CHAPTER 2

3857 Words
Mag-isang nagbabantay ngayon si Monique kay Georgina sa ospital. Nakiusap siya kina Don at Dwight para makapagpahinga rin ang mga ito at makaligo. Paano ay sabay ang dalawa na nagbabantay kaya tuloy ay mag-isa siya ngayon. Pero babalik rin naman sa gabi ang mga ito. After ng part time niya kasi ay dumidiretso siya sa ospital. Hindi naman sa dahil nakokonsensya siya, kung ‘di may isa pang rason. Inaasam niyang makita muli roon ‘yong crush niya. Kahit pagod ay nagtiyaga siya. Hindi naman siguro siya masamang kaibigan kung may iba pa siyang agenda bukod sa pagmamalasakit sa kaibigan. Nagbabasa siya ng novel matapos niyang punasan si Georgina. Kahapon ay nagising na raw ang kaibigan niya at nakalulungkot lang dahil wala itong maalala kahit ni isa. Tutok na tutok siya sa kanyang binabasa na nakakikilig nang biglang may pumasok. Hindi na siya nag-abalang tingnan pa ito dahil baka si Don o Dwight lang ‘yon. Pagabi na rin kasi kaya hindi malabong isa sa dalawang iyon ang pumasok. “You’re like a butterfly, pretty to see, hard to catch,” basa niya sa linya ni Acer na siyang bidang lalaki sa story. Nakakikilig kasi ang mga bida at napakaromantiko ng lalaki sa kuwento. Iniisip niya nga na sana siya na lang si Zarina para may naghahabol din sa kanya. Ang suwerte naman nito. Naisip niya kung may gano’n kaya sa totoong buhay? “Anong sinasabi mo?” Bigla niyang nabitawan ang kanyang hawak na libro dahil sa gulat. Pagtingin niya sa taong nagsalita ay napangiti siya nang alanganin at sinabayan ito ng pagtayo. Naiilang siya sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Ano naman kaya ang iniisip nito sa kanya at nakakunot ang noo? ‘Oh my gosh! Nandito siya!’ tili niya sa kanyang isip. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanyang damit para pigilan ang nararamdamn niyang kaba. Baka kasi hindi niya mapigilang mangisay sa sobrang kilig. “Ah! Huwag mo na akong titigan. Baka matunaw na ako.” “Ah . . . Eh . . .” Nauumid yata ang dila niya at hindi siya makapagsalita nang maayos. Nakataas ang kabilang kilay nito habang nakatingin sa kanya at hinihintay ang kanyang sagot. “Narinig niya ba ang sinabi ko?” Hindi niya alam kung kakamot ba sa kanyang ulo o kakagatin na lang ang mga labi. “Nevermind,” matabang na saad nito at umupo na sa kabilang upuan na nasa tabi ni Georgina. Pinagmasdan niya ito nang palihim. Hindi niya pa alam maging ang pangalan nito dahil wala naman siyang mapagtanungan. Hindi niya nakauusap nang matino si Don at Dwight at baka kung ano pa ang isipin ng mga ito kapag nagtanong siya. ‘Bakit kaya mukha siyang malungkot? Sino ba talaga siya?’ Bigla ay napalingon ang lalaki sa kanya at nahuli siya nitong nakatitig. Nginitian niya ito nang matamis pero tinaasan lamang siya ng kilay nito. ‘Ano? Ang taray naman niya! Bakit siya ganyan? Panay ang taas ng kilay. Hay! Nakakainis naman!’ Parang gusto niya ng mainis nang tuluyan sa pakikitungo nito sa kanya. Parang pinahihiwatig na ayaw siya nitong kausap o kahit ang makita. “Hindi niya yata napapansin ang beauty ko.” “What?” taas-kilay nitong tanong sa kanya “W-Wala naman. Nagtataka lang kasi ako. Kaibigan ka rin ba ni Georgina?” tanong niya na lang. Mas’yado ring malihim ang kaibigan niya pero hindi niya naman pinipilit na magsalita kung ayaw nitong magsabi. Minsan ay mas magandang solohin din ang mga problema kung kaya naman. Kung ano man ang kaugnayan nito sa lalaki na nagpapagulo sa sitwasyon ay marahil pinili ng kaibigan niya ang ilihim na muna. “Ano nga pala ang pangalan mo?” nagbabakasakaling tanong niya. Muli ay tiningnan siya nito nang nakataas ang kabilang kilay. ‘Ay, ang taray talaga! Kaunti na lang at iisipin kong barbie siya. Eh! Hindi, eh! Mas’yado siyang guwapo para maging bakla. Malalaman ko rin kung sino ka.’ Mas’yado itong hot para maging ‘Barbie’ lang kaya nagtiyaga muna siya sa pagmamasid rito kahit hindi na siya nito sagutin sa kanyang tanong. “Natanong ko lang. Hindi kasi kita kilala.” “Dome,” tipid nitong wika na ikinagulat niya. Nanlalaki ang kanyang mga mata na napatitig dito. “Dome? Dome ang pangalan mo?” ulit niya sa sinabi nito. Nakakunot na naman ito nang tapunan siya ng tingin nito. “I hate repeating myself, lady,” malamig nitong saad. Napangiwi siya nang palihim. Hindi man lang nito maalala ang kanyang pangalan. Magpapakilala nga siya ulit baka sakaling matandaan na nito. “I’m Moniq—” “Okay, Monique. I’m Dome, Don’s brother. So give me at least some peace this time. You’re kind of annoying,” wika nitong halata sa mukha ang inis. Napanguso na lang siya sa sinabi nito. ‘At least ngayon ay alam ko na kung sino siya. A Salvatore!’ Napangiti siya nang malawak. Makabibingwit na rin siya ng isang Salvatore. Kaunting tiyaga lang siya sa isang ‘to at mukhang hard-to-get. “O-Okay, Dome. As you wish,” magiliw niyang wika at pinulot na ang nahulog niyang libro. Binuklat niya iyon nang nakaharap sa binata para mabisitahan niya pa rin ang guwapo nitong mukha habang nagbabasa. “Ayokong tinititigan ako,” wika nito kapagkuwan habang nagbabalat ng mansanas. Naitago niya ang kanyang mukha sa nakabuklat na libro. Mas’yado yata siyang halata at napansin nito. “Kaasar naman! Ang damot.” Napanguso ulit siya. Mas’yado itong maarte. Kinuha niya na lang ang kanyang phone na nasa bag. Kikilalanin pa rin niya ito sa ibang paraan. “What’s the use of social media, ‘di ba?” Kilala ang pamilya nito kaya alam niyang may makikita siyang information sa social media dahil nakilala niya rin si Don na boyfriend ng kanyang kaibigan sa internet. Nagsimula na siyang mag-search ng tungkol kay Dome at nagulat siya dahil isa lang ang nakikita niyang lumalabas na resulta. ‘DM Salvatore — The Famous Artist.’ Napanganga siya nang ma-browse niya na ang information tungkol sa binata at pinasadahan ng basa ang mga highlights na caption. “Really? He’s a well-known painter?” hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili at palihim na sinulyapan itong muli. ‘Di bale nang magkandaduling siya masulyapan lamang ulit ito. Tiningnan niya rin ang mga sample na gawa ni Dome na nai-feature sa mga art gallery at magazines. “Oh!” humahanga niyang sambit. Nakabibilib naman pala itong binata sa harap niya. ‘Ba’t ngayon ko lang siya nakilala?’ ‘Paano ay mga K-Pop ang laging laman ng isip mo.’ Para na siyang timang dahil nagtatalo ang isip niya. “Woah!” hindi niya na naman mapigilang usal nang makita ang isang napakagandang tanawin na obra nito. Parang buhay na buhay at totoo ang rancho na ipininta nito. At totoo nga na ito ang may gawa dahil may initials na ‘DM Salvatore’ sa ibaba ng painting. “May mga tao talagang walang pakialam o sadyang nagpapapansin lang. Will you please lower down your voice?” biglang sita nito at halata sa boses ang pagkainis. “Sorry. ‘Di na mauulit,” hinging paumanhin niya na nakayuko. Medyo nasaktan siya sa pagsita nito pero kasalanan niya naman kaya tumahimik na siya at para hindi na ito mainis sa kanya nang tuluyan. Plano niya pa namang magpa-impress tapos ngayon pa lang ay sira na. Nagkasya na lang siya sa panonood ng mga larawan nito sa media at palihim na pagsulyap dito. ‘I have my eyes on you, Dome!’ ARAW nang paglabas ni Georgina sa ospital kaya nagmamadali si Monique na puntahan ang kaibigan. Katatapos lang ng shift niya sa café kung saan siya pumapasok bilang part-timer. Nagmamadali siya para maabutan niya si Georgina. Sa kanyang pagmamadali ay bigla na naman siyang nabangga. Napasubsob siya sa nakabanggaan niya. “Aw!” daing niya at napahawak sa kanyang noo na tumama sa kung ano o sino man ‘yon. Ang tigas naman kasi. Pagtingin niya roon ay nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang kanyang nakabangga. “S-Sorry!” hinging paumanhin niya sa guwapong lalaki. Kamukha ito ni Dome at bahagya pa siyang kinabahan dahil nasa likuran lang ito ng lalaki. Akala niya pa nga ay si Dome na naman ang kanyang nabangga. “Hi, there! I’m sorr—” “No, no, no! Ako ang dapat mag-sorry,” hinging paumanhin niya ulit sabay yukod rito. “Psh!” dinig niyang sambit naman ni Dome. Sinulyapan niya ito at nakita na naman niya ang nakataas nitong kilay. “N-Nand’yan pa ba si Georgina?” nauutal niyang tanong sa nabangga niya. Matamis siya nitong nginitian at sinagot nang magiliw. “Nakalabas na. Sa mansion siya dinala ni Don,” saad nito. Bahagya siyang nalungkot. Una ay dahil hindi rin siya maalala ng kanyang kaibigan at pangalawa ay hindi na niya makikita ang kanyang crush na suplado. “Sige, mauna na kami sa ‘yo. Puwede mo namang dalawin sa mansion si Georgina. Baka makatulong din para may maalala siya,” malumanay nitong wika kaya bigla siyang natuwa. Ibig sabihin ay makikita pa rin niya si Dome. Napangisi siya nang palihim. Salamat sa lalaking ito na sa palagay niya ay kapatid rin nito. “Akalain mo nga naman ang pagkakataon, oh.” Sinusundan niya ng tanaw ang mga ito na paalis na rin, partikular na sa malapad na likod ni Dome. Kahit mukhang masungit ang binata ay type niya pa rin ito. ‘Gusto ko na talaga siya . . .’ Nagpasya si Monique na umuwi na sa kanyang apartment. Doon ay nagsimula na naman siyang tingnan ang mga larawan ni Dome. Ang guwapo nito sa mga pictures, at katunayan ay isa sa mga nakangiti nitong mukha ang wallpaper ng kanyang cellphone. Saka niya lang napansin na may dimple pala ang binata. “So charming! Nakaka-inlove ka naman talaga, Dome. Bukod sa talented at guwapo na ay mayaman pa. Pansinin mo naman ako,” parang timang na kausap niya sa larawan nito. Nag-browse pa siya sa internet tungkol sa binata. Ang nangyayari ngayon ay nang-stalk na siya. Lahat ng mga events at documentaries