Chapter Thirteen

717 Words
Nang gabi ring iyon ay isinama siya ni Arden sa kuwadra na sinasabi nito. Malayo pa lang ay kita na niya ang may kalumaang bodega na maraming mga sasakyan ang nakaparada sa harap nito. Pamilyar sa kanya ang lugar. Pakiramdam niya ay talagang nagpunta na siya sa lugar na ito. Nabanggit sa kanya ng lalaki na may malaking laban ngayong gabi at isa si Diego sa mga iyon. Sa pagkakabanggit nito, parang talagang kilalang – kilala niya ang Diego na sinasabi nito. “Hindi mo talaga naaalala si Diego?” napapailing na tanong ni Arden sa kanya. “Hindi ko talaga siya maalala. Wala akong maalala,” tanging nasambit niya. Napatawa ang lalaki sa narinig na sagot niya. “Alam mo bang kulang na lang patayin mo si Diego ng makita mong hinahalikan ang kapatid ko? Masugid na manliligaw ni Anna ang lalaking iyon. Kaya ka nga nakapasok sa kuwadra ay dahil kay Anna. Hinamon ka ni Diego na kung matatalo mo siya sa laban sa kuwadra, hindi na niya guguluhin pa ang kapatid ko. At ginawa mo nga. Ikaw ang unang nakapagpatumba sa kanya dito. Isipin pang unang laban mo lang iyon,” sabi pa nito sa kanya. Hindi niya maisip na napasali siya sa ganitong trabaho. Siya ang taong ayaw na ayaw sa gulo. At sa nakikita niya ngayon, sa pagkakaingay ng mga nagpupustahan sa lugar na iyon, talagang hindi maiiwasan na magkaroon ng gulo anumang oras. Saka isa pa, hindi siya bayolenteng tao para magawa niyang manakit. Oo nga at marunong siya ng jiu jitsu at iba pang martial arts pero hindi niya ginagamit ang mga iyon kung hindi kailangang – kailangan. Pagpasok nila ay mas lalong nakakabinging ingay ang sumalubong sa kanila. Hindi na niya maintindihan ang mga sinasabi ng mga tao dahil sa saya ng mga iyon sa nakikitang nagbubugbugan sa ibabaw ng ring. “Carlos! Mabuti naman at bumalik ka dito,” narinig niyang sabi ng kung sino mula sa kanyang likuran. Napakunot-noo siya ng sinuhin kung sino iyon. Isang may edad na lalaki iyon na nakasuot ng amerikana at may kipit na clutch bag sa kili – kili nito. Sa tabi nito ay isang lalaki na kasing edad lang din niya at masama ang tingin sa kanya. Pinilit niyang ngumiti sa mga ito kahit hindi niya ito kilala. “Si Pacheco at Diego ang mga iyan. Wala silang ideya sa kalagayan mo,” narinig niyang bulong ni Arden. “Akala ko talagang iiwan mo na ako at ibibitin ang mga laban mo. Aba, sayang ang mga pusta sa iyo. Alam mo naman ikaw ang paborito ng mga parokyano ko,” sabi ng lalaking Pacheco ang pangalan. “May kailangan lang akong asikasuhin,” tanging sagot niya. “Ano ang inaasikaso mo? Balita ko iniwan mo na daw si Anna at anak ‘nyo. Kung ayaw mo na, ibigay mo na sa akin. Laman tiyan pa din naman ang asawa mo. Maganda pa rin at sexy kahit naanakan mo na,” narinig niyang sabat ng lalaking Diego ang pangalan. Hindi niya alam kung bakit parang nagpanting ang tenga niya sa sinabi nito. Oo nga at hindi niya maalala kung sino ang babae pero wala itong karapatan na bastusin nito ang kahit na sino. Napatingin siya kay Arden at nakita niya ang pigil na pigil na galit nito. Ngumisi siya sa lalaki. “Hindi ka pa rin sumusuko? Hindi ko iniwan ang asawa ko at kahit kailan hindi ko iiwan ang asawa ko,” hindi niya alam kung saan nanggaling ang sagot niyang iyon. Natawa lang si Diego. “Tingnan natin. Mag – ingat ka na. Sa susunod baka hindi ka na makauwi sa asawa mo,” natatawang sabi pa nito at umalis na doon. Pigil na pigil niya ang sarili na hindi ito sundan at upakan. Naramdaman niyang tinapik siya sa balikat ni Pacheco. “Pasensiya ka na sa pamangkin ko, Carlos. Talaga lang malaki ang hinanakit niyan sa iyo. Ikaw lang kasi ang nakatalo sa kanya sa lahat ng bagay,” sabi nito sa kanya at umalis na rin. Umiling na lang siya. Wala na siyang ibang gustong sabihin. Gusto na lang niyang umalis sa lugar na iyon. “Umalis na tayo dito. Hindi ko kayang magtagal sa ganitong lugar,” sabi niya kay Arden at nagpatiuna ng umalis doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD