“HAVE you slept with her?”
Huminto si Ross sa akmang pag-inom ng brandy sa biglang tanong ni Jay. Nasa bar sila na nasa isang panig ng common area ng Bachelor’s Pad. Tatlo lamang sila nina Jay at Charlie sa bar. Gabi at iyon ang unang beses sa loob ng ilang linggo na napadpad si Ross sa common area. Maliban kina Jay at Charlie, ngayon lang uli niya nakita ang mga kapwa residente sa gusaling iyon.
Sa mahabang sofa sa gitna ng common area, nakatutok sa kanya-kanyang laptop sina Ryan Decena at Benedict Barcenas na parehong workaholic. Tuwing nakikita kasi ni Ross ang dalawa, madalas ay nasa laptop ang atensiyon ng mga ito. Ganoon nga siguro kapag namamahala ng sariling kompanya. May pag-aaring publishing company si Ryan habang si Benedict ay nasa real estate.
Si Trick Alfonso naman na pinakabata sa kanilang lahat ay may kausap sa cell phone sa tagong bahagi. Base sa seryosong ekspresyon sa mukha ni Trick, malamang na ang ama nito ang kausap. Sa tingin ni Ross, si Trick ang may pinakamahirap na sitwasyon sa kanilang lahat. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin nakakatakas ang lalaki sa manipulasyon ng ama. Kapag nakakakita si Ross ng ganoong tao, naipagpapasalamat niya na mula pa noon ay wala nang pakialam ang ama sa kanya.
Sa entertainment area, nanonood ng latest superhero movie sina Brad at Keith sa malaking flat screen. Kasama rin ng dalawa si Art na mas bihirang makita ni Ross kaysa sa ibang naroon dahil isang film director ang lalaki at palaging hectic ang schedule.
Speaking of Keith, na-corner kanina ni Ross ang lalaki upang tanungin tungkol sa menor-de-edad na janitor. Tinawanan siya ni Keith dahil kahit mukhang bata raw ang janitor, nasa tamang edad na raw iyon. Mukhang hindi naman nagsisinungaling ang lalaki kaya nakontento na siya sa sagot nito.
May ilang residente pa ang wala roon. Marahil abala sa kani-kanilang trabaho. Or maybe they were somewhere with their female companions. Higit sa lahat, wala sa common area si Maki Frias, ang may-ari ng Bachelor’s Pad. Sa katunayan, maliban kay Keith ay wala pa sa kanila ang nakakakita kay Maki.
Noong una, duda si Ross sa pagkatao ni Maki. So he did some research. Sa trabaho niya, madali lang iyong gawin. Subalit mahirap palang imbestigahan ang gaya ng isang Maki Frias. Ang nalaman lang niya ay bilyonaryo ang lalaki na mahilig maglaro sa stock market at mahilig mag-invest sa kung ano-anong negosyo. Hindi nalaman ni Ross kung bakit recluse si Maki. At mukhang walang balak si Keith na sabihin sa kanila.
“Ross, hindi mo na sinagot ang tanong ni Jay,” untag ni Charlie.
Bumalik ang atensiyon ni Ross sa mga kaibigan. “Who are we talking about?”
“Ang babaeng dahilan kung bakit nitong mga nakaraang araw, tuwing dumarating ka sa law firm tuwing umaga ay nakangisi ka at parang nakalutang,” sagot ni Jay.
Umangat ang mga kilay ni Ross subalit agad namang napangiti. Lalo na at gumitaw sa kanyang isip ang magandang mukha ni Bianca. At lalong lumuwang ang kanyang ngiti nang maalala ang naging pag-uusap nila ng babae kaninang umaga. Nang makausap niya si Bianca, nakumpirma ang kanyang hinala. God, she was perfect. Mukhang anghel si Bianca. But underneath that perfect face, Ross saw the fire blazing just beneath the surface. That fire licked his skin, making him hot all over. And yes, aroused. Lalo na nang mahuli niya kung paano titigan ni Bianca ang kanyang mga labi, na para bang gusto ng babae na iparaan ang mga daliri nito sa kanyang mga labi. Nang mga sandaling iyon, nakapagdesisyon si Ross…
He would have her.
Desire. Alam ni Ross na iyon ang nararamdaman niya para kay Bianca. Subalit nang maglapat ang mga kamay nila at makausap ang babae, nasiguro niya na may kahalong ibang pakiramdam ang pagnanasang iyon. Hindi pa lang niya alam kung ano ang tawag doon. It was just the faintest bit of unexpected emotion.
“See? `Ayan na naman ang ngisi mo. Seriously, it’s creepy,” puna ni Charlie.
Natawa si Ross. “Paano naman kayo nakasisiguro na babae nga ang dahilan kung bakit maganda ang mood ko lately?”
Tila nang-iinis na tumawa sina Jay at Charlie.
“Come on, kilala ka namin, Ross. Walang magpapaganda ng mood mo kundi babaeng nakakuha ng interes mo,” pambubuska ni Jay.
“At lalong malabong trabaho ang dahilan. Your practice is boring,” sabi naman ni Charlie.
“Hey, that’s below the belt. Gusto ko ang civil law, okay? Hindi man kasing-exciting ng criminal law ang practice ko, marami pa rin akong natutulungan,” defensive na sabi ni Ross. Criminal law kasi ang pina-practice ni Charlie. Doon nakukuha ng kanyang kaibigan ang adrenaline high na gustong-gusto nito. Siya ay mas gustong makatulong noon pa man sa mga taong naaagrabyado ang karapatan. Sa Amerika, divorce cases ang madalas na kasong hawak niya. Tumutulong siya sa mga babaeng gustong lumabas mula sa unhappy marriages. Sa ganoong paraan, kahit paano, pakiramdam niya ay parang ang kanyang ina ang tinutulungan.
“That’s not even our topic of conversation,” naiiling na komento ni Jay.
Ah. Balik na naman doon ang usapan. Ang kaso, parang ayaw sabihin ni Ross sa mga kaibigan ang tungkol kay Bianca. “Just a woman I met somewhere,” sagot na lamang niya.
Nagkatinginan sina Jay at Charlie.
“So, kumusta naman siya? Was she good? I bet she was, kung para kang naka-drugs lately,” muling pambubuska ni Jay.
Nawala ang ngiti ni Ross. May lumukob na iritasyon sa kanyang dibdib sa kahulugan ng sinasabi ni Jay. May malisya sa tono ng boses nito. Napagtanto ni Ross na hindi niya gustong pag-usapan si Bianca sa ganoong paraan.
Pero iyon naman talaga ang gusto mong mangyari, hindi ba? You want to sleep with her. Badly. anang isang bahagi ng kanyang isip.
Pero naiinis pa rin si Ross. So, ano ang gagawin niya? Makikipag-away sa mga kaibigan dahil sa usapan na palagi naman nilang ginagawa noon? Siyempre, hindi alam nina Jay at Charlie na apektado siya dahil noon naman ay hindi, kahit pag-usapan nila ang mga babaeng dumadaan sa kanyang buhay. Ni hindi nga niya alam kung bakit siya apektado ngayon. Damn it.
“I haven’t slept with her yet,” matipid na sagot na lang ni Ross, pilit na kinokontrol ang sarili upang huwag magalit.
“Hindi pa?” nakataas ang mga kilay na tanong ni Charlie. “Nahihirapan ka sa kanya?”
“Yes,” muli ay matipid niyang sagot.
Nagkatinginan sina Jay at Charlie, halata ang pagkamangha sa mga mukha.
“Wow! She must be something,” bulalas ni Jay na halatang bumilib sa babaeng pinag-uusapan nila.
Muli nang napangiti si Ross. “Yes, she is.” Hindi pa niya lubusang kilala si Bianca subalit plano niyang kilalanin nang mabuti ang babae. Lalo na at sa loob ng isang linggo na palaging nakikita si Bianca ay may nasisilip siyang lungkot at pait sa mga mata nito paminsan-minsan. Gusto niyang alamin kung ano ang ibig sabihin niyon.
Gusto ring malaman ni Ross kung bakit ayaw ni Bianca sa mga abogado. Gusto niyang alamin ang lahat ng tungkol sa pagkatao ng dalaga. Maybe it had something to do with his being a lawyer, this undying curiosity he felt about Bianca. Or maybe it was something else. Subalit saka na niya ia-analyze ang sarili. Si Bianca muna ang pagtutuunan niya ng pansin.
Bukas, pangako ni Ross sa sarili. Pupunta uli siya sa coffee shop. Mas aagahan niya para mas matagal silang magkausap ni Bianca. Sayang, nakalimutan niyang itanong kung anong oras nagpupunta ang babae sa coffee shop. Kunsabagay, hindi rin siya sigurado kung sasagutin ni Bianca ang kanyang tanong. Sa dami ng itinanong niya kanina, kaunti lang doon ang sinagot nito. Hindi bale, kapag nauna siya ay hihintayin niya si Bianca. She was a mystery he wanted to unravel. And he was going to love every minute of it.