“Umiiyak ka na naman.”
Mabilis na pinahid ni Anna ang mga luha sa pisngi at humarap sa kararating na kapatid. Nanlumo siya sa nakitang itsura nito. Putok – putok ang mukha nito dahil sa bugbog. May tahi ito sa kaliwang kilay. Sigurado siyang kung titingnan niya ang katawan nito, maraming mga pasa at bugbog din.
“Kuya, hindi ka pa ba titigil? Nawala na si Carlos sa akin, pati ba naman ikaw? Mamamatay ka sa ginagawa mong iyan,” sabi niya sa kapatid.
Naupo ito sa sofa at tiningnan ang anak niyang mahimbing na natutulog sa crib.
“Anna, sana maintindihan mo, hindi ako basta – basta makakalabas sa trabahong ito lalo na nga at hawak ito ni Pacheco. Ako ang lahat ng sumalo sa mga laban na hindi na masisipot ni Carlos. Maraming humahanap sa kanya. Siya nga naman ang sikat na sikat sa kuwadra at napakaraming malalaking tao ang pumupusta sa kanya kaya lahat ng mga iyon ay nanghihinayang at bigla siyang nawala,” paliwanag ng kuya niya
Hindi siya nakakibo at mabilis na pinahid ang mga luha na tumulo sa pisngi niya.
“Alam mo naman kompromiso na ito. Nung nagsimula pa lang ako sa pagpasok sa kuwadra, alam mo naman na mahihirapan na akong makaalis. Saka malaki din naman ang kinikita ko dito,” sabi pa nito.
Ang kuwadra na sinasabi ng kanyang kapatid ay isang malaking bakanteng bodega sa Quiapo. Pag – aari iyon ng isang kilalang abogado sa Maynila at maraming koneksiyon sa mga pulitiko at pulis. Iyon nga si Daniel Pacheco. Ito ang nagpasimula ng mga bawal na laban na katulad ng mga napapanood niya sa tv na UFC o Ultimate Fighting Champion. Pero ang isang ito ay bawal dahil wala itong permit at ang alam niya ay hindi iyon legal sa batas. Minsan siyang nakapanood doon at talagang hindi niya kinaya. Walang proteksyon ang mga lumalaro doon. Kahit na ano ay puwedeng gawin. Isa sa mga sikat doon ang kuya niya tapos ng mapasali si Carlos, ito na ang naging paborito doon. Karamihan sa mga parokyano doon ay mga pulitiko at mayayamang businessman.
“Malaki nga ang kinikita mo pero mamamatay ka naman. Kuya, kung makikita mo lang ang hitsura mo. Nagpagamot ka na ba?” tanong niya dito.
Tumango lang ito. “Doktor ang kapatid ni Pacheco kaya na – check up din ako agad. Naroon si Diego at hinahanap si Carlos. May duda ako may kinalaman iyon sa pambubugbog sa asawa mo,” sabi pa ng kapatid niya.
Napahinga siya ng malalim. Dapat pa ba niyang isipin na asawa niya si Carlos? Hindi nga ba’t ipinagtabuyan siya nito ng makita siya at magpakilalang asawa nito? Hindi daw Carlos ang pangalan nito kundi Emilio Lorenzo.
Alam niyang darating ang araw na ito. Sa umpisa pa lang ng makita nila ng kapatid niya ang walang malay na katawan ng lalaki at iuwi sa bahay nila ay minahal na niya ito. Kinupkop nila ang lalaki dahil wala itong maalala sa buhay nito. Kahit ang sariling pangalan ay hindi nito alam. Hindi nga nito alam kung anong nangyari sa sarili nito at bakit napadpad sa lugar nila. Sinubukan nila noon na ipagbigay alam sa barangay at pulis ang kalagayan nito. Nagpa – ads pa nga sa diyaryo ang kapatid niya pero kahit isa ay walang naghanap sa lalaki.
Tumayo siya at binuhat ang anak na umiyak sa crib dahil nagising. Gusto rin niyang maiyak sa tuwing maiisip na wala na ang lalaking naging asawa niya sa loob ng isa’t kalahating taon. Mahal nila ang isa’t – isa. Alam niyang mahal na mahal siya ni Carlos. Kaya nga ito nasali sa kuwadra ay dahil sa kanya. Napilitan itong sumali doon para tigilan na siya ni Diego na matagal ng nanliligaw sa kanya noon.
“Makakaya natin ito, Anna. Kalimutan mo na si Carlos. Alam naman natin mula pa sa umpisa na darating ang panahon na iiwan niya tayo. Tutulungan kita para itaguyod kayo ng anak mo,” sabi ng kapatid niya.
Tuluyan na siyang naluha sa sinabing iyon ng kapatid. Napakarami na nitong sakripisyo para sa kanya. Hindi naman siya nito sinisisi kung nagpakasal man siya sa lalaki. Naiintindihan nito na minahal niya si Carlos sa kabila ng pagkalimot nito sa nakaraan. Pero makakaya ba niyang kalimutan ang lalaki?