PABAGSAK NA INIHIGA ni Dave ang katawan pagkagaling ng banyo. Nakadapa siya ng mga sandaling iyon. Binalot rin niya ng kumot ang sarili dahil nasa banyo si Kristen. Baka gumanti ito bigla sa kan’ya.
Sobrang antok pa talaga siya. Late siyang papasok mamaya sa opisina, kaya natulog ulit siya. Ramdam pa niya ang pagod at ang antok ng mga sandaling iyon.
Wala pang sampung minuto siyang natutulog nang may biglang humila sa kumot niya. Nagising siya doon. Nilingon niya ang humila pero walang tao, kaya nagtaka siya. Hinila niya ulit ang kumot para itabing sa sarili. Pero wala pang ilang segundong nakatakip sa kan’ya ay may humila na naman, kaya napabangon siya. Alam niyang si Kristen ang may kagagawan no’n. Nagkagulatan pa sila nang lumabas ito mula sa pinagtataguang side ng kama niya.
“Puwede bang magpatulog ka naman!” singhal niya dito.
“Bakit, huh? Sino bang nauna, huh? Ikaw, diba?” anitong pinagkrus ang mga braso. Bahagyang nakabukas ang suot na roba nito sa bandang dibdib, kaya kita niya ang paglabas ng cleavage nito. Hindi niya maiwasang mapalunok doon. Mukhang hindi rin nagpunas dahil namamasa pa iyon.
“Okay. Sorry na. Puwede na ba akong matulog?” medyo masungit ang himig niya doon.
“Pagbibigyan kita ngayon dahil may pasok pa ako. Kung wala lang, baka hindi ka na makatulog talaga!” Nagmartsa ito papuntang closet pagkasabi niyon.
Bigla siyang napahiga at napatalukbong ng kumot nang bigla na lang nitong hubarin ang roba. Walang suot ito, kahit panty! Buti nakatalikod ito. Tanging pang-upo lang nito ang nahagip ng mata niya.
Gumagana naman ang aircon pero pinagpapawisan siya sa loob ng kumot. Hindi na naman niya maintindihan ang sarili.
Nakakainis! Mukhang hindi na siya makakatulog dahil sa babaeng ito!
Hindi niya mabilang kung ilang minuto siya sa ilalim ng kumot. Basta naiinip na siya sa pag-alis nito.
“Hindi na kita maipagluluto ngayon kasi ang dami kong aayusin sa opisina,” dinig niyang sabi nito. Palapit ang yabag nito sa kan’ya.
“Get lost!” aniya imbes na tumugon sa sinabi nito.
“Grabe. Ang aga mo namang magsungit. Dahil sa sinabi mo, dito pa rin ako uuwi.” Naupo ito sa kama mayamaya.
Natigilan siya nang hilahin nito ang kumot. Kumulo na naman ang dugo niya dahil sa ginawa nito.
“What?!” singhal niya nang harapin ito. Nakasuot na ito ng casual attire na pang opisina. Puti ang blouse nito at brown ang skirt, na hindi aabot sa tuhod.
“Sungit mo naman. Paki-ayos nga ng zipper at paki-lock na din.”
Tumalikod ito sa kan’ya. Bukas ang itaas na bahagi ng skirt nito sa likod. Hindi nga lang kasi naka-zip ng maayos. Pero hindi doon ang atensyon niya ng mga sumunod na sandali, nasa umbok na pang-upo nito.
Shit!
“Ba’t ako?” tanong niya rito.
Inis na bumaling ito sa kan’ya. “Malamang, ikaw lang ang kasama ko rito. Hello! May iba pa ba? O may kasama tayong iba tapos ikaw lang ang nakakakita?” anito sabay lingon sa kung saan.
Napakamot siya sa ulo. Mukhang takot nga ito sa multo. Bakit naman kasi nito nabanggit, ang layo naman sa pinag-uusapan nila. Sabagay, mukhang hindi pa ito naka-get-over sa pagpatay niya ng ilaw sa banyo. Halatang binilisan nito ang pagligo din, e.