na naroon ito ay kanyang binabasa. “And he is really famous. Akalain mong may fan club pa?” Napangisi siya dahil may naisip siyang kalokohan. Kahit hindi siya mahilig sa paintings or any related sa arts ay yayakapin niya na iyon dahil propesyon iyon ng lalaki. “I’ll support you, Domey baby. I’ll be your number one fan!” nasisiyahang saad niya. Nag-register siya sa isang malaking fan club ni Dome na DOMEIN. Medyo pangit para sa kanya pakinggan ang pangalan pero iyon lang ang pinakamalaki at legal na fan club nito. Sosyal pa naman at may bayad pa para maging member. “Hindi kaya scam ‘tong fan club na ‘to?” Nag-aalinlangan pa siya sa gagawin. Pero dahil may nakalagay na official fan club ay sinubukan na niyang pumasok sa site. Nang masagot niya ang mga kung ano-anong katanungan tungkol kay Dome ay kaagad siyang natanggap. Mabuti na lang at alam niya ang mga saglalak “Siyempre, ilang araw ko ring ginugol ang oras ko sa pang-stalk sa ‘yo,” napangingiting kausap niya muli sa larawan nito. “Yey!” tili niya nang malapit na siyang maging official fan girl nito. May chance muli siyang maka-meet and greet si Dome kapag may event na ito dahil tanging iyon lang ang fan club na pinapayagang maka-meet and greet ang idol nila. “Buwis*t! May one last question pa!” Napasimangot siya nang mabasa ang walang kuwentang tanong na hindi niya alam kung maging ang mga admin ay alam din ba ang tamang sagot. Iyon naman ay para sa final confirmation pa. “Arte! Tulad ng idol nilang maarte! ‘Di joke lang. Crush kaya kita, kaya para sa ‘yo ‘to.” Binasa niya ang huling tanong. “Ano ang madalas niyang kaining dessert sa gabi?” Napanganga siya sa kanyang nabasa. “Seryoso? Ay, buwis*t naman! Malay ko ba? Napakapersonal naman mas’yado at pati ba naman ‘yon ay alam nila? Close kayo?” Padabog na tumayo siya. Paano ay hindi niya alam ang sagot. Pero muli ay gumana ang kanyang utak at napangiti na naman siya. “Kailangan ko nang mabisita si Georgina para matanong ko si . . . Sino ba ang tatanungin ko? Siguradong hindi ako sasagutin ni Dome, eh!” Napakamot na lamang siya sa kanyang ulo. Pero gagawin niya pa rin para sa pururot niyang paghanga sa binata. Malay niya at mapansin din. Malalim na humugot ng hininga si Monique at lakas-loob na pumunta sa mansion ng mga Salvatore. Dadalawin niya ang kaibigan at isa pa ay para makita at makausap si Dome. Pinapasok naman siya sa loob ng mansion. Dati ay ang mataas na pader at gate lang ang nakikita niya sa mansion ngunit ngayon ay nakapasok na siya. 'Ang yaman nga nila. Sabi ni Georgina ay may villa, rancho at malaking kompanya pa ang mga Salvatore. Tapos may hacienda pa nga raw sa Ilocos. Suwerte naman ng kaibigan ko. Kaya kailangang masungkit ko si Dome.' Malakas na napatawa siya sa kanyang isip na kung hindi niya napigilan ay baka iisipin ng makarinig na may saltik siya. Tinuro siya sa pool area kung saan naroroon ngayon si Georgina. Pagkakita ng kaibigan sa kanya ay hindi man lang siya nginitian. Bahagya siyang nalungkot pero kinausap niya pa rin ito. Lihim niya ring inililibot ang paningin sa paligid. Hindi na niya na-appreciate ang karangyaan sa paligid ng mansion dahil wala roon ang kanyang hinahanap. Bigla namang dumating ang Mama marahil ng mga ito. Magiliw siyang binati ng ginang at ganu'n din siya. Napangiti siya ng palihim sa naisip. 'My future Mom.' "Pasensya ka na, hija. Maging kami ay nalungkot din. Milagro pa ngang nakaligtas siya dahil ang driver ng sinakyan niyang taxi ay dead on the spot. Sa utak naman ang pinsala kay Georgina," malungkot na pahayag ng ginang habang nakatingin sila kay Georgina na tulala lamang. Nakisimpatiya siya para makuha rin ang loob nito but deep inside of course, she is sad. "Okay lang po. Mabuti nga po at okay naman siya physically. Nasaan po pala si Don?" tanong niya dahil wala sa tabi nito si Don na dapat ay higit na mas kailangan nito bilang moral support. "Nasa opisina. Pero narito rin si Donny. Baka nasa kusina lang. Puwedeng dumito ka muna, hija? Aalis din ako ngayon, eh!" pakiusap ng ginang kaya malugod siyang pumayag. Pagkakataon nga naman at pumapabor sa kanya. "O-opo. Wala pong problema," tugon niya at umalis na ito. Matiyaga siyang nakamasid sa kaibigan niya. Tahimik lamang itong nakatingin sa tubig. Mayamaya ay dumating ang nakabangga niya sa ospital. Donny pala ang pangalan nito. "Hi!bMeryenda tayo," yaya nito at may bitbit na tuna canapé at lemon juice sa isang tray. "Sige lang, salamat. Sarap naman niyan," sabi niya. "Yep! Favorite naming dalawa ni Dome. Pero sa gabi niya lang ito kinakain. Minsan nga hapunan niya itong tuna canapé lang, eh! Ang weird niya talaga. Akala mo may diet." Napamaang siya sa sinabi nito. 'Wow! Akalain n'yo 'yun? Nalaman ko kaagad ang gusto kong malaman nang hindi pa naitatanong. Thanks to you, Donny daldalero. Isa kang anghel na inihulog sa lupa.' "T-talaga? Tuna canapé ang dessert niya sa gabi?" ulit niyang tanong para makasiguro. "Yep! Pang fit kasi 'yun. Saka maarte sa pagkain si Dome," anito. Napangisi siya sa nalaman. Alam niya na ang isasagot sa weirdong tanong sa fan club ni Dome. 'Tuna Canapé is Dome's dessert at night!' HALOS araw-araw na siyang bumibisita sa mansion ng mga Salvatore. Pero sa malas ay hindi niya pa namamataan si Dome. Ang sabi sa kanya ng isang katulong ay umalis si Dome marahil daw ay sa propesyon nitong pagpipinta. 'Saan ko naman siya hahanapin?' Gusto niyang makita si Dome. Nami-miss niya na ang binata. Nasa café siya ngayon at abala sa pag-aassist sa mga customer nang may pumasok sa café na hindi niya inaasahan. Kaagad na tinambol ang kanyang puso sa kaba. Mabilis siyang lumapit riro para mapagsilbihan niya. "Have a great day, Sir! Dito po may bakante," kaagad niyang ikinawit ang isang braso sa braso nito at iginiya ito sa bakanteng mesa. Napatingin ito sa kanya na salubong ang mga kilay. "Anong order mo, Dome?" magiliw na tanong niya pagkaupo nito. Gulat na nakatingin ito sa kanya nang makilala siya. "You work here?" tanong nito na halata ang pagkagulat. Nagdiwang siya sa kanyang isip dahil mukhang naalala siya nito. "Part-time lang sa ngayon. Nagre-review pa kasi ako para sa LET. Gusto ko rin kasing maging propesyunal teacher," masuyong wika niya. Napatango lang ito kapagkuwan ay um-oder na. Siya na ang naghatid ng in-order nito. Abala na ito sa pagbabasa ng libro nang madatnan niya sa puwesto nito. Nakatayo lang muna siya room at tinitigan ang seryoso nitong mukha. 