Nakita ni Emilio na napangiti ng mapakla ang kausap.
“Anim na buwan matapos kang dumating dito nagulat na lang ako ng magpaalam kayo sa akin na magpapakasal kayo. Ayoko talagang pumayag dahil alam kong darating ang panahon na ito at sigurado akong masasaktan ang kapatid ko pero,” hindi nito agad masabi ang gustong sabihin tapos ay tumingin sa bandang kusina kung saan naroon ang kapatid nito. “Mahal ka daw niya, eh. Kaya ang sabi ko, bahala na.”
Napatingin siya sa babaeng lumapit sa kanila na may dalang baso ng juice at inilapag sa kaharap nilang mesa. Tapos ay walang imik nitong kinuha ang anak sa crib at umalis sa lugar nila. Gusto niyang pigilan ang babae dahil marami siyang gustong itanong dito pero pinigil niya ang sarili. Tingin niya, masyado itong nasaktan sa ginawa niya ng pumunta ito sa opisina.
“Bumalik na ang alaala mo pero nakalimutan mo naman ang naging buhay mo dito,” patuloy pa ni Arden. “Siguro, mas makakabuti kung kalimutan mo na lang ang naging buhay mo dito sa loob ng dalawang taon na narito ka. Sa tingin ko, hindi ka naman basta – bastang tao at mukhang may sinasabi ang pamilya mo. Kalimutan mo na ang lugar na ito. Kalimutan mo na kami,” sabi pa nito sa kanya.
Pakiramdam ni Emilio ay para siyang napipi sa sinabing iyon ng lalaki. Oo nga at wala siyang maalala sa mga nangyari pero pakiramdam niya, hindi makakaya ng konsensiya niya na basta na lang talikuran ang naging buhay niya dito kahit ano pa man iyon.
“Excuse me but hindi naman yata puwedeng basta ganoon na lang iyon. Emilio has a past here and he needs to know what happened to him. Saka may pamilya siya dito so kailangan niyang panindigan iyon. Our parents will not allow it,” narinig niyang sabad ng kapatid niya.
Nakita niyang tumingin lang dito si Arden tapos ay sa kanya.
“Ikaw. Anong plano mo? Hindi ko ipipilit na panagutan mo ang kapatid ko dahil ayokong ipilit sa iyo ang dati mong buhay gayung alam ko naman na hindi mo alam iyon,” sabi pa nito sa kanya.
Napailing – iling lang siya ang sinapo ang nagsisimulang sumakit na ulo.
“Tulungan mo ako. Tulungan ‘nyo ako para malaman ko kung ano ang nangyari sa akin. In return, I’ll take care of your sister and her child. I’ll let them stay in our house. My parents would be glad to welcome them in our family,” sabi niya dito.
Nanatiling nakatingin lang sa kanya ang lalaki. Tila tinatantiya kung gaano katotoo ang mga sinasabi niya. Huminga ito ng malalim tapos ay tinawag ang kapatid nito.
“Anna!”
Nakita niyang lumapit ang babae sa kanila bitbit ang anak nito.
“Gusto ni Car – “ hindi naituloy ni Arden ang sasabihin at tumingin muna sa kanya. “Gusto ni Emilio na doon kayo ni Miggy tumira sa bahay nila,” sabi nito sa kapatid.
Nakita niyang nanlalaki ang mga mata ng babae sa narinig na sinabi ng kapatid nito.
“Ayoko! Hindi ako papayag! Kung nakita mo lang kung gaano ako ipinagtabuyan ng lalaking ‘yan. Hindi niya ako kilala. Walang silbi kung makikisama pa ako sa lalaking iyan,” narinig niyang sabi ng babae.
“That’s why I am here to know who you are. I want to know what happened to me. To us,” sabi niya dito.
Nakita niya ang pagkalito sa mukha ng babae. Tingin niya ay ganoon katindi ang epekto niya dito.
“Why don’t you stay here for a couple of days? I think mas makakabuting dito ka muna para mas mabilis na bumalik sa iyo ang alaala mo kasi dito ka naman talaga nag – stay ng two years,” suhestiyon ng kapatid niya.
“Sa tingin ko magandang ideya ang sinasabi ng kapatid mo. Ikaw. Ano sa tingin mo?” tanong ni Arden sa kanya.
Muli siyang tumingin sa babae at nakita niyang nakatitig lang ito sa kanya. Mabilis itong nagbawi ng tingin.
“Kung okay lang kay Anna walang problema sa akin. I am willing to stay here,” sagot niya.
Nakita niya ang pilyang ngiti ng kapatid niya at tumayo na ito.
“So it’s settled then. I’ll leave you here for now. Ako na ang bahalang mag – explain kina daddy kung anong nangyari. Dadalhin ko na lang din ang mga gamit mo dito,” sabi nito at akmang lalabas na.
“W – wait, Claire. You’re going to leave me here?” takang tanong niya sa kapatid.
“Brother, hindi na kailangang ipagpabukas pa ito. They can help you. And besides, I think you need to be with your son,” at muli ay napangiti ito. “And of course, your wife,” hindi na nito napigil ang mapahagikgik.
Napatiim – bagang na lang siya. Hindi na siya kumontra. Kailangan din naman kasi niya ito.
Nasa pinto na ang kapatid niya ng tila may makalimutan itong sabihin.
“Anna, it is nice to finally meet you. Your son is so cute. I can’t wait to see him again. Is it okay if I’ll bring my parents? I am sure they are excited to meet their apo,” sabi ng kapatid niya.
Gusto niyang batukan ang kapatid sa nakikitang ginagawa nito. He knows Claire is really playing cupid with him and this woman.
Nakita niyang tumingin si Anna sa kanya tapos ay sa kapatid nito.
“Kayo. Bahala kayo,” tanging sagot nito.
Lalong lumapad ang ngiti ni Claire at tuloy – tuloy ng umalis.
Hindi malaman ni Emilio kung ano ang gagawin ngayong siya na lang ang nandoon kasama ang dalawang taong kahit kailan ay hindi pa niya nakikilala.