“Mukhang busy ka, ah!”
Napalingon si Anna sa nagsalita at napasimangot ng makilala kung sino ang nandoon.
“Anong kailangan mo Diego?” inis na tanong niya at ipinagpatuloy ang pagwawalis sa harap ng bahay.
“Hindi ko kasi nakikita si Carlos sa kuwadra. Matagal na siyang may laban pero hindi niya sinisipot. Pinapahanap ni uncle,” nakangising sagot nito sa kanya.
Hindi siya agad nakasagot. Pinigil niya ang sarili na maiyak.
“W – wala siya dito. Umalis sandali. Meron daw siyang importanteng aasikasuhin,” tanging sagot niya.
Narinig niyang napatawa ito.
“May aasikasuhin o iniwan ka na?”
Galit siyang tumingin sa lalaki.
“Umalis ka na dito, Diego. Wala dito ang hinahanap mo.”
Bahagya siyang napaurong ng lumapit sa kanya ang lalaki.
“Kahit nagpakasal ka pa sa kanya Anna, gusto pa rin kita. Matagal na akong laway na laway sa’yo. Kahit isang gabi lang,” tingin niya kay Diego ay isang demonyo na kaya siyang halayin anumang oras.
Malakas niyang sinampal ang lalaki.
“Umalis ka na dito! Bastos ka!”
Nakita niyang hinawakan lang nito ang pisnging nasaktan at muling ngumisi sa kanya.
“Tingnan natin kung babalikan ka pa ni Carlos. Nandito lang ako kung kailangan mo,” at tatawa – tawang iniwan na siya nito.
Doon na siya napaiyak. Kung nandito ang asawa niya ay hindi mangyayari iyon. Si Carlos ang tagapagtanggol niya kay Diego. Hindi papaya si Carlos na bastusin siya ng ganun ng lalaking iyon. Pero paano na ngayon? Wala na ang asawa niya. Hindi na siya kilala ng lalaking pinakamamahal niya.