'Napakaguwapo niya talaga!' Makakapal ang kilay at malalim ang mga mata nito na kung tumingin ay parang nanghihigop. Nahihipnotismo siya sa mga titig nito maging sa boses ng binata. Bumaba ang tingin niya sa matangos nitong ilong. Ang sarap titigan at hawakan. Nangangati ang kanyang mga kamay na ilapat iyon sa makinis nitong balat. Nang bumaba ang paningin niya sa mapupulang labi nito ay napalunok siya Parang nanunuyo ang kanyang lalamunan. Tila kay lambot at kaysarap ng mga labi nito. Wala sa sariling napakagat-labi siya. Bigla ay napatingin si Dome sa kanya kaya napatda siya. Ang lakas ng kabang naramdaman niya. "Hindi mo ako kailangang bantayan. I need privacy," malamig na wika nito. Malungkot na tumalima siya at inilapag na ang in-order nito. Umalis na siya roon para mag-istema ng ibang customer. Pero pasulyap-sulyap siya sa puwesto nito. Bakit naman kaya napakalungkot ng mga mata ng binata? 'Pansinin mo lang ako, Dome. Paliligayahin kita,' pilyong saad niya isip. She wants to see him smiling. Gusto niyang makita ang malalalim nitong dimples na lalong nagpabighani sa kanya kay Dome. Kahit parang invisible siya sa paningin nito ay crush niya pa rin ito. Malapit na nitong maubos ang in-order nito kaya nagmamadali siyang lapitan ito para malinis ang mesa. Nanghinayang naman siya. Palapit na siya sa puwesto nito nang may biglang tumawag sa cellphone nito at sinagot nito kaagad. Napahinto siya saglit para makinig. "Yes. I'm busy right no, Caroline. Saka break na tayo. I'm going out of town so stop calling me already, okay? Bye!" 'Ah, ex pala. Aalis pala siya? Saan ko naman siya susundan? 'Di rin naman puwede dahil nagre-review pa ako.' Malungkot na hinatid niya na lang ng tingin ang binata palabas ng café. Pero bigla niya itong hinabol nu'ng nakalabas na ito. "Dome, sandali!" pigil niya rito at nilingon siya nitong nakakunot-noo. Matamis niya itong nginitian at kinapalan na ang mukha. "Puwede bang magpa-autograph? Fan mo ako, sobra!" saad niya at inilahad ang nakuha niya sa kanyang wallet sa bulsa. Isang one by one picture niya. Taas-kilay nitong tinitigan ang hawak niya kapagkuway binalik sa kanyang mukha ang tingin nito. "Since when?" tanong nitong may pagdududa. "Since the day I meet you," walang paligoy-ligoy niyang sagot. Malapad ang ngiti niya na inignora lang nito. Atubiling tinanggap nito ang picture niya at tiningnan muna kaya tinakpan niya iyon ng kanyang kamay. "W-wag mo nang tingnan. Nakakahiya. Pirmahan mo na lang sa likod. Hehe!" nahihiya niyang sabi. Balewalang pinirmahan na nito ang likod at iniabot sa kanya. Matamis niya itong nginitian. Parang gusto na niyang yakapin si Dome sa saya at kilig niya rito. "Maraming salamat, Domey!" masayang sabi niya. "What the! Anong Domey? Dome lang ang pangalan ko," tila naiinis na sabi nito. "Para maiba naman.Parang endearment—" "What? At bakit mo gagawin 'yun? Close ba tayo?" matigas na tanong nito. Bahagya siyang nagulat sa reaksyon ng binata. Humahaba na yata ang mga salita nito ngayon sa pakikipag-usap sa kanya. "Magiging close pa lang," pangiti-ngiti niyang saad. "It won't happen," tila siguradong sambit naman nito. Medyo nasaktan siya ro'n pero makapal talaga ang mukha niya. "Okay, 'di 'wag. Basta hayaan mo akong hangaan ka. Crush kaya kita, Dome!" walang habas niyang pag-amin. Kaagad siyang tumalikod at bumalik sa loob ng café. 