Chapter Seven

590 Words
Ilang gabi rin na hindi makatulog si Emilio magmula ng makilala niya ang babaeng nagpunta sa opisina niya. Hindi na rin siya nito binalikan pero araw – araw niyang tinitingnan ang mga litratong naiwan nito. Sumasakit lang ang ulo niya sa kakaisip kung sino ba at ano ang kinalaman ng babaeng ito sa buhay niya. Kakatapos lang niyang maligo at nakaharap sa salamin. Ilang araw na rin niyang tinitingnan ang kanyang sarili at hindi nga nagkakamali ang mga taong nakakita sa kanya. Napakalaki ng ipinagbago ng katawan niya. Parang tingin niya ay nag – training siya sa gym o kung saan man. Napatingin siya sa kanyang kamao at nakita niya ang mga peklat na naroon na parang galing sa mga suntok sa kung ano. Napako ang paningin niya sa kanyang mga daliri partikular sa kanyang palasinsingan. May bahid na puti ang kanyang balat. Para bang nagsuot siya ng singsing na matagal at nawala lang. Napalunok siya at napatingin sa sariling repleksyon sa salamin. Hindi nga kaya totoo ang sinasabi ng babae sa kanya. Napailing siya at tinungo ang kanyang kama. Gusto na niyang magpahinga. Sa dami ng trabaho na dapat niyang ayusin ay ayaw na niyang idagdag pa ang mga ito sa isipin niya. Kaya nga hindi niya sinasabi sa kanyang pamilya ang paglitaw ng babaeng iyon dahil ayaw niyang kulitin siya ng mga ito. Pinilit niyang ipikit ang mga mata. Marahil ngayong gabi ay makakatulog na siya ng matiwasay. Napakaingay ng kapaligiran na kinaroroonan niya. Hindi na magkarinigan ang mga tao sa lakas ng mga sigawan. Nagbibigay ng mga pera. Sa tingin niya ay mga nagpupustahan ang mga ito. Nakapalibot ang mga tao sa isang parisukat na ring at naroon sa gitna ang dalawang tao na tila magbo – boksing pero kataka – takang walang gloves ang mga maglalaban at bakit walang referee? “Carlos, malaki ang pusta sa iyo ni Ledesma. Huwag mong ipapatalo ang laban na ito,” narinig niyang sabi ng isang lalaki mula sa kanyang likuran. Gusto niyang magprotesta. Gusto niyang itama sa lalaki na hindi Carlos ang pangalan niya kundi Emilio at hindi siya marunong ng ganitong laro. Nakita niyang nakatingin sa kanya ang lalaking makakalaban niya at nakangisi sa kanya. “Mag – ingat ka kay Diego. Marumi maglaro iyan at talagang mainit ka sa isang iyan. Pamangkin iyan ni Pacheco. Malaki ang gusto niyan kay Anna at masamang – masama ang loob ng magpakasal kayong dalawa,” sabi pa ng lalaki. Nakarinig siya ng malakas na tunog ng bell. Nakita niyang tumayo ang lalaking Diego ang pangalan at lumapit sa gitna. Marahan siyang itinulak pa – gitna ng lalaking nagsasalita sa likod niya. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin dito. Nakarinig siyang muli ng isang malakas na tunog ng bell at walang sabi – sabing inundayan siya ng isang malakas na suntok sa mukha ng lalaking kaharap niya. Napabalikwas ng bangon si Emilio. Pawis na pawis siya at wala sa loob na nahawakan ang panga. Pakiramdam niya ay nabasag yata ang lahat ng mga ngipin niya. Napatingin siya sa paligid at nakita niyang naroon pa rin siya sa loob ng kanyang silid. Pero napakalinaw ng panaginip niya. Parang totoong – totoo ang mga pangyayaring iyon. Ramdam na ramdam niya ang malakas na suntok ng lalaking iyon sa mukha niya. Napasandal siya sa headboard ng kama. Marahil ay kailangan niyang harapin muli ang babaeng nagpunta sa opisina niya. Sa tingin niya ay makakatulong ito para malaman niya kung ano ang nangyari sa kanya sa loob ng dalawang taon na nawala siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD