KUNG dati ay naiinip si Bianca sa kanyang shift sa coffee shop at hinihiling na sana ay mag-umaga na, mas matindi ngayon. Magkahalong antisipasyon at kaba ang kanyang nararamdaman habang hinihintay ang pagsapit ng alas-siyete ng umaga. Ganoong oras kasi dumarating si Ross sa coffee shop.
Sa kabila ng mga alinlangan, hindi pa rin mapigilan ni Bianca ang muling panabikan ang pagkikita nila ni Ross. Ang tanong, babalik pa ba talaga ang lalaki o hindi na? Sumulyap siya sa wall clock. Mag-aalas-sais na ng umaga. Matatapos na ang kanyang shift. Huminga siya nang malalim at pinag-igi ang pagtayo sa counter. Panay ang tingin niya sa labas ng coffee shop at nakahinga nang maluwag nang makitang dumating na si Abigail.
Ngumisi ang babae pagpasok pa lamang sa coffee shop. Lately, mas maagang pumapasok si Abigail. At alam ni Bianca kung bakit. May crush si Abigail kay Ross. Marahil ay nasasabik pumasok si Abigail para makita ang lalaki. Ngayon, alam na ni Bianca kung ano ang nararamdaman ni Abigail kapag pumapasok ito nang mas maaga.
“Magandang umaga, Bianca! Magpapalit na ako ng uniform sa dressing room, ha?” masiglang sabi ni Abigail.
“Sige. Hihintayin kita bago ako mag-out.”
Tumango ang babae at nagtungo na sa likurang bahagi ng coffee shop na kinaroroonan ng dressing room ng staff. Si Bianca naman ay ibinalik ang tingin sa entrada ng coffee shop. Ilang minuto ang lumipas nang matanaw niya ang isang sasakyan na pumarada sa parking space ng coffee shop. Bumukas ang pinto sa gawi ng driver’s seat. Sumikdo ang puso ni Bianca nang makitang bumaba si Ross mula sa sasakyan. Mas maaga si Ross kaysa karaniwang dating nito. Bigla siyang nataranta dahil suot pa rin niya ang uniform sa coffee shop. Nakapusod pa rin ang kanyang mahabang buhok na required sa trabaho. Hindi pa siya ang Bianca na inaakala ni Ross.
Nakita niyang tumanaw si Ross sa loob ng coffee shop mula sa glass wall. Mabilis na umupo sa sahig si Bianca upang hindi makita ng lalaki. Nanginginig siya sa pagkataranta. Ano ang gagawin niya? Hindi pa siya handa na ipaalam kay Ross kung sino talaga siya. Kahapon lamang sila nagkausap. Kasasabi pa lamang ni Ross na interesado ito sa kanya. Kapag nakita nito kung ano ang kanyang tunay na pagkatao, malabong maisip pa ni Ross na interesante siya.
Kaya bago pa makapasok si Ross sa coffee shop, nakaupo pa ring umalis ng counter si Bianca at mabilis na nagtungo sa dressing room. Bago siya tuluyang makapasok sa dressing room, narinig na niya ang tunog ng bumubukas na pinto ng coffee shop.
“Ano’ng ginagawa mo, Bianca?” nagtatakang tanong ni Abigail nang makita siya.
Tumingala siya at nakahinga nang maluwag nang makitang nakabihis na si Abigail. Agad siyang tumayo. “W-wala. Abigail, nasa labas na ang paborito mong customer. Puwede bang ikaw na ang humarap sa kanya?”
Namilog ang mga mata ni Abigail, halatang nasabik. “Si Pogi? Nandiyan na? Ang aga naman. Hindi pa ako nakakapag-makeup!”
Ngumiwi si Bianca at bumuga ng hangin. Kinakabahang sumulyap siya sa nakapinid na pinto ng dressing room na para bang maririnig sila ni Ross kahit alam niyang imposible iyon. “Hindi ko rin alam kung bakit ang aga niya ngayon,” usal niya.
“O, eh, bakit tumakbo ka rito sa dressing room? Ayaw mo siyang harapin? Mukha naman kayong close kahapon,” sabi ni Abigail. Kahit kasi crush nito si Ross, tanggap daw nito na si Bianca ang gusto ng binata. Naguguwapuhan lang daw talaga si Abigail kay Ross.