“Kaya mo na ‘yan. Araw-araw mo ng ginagawa ‘yan, kaya, imposibleng hindi mo kaya ‘yan!” Pinatihulog niya uli ang sarili sa kama. Tiningnan niya ito pero ang sama ng timpla ng mukha nito. Hindi niya mapigilang mapagiti sa loob-loob.
“Okay sa iba na lang.” Lumapit ito sa tapat ng telepono. Iniangat nito iyon at bumaling sa kan’ya. “Ano bang number ng maintenance department dito?”
Bigla siyang napakunot-noo sa tanong nito. “Bakit ka naman tatawag sa baba?” Hindi mawala ang pagtataka sa mukha niya.
“Ano pa nga ba, e ‘di magpapatulong ako mapa-zip nitong skirt ko!”
Napabangon siya bigla dahil sa sinabi nito. “Nababaliw ka na ba? Magpapatulong ka sa kanila?”
“Uhuh, ayaw mo, e! Dali na, ano bang number doon? Bilisan mo at male-late na ako. Mapapagalitan na naman ako. Masungit pa naman ‘yong kaibigan mong ‘yon, gaya mo.” Ang tinutukoy nito ay si Blake na kaibigan niya at boss naman nito.
Napahawak siya sa sintido. Lalo yatang sasakit ulo niya dito. “Damn!” aniyang dinig nito.
“Minura mo ako?”
Napalunok siya sa tanong nito.
“O-of course not,” tanggi niya. “Lumapit ka.” aniya na lang. No choice! Kesa sa janitor nga paggawin nito.
Kakaiba ang nakuha niyang asawa!
NAPANGITI SI KRISTEN habang papalapit sa asawa. Nakalaylay na ang mga paa nito sa sahig. Pero may kumot na nakabalot sa ibabang bahagi nito kasi naka-boxer brief nga lang ito.
Napapitlag siya nang lumapat ang kamay nito sa pang-upo niya. May kung anong gumapang sa kan’ya ngmga sandaling iyon. Inaayos pala nito para madaling mai-zip sa likod niya. Kaya naman niya. Ilang taon na niyang ginagawa ito, basic na kumbaga. Wala lang, trip niya lang maglambing sa aloof na asawa. Kumagat naman e, kaya masaya siya.
“I’m done,” dinig niyang sabi nito. Akmang babalik ito sa pagkakahiga nang pigilan niya.
“Wait, meron pa.” Napakunot-noo ito.
“Ano na naman?”
“My necklace.” Inilaylay niya iyon. Dinig niya ang pag-singhap nito. Mukhang nagrereklamo na naman.
“Bilis! Para maka-alis ka na!” Inilahad nito ang kamay.
Ang cute talaga nitong mainis. Inabot niya ang kwintas na sinadya niya ring hubarin kanina.
Naupo siya sa tabi nito. Napapikit siya nang hawiin nito ang buhok niya. Nakikiliti siya sa tuwing dumadampi ang daliri nito.
“F*ck!” pabulong iyon pero dinig naman niya. Lumuhod ito sa kama para maisuot nito ng maayos.
Ewan niya kung tama ba ang pakiramdamdam niyang nanginginig ang mga kamay ng asawa. Mukhang hindi yata sanay sa ganitong scenario. ‘Wag nitong sabihing hindi pa nito nagagawang suotan ng kwintas ang mga naging girlfriend nito? Wow, huh!
Napalingon siya sa asawa nang bigla itong humiga. Tapos na pala hindi man lang nagsabi. Nakatakip na rin nsa buong katawan nito ang kumot. Talagang ayaw siya nitong makita. Napatingin tuloy siya sa salamin.
Ganoon ba siya kapangit? Ba’t sabi nito noong gabing pinakasalan siya, maganda raw ang mga mata at labi niya. Baka kailangan niyang sabihing foreigngerms ang ama niya- este foreigner! Sabi kasi nila maganda ang resulta kapag may lahing banyaga. So, maganda siya. Iniisip niya tuloy, baka para lang siya sa mga lasing na lalaki? Nalungkot siya bigla. Pero natigilan siya nang may naisip. Hindi kaya bakla ang asawa niya? Napangiwi tuloy siya.
Pero mabilis siyang ma-fall. Iyon ang isa sa kinaiinisan niya. Kagaya ngayon sa asawa niya. Ewan, mahal na niya yata ito. Hindi lang niya alam kung kailan ma-e-expire kagaya ng mga past relationships niya. Gusto niyang sumeryoso, at kay Dave niya gustong subukan kaso, wala naman itong gusto sa kan’ya, kaya paano magwo-work? Kakaiba rin kasi ito sa mga lalaking nakilala.
Pero sana, dumating ang araw na pansinin siya ni Dave kagaya ni Kendra. Iba kasi ang tingin at trato nito talaga sa kaibigan niya. Nakakaramdam siya ng inggit kapag naaalala, though may Blake na si Kendra.
Siguro, karma na niya ito. Dahil nga sa mapaglaro siya sa lalaki ayon sa mga nakakakilala sa kaniya. Hindi lang siguro naiintindihan ng mga ito na may hinahanap siyang iba, at kapag hindi makita, o may nilabag ang mga ito sa gusto niya, umaayaw siya kaagad. Lalo na kapag malilikot ang kamay. Talagang break na agad. Mukha lang talaga siyang malandi,at hindi matinong babae.
Pero bakit kakaiba siya pagdating sa asawa? Nagagawa niya nga ang mga kapilyahan dito na hindi niya nagagawa sa iba. Siguro dahil sa pabebe ito. Hindi ito kagaya ng mga naging ex niya na mga manyakis, at walang ibang bukambibig kundi gustong umiskor sa kan’ya. Napailing siya kapagkuwan. Hindi kasi makontento sa kiss lang. Hindi gaya ng asawa niya, kahit yata hubaran niya ayaw pa rin sa kan’ya.
Umalis siyang hindi pa ito bumabangon. Ganoon pa rin ang posisyon nito. Mukhang nakatulog na nga.
Sobrang abala siya buong maghapon sa puwesto niya. Ngayon lang niya na-realized na hindi pala madali maging sekretarya. Buti nakaya ni Kendra ng ilang taon sa dating CEO, na ama ni Blake. Pero nakakalibang naman. Hindi ka aantukin sa sobrang daming gawa.
Hinilot ni Kristen ang batok habang papalabas ng building. Ramdam na niya ng pagod nang sumapit ang uwian.
Kaagad na pumara siya ng masasakyan pauwi ng condo ni Dave. Alam na ng kapatid niya na sa condo siya uuwi. Parang gusto niyang maiyak sa mensahe nitong pang-Maalala Mo Kaya. Isa lang naman ang ibig nitong sabihin, masaya ito sa kan’ya, pinahaba pa talaga ang message.
“Good evening po, Ma’am!” Napatingin siya sa reception area. Kumakaway si Lana.
Mukhang araw-araw na siyang kakaway dito. Ito na ang number one fan nila ni Dave. Kinikilig ito nang malamang nagsasama na sila ng asawa. Nakasalubong niya kasi kaninang umaga. Gulat na gulat pa ito nang banggitin niya. Mabait naman ito, masyadong vocal. Honest at napaka-transparent din. Parang hindi rin uso dito ang malungkot, laging nakangiti, e.
“Ay, ma’am hindi pa po unmuuwi si Sir!” Tumango siya rito. Alam na alam talaga nito. Sabagay, wala naman itong ginawa sa gitna kung hindi ang alamin ang mga ganiyang bagay.
Mabilis na sumakay siya sa elevator at pinindot ang floor na sadya. Napangiti siya nang bumukas ang elevator pagdating doon.
Excited na inihakbang niya ang mga paa palapit sa condo ng asawa. Pero natigilan siya nang makarating sa harap ng pintuan. Napagtanto niya kasi na hindi pala niya alam ang passcode niyon.
Ang tanga niya, ‘di ba? Hindi pala niya natanong sa asawa kaninang umaga.
Kaagad na idinayal niya ang numero ni Kendra. Hiningi niya ang numero ng asawa. Alam niyang meron ito at si Blake Kent. Buti na lang talaga binigay ng mga ito. Mabilis na idinayal niya ang numero ni Dave. Naka-sampung dial yata siya pero hindi pa rin nito sinasagot.
Naghintay siya ng ilang sandali dahil baka nasa baba na ito. Pero naka-thirty minutes na, wala pa rin ang asawa.
Nakaramdam siya ng inis kaya bumaba siya, at lumapit kay Lana. Tinanong niya kung saan nagpupunta ang asawa niya sa araw. Hindi rin kasi niya alam kung saan ba talaga ito nagtatrabaho din kapag araw.
“Ay, Ma’am baka nasa hotel pa po.”
“Hotel?” May sinabi itong hotel kaya kaagad na hinanap niya iyon sa Gogolo. “Ito ba ‘yon?” Pinakita siya dito.
Inilapit naman nito ang mukha para sipatin. “Opo, diyan po siya nagtatrabaho bilang CEO po.”
Napaawang siya ng labi sa narinig pero mabilis din siyang nakahuma baka mahalata nitong ang dami niyang hindi alam sa asawa.
“Okay. Akala kung may iba pa siyang pinupuntahan. Sige, thank you!”
“Walang anuman po. Basta ikaw!”
Ngumiti siya rito bago tumalikod saka mabilis na lumabas ng building.
Nagpahatid siya sa hotel na pag-aari ng asawa. Tsinek niya din sa website. Talagang sa asawa nga niya ang hotel na iyon, ayon din sa profile na naroon. Nakita rin niya ang ilang pictures nito sa hotel na iyon, kaya confirmed, sa asawa niya nga ang hotel na iyon.
Hindi naman niya akalaing mayaman nga talaga ito. Kasi naman, bakit pumapasok pa ito sa ZL Lounge? Nagmumukhang barista lang ito doon. Guwapong barista, siyempre. Alam niyang may share ito doon. Akala niya, empleyado lang din ito sa umaga.
Pero sa kabilang banda, humanga siya. Kasi hindi naman nito ipinagmamayabang na mayaman talaga ito. Though, nakita na niya sa sasakyang gamit nito noong sinundo nito si Kendra. Low profile lang siguro ito.
Mabilis na bumaba siya ng taxi nang makarating sa hotel na pag-aari ng asawa. Napalunok siya bigla nang makita ang loob niyon. Paano nga pala siya makakapasok? Ah, basta, bahala na!
Nagpakawala muna siya ng buntong-hininga bago naglakad palapit sa entrance. Taas noong naglakad siya at ngumiti sa guard. Pumasok siya at lumapit sa babaeng maganda na nasa pinaka-gitna. ‘Yon ang nagsisilbing reception area.
“Good evening, Ma’am! Is there anything I can assist you with?” anang babae. Mukhang may lahi yata. Medyo slang e. Pero baka well-trained.
“Hi. Tanong ko lang kung nasa opisina pa si Dave?”
Natigilan ito at tinitigan siya. Marahil, nagtaka ito dahil first name lang ng asawa ang binanggit niya. Tumingin pa ito sa relong pambisig nito.
“Do you have an appointment, Ma’am? If you have, puwede po kayong bumalik tomorrow-”
“I’m his wife,” putol niya sa mga sasabihin nito.
“P-po? W-wife po?”
“Yes, Miss. As in asawa. Now, nandiyan ba siya?”
“I’m sorry po, Ma’am pero hindi po tumatanggap ng bisita si Sir kapag gabi na. Baka sesantehin po ako no’n kapag pinapasok ko po kayo dahil kabilin-bilinan niyang ‘wag tumanggap ng bisitang hindi niya kilala. At kung may appointment po, may tamang oras po ang pagtanggap-”
“Asawa nga niya ako, e. Okay. Fine. Pakisabi na lang. Paki-text sa number ko ang passcode ng condo, dahil kung hindi susugurin ko siya sa taas!” Medyo tumaas na ang boses niya kaya napatingin sa kan’ya ang guard. May sinabi ito sa radyo kapagkuwan.
“Ma’am. I’m sorry po. Pioneer employee po ako dito, at kilala ko na po ang mga kamag-anak ni Sir. Pasensiya na po talaga hindi po kita kilala. Baka nagkakamali lang po kayo. Wala pa pong asawa si Sir Dave.”
Biglang nag-ngitngit ang kalooban niya sa sinabi nito. Inis na idinayal niya number ni Dave. Pero hindi pa rin ito sumasagot.
Ilang sandali lang ay may lumapit na magandang babae din. Sa tingin niya iyon ang Manager. Pinatay niya muna ang telepono dahil hindi niya marinig ang usapan ng dalawa.
“Puwede ko po bang makuha ang pangalan niyo, Ma’am?” ani ng bagong dating.
“Kristen. Pakisabi kay Dave nandito ako sa baba. Subukan mo lang na sabihin ang pangalan ko, Miss. Sigurado akong bababa siya.” Tumango naman ito saka inilabas ang telepono nito.
Tumingin siya sa screen ng telepono niya. “Ito pa rin ba ang gamit niya?” aniya at itinapat sa babaeng bagong dating. Gumalaw lang ang kilay nito. “‘Yan ba?”
“Yes, Ma’am. Pero subukan ko po’ng tawagan din.” Idinayal nga nito. Nakatingin ito sa kan’ya sabay hagod ng kabuuan niya. Hindi naman siya mukhang ewan. Sana pumasa sa pag-analisa nito.
Mayamaya lang ay may kausap na ito. Binanggit din nito ang pangalan niya. Saglit itong natigilan at tumingin sa kan’ya sabay abot ng telepono nito.
“Kausapin daw po kayo ni Sir.”
Mabilis na kinuha niya iyon saka inilapit sa tainga. Hindi pa man siya nakakapagsalita nang marinig na ang boses ng asawa.
“Anong ginagawa mo sa baba?” ani ng asawa sa kabilang linya. Halata ang iritasyon sa boses nito.
“‘Wag ka na ngang mag-maang-maangan, Dave. Ilang beses akong nag-text at tumawag. Alam mo ang rason kung bakit ako narito. Kung sinagot mo sana, e ‘di sana hindi na ako sumugod dito!” gigil na sabi niya pero sa mahinang tinig.
Saglit itong natigilan. “God! Pakibalik nga kay Allice ang telepono. Ipapahatid kita sa kan’ya rito.” Pagkarinig niyon ay ibinigay niya sa Manager. Iyon ang Allice siguro na tinutukoy ng asawa.
Ilang sandali lang ay natapos na mag-usap ang dalawa. Ngumiti ito sa kan’ya at humingi ng pasensiya. Hinarap nito mayamaya ang babaeng nasa reception. Hindi niya maintindihan dahil tango nang tango lang ang babaeng kausap nito.
“This way, Ma’am,” ani ng Manager at iginiya siya nito palapit sa isang executive elevator.
Panay ang hingi nito ng tawad habang sakay sila ng elevator. Hindi naman siya nagalit, nainis lang. Hindi naman kasi talaga kapani-pniwala na asawa niya ang boss ng mga ito. Humingi din siya ng paumanhin sa inasal kanina.
Ilang sandali lang ay nakarating na sila sa pinakataas. Nawala sa isip niyang tingnan kung anong floor iyon. Abala kasi siya sa pakikipag-usap dito.
Mayamaya lang ay huminto sila sa isang pinto. May ibinigay itong keycard kapagkuwan.
“Paki-hintay na lang po si Sir, Ma’am. Baka papunta na po siya, nasa opisina pa po kasi nang makausap ko.” Tumango siya rito kaya tumalikod na ito.
Bumukas ang pinto nang itapat niya ang card, kaya inihakbang na siya ang mga paa. Automatic na bumukas ang ilaw sa bahaging iyon. Hinanap ng mata niya ang switch at pinindot iyon. Lumiwanag ang buong silid na mayamaya lang.
Hindi niya maiwasang mapahanga nang makita ang kabuuhan niyon. Higit na mas maganda rito kesa sa condo ni Dave.
Iginiya niya ang mga paa palapit ng sala at naupo roon habang naglulumikot ang kaniyang paningin. Napatingin siya sa pintuan nang biglang bumukas iyon.
Nakasimangot na mukha ni Dave ang iniluwan niyon. Tumingin ito sa kan’ya na parang pasan ang mundo.