maranasan iyon lahat."
Nagkaroon ng malay ang monghe at pinilit tumayo upang matulungang si Archer. Ngunit agad iyong nakita ni Magnolia, kaya naman naging okupado ang dalawa nitong kamay sa pag-utos na hawakan sa ere ang dalawang bihag.
"Huwag, Magnolia. H-hindi ba, naging masaya ka naman kay Datu Ramir. Gusto ko ring sumaya sa piling ni Archer." Hindi p'wedeng mamatay si Archer, gusto ko pang maiparamdam sa kaniya ang pagmamahal ko.
"Babaguhin ko ang paniniwala mo, Magnolia. Babaguhin namin ang kapalaran ng mga pamilya natin. Hahanap kami ng paraan. Gagawa kami ng paraan."
Sandaling tumigil si Magnolia sa paghawak sa dalawa, dahilan upang malagpak ang mga ito sa sahig. Ngunit tila, kinuha ni Magnolia ang kanilang lakas dahil ang simpleng pagtayo ay hindi nila makaya.
"Hindi nagbabago ang kapalaran. Walang sino man o ano man ang makapagbabago ng kapalaran!" Nanlisik ang mga mata niya't tila umaapoy sa galit. Galit na galit niyang inutusan ang kamay na inaangat sa ere ang monghe at itapon malayo sa'min. Sunod niyang tiningnan si Archer na halos mawalan na ng malay. "Inililigtas kita sa gagawin ko. Maiintindihan mo rin balang araw." Tumipon ang lakas sa kaniyang kamay at ano mang oras ay maaari niyang itapon kay Archer.
Hinang-hina si Archer at alam kong hindi niya kakayaning makaiwas sa kapangyarihang iyon ni Magnolia.
Walang anu-ano'y humakbang ang mga paa ko hanggang sa naging takbo ang aking ginawa. Wala na akong ibang inisip kung 'di ang sanggain ang kapangyarihang iyon ni Magnolia at iligtas si Archer. Hindi ko na inisip kung ano ang kahihinatnan ko matapos iyon. Ang importante mailigtas ko si Archer.
Hindi napansin ni Magnolia na humarang ako sa taong papaslangin niya. Huli na nang makita niya ako. "Aviana!"
Pikit-mata kong sinalubong ang lakas ni Magnolia. At ang tanging nasa isip, mailigtas si Archer sa tiyak na kapahamakan. Sa pagtama nito ay nakaramdam ako ng labis na init. Mainit pero nakakaya ng balat at katawan ko.
"A-anong?" Rinig ko ang boses ni Magnolia na tila ba hindi makapaniwala.
Kaya muli kong binuksan ang mga mata ko. Hindi tumatagos ang kapangyarihan ni Magnolia sa hindi nakikitang harang na nasa harapan ko. Hinigop lamang ng harang ang malakas na kapangyarihang itinapon sa amin. Lumingon ako sa monghe, iniisip na baka gawa nito ang harang ngunit nananatili pa rin siyang walang malay. Bumaling ako kay Archer, ngunit hindi rin siya makapaniwala sa nasasaksihan.
"A-anong nangyayari?" takang tanong ni Archer.
"Hindi ko rin alam. Mabuti pa tumakas na tayo. Haharangin ko ang kapangyarihan niya, tulungan mo ang monghe at lumabas na tayo rito."
Hindi makapaniwala si Magnolia sa nakikita. Kaya muli siyang gumawa ng mas malakas pang kapangyahiran at itinapon sa amin. Wala akong ibang ginawa kung 'di harapin ang mga iyon nang buong lakas ng loob. Tanging pinanghahawakan ang kagustuhan kong mabuhay si Archer, ang mahal ko.