'Phew! First time kong umamin sa isang lalaki. Baliw na ako!' Napasuklay siya sa kanyang buhok gamit ang mga daliri. "Saan ka galing? May naghahanap sa 'yo sa dulo," salubong ng kasamahan niya. "Sino raw?" takang tanong niya pero nagkibit-balikat lang ito. Pinuntahan niya na lang at nagulat nang makita ang lalaking tumayo naman pagkakita sa kanya. "Andrei?" gulat niyang sambit. "Hi, Monica!" bati nito at niyakap siya. Hinampas niya naman ito sa braso. "Huwag mo sabi akong tawaging Monica, eh! It's Monique," pagtatama niya kahit ang totoo niyang pangalan ay Monica naman talaga. "Kumusta ka na? Lalo kang gumuwapo, ah!" komento niya nang humiwalay ito ng yakap sa kanya. Isa si Andrei sa mga kababata niya sa Santiago. "Dati pa 'di mo lang napansin. Ikaw nga, eh! Lalo kang gumaganda. May boyfriend ka na, no?" tanong nito na ikinangiti niya ng malapad. "Malapit na," tugon niya at tinawanan lang siya nito "Ganu'n? Sino naman ang malas na lalaking 'yun—" "Tse! Ang sama mo. Ikaw talaga kahit kailan spoiler ka. Hindi ka supportive," may himig hinampo na wika niya. Niyakap siya nito ulit habang natatawa. "Hindi naman mabiro. Siyempre sa lahat ng bagay ay suportado kita. Alam mo naman 'yun 'di ba?" masuyong wika nito. Gumanti siya ng yakap dito. Isa si Andrei sa kababata niya na ipinagtatanggol siya nu'ng kabataan nila. Dalawa lang ang kaibigan niya noon at puro lalaki pa. Ang isa ay ang mayaman nilang kaibigan na ngayon ay 'di niya na nakita mula nang mag-aral ito sa US. 'Kumusta na kaya siya? Ang first love ko?' Malungkot siyang napangiti. Kung magkikita ba sila ay may mararamdaman pa kaya siya? Pero si Dome na ang gusto niya ngayon. 'Gusto ka ba?' kontra ng isip niya. Hindi tulad sa first love niya noon na may mutual feelings sila. Umamin lang ito nu'ng paalis na ng bansa at sobra siyang nasaktan noong umalis na ito. Nagalit siya ng sobra noon. "May balita ka pa ba kay...kay—" "Aha! 'Di mo pa rin siya nakalimutan, no! Hahaha! Sabi na, eh! Nasa Santiago na siya ngayon. Kailan ka ba babalik para mag-reunion na tayong tatlo?" anito at tinudyo-tudyo pa ako. Pero nagulat talaga siya sa sinabi nito na nasa Santiago na pala ang tinutukoy niya "Hindi pa puwede. Nagre-review pa ako," saad niya. "Nakakalungkot naman. Ako nga rin next month aalis na ng bansa. Pupunta na ako sa Taiwan dahil may trabaho na ako roon," wika nito. "Ang sama n'yo naman. Nakakainis! Dumating na nga ang isa, aalis din ang isa pa. Iiwan n'yo na naman ako, eh!" Parang gusto niya nang magtampo. Si Georgina rin iniwan siya kahit hindi literal dahil hindi siya maalala. "Arte! 'Di bagay sa 'yo. If I know siya lang ang mami-miss mo," wika nito at tinudyo ulit siya. Napasimangot na lamang siya. Nakaka-miss ang samahan nilang tatlo. Pero ngayon ay nagbago na. May galit pa siya sa lalaking nang-iwan sa kanya matapos nitong umamin na gusto rin siya. Ilang taon siyang malungkot dahil sa taong 'yun, kay Gavin Eglesias.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD