Chapter Eleven

1174 Words
Habang pumaparada sa tapat ng isang maliit na bahay sa may Sta. Ana ay pilit na sinisilip ni Emilio ang hitsura ng paligid. Pamilyar din sa kanya ang bahay maging ang lugar at daan na dinaanan nila papunta sa bahay ng babaeng pumunta sa opisina niya. Sinunod niya ang utos ng kanyang mga magulang na puntahan ang babae at kausapin. Nag – file siya ng indefinite leave sa opisina. Wala pa rin naman si Felix kaya hindi pa sila makakapagharap na dalawa dahil nasa Singapore daw ito at hindi pa alam kung kailan ang balik. Pero alam niyang umiiwas lang ito sa kanya. Maging si Claire na nagpilit na sumama sa kanya ay panay din ang linga sa paligid. Alam niyang hindi sanay sa ganitong lugar ang kapatid kaya alam niyang kinakabahan ito. Hindi na nga siya pumayag na pati ang kanyang mga magulang ay sumama pa. Baka mas maging magulo kapag nakihalo ang mga ito. “Are you sure this is the place?” paniniguro ng kapatid niya ng makababa sila. “Ito ang ibinigay na address ni daddy,” sagot niya at isinusi ang sasakyan. “Carlos!” Pareho silang napalingon ng kapatid sa tumawag na lalaki. Alam naman kasi niyang siya ang tinatawag dahil walang ibang tao ng mga oras na iyon doon kundi silang dalawa lang ni Claire. Nakita niyang nakangiti sa kanya ang isang lalaki na parang kilalang – kilala siya. “Pare, tagal mong nawala, ah. Tagal ka nang hina – hunting ni Diego. Ikaw ang gustong makalaban sa kuwadra,” sabi nito sa kanya. Naguguluhan man sa sinasabi ng lalaki ay pilit siyang ngumiti. “H – ha? A, eh ano kasi-,” hindi niya malaman kung ano ang sasabihin niya. Napatingin ito sa gawi ni Claire. “Chick mo? Dinala mo pa dito? Baka gusto mong karnehin ni Anna ‘yan tulad ni Ruby. Kapatid yata ni Gabriela Silang ang asawa mo,” natatawang sambit nito. Pinilit niyang ngumiti. “Nandiyan ba siya? Si Anna?” nagpanggap na lang siyang alam niya ang mga sinasabi nito. “Nandiyan siguro iyon. Kakauwi lang namin ni Arden galing sa kuwadra. Si Arden kasi lahat ang sumalo ng mga laban mo. Galit na galit kasi si Pacheco dahil bigla ka daw nawala. Ikaw pa naman ang pambato noon sa mga big time niyang kliyente,” sabi pa nito. “Ano nga ulit ang pangalan mo? Pasensiya ka na, ha? Sa dami kasi ng iniisip ko nakakalimutan ko na ang mga pangalan ‘nyo. Minsan nga pati pangalan ng kapatid ko nakakalimutan ko na rin,” dinaan na lang niya sa biro para hindi ito makahalata sa kanya. “Benjie. Sobra ka naman. Pati ako kakalimutan mo na ako pa naman ang tulay mo kay Anna,” napatawa pa ito. “Biro lang naman iyon. Sige, dito muna kami.” Siya na ang pumutol sa usapan nila. “Ibalita ko sa kuwadra na bumalik ka na. Siguradong matutuwa ang mga fans mo.” Tumango lang siya para umalis na ang lalaking kausap. Nang mapatingin siya kay Claire ay nakita niyang nanlalaki ang mga mata nito sa pagkakatingin sa kanya. “Who are you the last two years?” tila hindi makapaniwalang tanong nito. Hindi na lang niya ito pinansin at kumatok sa pinto. Hindi niya malaman kung siya ba ang nagulat o ang babaeng nagbukas ng pinto. Kita niya ang pagkagulat sa mukha nito habang hawak nito ang natutulog na anak. Agad na pumako ang tingin nito sa kapatid niya at alam niyang hindi ito natutuwa na makitang may kasama siyang babae. “Hi. This is my sister Claire. Gusto kasi niyang sumama to meet you,” sabi niya. Nakita niyang bahagyang nag – iba ang timpla nito ng malaman na kapatid niya ang kasama. “Anong ginagawa mo dito?” seryosong tanong nito. “W – well, gusto ko lang sanang malaman kung anong nangyari sa akin. Kung paano tayo nagkakilala. Kung paanong naging mag – asawa tayo gaya ng sinasabi mo,” sabi niya dito. “Itinaboy mo na ako ‘di ba? Sabi mo wala kang asawa. Hindi mo ako kilala,” malamig na sagot nito sa kanya. “Anna, sino ‘yan? Kung si Benjie ‘yan sabihin mo mamaya na ang porsiyento niya,” narinig niyang sabi ng isang lalaki mula sa likuran ng babaeng kausap. “If you can just let me in para makapag – usap tayo ng maayos,” sabi niya sa babae. “Para ano pa? Wala na rin namang silbi na malaman mo pa ang tungkol sa amin ng anak ko. Huwag mo ng alamin kung anong nangyari sa iyo,” sabi nito sa kanya at akmang isasara ang pinto. “Anna!” narinig niyang saway ng lalaking nagsalita kanina lang. Ngayon ay nakalapit na ito sa kanila. Napakunot ang noo niya ng makita ang hitsura ng lalaki. Punong - puno ng pasa ang mukha at katawan nito. Walang ipinagkaiba sa hitsura niya ng magising siya noon sa ospital. “Carlos,” seryosong bati nito sa kanya. Pinilit niyang ngumiti. “Puwede ba kaming pumasok? Kailangan ko lang makipag – usap sa inyo,” sabi niya dito. “Sige pumasok kayo,” sabi nito. Napatingin siya sa babaeng Anna ang pangalan at alam niyang napipilitan lang ito ng buksan ang pinto. Tuloy – tuloy silang pumasok sa loob at kahit hindi pa sila pinapaupo ay umupo na sila. Minasdan niya ang loob ng bahay. Simpleng – simple lang iyon. Wala kahit na anong masyadong mamahaling kagamitan. Ang appliances na naroon ay tanging electric fan na nakatapat sa crib ng bata at isang katamtamang laki ng tv. “The girl is pretty and the kid, damn it. He exactly looks like you,” bulong ni Claire sa kanya ng makaupo sila. Minasdan niya ang babae ng ilapag nito ang bata sa crib at tuloy – tuloy itong tumungo sa kusina. Ang lalaking naroon ay naupo sa harap nila. “Ako si Arden. Kapatid ko si Anna. Ang batang nariyan sa crib ang anak ‘nyo,” walang kaabog – abog na sabi nito. Napatingin siya sa batang kagigising lang at naglalaro na ngayon sa crib. Mahigit isang taon na ang edad nito sa tingin niya. Nang tumingin sa gawi niya ang bata at ngumiti sa kanya ay hindi niya maipaliwanag ang saya na ibinigay noon sa kanya. “Nakita ka namin sa isang eskinita malapit dito. Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa iyo. Duming – dumi ka. Maraming sugat at may putok ka pa sa ulo. Dinala ka namin sa doctor. Nang magkamalay ka tinulungan ka namin na hanapin ang pamilya mo. Dinala ka namin sa barangay, sa mga pulis. Pero kahit sila ay hindi ka matulungan dahil kahit ikaw ay hindi mo alam kung sino ka. Wala kang maalala sa pagkatao mo kaya kinupkop ka namin. Hindi makakaya ng konsensiya ko na pabayaan kang magpalaboy sa kalsada sa ganyang kalagayan,” paliwanag nito sa kanya. “P – paano ko naging asawa ang k – kapatid mo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD