PAKIRAMDAM ni Bianca, may kakaiba sa buong araw niya mula nang makapag-usap sila ni Ross. Hindi naging kainip-inip ang boring na trabaho niya bilang data encoder. At kahit halos walang tulog, puno pa rin siya ng enerhiya nang umuwi kinahapunan sa apartment na tinutuluyan nila ng kanyang ina.
Naisip ni Bianca na kung nasa bahay na ang nanay niya ay makikipagkuwentuhan muna siya rito bago matulog. Mula kasi nang magtrabaho ang ina kay Mrs. Charito, bihira na silang nagkakausap na mag-ina. Madalas kasi, kapag umuuwi ay wala pa ang kanyang ina. At dahil antok na antok na ay hindi na niya ito mahintay. Kapag gigising naman siya ng alas-nuwebe ng gabi para maghanda sa pagpasok sa coffee shop ay tulog na ang kanyang ina.
Kaya nang dumating sa apartment nila, napangiti si Bianca nang malaman na naroon na ang kanyang ina. “`Nay, nandito na ho ako!” malakas na anunsiyo niya.
“Nandito ako sa kusina, Bianca,” tila hirap na sagot ng kanyang ina, na nasundan ng pag-ubo at tila hinahabol na paghinga.
Napaderetso ng tayo si Bianca at na-tense nang muling umubo ang kanyang ina. Agad na napalis ang magandang mood kanina na dulot ni Ross. Binalot ng pagkataranta ang kanyang buong katawan. Dahil maliit lang naman ang kanilang apartment, nakarating agad siya sa kusina. Nakatungkod ang isang kamay ng nanay niya sa mesa habang nakatakip naman ang isa pang kamay sa bibig. Naging sunod-sunod ang pag-ubo nito at halatang nahihirapang huminga.
Mabilis ang naging kilos ni Bianca sa kabila ng matinding pagkabog ng dibdib. Tumakbo siya sa kanilang silid at kinuha ang nebulizer bago mabilis na bumalik sa kusina. Lumapit siya sa kanyang ina at itinapat sa bibig nito ang nebulizer. Paulit-ulit na humugot ng malalim na hininga ang nanay niya hanggang unti-unting kumalma.
“Ano’ng ginawa ninyo maghapon at sinumpong kayo ng asthma?” nag-aalalang tanong ni Bianca. Pinaupo niya ang ina sa silya at hinaplos ang likod nito. Nanlalamig ang kanyang buong katawan at nanginginig ang mga kamay.
Kahit buong buhay ay nasasaksihan niya kung paano umatake ang sakit ng ina, hindi pa rin nababawasan ang kanyang nerbiyos tuwing nangyayari iyon. Hindi basta-basta ang asthma ng kanyang ina. Matindi iyon kung umatake. Nahihirapan itong huminga at nangangasul ang buong mukha na para bang mawawalan ng malay anumang oras dahil hindi makahinga. Hindi iilang beses na itinakbo niya ang kanyang ina sa ospital noon kapag matindi ang atake ng asthma nito. Sinabihan na si Bianca noon ng doktor na alagaan ang kalusugan ng nanay niya dahil posibleng magkaroon ng komplikasyon kung mapapabayaan. Lalo na at medyo mahina raw ang puso nito.
“Sa ubo yata, anak,” paos na usal ng nanay niya. “Pabago-bago kasi ang panahon.”
Napahugot ng malalim na hininga si Bianca at umupo sa isa pang silya katabi ng kinauupuan ng kanyang ina. “Kaya ba umuwi kayo nang maaga ngayon?”
Tumango ito at pilit na ngumiti. “Napansin yata ni Mrs. Charito na hindi maganda ang pakiramdam ko kaya pinauwi na niya ako.”
Lalong nakaramdam ng pag-aalala si Bianca habang pinagmamasdan ang ina. Her mother was beautiful in a fragile way. Iyong tipo ng babaeng bumubuhay sa protective instinct ng mga lalaki. Ang kagandahang iyon ang tiyak na nakaakit sa tatay ni Bianca. Subalit, marahil nang mapagtanto na hindi nito kayang alagaan ang nanay niya habang-buhay ay basta na lamang iniwan. Kasama si Bianca sa tinalikuran ng kanyang ama. Kunsabagay, malaya ang tatay niyang gawin iyon dahil hindi naman kasal ang mga magulang. Hindi niya iyon alam noong bata pa siya. Noong lumaki lang siya ay saka sinabi ng kanyang ina ang katotohanan.
Napakurap si Bianca at bumalik sa kasalukuyan ang isip nang tumayo ang nanay niya. “Ipaghahanda kita ng makakain.”
Tumayo na rin siya. “Huwag na, `Nay. Ako na ang bahala. Magpahinga ka na.”
Marahan itong umiling. “Hindi. Palagi na lang ikaw ang may ginagawa sa pamilya natin. Dalawa na nga ang trabaho mo. Kayang-kaya kong ipagluto ka, Bianca.”
Napabuntong-hininga na lang si Bianca dahil kapag ganoon na ang usapan ay wala siyang laban. Ayaw niyang isipin ng kanyang nanay na wala itong silbi. Hindi niya hahayaan na maramdaman ng ina na hindi na ito kailangan, katulad ng ipinaramdam ng tatay niya noon.
“Sige na nga,” usal niya at muling umupo.
Ngumiti ang nanay niya at nagsimulang kumilos sa kusina. Mabagal subalit hindi siya nagreklamo.
“Kumusta ang araw mo? Ngayon lang uli tayo nagkaharap nang ganito,” sabi ng nanay niya.
Agad na gumitaw sa alaala ni Bianca si Ross. Napakagat-labi siya, nag-alangan, bago sa huli ay hindi rin nakatiis at pabuntong-hiningang umamin. “May nakilala akong lalaki.”
Natigilan ang kanyang ina at nanlalaki ang mga matang humarap sa kanya. “Talaga? Gusto mo ba siya? At gusto ka rin ba niya? Ano ang pangalan niya? Hitsura? Trabaho? Mabait ba?”
Natawa si Bianca sa sunod-sunod na tanong nito. “Kanina lang kami nag-usap, `Nay. Paano ko matatanong kaagad ang lahat ng `yan?”
Tinitigan ng nanay niya ang kanyang mukha, pagkatapos ay marahang ngumiti. “Gusto mo ang lalaking `yon. Nakikita ko sa kislap ng mga mata mo. Ngayon ko lang `yan nakita sa mga mata mo, Bianca.”
Hindi niya alam kung ngingiti o ngingiwi. Muli siyang napabuntong-hininga. “Hindi ko pa alam, `Nay. At hindi ko alam kung tama ba na hayaan kong mapalapit sa kanya.”
“Bakit naman?” nagtatakang tanong nito.
Nagbaba siya ng tingin. “Abogado raw siya.”
“O, ano naman kung abogado siya? Ayaw mo ba n’on, may maganda siyang trabaho?”
Pagak na natawa si Bianca. “Wala akong tiwala sa mga abogado, `Nay.”
Hindi agad sumagot ang nanay niya. “Hindi lahat ng abogado ay katulad ng tatay mo, Bianca.”
“Na ano? Na walang panahon sa pamilya? Na minsan isang linggo lang umuuwi sa bahay dahil masyadong abala sa trabaho? At kung uuwi naman, parang masama pa ang loob at napipilitan?” mapait na komento ni Bianca.
May dumaang tila sakit at guilt sa mukha ng kanyang ina. “Siguradong hindi naman gano’n ang lalaking nakilala mo. Sigurado akong hindi siya magiging gano’n.”
Nagkibit-balikat siya. “Bukod do’n, masyado siyang… guwapo, matalino, at mukhang mayaman. Hindi ko alam kung kaya kong sabayan ang isang lalaking katulad niya.”
“Bakit ba ang dami mong dahilan, anak? Magsisimula pa lang kayong kilalanin ang isa’t isa, ang dami mo na agad iniisip na problema. Talagang walang mangyayari kung umpisa pa lang, pulos pag-aalinlangan ka na. Bakit hindi mo muna hayaan ang sarili mong kilalanin siya?”
Nag-angat ng tingin si Bianca at sinalubong ang tingin ng kanyang ina. “Nag-iingat lang ako, `Nay.”
May kumislap na pang-unawa sa mga mata nito, na napalitan ng lungkot. May lumukob na guilt sa dibdib ni Bianca.
“Dahil ayaw mong matulad sa akin, gano’n ba?”
Nakagat niya ang ibabang labi at nagbaba ng tingin. Bumuntong-hininga ang kanyang ina. “Bianca, hindi ka matutulad sa akin. Siguradong hindi siya—”
Tumayo si Bianca. Ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol doon. “Tutulungan na kitang magluto, `Nay, para makakain na agad tayo. May shift pa ako mamayang gabi.”
Muli ay bumuntong-hininga na lang ang kanyang ina subalit hindi na nagreklamo pa. “Sige na nga. Sa totoo lang, gusto kong tigilan mo na ang trabaho mo sa coffee shop, Bianca. May kinikita naman na ako sa pagsama-sama ko kay Mrs. Charito. Delikado na nagtatrabaho ka sa gabi. Kahit pa may guwardiya kayo.”
Ngumiti si Bianca at umiling. “Okay lang ako, `Nay. Kailangan ko ang trabaho na `yon para mas mabilis akong makaipon. Gusto kong mag-aral.”
Niyakap siya ng kanyang ina. “Masuwerte ako na ikaw ang naging anak ko.”
Tila may bumikig sa kanyang lalamunan at nag-init ang kanyang mga mata. Ang tatay niya, naisip kaya na masuwerte itong naging anak siya? Malamang ay hindi. Dahil kung oo, hindi sana siya pinabayaan ng kanyang ama.