"Dahan – dahan ang pagmamaneho. Wala ka pang ilang linggong natuto. Huwag mong bilisan," narinig ni Anna na sita ng kanyang kapatid.
Napatawa lang siya at muling itinutok ang paningin sa kalsada. Marahan naman ang pagmamaneho niya sa owner type jeep ng kuya Arden niya. Alam niyang kinakabahan kasi itong maibangga niya ang sasakyan nito kaya paulit – ulit ang paalala sa kanya.
"Huwag mong masyadong tapakan ang gasolina. Mag – menor ka sa mga humps," sabi pa nito habang nakatingin din sa kalsada.
"Tumahimik ka na nga lang. Mas lalo akong nine – nerbiyos sa ingay mo, eh." Sagot niya dito.
Napakunot ang noo niya ng makita na may lalaking tila lasing na naglalakad patungo sa direksyon nila. Binusinahan niya ito.
"Ano ba ang taong iyan? Lasing ba iyan?" narinig niyang komento ng kuya niya at maging ito ay pumindot din sa busina.
Pero tila walang naririnig ang lalaki. Patuloy lang ito sa paglalakad ng wala sa direksyon. Napansin niyang parang duming – dumi ang itsura nito.
"Hoy! Kung magpapakamatay ka huwag kang mangdamay!" sigaw ng kuya niya.
Tumingin lang sa gawi nila ang lalaki tapos maya – maya ay bigla itong tumumba.
"Nabangga mo yata, Anna! Ihinto mo!" sabi ng kuya niya at mabilis na bumaba ng owner at nilapitan ang lalaki.
Ganoon din naman ang ginawa niya. Bumaba siya at lumapit din. Nakita niyang basang – basa at amoy imburnal ang lalaki. May mga gasgas at galos ito sa mukha at braso. May malaki din itong putok sa bandang noo. Pero tingin niya ay hindi naman taong grasa ang lalaki. Naka – suot ito ng itim na slocks at naka – long sleeves at kurbata pa.
"Anong nangyari sa kanya?"
"Parang binugbog o naaksidente siguro," sabi ng kuya niya at nakita niyang inisa – isa nito ang bulsa ng lalaki.
"Naku kuya Arden, anong ginagawa mo? Pinag – nanakawan mo pa 'yang lalaki," sabi niya.
"Naghahanap ako ng kahit na anong identification para matawagan natin ang mga kamag – anak niya. Tingin ko naman hindi basta – bastang tao ang isang ito," sagot ng kuya niya.
Saglit niyang minasdan ang lalaki. Totoo nga ang sinasabi ng kanyang kapatid. Hindi nga ito mukhang basta – basta lang. Kahit na nga sabihin na madungis at marumi ang hitsura nito. Tingin nga niya ay guwapo ang lalaki. Parang artista nga ang tingin niya.
Nakita niyang inalalayan ng kapatid niya ang lalaking walang malay.
"Tulungan mo ako. Dalhin natin siya sa ospital," sabi nito.
Sumunod na lang din siya sa sinabi ng kapatid.