Bumuntong-hininga si Bianca at muling humarap sa katrabaho. “Ang alam niya, customer lang din ako ng coffee shop, hindi empleyado.”
“Hindi mo siya itinama?” nagtatakang tanong ni Abigail.
Umiling siya.
“Bakit?”
Napapahiyang tumawa siya nang pagak. “Abigail, maging makatotohanan tayo rito, ha? Guwapo at mayaman siya. Sa tingin mo, kung alam niya na empleyado lang ako rito, lalapitan niya ako at magpapakita ng interes sa akin? Hindi. Ang mga lalaking katulad niya, gusto ay babaeng kalebel nila.”
Napatitig si Abigail sa kanya. “Ganyan talaga ang tingin mo?”
Tumango si Bianca kahit tila may bumikig sa kanyang lalamunan sa isiping iyon.
“Hindi lahat ng lalaking guwapo at mayaman ay gano’n,” pagtatanggol ni Abigail kay Ross.
Mapait siyang ngumiti. “Pero may karanasan na ako sa ganoong klase ng lalaki.” Ang tinutukoy niya ay ang kanyang ama.
Napatitig si Abigail sa kanya. Sa unang pagkakataon, mula nang makilala ni Bianca ang babae, nakita niyang seryoso ang ekspresyon nito. “Pero kung hindi mo sasabihin sa kanya ang totoo, hindi ba pagsisinungaling `yon? Magsisinungaling ka sa kanya? Lalong walang mangyayari sa inyo kung sisimulan mo ang lahat sa hindi pagsasabi ng totoo, Bianca. Isa pa, base sa pagkakakilala ko sa `yo mula nang pumasok ako rito, hindi ikaw ang gano’ng tipo ng tao, hindi ba? At sa tingin ko, hindi ka rin duwag na magtatago nang ganito.”
Hindi nakaimik si Bianca dahil alam niya na tama si Abigail. Hindi naman talaga siya likas na duwag. Palaban siya mula pa noong bata. Kay Ross lang siya naging duwag. At alam niya kung bakit. Because he was a threat. Alam ni Bianca na posibleng matibag ng lalaki ang pader na ipinalibot niya sa sarili.
Paano sasabihin ni Bianca kay Abigail na natatakot siyang buksan nang lubusan ang sarili kay Ross? Na natatakot siya na hindi matanggap ng binata ang kanyang totoong pagkatao? Na natatakot siyang mawala ang interes ni Ross, pagsawaan siya, at basta na lamang iwan katulad ng ginawa ng tatay niya sa kanyang ina?
Dahil tama ang nanay niya, natatakot siya na matulad dito.
“Hay, masyado kang pessimistic, Bianca,” sabi ni Abigail at bumuga ng hangin. “Sige, ganito na lang, harapin mo uli si Pogi ngayong umaga, okay? Kapag niyaya ka niyang lumabas o kung ano pa man, pumayag ka. Kilalanin mo siya. Kapag sa tingin mo, gusto mong tumagal pa ang kung ano mang mayroon kayo, saka mo sabihin sa kanya ang totoo. Kapag hindi ka niya matanggap, eh, di iwan mo. Tapos ang usapan. Pero kung hindi pa rin siya mawala sa buhay mo pagkatapos n’on…” Ngumisi si Abigail at magaan na siniko siya sa tagiliran. “Huwag mo nang pakawalan. Good catch `yong si Pogi.”
Iyon lang at lumabas na si Abigail ng dressing room. Naiwan si Bianca na napapaisip, pagkatapos ay naging determinado. Susundin niya ang payo ni Abigail. Pero hindi tulad ng sinabi ng katrabaho, nagdesisyon siya na sabihin na kay Ross ang totoo ngayong umaga mismo.
Mabuti pa nga na malaman na niya kaagad kung ano ang magiging reaksiyon ni Ross kapag nalaman nito ang tunay niyang pagkatao. Parehong hindi masasayang ang oras nila. And Bianca would save herself from future heartbreak.